REBATE PARA SA LAHAT NG NAWALAN NG TUBIG!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Tagumpay ng taumbayan ang P153.93 at P2,197.94 na dagdag pa na voluntary bill rebate mula sa Manila Water, ngunit sa tingin ng Bayan Muna at sa tagapangulo nito na si Neri Colmenares, hindi ito sapat.

Bagama’t tinitingnan natin bilang positibong pangyayaring ito matapos maghain ang Bayan Muna at iba pang grupo ng reklamo laban sa Manila Water, kailangan ay mas maraming konsumer na apektado ng water interruption ang mabigyan ng kompensas¬yon.

Nararapat na lahat ng apektado ng kawalan ng tubig ay mabigyan ng makatarungang kompensa¬syon!

Dapat hindi lamang ang mga kabahayan na anim na araw at mahigit na nawalan ng tubig ang bibigyang kompensasyon. Napakarami nating kababayan ang labis na naapektuhan ng pagkawala ng tubig, at hindi makakatanggap ng rebate dahil hindi umabot sa anim na araw ang interruption. Ngunit, alam nating lahat na isang araw lamang na mawalan ng tubig ay labis na ang epekto nito. Dagdag-gastos sa pagbili ng tubig at ng pang-igib, transportasyon nito, at iba pang abala at pahirap. Kailangan ding magka-roon ng mga public consultations upang lubos na maunawaan ng Manila Water at ng pamahalaan ang naging epekto ng water interruption sa taumbayan, at para marinig ng mamamayan ang paliwanag ng mga namumuno sa Manila Water, at gayundin ang sagot ng ating pamahalaan sa isyung ito. Talagang hindi sasapat ang rebate sa pahirap na nangyari sa napakaraming tao sa panahong nawalan ng tubig ang maraming kabahayan sa Metro Manila at sa mga karatig na bayan.

Malaking usapin pa rin ang tubig sa kasalukuyan, dahil hanggang ngayon ay maraming lugar pa rin ang walang tubig ng 24 oras sa isang araw.

Ganito talaga ang magiging palagiang suliranin ng isang bayan na iniasa sa pribadong sektor ang mga batayang serbisyo tulad ng tubig at kuryente. Wala silang lubos na pananagutan sa taumbayan!

Serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

Please follow and like us:
Read More

WALANG ATRASAN, TULOY ANG LABAN!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Sa ordinaryong mga pagkakataon, ang kandidato na hindi nanalo sa eleksyon ay dapat tanggapin ang resulta ng botohan at tumanggap ng pagkatalo.

Ngunit, hindi ordinaryo ang nangyaring halalan 2019. Bago pa man ang kampanya, nakita natin na nangangampanya at gumagastos na ng milyones ang ilang kandidato sa mga TV at radio advertisements. At sa loob ng 90-araw na kampanya, sobra-sobra ang naging gastos ng mga kandidato sa pinapayagan na campaign spending, kasama na ang patalastas sa TV at radyo.

Nakita natin kung paano ginamit ang pera at resources ng gobyerno upang ikampanya ang mga kandidato ng administrasyon. Mula sa paglabag sa regulasyon sa mga posters hanggang sa pagbili ng boto, tila bulag at inutil ang Commission on Elections sa pagsawata nito.

Nakita natin kung paano aktibong siniraan, tinakot, hinaras, ng administrasyong Duterte ang mga progresibong mga kandidato at oposisyon. Kahit ang vote buying ay binibigyang katwiran ng pinakamataas na opisyal ng ating bayan.

Nakita natin kung paano tinakot ng presidente at ng mga alyado nito ang mga lokal na kandidato na huwag suportahan at huwag payagang mangampanya ang oposisyon at ang mga progresibong kandidato sa kanilang mga lugar.

Nakita natin kung paano ginamit ang AFP at PNP sa pangangampanya laban sa mga progresibong grupo.

Naglabasan ang mga black propaganda materials laban sa Bayan Muna at iba pang mga kandidato ng Makabayan. At sa isang pagkakataon ay mismong Philippine National Police o PNP mismo ang namimigay. Nakita natin kung paano pinatay ala-tokhang ang mga kampanyador at tagasuporta ng Bayan Muna at ni Neri Colmenares mula pa lamang ng huling bahagi ng 2018, upang pilayin at takutin ang mga botante at tagasuporta. Nakita natin kung paano ang mismong araw ng eleksyon ay batbat ng iregularidad at kawalan ng transparency. Ang napakalalaking isyu sa botohan at bilangan ay nagtatanggal ng kredibilidad at tiwala sa nangyaring halalan. Madaling tumanggap ng pagkatalo sa malinis at malayang eleksyon, ngunit hindi ito ang nangyari.

Natalo si Colmenares sa bilangan, ngunit magpapatuloy ang ating laban para sa demokrasya, soberanya, at hustisya! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

Please follow and like us:
Read More

WALANG KREDIBILIDAD ANG NANGYARING HALALAN

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Sa palagay ng Makaba­yang Koalisyon ng Ma­mamayan o MAKABAYAN, bukbok ang kredibilidad sa kondukta at resulta ng nagdaang halalan ngayong Mayo 2019.

Mula kampanya hanggang bilangan, tadtad ito ng mga isyu ng iregularidad, pandaraya, at iba pang electoral offenses na bumakbak sa tiwala ng taumbayan sa naging resulta ng eleksyon. Halimbawa na lamang dito ang pagkaantala ng pagpapaalam sa publiko ng resulta ng halalan sa senatoryal at party-list, at ang kawalan ng transparency sa buong kondukta ng halalan. Ang pinakaesensya ng automated na botohan ay ang bilis nito at transparency. Ngunit, sa nangyayari ay tila bulag ang lahat sa ginagawang bilangan.

Sa mga nakaraang manwal na eleksyon, ang dag­dag-bawas ay ginagawa habang tumatagal ang canvassing at hindi alam ng taumbayan kung gaano katotoo ang ginagawang pagbibilang ng kanilang boto. Ito ang dapat nawala nang tayo ay nag-automate ng ating eleksyon. Sa kabila ng 10 bilyong pondo na binigay sa Comelec, bigo sila na bigyan tayo ng malinis, transparent, at kapani-paniwalang halalan. Walang maayos na paliwanag ang Comelec sa matagal na pagkaantala ng canvassing at ng transparency server.

Dapat lamang na kwestyunin ng taumbayan ang resulta ng eleksyon na mahigit pitong oras na tumigil, na ang suspetsa ng marami ay dito ginawa ang electronic na dagdag-bawas.

Mula sa .4% na bilang, na doon pa lamang ay lumabas na ang malaking lamang ng mga kandidato ng administrasyon, at biglang umakyat sa 90% ang completion ng transmission ng mga boto, na walang nagbago sa mga pangalan at antas ng mga pasok sa “winning circle.”

Ang pangyayaring ito, kasama na ang malawakang vote buying, depekto sa SD cards, pagkasira ng mga vote counting machines, kalituhan sa mga polling places, at iba pang iregularidad ang sumisira sa kredibilidad ng nagdaang eleksyon.

Kailangang magpaliwanag ng Comelec at Smartmatic sa mga isyung ito. Kung hindi, patuloy na magdududa ang taumbayan sa kinalabasan ng halalan. (Kakampi Mo Ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

Please follow and like us:
Read More

BAYAN MUNA, NUMBER 1 PA RIN SA MAMAMAYAN!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Sa kabila ng fake news at black propaganda, magkakaroon pa ng tatlong kinatawan sa Kongreso ang Bayan Muna Party-list, ayon sa survey ng Pulse Asia nitong Mayo.

Nagpapakita lamang ito ng napakalaking suporta ng mamamayan na naniniwala sa adhikain at track record ng Bayan Muna.

Nagpapasalamat ang Bayan Muna sa taumbayan sa kanilang suporta sa kabila ng sistematikong pani­nira, harassment, pagpatay, at pagdukot na ginagawa ng mga anti-demokratikong mga pwer­sa sa ating partido at sa mga kampanyador at tagasuporta.

Nagtaasan sa ranking ng survey ang ibang party-list, dala na rin sa dami ng TV commercial na inilabas nito. Napakamahal ng TV ads, kaya naman ang talagang mayayamang grupo lamang ang may kakayanan na maglabas ng ganoon karaming patalastas. Sana lamang ay hindi nila babawiin sa pera ng taumbayan ang ginastos nila roon.

Nakakasa sa buong Pilipinas ang malawakang dayaan, karahasan, at vote buying. Ilang araw bago ang halalan ay napakara­ming ulat ng pagbili ng boto ang lumabas sa maraming bahagi ng bansa, sa ilang pagkakataon ay pati ang kandidato ay nahuhuli sa operasyong vote buying.

Nakakabahala ang ulat na ang ilang PCOS machine ay hindi gumagana sa mga unang oras pa lamang ng eleksyon, gaya ng sa vote-rich population ng San Jose del Monte sa Bulacan, at iba pang mga lugar. Ang malala pa rito ay ang pag-atras ng NAMFREL bilang accre­dited watchdog ng Comelec dahil sa pag-ayaw ng Comelec na ibigay ang nararapat na datos upang lubos na mabantayan ang ating boto.

Kumalat din ang ‘fake news’ na diskwalipikado ang mga kandidato ng Makaba­yan, na nagdulot ng kalituhan sa iba nating kababayan. Ito ay desperadong pakana upang bawasan ang papalakas na suporta ng mga prog­resibong kandidato tulad ng Bayan Muna, Neri Colmenares, at iba pang kandidato ng Makabayan.

Sa harap ng lahat ng ito, dapat tayo ay maging mapagbantay sa ating halalan hanggang bilangan.

Ipagtanggol natin ang ating karapatan sa pagboto! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

Please follow and like us:
Read More

SALUDO KAY JOEL VIRADOR: MAKABAYANG MAMBABATAS!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Puno ng dalamhati ang Bayan Muna Party-list sa pagpanaw ni Joel “JV” Virador, 52, dating kinatawan ng Bayan Muna sa ika-13 Kongreso. Siya ay pumanaw mula sa matin­ding sakit na papillary carcinoma.

Matagal na aktibista at tagapagtanggol ng karapatang pantao si JV bago pa man siya naging kinatawan sa Kongreso. Mula pa lamang nang siya ay estudyante sa kolehiyo, siya ay naging bahagi ng League of Filipino Students. Dito niya sinimulan ang tuluy-tuloy niyang paglilingkod sa mga aping sektor sa ating lipunan, partikular sa Mindanao, kung saan siya ipinanganak at lumaki.

Marahil pinakakilala si JV sa kanyang pagiging human rights worker. Nang matapos siya ng pag-aaral mula sa Notre Dame of Kidapawan, siya ay lumahok sa mga organisasyon na nagtatanggol ng karapatang pantao. Bahagi siya ng pagtatayo ng Karapatan Alliance for People’s Rights o KARAPATAN at naging Secretary General ng KARAPATAN-Southern Mindanao Region.

Ang kanyang walang pagod na pagsisilbi sa mamamayang api ay nagbunsod ng kanyang nominasyon upang maging kinatawan sa ilalim ng Bayan Muna Party-list. Sa loob ng Kongreso ay naging boses siya ng mahihirap at api. Siya ay partikular na naaalala bilang boses ng Mindanao na naglantad sa mga paglabag sa karapatang pantao at soberanya sa panahon ng Balikatan Exercises sa Min­danao. Bilang human rights defender, isa rin siya sa may akda ng Anti-Torture Bill na kalaunan ay naging batas.

Noong taong 2006 ay dinakip si JV at iba pang miyembro ng Makabayan bloc na sina Satur Ocampo, Liza Maza, Teddy Casiño, Ka Paeng Mariano, at ang yumaong Ka Crispin Beltran sa gawa-gawang kaso na rebelyon. Ang kaso sa Batasan 6, na tinaguri sa kanila, ay kalaunan ay ibinasura ng Kor­te Suprema.

Pagkatapos niyang ma­ging kinatawan sa Kongreso ay muling bumalik si JV sa kilusan ng mamamayan bilang Regional Chair for Federation Affairs ng Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region  (KMU-SMR.) Ang kanyang huling lakas at pagkilos ay inialay niya sa kilusang paggawa.

Tunay na kahanga-hanga ang buhay ni Ka Joel Virador. Kami ay nagpupugay sa kanyang buhay na inialay nang buo sa mamamayan! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

Please follow and like us:
Read More

BULNERABLE SA DAYAAN ANG DARATING NA HALALAN SA PAG-ATRAS NG NAMFREL

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Para sa Bayan Muna, lubhang nakakabahala ang pag-withdraw ng National Citizen’s Movement for Free Elections (NAMFREL) bilang accredited na watchdog sa darating na May 13, 2019 midterm elections.

Talamak ang dayaan at iregularidad sa ating halalan, at lalo pa tayong nangangamba na mas magiging bulnerable ang ating eleksyon sa mga nais manipulahin ito ayon sa kanilang mga makitid na interes.

Ayon sa NAMFREL, ang kanilang withdrawal ay bu­nga ng pagtanggi ng Commission on Elections (Comelec) sa kanilang petisyon upang magkaroon ng open access at data sa voter’s list, presinto, at iba pang impormasyon. Hiningi rin ng NAMFREL ang direktang access sa data transmission sa mga server, at ang audit logs. Sa madaling sabi, magiging bulag ang NAMFREL sa eleksyon kung hindi sila bibigyan ng access at datos na ito ng Comelec. Walang dahilan upang hindi ibigay ng Comelec ang impormasyon na ito sa kanilang accredited watchdog o tagapagbantay. Kung iisa ang datos mula sa Comelec at ang makukuha ng NAMFREL direkta mula sa mga server at maaa­ring beripikahin sa mga data logs, walang dapat ikabahala ang Comelec.

Ang kawalan ng transparency ang tunay na nakakapangamba, dahil maa-aring gamitin ng mga nasa poder upang itiyak ang pagkapanalo ng kanilang mga kandidato. Makailang beses na naisiwalat ang mga pruweba ng digital na dayaan mula sa sabwatan ng mga kawatan sa Comelec at sa subcontractor nitong Smartmatic sa mga nagdaang eleksyon!

Sa mga nakaraang survey na inilabas ng Pulse Asia, nangunguna ang Ba­yan Muna sa halalang party-list. Ito ay patunay na ang tiwala ng taumbayan sa Bayan Muna bilang kam­peon ng mga isyu ng mga mahihirap, kabilang ang mga manggagawa sa publiko at pribadong sektor.

Kaya naman higit na kailangan na maging mapagbantay ang mamamayan sa integridad ng ating halalan. Hindi natin dapat pabayaan ang pandaraya at manipulasyon sa ating boto! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

Please follow and like us:
Read More

P750 NATIONAL MINIMUM WAGE PINANAWAGAN NG BAYAN MUNA SA LABOR DAY

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Dumagsa ang libu-libong manggagawa sa mainit na lansangan sa Maynila at sa mga sentrong lungsod sa mga probinsya noong Mayo uno, bitbit ang mga isyu na nagpapahirap sa mga manggagawang Filipino sa kasalukuyan: mababang sahod, mataas na presyo ng bilihin, kontraktwalisasyon, pagbuwag ng mga unyon, hindi ligtas na mga pagawaan at opisina, at iba pa. Hindi sapat—at sa katunayan ay nakaiinsulto—ang baryang panukalang umento sa sahod na ibinabato ng Malacañang at ng mga regional wage boards.

Hindi nito pahuhupain ang matinding galit ng mga manggagawang Filipino na isinasadlak sa kaalipinan ng ganid na mga kapitalista, na pinahihintulutan naman ng pamahalaan. Nitong mga nakaraang buwan ay napakataas ng pagsirit ng inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin. Ang pagpapataas ng sahod ang pinakamainam na solusyon upang kahit papaano ay maibsan ang hirap ng mga manggagawa at kawani na araw-araw ay hirap na pagkasyahin ang kanilang kakarampot na sahod. Kaya naman, hinihikayat ng Bayan Muna na suportahan ang HB 7787 o ang P750 National Minimum Wage at ang HB 7196 o ang P16,000 Minimum Wage for Government Employees, mga panukalang batas ng Bayan Muna upang mabigyan ng nakabubuhay at makabuluhang dag­dag-sahod ang ating mga manggagawa at empleyado sa pampubliko at pribadong sektor. Ngayong nalalapit na halalan ay mahalaga para sa ating mga ordinaryong Filipino na pumili ng mga kandidatong tunay na magtutulak ng makabuluhang pagtaas ng sahod para sa mga manggagawa at em­pleyado. Kailangan natin ng mga mambabatas na tunay na kakatawan sa interes ng ordinaryong Filipino. Kaya naman, napakahalaga na maihalal natin si Atty. Neri Colmenares sa Senado at ang palaban na Bayan Muna at iba pang party-list ng Ma­kabayan. Kung makakapasok si Colmenares sa Senado, tiyak ay may counterpart bill na at mas malaki ang tsansa na maisasabatas ang P750 National Minimum Wage at ang P16,000 National Minimum Wage. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

Please follow and like us:
Read More

P750 NATIONAL MINIMUM WAGE, IPAGLABAN!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Papalapit na ang Mayo Uno o Labor Day, at sa okasyong ito ay pinati­tingkad natin ang panawagan na “Itaas ang sahod!” Habang walang tigil ang pagtaas ng presyo at ng mga bayarin, kailangang magkaroon ng malakihan at across-the-board increase sa sahod at sweldo sa buong bansa.

Una, kailangan na wakasan na ang deka-dekadang pagpapaubaya sa mga regional wage boards na diktahan ang minimum wage. Katunayan, dapat nang buwagin ang mga regional wage boards! Noong 1989, ipinaubaya ng Kongreso sa mga regional wage boards na diktahan ang minimum wage sa kanilang nasasakupan. Nagpaligsahan ang mga rehiyon sa pagbaba ng mga sahod dahil dito, para makaakit ng mga investors na naghahanap ng mas mababang gastos sa labor.

Pinawi ng iskemang ito ang tunay na halaga ng paggawa, at tuluy-tuloy na binarat ang mga manggagawa. Ayon sa Ibon Foundation, ang isang pamilya na may limang miyembro ay kailangang kumita ng P1,004 kada araw, o P23,660 kada buwan, para lamang tugunan ang mga batayang pangangailangan ng pamilya tulad ng pagkain, upa sa bahay, damit, edukasyon, transportasyon, gamot, at basic utilities.

Ito ay doble sa kasalukuyang minimum wage sa Maynila na P537 kada araw, o P14,000 kada buwan. Mas malubha pa ang lagay sa mga rehiyon na may mas mababang minimum wage.

Tila nakabatay ang minimum wage sa poverty threshold at hindi sa aktwal na halaga upang mabuhay nang disente. Hindi ito makatarungan! Dapat hindi lamang survival wage ang minimum wage, ang layunin dapat nito ay ialis ang mga manggagawa mula sa kahirapan. Bilang prinsipyo, naniniwala ang Bayan Muna sa “equal pay for equal work” at hindi nakabatay sa kung saan ka nakatira o nagtatrabaho. Ang napakababang sahod sa mga probinsya ang nagiging dahilan kung bakit nagsisiksikan ang mga manggagawa sa Maynila.

Itaas ang sahod! P750 National Minimum Wage, ipatupad! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

Please follow and like us:
Read More

HUSTISYA PARA KAY COUNCILOR TOTO PATIGAS SR.!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Abot-langit ang aming poot at pighati sa walang-awang pagpaslang kay Bernardino “Tay Toto” Patigas Sr., incumbent city councilor ng Esca­lante City, Negros Occidental. Siya ay walang-awang pinagbabaril habang siya ay lulan ng motorsiklo noong Lunes, ika-22 ng Abril. Siya ay 72 taong gulang.

Hindi lamang ordina­ryong public servant si Tay Toto. Siya ay survivor ng Escalante Massacre noong 1985, ito ang pamamaril sa kilos-protestang isinagawa sa ika-13 taon ng Martial Law. Nasa 20 katao ang namatay sa insidente. Binigay ni Tay Toto ang kanyang buong buhay at lakas sa paglilingkod sa mga sakada ng Negros. Siya ay naging secretary general ng North Negros Alliance of Human Rights Advocates (NNAHRA), at itinalaga rin siyang Escalante City Coordinator ng Bayan Muna Party-list mula pa 2010. Kalaunan, siya ay inihalal na miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Escalante City.

Tulad ng iba pang human rights defender na gaya niya, siya ay nakatanggap ng mga death threats, ng mga gawa-gawang kaso, at iba pang harassment. Noon lamang Abril 2018, ang kanyang larawan at pangalan ay inilagay sa isang poster ng diumano ay mga “communist personalities.” Si Atty. Benjamin Ramos, isang human rights lawyer, ay nakasama rin sa nasabing poster. Siya ay pinaslang noong November 2018.

Si Tatay Toto ay pang-apat na sa mga kampanyador ng Bayan Muna at ni Neri Colmenares na pinas­lang nitong mga nakaraang buwan. Si Randy Felix Malayao, Bayan Muna coordinator sa Cagayan Valley at isa ring peace consultant, ay pinaslang noong Enero 30. Noong March 12 naman ay pinaslang ang coordinator ng Bayan Muna sa Boro­ngan, Eastern Samar. Pinatay naman ang kampanyador ni Neri Colmenares sa Masbate na si Ruben Corot noong April 16.

Ang mga pagpatay na ito ay sabay sa kumpas ng red-tagging at paninira na ginagawa ng mga militar tulad ni Brig. Gen. Antonio Parlade. Ang kanyang mga walang-batayang paratang at kasinungalingan ay naglalagay sa mga miyembro, kampanyador, at tagasuporta ng Bayan Muna at ng iba pang progresibong kandidato sa panganib!

Hustisya para kay Tay Toto Patigas! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

Please follow and like us:
Read More