MINIMUM WAGE EARNERS NAIS ILIBRE SA PHILHEALTH CONTRIBUTION

philhealth10
0

(NI BERNARD TAGUINOD)

HINDI lamang ang mga rank and file employees ang nais ng isang grupo ng mga mambabatas sa Kamara na ilibre sa kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) kundi ang mga minimum wage earners sa bansa.

Ito ang nabatid House deputy speaker Janette Garin, ng Ilolilo, kasunod ng plano ng kanilang grupo na ilibre sa Philhealth contribution ang mga rank and file employees sa gobyerno.

Unang sinabi ni House minority leader Benny Abante na maghahain ang mga ito ng panukalang batas para huwag nang kaltasan ng Philhealth contribution ang mga empleyado ng gobyerno na may Salary Grade (SG) 1 hanggang SG 13.

Gagawin umano ito ng nasabing grupo lalo na’t mula ngayong Enero 2020 ay tataasan na ang kontribusyon sa Philhealth kung saan mula sa P275 na kinakaltas sa bawat P10,000 na sahod ay magiging P300 na.

Mas malaking kontribusyon ang naikakaltas na kontribusyon kapag mas mataas sa P10,000 ang sahod kada buwan at magpapatuloy ang pagtaas hanggang 2025 kaya malaking kabawasan umano ito sa take-home pay ng mga rank and file employees.

Subalit ayon kay Garin, kailangang isama sa mga ililibre sa Philhealth contribution ang mga minimum wage earners sa bansa dahil tulad ng mga rank and file employees sa gobyerno ay malaki rin ang pangangailangan ng mga ito.

“Kailangang isama ang mga minimum wage earners dahil napakaliit din ang kanilang sahod,” ani Garin.

Sa ngayon ay naglalaro sa pagitan ng 8 milyon hanggang 9 milyon ang minimum wage earners sa bansa at malaking tulong umano sa mga ito ito kung malibre din ang mga ito sa Philhealth contribution.

Sakaling maging batas ang planong ito ng mga nabanggit na grupo sa Kamara ay patuloy na makikinabang ang mga empleyadong ito ng estado at pribadong sektor sa benepisyo sa Philhealth.

 

Read More

PHILHEALTH, PRIVATE HOSPITALS NAGKASUNDO SA SINISINGIL NA CLAIMS

bong go55
0

(NI NOEL ABUEL)

NAGKASUNDO na ang mga opisyal ng PhilHealth at Private Hospitals Association of the Philippines Inc. kaugnay ng sigalot sa pagitan ng mga ito hinggil sa fraudulent  claims.

Ito ang sinabi ni Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, matapos magpatawag ng pulong noong nakaraang Huwebes, Oktubre 24 kung saan nakaharap nito sina PhilHealth president Gen. Ricardo Morales at PHAPI president Rustico Jimenez.

Sa nasabing pagpupulong, nagkasundo ang  PhilHealth at PHAPI na magtutulungan para masolusyunan ang hinahabol na claims ng mga private hospitals at ang pagsawata sa mga fraudulent claims.

“Naiintindihan ko mga hospital na dapat sila mabayaran. Ang concern ko lang dapat hindi mapabayaan ang mga pasyente. Dapat hindi ma-hamper ang serbisyo,” apela ni Go kina Morales at Jimenez.

Sa panig ng PhilHealth, ipinaliwanag ni Morales na nais lamang makatiyak ng ahensya na hindi ‘bogus’ ang mga claims kasabay ng apela sa pribadong ospital na makipagtulangan.

Sinabi ni Go, na nakahanda itong maging tulay para tuluyang masolusyunan ang problema ng Philhealth at PHAPI.

“Open ang aking linya, handa ako maging tulay ninyo para makapag-usap kayo,” sabi ni Go nang makaharap nito ang nasabing mga opisyal.

 

Read More

GO PAPAGITNA SA GUSOT NG PHILHEALTH, PHAP 

bong go55
0

(NI NOEL ABUEL)

NAGBANTA si Senador Bong Go na magpapatawag ng pagdinig sa Senado kaugnay ng gusot sa pagitan ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAP) at ng Philhealth.

Ayon kay Go, hindi ito magdadalawang-isip na magsagawa ng pagdinig ang komite para masolusyunan ang sigalot na sa huli ay mga pangkaraniwan o mahihirap na pasyente ang maapektuhan.

“Kakausapin ko muli si Gen. Morales kung kailangang ipatawag sa Senado, ipatatawag ko. Ako as  chairman ng Senate Committe on health, kung kailangan sila ipatawag ay ipatatawag ko sila to address this, importante walang fraudulent claims, ghost claims at ayaw natin may masayang na pera,” sabi nito.

Sinabi pa ni Go, na kinausap na nito si Philhealth president Ricardo Morales para atasang asikasuhin ang pagbabayad ng claims ng PHAP sa lalong madaling panahon.

“Tinawagan ko agad kanina si Philhealth pres. si Gen. Morales sabi ko asikasuhin n’ya muna ang claims. Sabi niya aasikasuhin nila ang claims, wala pong katotohanan na magpu-pull out ang private hospitals,” ayon pa sa senador.

Sinabi pa ni Go na noong nakaraang buwan nang makipagpulong ito kina Rustico Jimenez, pangulo ng PHAP at Morales at nagkasundo na aayusin ang dapat ayusin babayaran ang dapat bayaran.

Apela naman ni Go sa PHAP, na huwag gawing dahilan ang problema nito sa Philhealth para hindi tanggapin ang mga pasyente sa kanilang mga miyembrong ospital.

“Sa private hospital, huwag natin itong gawing dahilan na hindi natin mabibigyan ng serbisyo ang mga pasyente. Willing po ako pumagitna sa inyo,” giit ni Go.

 

 

 

Read More

PHILHEALTH PREMIUM NG OFWs ‘DI INIREREMIT

philhealth66
0

(NI ABBY MENDOZA)

INIHAHANDA na ni Atty. Harry Roque ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga tiwaling empleyado ng Philhealth na nag-iisyu ng pekeng resibo sa mga Overseas Filipino Workers(OFWS) sa kanilang ibinabayad na premium na hindi naman inireremit at ibinubulsa lamang.

Kasabay nito ay panibagong kaso ng malversation of public funds ang inihahanda ni Roque laban sa mga may-ari ng Wellmed Dialysis Clinic at sa mga opisyal ng Philhealth matapos mapatunayan na may kasabwat ang clinic  sa loob ng Philhealth sa pagkamal nito ng pondo.

“Ang tamang reklamo po diyan ay malversation of public funds dahil ang nangyari nagkaroon ng pagdarambong ng pera ng taong bayan dahil may kasasbwat ang mga may ari ng  Wellmed sa Philhealth mismo,  isa yan sa bagong kaso isasampa,” pahayag ni Roque sa isang forum sa Quezon City.

Upang lalong tumibay ang kaso ay nakatakdang kausapin ni Roque si Pangulong Rodrigo Duterte upang kausapin ang pamunuan ng Philhealth na makipagtulungan para makuha ang mga kinakailangang dokumento para sa case build up.

Nilinaw i Roque na hindi lamang ang Wellmed ang kanyang hinahabol kundi upang matiyak na mapoprotektahan ang pondo ng Philhealth.

“Ako po ay nababahala habang  hindi pa nalilinis ng Philhealth ang pondo na para sa ating mga kababayan ay mapunta na naman para patabain ang mga baboy sa philhealth. Napakagagaling po ng walang hiyang baboy sa Philhealth na yan,” dagdag pa nito.

Samantala, umapela si Roque sa House of Representatives na maisulong ang panukalang Whistle Blower Act, sa ilalim nito ay mabibigyan ng absolute immunity ang mga taong magbibigay ng impormasyon para maisapubliko ang korapsyon sa gobyerno.

“Kung walang ganitong batas posibleng ang mga whistleblower pa ang makulong gaya ng nangyari sa whistleblowers ng Philhealth,” dagdag pa nito.

 

Read More

PHILHEALTH OFFICIALS PARURUSAHAN

0

(NI NOEL ABUEL)

TINITIYAK ng ilang senador na may maparurusahan sa anomalyang kinasasangkutan ng mga opisyales ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kaugnay ng health claims.

Ayon kay Senador Christopher Lawrence Go, sisiguruhin nitong may maparurusahan sa sinumang opisyales ng nasabing ahensya.

“Ako, as the Senate Committee on Health chair, naniniwala ako na dapat kasuhan ang dapat kasuhan, ‘yung mga involved sa fraudulent claims,” ani Go.

Giit nito, kailangang maibalik sa taumbayan ang lahat ng pera ng gobyerno kahalintulad na lamang umano ng implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Law.

“Up to the last centavo ng pera ng gobyerno, gamitin sa tao. Lalo na with the implementation of the Universal Health Care (UHC) Law,” sabi pa ng senador.

Samantala, idinagdag pa ni Go na may maganda itong balita para sa mga senior citizens sa bansa na higit na makikinabang sa Malasakit Centers sa mga ospital.

“Maroon po tayong Republic Act (RA) 11350 na nag-create ng National Commission of Senior Citizens. This ensures the rights and welfare of senior citizens,” sabi pa ni Go.

“Ako naman, isa sa mga advocacy ko ay health, mga Malasakit Centers. Kaya naman nag-file ako ng senate bill institutionalizing Malasakit Centers para hindi na bungi-bungi. Ang apat na ahensya ng gobyerno, nasa iisang kwarto na lang. It’s a one-stop shop. May express lane din para sa mga senior citizens at PWDs,” paliwanag pa ng senador.

 

Read More

DAGDAG DIALYSIS SESSION SAGOT NG PHILHEALTH OK SA KAMARA

0

(NI BERNARD TAGUINOD)

UPANG matulungan ang mga mahihirap na pasyente na nagpapa-dialysis, inaprubahan na sa committee level sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na dagdagan ang sesyon na sasagutin ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).

Walang tumutol nang aprubahan sa House committee on health ang 9 Comprehensive Renal Replacement Therapy (RRT) bill na inihain ng mga mambabatas sa Kamara.

Sa ilalim ng nasabing panukala, magkakaroon na ng 156 hemodialysis sessions o 3 session kada linggo ang maaaring matanggap ng mga pasyente na may sakit sa kidney.

“Magiging malaking tulong itong dagdag na libreng dialysis session, as very few people can afford the cost of the treatment which is around P25,000 to P46,000,” ani Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, isa sa mga may akda sa nasabing panukala.

Sa kasalukuyan ay 45 sessions ng dialysis ang sinasagot ng Philhealth subalit pagkatapos nito ay sagot na ng pamilya ng pasyente ang gastos sa dialysis na umaabot sa P25,000 hanggang P46,000 kada buwan.

Nabatid na nasabing pagdinig na noong 2016 ay tinatayang 28,000 katao ang nagpapa-dialysis sa bansa dahil sa sakit sa kidney na isa sa mga top 10 na dahilan ng pagkamatay ng mga tao sa Pilipinas.

Karamihan sa mga may sakit sa kidney ay mahihirap at mapapadali ang buhay ng mga ito dahil walang kakayahan ang kanilang pamilya na gastusan ang pagpapagamot.

“Sana ay maipasa na rin ng Senado ang kanilang counterpart bill para sa free dialysis para agad ng mapakinabangan ng ating mga kababayan, ” ayon pa sa mambabatas dahil mahalaga ito sa mga mahihirap na pasyente.

Read More

PONDO BUMUHOS; P67.3-B NG DOH IBIBIGAY SA PHILHEALTH

0

(NI BERNARD TAGUINOD)

SA gitna ng mga anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth), binubuhusan pa rin ito ng pondo sa ilalim ng 2020 national budget habang kinaltasan naman ang budget ng mga public hospital tulad ng Philippine General Hospital (PGH).

Ito ang inirereklamo ng mga militanteng mambabatas matapos matuklasan sa plenary debate sa pondo ng Department of Health (DOH)  na malaking bahagi sa kanilang P155 Billion sa 2020 ay mapupunta lang sa Philhealth.

Sa press conference ng Makabayan bloc sa Kamara nitong Biyernes, sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite na P67.3 Billion  sa 2020 budget ng DOH ay ibibibigay sa Philhealth.

“Yung batbat ng katiwalian na Philhealth, siya naman ang may pinakamalaking budget habang paliit ng paliit naman ang budget ng mga public hospital na direktang nangangailangan nito (budget),” ani Gaite.

Inihalimbawa ni Gaite ang pondo ng PGH na binigyan lamang ng P2.77 Billion sa 2020 na mas mababa ng 14.11% sa kanilang pondo ngayong 2019 gayong ito umano ang dapat buhusan ng pondo dahil sila ang direktang pinupuntahan ng mga mahihirap na pasyente.

Nabatid na humingi ang PGH ng P4.5 Billion na pondo sa 2020 para maibigay ang nararapat na serbisyo sa mga tao at pambili ng mga kagamitan subalit binigyan lamang sila ng Department of Budget and Management (DBM) ng P3.2 Billion.

Maliban dito, dismayado rin si Gaite na napakaliit ang utilitization o ang ginagastos na insurance funds ng Philhealth matapos lumabas sa debate sa plenaryo sa pambansang pondo na umaabot lamang ito sa 11%.

“Inamin ng Philhealth na napakaliit ang utilization rate. Nasa 10 to 11% lamang. Anong ibig sabihin niyan? Ang pondo ng Philhealth ay naiipon lamang,” ani Gaite.

“Kaya nga siguro natatakam yung mga tiwali dito kasi pinagpipiyestahan nila ang pondo ng Philhealth,” dagdag pa ng kongresista.

 

Read More

PSA PATUTULUNGIN VS RAKET NG PHILHEALTH

0

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

PINAG-AARALAN ni Senate Blue Ribbon Committee Chair Richard Gordon na magkaroon ng panukala na awtomatikong ia-update ng Philippine Statistics Authority ang kanilang mga record, partikular sa mga patay, sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).

Ito ay upang maiwasan na magamit pa sa iregularidad ang pangalan ng mga nasawi na makaraang lumitaw sa rekord na nasa 961 pang patay ang nakakuha pa ng claims.

“I’m thinking of law if necessarily the Philippine Statistics Authority automatically provides information by way of information technology. PSA must showup here in the next hearing we will ask them about that,” saad ni Gordon.

“So many anomalies in Philhealth. My uninitiated mind hungers for an explanation,” dagdag pa nito.

Sinabi pa ng senador na dapat pag-aralang muli ang case rates ng ahensya dahil ito ang batayan ng halaga ng claims na maaaring makuha ng pasyente.

“When we steal from Philhealth, you don’t steal from the government alone, you steal from the most vulnerable,” paalala pa ni Gordon.

 

Read More

WELLMED BINABAYARAN NG PHILHEALTH KAHIT SUSPENDIDO

0

(NI LILY REYES)

PATULOY na binabayaran ng Philippine Insurance Corporation (Philhealth) ang umano’y obligasyon sa kontrobersiyal na Wellmed Dialysis Center sa kabila ng maanomalyang paniningil ng mga ito gamit ang mga pekeng pirma ng mga pasyente.

Sa panayam, tiniyak din ni Ex-General Ricardo ‘Dick’ Morales, bagong presidente ng Philippine Insurance Corporation (PhilHealth), na babayaran ang mga ospital na akredito ng Department of Health (DOH) gayundin ang pagpapatuloy ng operasyon ng government insurance agency.

Ayon kay  Morales, aabot sa  P129 bilyon ang nakalaang pondo ng PhilHealth sa loob ng 10 taon kung saan mababayaran ang lahat ng pagkakautang  sa mga ospital at responsibilidad sa mga opisyal, empleyado at mga miyembro ng PhilHealth.

Sinabi naman ng legal counsel na si Atty. Jojo Del Rosario, na inimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga tauhan na isinangkot sa katiwalian, pati  ang mga opisyal at may –ari  ng WellMed dahil sa ghost dialysis isyu.

Una nang inaresto sa Novaliches noong  nakalipas na Hunyo 11, 2019  si Christopher Sy ng WellMed Dialysis Center hinggil sa isinumiteng claims ng pasyenteng matagal ng patay.

Nabatid pa na sa kabila na suspendido ang WellMed ay tumatanggap pa rin ito ng bayad mula sa PhilHealth.

Nakasaad sa report na tatlong ospital sa Southern Philippines ang ipinasara muna habang iniimbesigahan at pinagmulta ng kabuuang P5.2 milyon.

Inihayag din ni Morales na magiging digital na ang transaction ng PhilHealth sa pamamagitan ng Smart at ang pangunahing layunin ay ang mapabilis ang serbisyo sa mahihirap na pasyente.

Sa mga napaulat na may ‘bigfish’  umano sa likod ng  katiwalian ng  ahensiya ay mariin namang sinabi  ni Morales, na sinisiyasat pa ng kanyang mga opisyal ang nasabing isyu.

Idinagdag pa ni Morales na malakas  ang koneksiyon at may kapasidad ang mga sangkot sa katiwalian, subalit ang mga ito ay tukoy na.

Magkakaroon ng pulong ang mga opisyal ng PhilHealth at Department of Health kaugnay sa Universal Health Care sa mga susunod na araw.

Read More