DEATH PENALTY VS. HEINOUS CRIMES AT ILLEGAL DRUGS DAPAT IBALIK

FORWARD NOW

Sa kabila ng mas pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad at ilegal na droga, may naitatala pa ring brutal na pagpatay, panggagahasa at paglabag sa paggamit at pagbebenta ng illegal drugs.

Aminado ang mga awtoridad na lalong lumala ang operasyon ng ilegal na droga sa Pilipinas sa kabila ng kanilang pagsisikap na labanan at sugpuin ang paglaganap nito.

Naniniwala tayong hindi tumitigil sa pag-aksyon ang PDEA at hanay ng PNP upang sugpuin ang krimen at operasyon ng ilegal na droga sa bansa, subalit mukhang hindi ito sapat upang tuluyang masawata ang hamong ito.

Patuloy na banta sa seguridad hindi lamang ng mga kabataan, kundi ng mga mamamayan sa kabuuan ang patuloy na operasyon ng mga sindikato dahil kulong lamang ang penalty sa mga nahuhuling bigtime syndicate dito sa ‘Pinas.

Nakapanghihinayang isipin na sayang lang ang mga operasyon na ginagawa ng illegal drug authorities para hulihin ang mga sangkot at buwagin ang mga laboratoryo, gayundin ang pagtimbog sa drug shipments ng mga sindikato.

Gaya rin sa gumagawa ng karumal-dumal na krimen, kailangan nilang pagbayaran nang buo ang hatol ng korte – na kapag buhay ang inutang, buhay rin ang kapalit para makamit ang hustisya ng mga biktima.

Hindi katanggap-tanggap ang kasalukuyang sistema ng kaparusahan sa mga taong gumawa ng krimen laban sa lipunan. Inaabot ng 10 taon upang habulin at litisin ang isang pusakal na kriminal bago makulong. Ngunit sa isang iglap ay maaaring pakawalan ang mga ito dahil sa maling interpretasyon ng batas sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Sa palagay ng inyong lingkod, panahon na para muling ipatupad ang pagpapataw ng parusang bitay laban sa mga kriminal at magdalawang isip ang mga sangkot sa nagbebenta ng illegal drugs dito sa ating bansa. May responsibilidad ang pamunuan na siguraduhing tahimik at maayos ang pamumuhay ng mamamayan.

Ang parusang bitay ay hindi kalupitan. Ito ay paraan upang mapigilan ang sinumang magtatangkang gumawa ng krimen o masangkot sa operasyon ng ilegal na droga.

Ito rin ang paraan upang maturuan ng leksyon ang mamamayan na hindi sila dapat gumawa ng matinding paglabag sa batas dahil buhay nila ang kapalit nito.

Ibalik ang death penalty kontra ilegal na droga at para mabigyan ng katarungan ang pagkawala at pagkasira ng buhay ng mga biktima ng heinous crimes – igawad ang hustisya sa kanila. (Forward Now / Rep. FIDEL NOGRALES)

Please follow and like us:
Read More

ROTC NAGLALAYONG HUBUGIN ANG MGA KABATAAN AT MAKATULONG SA DISASTER OPS

FORWARD NOW

Kumpiyansa ang pamahalaan na malaki ang maitutulong ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa mga kabataan upang maipagtanggol ang kanilang sarili gayundin ang soberanya ng bansa at pagbibigay ng kakayahan sa kabataang tumugon sa panahon ng sakuna gaya ng rescue at relief operations.

Inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA ang pagbuhay sa two-year mandatory basic ROTC na ibinasura noong 2001.

Sa panukalang batas, isasailalim sa ROTC ang mga estudyanteng nasa Grade 11 at 12 sa lahat ng paaralan sa buong bansa ngunit nilinaw ng pangulo na ang pagbuhay rito ay kakaiba sa dating ROTC na may bahid ng corruption.

Ang pagbabalik sa ROTC ay paraan din para madisiplina ang mga kabataan at huwag mahikayat na gumamit ng ilegal na droga at makatulong sa disaster operations.

Layon din nito na imulat at isapuso ng mga kabataan ang pagiging makabayan, paggalang sa karapatang pantao, pagsunod sa Saligang Batas at pagmamahal sa bansa.

Nagtakda ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ng mga exemption sa pagpapatupad ng ROTC sa senior high school kung saan kabilang sa mga exempted ay ‘yong mga “physically or psychologically unfit” na kailangang may sertipikasyon mula sa Surgeon General ng Armed Forces of the Philippines o ng kanyang otorisadong medical officer.

Kasama rin sa exemption ang mga estudyante na napili ng kanilang eskwelahan na maging varsity player sa sports competition.

Suportado rin ng DepEd ang panukalang ito dahil wala namang nakikitang masama kung muling isasailalim ang mga estudyante ng senior high school (SHS) sa ROTC, para maging handa ang mga ito sa anumang posibilidad ng digmaan lalo na’t nahaharap ang bansa sa matinding banta ng terorismo.

Sakaling makumpleto ng isang reservist ang military training sa ilalim ng ROTC programs, hindi lamang sila tatawagin kapag may giyera, pananakop at rebelyon, kundi aatasan silang tumulong sa disaster and relief operations sa panahon ng kalamidad.

Nangako naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi ito mamamantsahan ng korapsyon, walang hazing, walang sexual harassment at magkakaroon ng paghihigpit sa kanilang hanay. (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)

Please follow and like us:
Read More

BATAYAN SA PAGPAPALAYA SA MGA BILANGGO, DAPAT REPASUHIN

FORWARD NOW

Dapat repasuhin ang batayan sa pagpapalaya sa mga bilanggo o ang Republic Act 10592 na mas kilala sa tawag na good conduct time allowance (GCTA).

Nitong nakaraang linggo ay umani ng batikos mula sa netizens sa social media at naging mainit na usapin ang napabalitang paglaya umano ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa New Bilibid Prison.

Kung pagbabatayan ang naging kaso ng dating alkalde, malinaw na hindi siya kwalipikado sa GCTA Law kaya hindi siya dapat mapabilang sa 11,000 na mapalalayang bilanggo ngayong taon.

Dahil na rin sa public outrage, natuldukan ang isyu sa naging pahayag nina Justice Secretary Menardo Guevarra at Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dapat makalaya ang sinumang akusado na may kinalaman sa anumang karumal-dumal na krimen.

Tapos na ang isyung ito. Ipinag-utos na ni Sec. Guevarra sa Bureau of Corrections na imbestigahang mabuti at pag-aralan kung sino ang karapat-dapat at hindi karapat-dapat para sa GCTA.

Bilang vice chair ng Committee on Justice sa Kamara, nais ko na muling suriin ang mga patakaran ng Board of Pardons and Parole hinggil sa RA 10592 o good conduct time allowance at kung kinakailangan na repasuhin ang naturang batas ay nakahanda tayong tumulong para ayusin ang mga probisyong nakapaloob dito.

Kung titingnan at sasalain ang mga nangyayaring krimen ngayon sa bansa, dapat na maibalik ang parusang bitay upang mapanagot at mahatulan nang husto ang mga gu­magawa ng paglapastangan sa mga karapatang pantao.

Kung mapalalaya si Sanchez, hindi ito magiging risonable dahil lang sa isang batas na naglalayong bigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga bilanggo. Nahatulan siya ng pitong habambuhay na pagkakakulong dahil sa ginawa nitong karumal-dumal na krimen. Kung mayroon sanang parusang bitay noong panahon na ginawa niya ang kanyang pagkakasala, malamang na naisalang siya sa execution chamber.

Sa ganang akin, hindi na dapat pinag-uusapan itong si Sanchez kasi disqualified na talaga siya. Mas importanteng pagtuunan ng pansin ang pagprotekta sa lipunan para mailayo sa masamang gawain ng mga tulad niya. Ipaubaya na lamang natin sa Department of Justice at sa Supreme Court ang pagpapasya kung anong desisyon sa naudlot na paglaya ng dating alkalde.

oOo

Si Congressman Atty. Fidel Nograles ang kinatawan sa Kongreso ng Ikalawang Distrito ng lalawigan ng Rizal. Siya rin ang Assistant Majority Leader ng House of Representatives at Vice Chairman ng Committee on Higher Education, Justice, at Indigenous Peoples. (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)

Please follow and like us:
Read More

TEENAGE PREGNANCY, ISANG SERYOSONG ISYUNG PANLIPUNAN

FORWARD NOW

Bilang mambabatas ay malaki ang tungkulin natin na mabigyan ng karampatang kaalaman ang mga kabataan upang magkaroon sila ng kapasidad na magdesisyon nang maayos para sa kanilang kinabukasan.

Ang teenage pregnancy ay isang isyung panlipunan na dapat mapag-aralang mabuti ang kasalukuyang kalagayan at makahanap ng mabisang paraan upang masolusyunan ito.

Mismong sa pangulo nanggaling ang kautusan na magsama-sama ang mga ahensya ng pamahalaan at tipunin ang lahat ng stakeholders upang talakayin ang isyung ito.

Bilang pagtalima sa panawagang ito ng pa­ngulo, ang DepEd at DOH ay nag-organisa ng dayalogo sa layuning mapag-aralang mabuti at masolusyunan ang teenage pregnancy.

Ang teenage pregnancy rate sa bansa ay bumaba ng 8.7 percent noong 2017 kumpara sa 10.2 percent noong 2016. Bagama’t may malaking pagbabago sa datos na ito, nakakaalarma pa rin ang mataas na bilang ng maagang pagbubuntis ng mga kababaihan na wala pa sa hustong gulang. Katumbas nito ang 196,000 na kabataang Filipina o yaong nasa edad 15 hanggang 19-anyos ang kadalasang nasasadlak sa ganitong sitwasyon. Ang hindi planadong pagbubuntis ay nagdudulot ng komplikadong isyu at mabigat na suliranin gaya ng pagkasira ng kalusugan at pagtigil sa pag-aaral.

Nakahanda na ang mga ilalatag na diskarte ng go­byerno upang maaksyunan ito gaya ng pagpapatupad ng Reproductive Health Law o RA 10354, pagsasaayos ng service delivery networks para sa panganganak, adolescent health at pagpaplano ng pamilya, reproductive health education, paghimok sa mga magulang, guro, civil society, youth organizations at iba pang stakeholders na magsilbing gabay at magbigay ng magandang impluwensya sa kabataan.

Alam natin na ang ma­yorya sa populasyon sa bansa partikular sa Montalban ay binubuo ng mga nagtatrabahong edad, mula 15 hanggang 64-taong gulang. Nangangahulugan, tayo ay may aktibong populasyon na may mataas na potensyal ng pagiging produktibo na magmamaniobra upang umangat ang ekonomiya at umunlad ang lalawigan ng Rizal.

Ang pangmatagalang solusyon sa usaping ito ay magsisilbing hamon sa atin upang maabot ang pinakaaasam na pag-unlad at magsisilbing instrumento para mas mapabuti ang bayan ng Montalban at ang buong lalawigan ng Rizal.

oOo

Si Congressman Atty. Fidel Nograles ang kinatawan sa Kongreso ng Ikalawang Distrito ng lalawigan ng Rizal. Siya rin ang Assistant Majority Leader ng House of Representatives at Vice Chairman ng Committee on Higher Education, Justice, at Indigenous Peoples. (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)

Please follow and like us:
Read More

POLICE VISIBILITY SA MGA UNIBERSIDAD AT KOLEHIYO, MASUSING PAG-ARALAN

FORWARD NOW

Magandang edukasyon at proteksyon laban sa krimen ang kailangan ng mga estudyante mula sa ating pamahalaan; huwag silang ituring na kalaban ng estado.

Ang planong paglalagay o pagdaragdag ng police visibility sa mga unibersidad at kolehiyo sa buong bansa ay hindi makatutulong at manapa’y makagagambala sa pagkatuto ng mga kabataan.

Ang mandato ng PNP ay labanan ang kriminalidad at tugisin ang mga gumagawa ng krimen na wala naman sa mga unibersidad at mga kolehiyo kaya hangga’t hindi lumalaban ang mga estu­dyante sa gobyerno gamit ang armas ay hindi ito maituturing na krimen.

Hindi makatwiran na pag-initan ng ating kapulisan ang mga estudyante na ang tanging nais ay matuto at makapagtapos ng pag-aaral upang maiahon sa kahirapan ang kanilang pamilya.

Ang makapag-aral at matuto ay karapatan ng bawat Filipino, isang bagay na huwag nating ipagkait sa ating mga kabataan at tungkulin naman ng gobyerno na pangalagaan ang seguridad ng mga ito na makapamuhay ng tahimik upang magkaroon ng magandang kinabukasan ang susunod na henerayon.

Kung tutuusin ang re­yalidad sa ngayon na ng mga estudyanteng ito ay kabilang din sa mga nagiging biktima ng masasamang loob gaya ng snatching, pandurukot, pagnanakaw at iba pang mararahas na krimen kaya ang dapat sigurong gawin ng kapulisan ay paigtingin ang pagtugis sa mga kriminal at bilisan ang pag-aresto sa mga ito upang mapanagot sa batas.

Sa kasalukuyan, patuloy na pinaiigting ng mga awtoridad ang kampanya laban sa Communist Party of the Philippines (CPP) at malawakang information drive para hindi na mahikayat pang sumali ang mga estudyante sa naturang grupo.

Ang kaparehong pananaw ni Justice Sec. Menardo Guevarra, aking da­ting propesor at nananatiling kaibigan, sa naging posisyon natin hinggil sa usapin na ito ay patunay lamang na buhay at masigla pa ang demokrasya sa ating bansa sapagkat hindi pa maituturing na krimen ang pagiging miyembro ng CPP maliban na lamang kung may paglabag sa batas ang mga ito.

oOo

Si Congressman Atty. Fidel Nograles ang kinatawan ng ikalawang distrito ng lalawigan ng Rizal. Siya rin ang Assistant Majority Leader ng House of Representatives at Vice Chairman ng Committee on Higher Education, Justice, at Indigenous Peoples. (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)

Please follow and like us:
Read More

HUWAG MAGPADALA SA MATATAMIS ANG DILA

FORWARD NOW

Napakarami nang nagla­labasang balita tungkol sa pyramiding scam pero marami pa ring kababayan natin ang nabibilog ang ulo ng mga mapagsamantalang tao sa ating paligid.

Hindi naman kaila sa atin na isa lang sa mga dahilan kung bakit ang ilan nating mga kababayan ay nabibiktima ng scam ay dahil sa kahirapan. Nais ng marami na kumita ng pera sa mabilis na paraan. Ang ganitong pag-iisip ang kadalasang sinasamantala ng mga dorobo upang makapanggantso sa kanilang kapwa.

Isa-isa po nating hihimayin kung paano ba maiiwasan ang mabiktima ng mga estapador at kung ano ang payong-legal na maaari na­ting maibahagi sa ating mga kababayan.

Huwag po tayong mag­hangad ng ka-gitna baka mas malaki pa ang mawala. Ika nga’y makuntento sa kung anong mayroon ka, maging mapag-ingat at laging alerto.

Kapag may taong lumapit sa inyo at nag-alok ng kunwari’y negosyo na kikita kayo nang malaki sa inaasahan, aba’y magduda na kayo. Madalas pong sinasabi ng mga taong nasa likod nito ay kailangan n’yong maglabas ng puhunan at tutubo ito nang doble o higit pa sa maiksing panahon.

Ang mga taong nasa likod ng “scam” ay walang pinipi­ling edad, estado sa buhay at maging antas ng pamumuhay. Lahat ay posibleng mabiktima ng mga ito kaya dapat kinakailangan nating maging mapanuri, matuto tungkol sa pagkilala sa mga ito at kilati­sing maigi ang sinumang mag-aalok ng instant na tubo.

Kapag tayo po ay nagantso ng “scammer” at natangayan ng malaking pera, ang tanging kaso na maisasampa natin sa kanila ay estafa. Sa haba ng proseso ng paghahabla at tagal ng bista, karamiha’y mas pinipili na lamang manahimik, hindi na naghahabol at umiiwas na lamang sa abala.

Marami ring magtitiis na lamang, umiiwas mapahiya. Biktima nga naman kasi, sa kabilang banda, ng sariling paghahangad at minsan pa nga’y kaswapangan sa kitang madalian.

Kaya mainam pa rin po na tayo’y magtrabaho nang marangal. Kailangan po nating pagpaguran ang anumang perang iuuwi natin sa ating pamilya. Huwag basta-basta magtitiwala sa taong hindi pa natin lubos na kilala at iwasang maglabas ng pera sa anumang negosyo o pamumuhunang iaalok sa inyo para hindi kayo maloko.

Tandaan, marami nang nabiktima ng scam sa Min­danao at dito sa Luzon. Sana’y hindi na umabot sa Montalban at anumang bahagi ng lalawigang aking tahanan – Rizal.

Maging matalino po tayo sa anumang hakbang na gagawin at huwag hahayaang magantso tayo. Huwag padadala sa mga taong matatamis ang dila at mabulaklak ang pananalita. (Forward Now /  Rep. Fidel Nograles)

Please follow and like us:
Read More