PACC NAGBABALA

FOR THE FLAG

Karaniwang malaking pahirap sa taumbayan ang proseso ng pagrerehistro ng isang negosyo.

Sa maliliit na negosyo nangyayari pa ngang nalugi na muna ang pamumuhunan bago pa man marehistro, kaya narerehistro ang mga ito pero wala na ang kapital.

Kinakikitaan ang kakulangan ng suporta ng i-lang local government unit sa mga maliliit na nais makapagsimula sana ng negosyo habang ang malalaking negosyante naman ay nauuwi sa suhulan.

“We call on local chief executives or local government units (LGUs) to adjust and streamline their processes in accordance with the Ease of Doing Business and Delivery of Government Service Act of 2018, especially now that the Implementing Rules and Regulations had been approved,” pahayag ni Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner (PACC) Manny Luna.

“Despite the passage of the law and the issuance of the IRR, my office  has been receiving reports that some LGUs, especially municipalities, have yet to comply with RA 11032 or the ‘Ease of Doing Business Law,’ and a number of them happen to be in the Visayas and Mindanao,” pahayag pa ni Luna.

“As Commissioner In-charge of the Visayas and Mindanao and as Member In-charge of the Monitoring and Technical Service of the PACC, I will do everything within my authority to ensure that not a single LGU will be left behind in terms of compliance with the Ease of Doing Business Law, and that those found to be wanting will be investigated pursuant to our mandate under EO 43, s. 2017, as amended by EO 73, s. 2018.”

“Tutulungan po namin ‘yung hindi pa compliant sa batas pero ‘yung mga matigas ang ulo at patuloy na pinapahirapan ang ating mga mamamayan ay iimbestigahan at kakasuhan, after observance of due process.”

“Sisimulan po natin ang pag-monitoring sa piling lugar ng Visayas at Mindanao ngayong Oktubre ng kasalukuyang taon,” pagdedeklara pa ni Luna. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

Please follow and like us:
Read More

PANAGINIP

FOR THE FLAG

Sabihin na lang nating may isang panaginip. May tatlong taong naulinigan kong pinag-uusapan ang aking kasama, hindi maganda ang mga salitang namumutawi sa kani-kanilang mga bibig. Hindi ko naawat ang aking kasama, sinita ng kasamang maestro ang tatlong taong siya mismo ang pinag-uusapan. Aalmahan siya ng tatlo kaya buong agap na akin siyang ipinakilala. Kumalma ang tatlo. Nakilala siya.

Umalis kami ng maestro, kasama ang isang musa. Sumakay kami ng bus papunta sa isang destinasyon. Nakatayo lamang kaming tatlo sa bus. Maya-maya napansin naming hindi na kumikilos ang bus, mabigat na ang trapiko. Nagdesisyon kaming bumaba ng bus, naglakad na lamang kami ng maestro kasama ang musa. Alam ng maestro ang daan patungo sa pupuntahan. Alam niya kung papaano makakaiwas sa mabigat na trapiko sa pamamagitan ng aming mga paa. Umiwas kami sa matinding pila ng mga sasakyan sa pamamagitan ng paglalakad.

Sabihin na lang natin na ang tatlong tao ay tatlong taong espekulasyon at pagprotekta sa naipundar na kaya na¬kilala, kaya nang sambitin ang ngalan niya ay kumalma. Ito ay nangyari sa kalye lamang, ang pag-uusap ng tatlong tao, ang pagkompronta, sa kalye lamang na kung tutuusin ay kung saan mismo rin nagsimula ang unang pag-usbong ni maestro, sa kalye ng siyudad, sa kalye ng oportunidad. Kumalma ang tatlo na ipinagpalagay na tatlong taon, humupa sa pagkakadepensa, sa tatlong taong marami ang naging usap-usapan sa naipundar na hindi nagustuhan ng maestro kaya kanyang minabuting lapitan ang tatlo at komprontahin.

Kailangang bumalik kung saan nagmula, kung saan umusbong ang pag-ibig ng maestro, kung saan inihulma ang isang pusong pumalaot sa masalimuot na mundo ng mga siyudad. Kung saan may gumagawa ng mabigat na trapiko, kung saan nalimutan yata ang itinuturo ng mga uniber-sidad na mga sistemang tutulong sa pag-usad ng pamayanan. Kung saan nakasakay ang maestro, musa at ako. Kung saan bumaba kami upang gamitin ang aming mga paa, mga paang ginamit din sa pagsisimula ng pag-usbong, pagyabong at pagpupundar na sa bandang huli ng parabola ay aatakihin ng espekulasyon ng tatlong tao na ipinagpalagay na tatlong taon.

Hindi iyon alintana ng aming paglalakad ni maestro na halos sayaw ang mga paghakbang dahil sa saya ng pagtungo, sa pamamagitan ng pinagmulang paglalakad papunta sa ngalan at yakap ng pinag-usbungan. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

Please follow and like us:
Read More

INANG-BAYAN

FOR THE FLAG

Sisikat din ang araw bayan ko, malilipol din ang mga demonyong sumuso sa kinabukasan ng mga kabataan, mga kampon ng demonyong hinubadan at kinalbo ang mga bundok at kagubatan, lalabas din ang wika ng paglaya na pupunit sa korapsyong bumabalot sa kaluluwa ng bansa.

Bubukas din ang hawla ng pagkakakulong sa sumpa ng trapiko, lalandas din ang mga eroplanong magbabalik sa mga mahal sa buhay mula sa pagpapaalipin sa ibayong dagat.

Bubukadkad na muli ang bango ng kaluluwa ng tunay na pagka-Filipino, matutuwang lalanghapin ng langit ang bango ng kanyang kababaang-loob at buti.

Makapaglalaro na ang mga bata sa kanilang tahanan at palaruan, walang bagabag na dadapo sa damdamin, mawawala rin ang kahihintakutang mga demonyong mapanghusga.

Sa ikatlong milenyo ipinangako ang pagsikat na muli ng araw, aking inang-bayan, ikaw na nga ikaw ang bansang titingalain ng lahat, ang perlas ng silanganan.

Mahihiya ang mga kampon ni Satanas sa buti mo, ina, mapapahiya ang mga mandarambong na nagsipagtago ng mga nakaw na yaman sa Hong Kong at Switzerland.

Itutuwid ng araw ang iyong kasaysayan, kung saan nagkulang si Dr. Jose Rizal at ang kanyang mga kabarong mga bayani, itong panahon na ito pagpupunuan, ilalantad ang mga mapang-api, ang mga nagsasamantala ay mabubulgar, ang mga naglinis-linisan ay lalagyan ng ibayong pighati.

Ang mga mapagmataas ay igugupo ng bigat ng kanilang pagkakasala, ang mga naglunuy-lunoy sa kasaganaan habang ang 99 milyong Filipino ay nanganga­gutoman at nagdidildil ng asin, sila ay ibabaon sa kasaysayan ng walang kabuluhang pagkapalalo.

Ang mga dagat na nilason ng pagkagahaman, ang mga lupaing pinagpigaan ng dugo ng mga inosente at ang hanging binugahan ng nakamamatay na kasinungalingan ay nag-aalburuto, dumadagundong ang piglas ng mga pusong namimighati, naghahanap ng katarungan.

Makasusumpong na ang bayan ng kapahingahan, ang mga nanloko ay ihaharap sa husgado ng buhay, ang talim ng karma ay lalo pang pinatalim, babagsakan ng hustisya ang mga dapat bagsakan.

Inang-bayan, malapit na, hayaang akin kang ipagharana, sa munting awit na pitak na ito, pagmamahal ng anak sa kanyang ina. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

Please follow and like us:
Read More

JOSE L. PAVIA HUWARANG MEDIAMAN

FOR THE FLAG

Minsan may isang beat reporter na naibulalas na walang nangyayari kaya wala siyang nai-file na istor-ya, isang mortal sin ito sa larangan ng pamamahayag. Naulinigan ito ng yumaong batikang journalist na si Joe L. Pavia, o JLP, at sa termino namin noon nabembang ng katakut-takot ang nasabing reporter.

Para sa isang mamamahayag na katulad ni JLP walang imposible sa larangan ng journalism. Minsan naikwento niya ang isang batikan ding komentarista na si Ruther Batuigas na nagsilbi sa kanya bilang photo-journalist noong nagsisimula pa lamang si Batuigas sa industriya.

Binigyan ni JLP ng assignment si Ruther na i-cover ang opening ng Lagusnilad sa Siyudad ng Maynila. Doon pa lamang sa simpleng assignment na iyon, napatunayan ni Ruther na may kakaiba siyang abilidad sa pag-cover ng isang event.

Kinabukasan kasi, ang litrato ni Ruther ang pinaka-kakaiba sa lahat. Bakit kakaiba? Lahat ng kuha ng ibang photographer ay nasa eye-level lamang, ngunit ang kuha ni Ruther ay bird’s eye view at nakaumang na kitang-kita ang lagusan ng Lagusnilad mula sa angkop na lebel ng taas. Paano nagawa ni Ruther ito? Ang siste, humiram ng isang fire-truck ang noon ay pasibol pa lamang na journalist at gamit ang ladder ng naturang sasakyan ay nakakuha siya ng magandang anggulo na orihinal at walang katulad.

Maraming journalist ang dumaan sa inspiradong pagtuturo ni JLP, at maswerteng isa na ako roon. Ayaw ni JLP ng istorya o litrato na katulad ng lumalabas sa ibang dyaryo. Dahil feature writer ako noon, nakatulong nang malaki ang mga inspiradong kaalaman na ipinamamahagi ni JLP sa amin noon.

Ilan sa pinakamagagaling na photographer na dumaan kay JLP ay sina Allan Penaredondo at Rene Dilan. Mga pawang one-man army ang diskarte ng mga iyan.

Bago pa lamang ang Internet noong dekada 90, kung patakbuhin ni JLP ang newsroom namin noon ay parang control center ng Startrek. Technology-driven ang aming operation at ang lahat ay may kakaibang kontribusyon sa pangangalap at pagkikinis ng mga materyales na aming ginagamit at ipinamamahagi sa aming mga subscriber sa bansa at ibayong dagat araw-araw.

Kailangan ng Philippine media na maalala at maitalaga sa kanyang kasaysayan ang mga katulad ni JLP, na nararapat lamang na idolohin at gawing ehemplo para sa ikatataas pa ng kalidad at integridad ng pamamahayag sa bansa. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

Please follow and like us:
Read More

ANG TRAHEDYA NG OFWs

FOR THE FLAG

Inuwi kamakailan ang mga bangkay ng dalawa sa tatlong overseas Filipino workers na biktima ng serye ng mga pagpatay sa bansang Cyprus. Ang isang bangkay ay naiwan pa roon samantalang ang bangkay ng isang anim-na-taong gulang na bata na pinatay kasama ang kanyang ina ay dinala naman sa bansang Romania sa piling ng kanyang ama. Trahedya para sa Pilipinas ang ganitong mga pangyayari, nang dahil lamang sa kagustuhang maiangat ang pamilya sa paghihirap ay pikit-matang nangarap na makasumpong ng pagkakakitaan sa ibayong dagat.

Tinatantiyang nasa 10 milyon ang overseas Filipino workers sa buong daigdig, kasama na riyan ang mga undocumented, ibig sabihin 10% ng populasyon ng Pilipinas na pawang mga nangakalat at nalayo sa kani-kanilang mga mahal sa buhay.

Hindi kukulangin sa P20 bilyon kada buwan ang remittance ng mga OFWs na malaki ang kontribusyon sa paggalaw ng a­ting pambansang ekonomiya, kapalit ang mga nangangawasak na mga pamilya, mga anak na nalululong sa barkada at droga, bumabagsak na moralidad at naliligaw na kaisipan ng mga bagong henerasyon.

Ganyan kalupit ang kasaysayan ng Pilipinas, dahil sa kagustuhang mabigyan ng laban sa buhay ang kani-kanilang pamilya sa gitna ng matinding kahirapan at kawalan ng masumpungang pag-asa sa bansa, isinusugal ang buhay at pamilya sa pagbabaka-sakali sa ibayong dagat.

Ang mga Filipino ang pinaka-cosmopolitan na nasyon sa buong daigdig. Nangakalat ang mga kapwa-Pinoy kahit sa Estados Unidos o Saudi Arabia man hanggang sa mga maliliit na isla sa Micronesia.

Walang parte ng daigdig na walang Filipinong naghahanap-buhay sa mga iyon. Dahil sa salat ang bansang sagana dapat. Sagana sa buhay ang mga lupain, kagubatan, kabundukan, karagatan at mga ilog ngunit pinakikinabangan lamang ng iilan, ng oligarkiya na patuloy na dumarambong sa kayamanan ng bansa at humahagupit sa mga inaaliping Filipino.

Walang masumpungang benepisyo at magandang serbisyo sa kabila ng trilyun-trilyong pisong pambansang taunang bud­get ng pamahalaan. Pinanatiling dukha ang Filipino ng oligarkiya na sumisimsim sa yaman ng mga lupain, kung saan ang batas at pagpapatupad ng mga ito ay nakakiling sa mga mayroong yaman at yumayapak sa mga mahihirap.

Kailangan ng mga Filipino ng isang rebolusyon sa pag-iisip at pag-unawa na ang bansa ay kanila at ang lahat ng yaman niyaon. Na ang Pilipinas ay mana nila mula sa kanilang mga ninuno. Na ang Pilipinas ay ang bukod-tanging bahagi nila sa daigdig. Na ang gobyerno ay kanila, na nilikha nila upang pagsilbihan sila, sa kanilang mga hangarin at mithiin. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

Please follow and like us:
Read More

ANG PANANAMPALATAYA

FOR THE FLAG

Ang daigdig ay isinagawa at nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng salita at pananampalataya.

Ito ay ebidensya ng bagay na hindi nakikita.

Ang mga tao ay may iba’t ibang pananampalataya, iba’t ibang relihiyon. Ang bawat isa ay  naninindigan na ang kanyang relihiyon ay ang siyang totoo. Sa mga Kristiyano pa lamang ay hindi mo na mabilang ang mga sekta o mga relihiyong pumapaimbulog sa buhay, kamatayan at mu­ling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ito nga, magpapasko na naman at ating inaalala at ipinagbubunyi ang kanyang paglakad sa daigdig mahigit dalawang libong taon na ang nakararaan.

Bukod sa Kristiyanismo nandiyan din ang Judaism at Islam, maging ang Buddhism, Jainism, Hinduism at Si­khism. Sa ating bansa ay mayroon pang Rizalista at Philippine Independent Church. Maraming relihiyon na pinapasok ng mga tao na ang layunin ay ang mapalapit sa Maylikha.

Hindi natin tinatalakay ito ngayon sa ating munting pitak upang tuusin kung sino at hindi ang totoong relihiyon. Paano natin papansinin ang dumi sa mukha ng isa nating kapatid samantalang may mas malaking duming nasa ating mukha?

Ngunit ano nga ba ang silbi ng isang tao kung wala siyang pananampalataya? Ang sagot diyan ay wala. Walang silbi ang isang taong walang pananampalataya. Ang bawat isa sa atin ay nasa biyahe ng sariling pagkakakilanlang espiritwal. Sa Kristiyanismo, kilalanin lamang si Kristo ay makikilala na rin ang sarili. Madaling sabihin ngunit napakahirap gawin, kaya nga may panalangin. Dasal upang makamit ang maka-Diyos na pang-unawa.

Saan nga ba nanggagaling ang pananampalataya? Sa katawan ba? Sa isip? Sa kaluluwa? Sa damdamin? Kakulangan ng pananampalataya kung kaya lumubog ang apostol na si Pedro nang tangkain niyang maglakad sa ibabaw ng tubig patungo kay Kristo noon.

Napakahiwaga ng pananampalataya, magagawa pala nito ang imposible. Ayon na rin sa Bibliya, kung ang isang tao ay may pananampalataya na sinlaki man lamang ng buto ng mustasa ay sapat na ito upang pagalawin ang bundok mula sa kinatatayuan nito.

Kung hindi nanggagaling lamang sa katawan, isip, kaluluwa o damdamin ang pananampalataya ay saan ba ito nagmumula? Ang pananampalataya ay nagmumula sa kabuuan ng pagkatao, ito ay mula sa katawan, isip, kaluluwa at damdamin. Kabuuan at hindi patse-patse. Ito ay hinihiling din sa Maykapal, ito ay biyaya para sa kabuuan ng isang pagkatao na dapat sana ay kapalaran ng bawat isa. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

Please follow and like us:
Read More

BILYUN-BILYON TUNAW SA YELLOW

FOR THE FLAG

Hinihimok natin ang liderato ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bigyan din ng atensyon ang napabalitang bilyun-bilyong pisong nawala sa kaban ng bayan noong nakaraang administrasyon.

Sa totoo lang, hindi naman naarok ng mga kababayan natin ang mga pigurang P130 bilyon o P19 bilyon man. Sa mga nagsisikap mabuhay sa halagang P44 kada isang araw, na halaga ng isang kilong bigas, wala pang ulam ‘yan at gaas o uling man para pangluto, kapag binabanggit natin ang ganyang kalaking halaga ng salapi e medyo lampas sa radar nila.

Ang nawawalang P130 bilyon ay maaalalang ibinunyag ni Sen. Ralph Recto noon, at ang halagang kanyang bina-banggit ay patungkol sa P170 bilyon Malampaya Fund.

Ang Malampaya Fund po ay madalas nating naririnig, kasama na diyan sa imbestigasyon ukol sa tinatawag na Janet Napoles Scam kung saan ilang bilyon din ng pondo mula sa Malampaya Fund na para sana sa mga mahihirap nating kababayan ay naibulsa lamang ng iilan, sa tulong ni Napoles.

Ang Malampaya Fund ay ang kabuuang pondong mula sa royalties galing sa oil at gas field operations sa karagatang matatagpuan bandang Palawan. Matapos ang termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo may iniwan siyang mahigit sa P136 bilyon sa Malampaya Fund. Minana ito ng sumunod na administrasyon. Base sa mga ulat noon, lumobo sa P170 bilyon ang Malampaya Fund. Ayon sa record naman ng Department of Budget and Manage-ment, P25 bilyon ang nagastos ng administrasyon ni GMA mula dito at P15 bilyon naman ang nagastos ng nakaraang administrasyon o kabuuang P40 bilyon. Ang tanong, nasaan ang sukling P130 bilyon?

Samantala, si dating senador Francis Escudero naman ay may hinahanap ding pondo noon, ito naman ang P19 bilyon na inutang naman ng bansa mula sa Asian Development Bank (ADB) upang ipantustos sa Conditional Cash Transfer program ng pamahalaan ni Ginoong Noynoy. Ang P19 bilyon ay 30% ng total na nai-release sa Department of Social Welfare and Development para sana sa milyun-milyong mahihirap na pamilyang Filipino sa ilalim ng nakaraang ad-ministrasyon. Agad-agad namang nagpaliwanag ang ADB na ang datos na ginamit ni Escudero ay mula pa sa 2009 na ginawang pag-aaral ng Philippine Institute of Deve­lopment Studies (PIDS).

Bilyun-bilyong piso po ‘yan na dapat ay maibalik sa mamamayan. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

Please follow and like us:
Read More

ANYARE SA TAX CREDIT SCAM?

FOR THE FLAG

Mukhang nagkakalimutan na ukol diyan sa multi-bilyon pisong tax credit scam.

Maipaalala ko lang mga kabandila, 1999 hanggang 2001 ako’y nagsilbi bilang press consultant sa Philippine Board of Investments (BOI), isang ahensya ng pamahalaan na naatasang mag-promote ng investment climate sa bansa at humimok ng investors mula sa iba’t ibang nasyon.

‘Yan ding mga taong nabanggit ko na ang isa sa suliranin ng BOI ay ang pagkakadawit nito sa multi-bilyon pisong tax credit scam, na maya’t maya ay naipupukol sa imahe ng ahensya, bagaman sa Department of Finance ito pinal na nai-re-release ay mayroong One Stop Shop sa BOI kung saan ang inquiries at initial na pagpoproseso sa claims ay inihahatag.

Ilang mga opisyal ng DOF at mga pribadong kompanya noon ang nakasuhan ukol sa may higit P9 bilyon na ano¬malya na inipon sa mga bulsa ng mga nagsabwatan mula taong 1992 hanggang 1998. Ngunit namahika ang mga kaso, puro na-dismiss ng Korte Suprema ang plunder charges na ikinaso sa mga DOF officials at ang katangi-tanging na-convict ng Sandiganbayan ay ang isang corporate secretary ng isang pribadong kompanya sa kasong graft na ang involved na halaga ay higit P1 milyon lamang.

Maliwanag, ang maliit na isda iprinito, ang malalaking isda at mga buwaya ay pawang pinakawalan.

Kamakailan naman, nadiskubre at ibinunyag ni DOF Secretary Sonny Dominguez na may P11 bilyon tax credit scam na naman sa departamento. Ang tax credit scam ay direktang pagnanakaw sa kaban ng taumbayan at direktang panloloko sa mamamayan.

Pinapayagan ng tax credit certificate na nagsisilbing salapi rin na ipambayad o ipang-awas ang mga nasabing certificate sa kani-kanilang mga dapat bayaran na buwis sa gobyerno. Ngunit dahil sa sabwatan ng mga opisyal ng DOF at mga pribadong kompanya ay nakakapag-isyu ng tax credit certificates sa mga bogus na claims kapalit ang under-the-table at iba pang konsiderasyon na sila-silang mga nagtransaksyon na lamang ang nakaaalam.

Bakit muling nangyayari ito? Kasi nga pinalusot ng ating mga korte, lalung-lalo na ng Korte Suprema ang mga nasangkot na executives noon ng DOF at maging ang mga may-ari ng mga kompanyang sangkot.

Dapat tutukan ito ni Sec. Dominguez kung hindi ay paulit-ulit na mangyayari ito, at nararapat ding imbestigahan ang mga korteng humawak dito, maaaring nakinabang ang ilang mga husgado rito maging ang ilang mahistrado ng Korte Suprema. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

Please follow and like us:
Read More

POLITIKA SA LANSANGAN

FOR THE FLAG

Mali nga naman talaga ang mga nagtitinda sa mga bangketa at lansangan na karaniwang nakikita natin sa mga lugar ng palengke at talipapa. Mali talaga, ilegal ‘ika nga. Kaya tama ang Metro Manila Development Authority, mga barangay police, city hall officers at mga pulis na pagbabaklasin at paghuhulihin ang mga ito.

Kahit na nga nakakaiyak silang panooring nagtatakbuhan at kapag nahuli ay kumpiskado lahat ang kani-kanilang mga paninda, naiisip mo rin na kung nagagawa natin sa kanila ang ganyan dahil nga ilegal ang kanilang pagtitinda dahil wala sa ayos at sa regulasyon, kung bakit naman nananatiling nagagamit ng mga pribadong sasakyan na paradahan ng sasakyan ang mga pampublikong lansangan?

Nakikita naman natin ang effort ng MMDA na sawayin ang mga naka-hazard sa mga kalyeng daluyan ng mga sasakyan, ngunit kung ikukumpara sa trato sa mga vendors e mukhang malaki ang pagkadispalinghado.

Isang ikot mo lang sa buong Metro Manila e alam mo na daan-daang mga sasakyan ang pawang mga ilegal na naka-park sa mga lansangan.

Kung ang purpose ng panghuhuli sa illegal vendors ay magkaroon ng matinong daluyan ng mga sasakyan sa mga lansangan, ay ganun din ang prinsipyo sa likod ng pagbabawal sa mga naka-park na ilegal sa mga lansangan, kasama na ‘yang mga naka-hazard sa major thoroughfares.

Bakit parang kapos sa political will pagdating sa private vehicles, ngunit kapag sa mga maliliit na vendors ay walang habas natin silang pinapalayas sa kani-kanilang pagtitinda?

‘Yan ang hamon natin sa mga kinauukulan, na maging patas at magkaroon ng political will na ipagto-tow rin ang mga sasakyang haharang-harang sa mga lansangan. May mga permit ba ang mga ‘yan na pumarada sa mga kalyeng ‘yan? ‘Di ba wala rin?

Isipin mo mga kabandila, gigising nang pagkaaaga ng mga kababayan nating vendors, maliligo, magbibihis, aayusin ang mga paninda, pakakainin ang pamilya, bago itutulak ang kani-kanilang mga kariton patungo sa mga lugar na kanilang pagtitindahan, ngunit hayon maya-maya lamang ay hinahabol na sila ng awtoridad at ihahagis ang kanilang mga kariton at mga paninda na kanila lamang ipinangutang sa trak ng MMDA, samantalang nagkalat din naman ang mga pribadong sasakyan na haharang-harang sa mga lansangan! (For the Flag / ED CORDEVILLA)

Please follow and like us:
Read More