PREMYONG MATAGAL IPINAGKAIT

PRO HAC VICE

HALOS dalawang dekada na rin ang nakalilipas sa paghahabol ni boxing le­gend Luisito Espinosa sa kanyang promoter upang makamit ang inaasam-asam na premyong kanyang pinagwagian sa labang buwis-buhay.

Sa wakas ay mapapakinabang na rin ng legendary boxer ang perang kanyang pinagpawisan makaraang atasan ng Korte Suprema ang pamilya ng boxing promoter na si Rodolfo Na­zario na bayaran ng mahigit US$130,000 si Espinosa.

Bukod sa halagang pinababayaran na bahagi ng prize money ni Espinosa, pinagbabayad din ng Kataas-taasang Hukuman ang mga tagapagmana ni Nazario ng anim na porsiyentong tubo bawat taon mula Mayo 26, 1998 (petsa kung kailan naghain si Espinosa ng kaso sa Manila RTC para makuha ang kabuuan ng kanyang premyo) hanggang sa kasalukuyan.

Ang hinahabol na ­premyong salapi ni Espinosa ay may kinalaman sa kanyang naipanalong laban kontra kay Carlos Rios ng Argentina na idinaos noong Disyembre 6, 1997.

Nakasaad sa resolusyon ng Supreme Court na may petsang November 13, 2019, ibinasura ng Supreme Court Third Division ang petisyon ng asawa at mga anak ni Nazario na pumanaw na noong September 24, 2009.

Umakyat sa Korte Suprema ang pamilya ni Na­zario para kwestyunin ang naunang ruling ng Court of Appeals noong 2017 na pabor sa monetary claim ni Espinosa.

Sa kontratang pinirmahan ni Espinosa para sa nasabing laban, siya ay babayaran ng US$150,000 bilang premyo at training expenses na US$10,000 subalit binayaran lang ang boksingero ng $29,651 ng promoter.

Ang prize money ay may kasamang guarantee letter na nakasaad na ang balanse ay ibibigay  kay Espinosa sa Disyembre 16, 1997.

Sa resolusyon ng Korte Suprema, binigyan nito ng bigat ang GL na pinirmahan ni Nazario, pati na ang kontratang pinirmahan nila ni Espinosa noong October 1997.

Dahil bigo si Rodolfo Nazario na itanggi “under oath” ang mga document na  mayroong “implied admission” ang panig nito hinggil sa “authenticity” ng kontrata at ng guarantee letter.

Mabuhay ang Korte Suprema!!! Tunay ngang sandigan ng mga mamamayan na naghahanap ng hustisya sa kanilang laban. (PRO HAC VICE / BERT MOZO)

Read More

MGA FILIPINO BA KAYO?

PRO HAC VICE

HANGGANG kailan kaya magiging makatao ang mga negosyante sa ating bansa, ka-saksi??

Talaga bang walang mga puso ang mga lintang negosyanteng ito na kahit nasa hindi magandang kalagayan ang ating mga kababayan tulang nang mga nagsilikas dahil sa pagputok ng Bulkang Taal ay wala pa ring iniisip kundi ang kumita?

Sana, mabago naman ang pananaw ng mga negosyanteng ito dahil buhay, kaligtasan at kalusugan ng ating mga bababayan ang nakataya sa pangyayari.

Sobra ang pagiging suwapang ng mga ma­ngangalakal na ito kasi yung P30 hanggang P35 na face mask ay ginawa nilang P200. Hindi ba kaswapangan iyon. Gusto nilang kumita ng malaking pera sa gitna ng sakuna?

May mga bumili ng bulto-bulto at may nagtago ng mga panindang face mask dahil batid nilang marami ang mangangailangan ng suplay ng face mask subalit pareho din ang layunin nila – maibenta sa mas mataas na presyo ang mga panindang kailangang kailangan upang hindi makalanghap ng abo mula sa bulkan ang mga taong nasa lansangan.

Gayunman, batid naman natin na umiiral pa rin ang kanilang konsensiya. Malamang, hindi sila nakakatulog dahil alam nilang mali ang kanilang ginawa. Batid nilang kasuwapangan kaya inaasahang pagsisisihan nila iyon.

Maaaring sa ngayon ay hindi pa naiisip ng mga negosyanteng ganid sa salapi ang kanilang pagkakamali  sapagkat abala pa sila sa patuloy na pagsipsip sa dugo at pawis ng mga bumibili ng pangangailangan  sa kasong emergency.

Sana dumating kaagad ang panahon na singilin sila ng panahon sa kanilang mga ginawang mali.

Sana kumilos na ang Department of Justice (DoJ) at Department of Trade and Industry (DTI) upang makasuhan ng profiteering at economic sabotage ang mga negosyanteng ito upang magising sila sa kanilang pagkakamali lalo na kapag nasa likod na sila ng rehas na bakal. (PRO HAC VICE / Bert Mozo)

Read More

2020 – DOJ CASES REPORT!

PRO HAC VICE

Dahil po siguro sa pangu­ngulit ng inyong kabalat mga ka-Saksi, mahigit sa apat na libong mga kaso po mula sa mahigit labing apat na libong mga kaso na naka-apila sa Department of Justice ang naresolba na ng ahensiyang ito ng pamahalaan.

Ito po ang nakuhang impormasyon ng inyong kabalat mula kay DOJ Assistant ­Secretary Neal Vincent M. Bainto na nagsabi na ang mga naturang kaso ay ang ­pinagsamang petition for review at motion for ­reconsideration na inihain sa Kagawaran ng Katarungan mula Luzon, Visayas at ­Mindanao.

Bagaman mayroong nagawa o naresolbang ganoon karaming kaso ang DOJ ay hindi naman masaya si ASEC Bainto dahil sa libo-libong mga kaso pa rin aniya ang nakatambak sa kanilang tanggapan na kailangan nilang maresolba.

Paliwanag pa ng opisyal ng DOJ, bagaman ganoong karami ang kanilang naresolba ay halos di rin aniya nabawasan ang mahigit sa labing apat na libong mga naka apilang kaso sa DOJ, ito’y sa kadahilanang sa buong taon ng 2019 ay araw-araw din namang mayroong naghahain ng apila sa Kagawaran ng Katarungan

Aminado si Asec Bainto na kailangan pa siguro nilang doblehin ang mga naka in-house na piskal ng kagawaran na katulong nila sa pagresolba ng mga naka apilang mga kaso  ngayong taong 2020 upang makahabol at mabawasan o maka-kalahati man lang sa pa­tuloy na paglobo ng mga naka-apilang mga kaso sa DOJ.

Kailangan din nating ­unawain ang departamentong pinamumunuan ni Secretary Menardo Guevarra dahil sa lawak po o dami ng mga naka-apilang kaso sa ­kagawaran  mula sa ibat ibang mga tanggapan ng mga piskal sa buong bansa kung kaya po di kayang ma-zero backlog ang tanggapan.

Sa pagpasok po ng taong 2020,  hindi ko pa rin po tatantanan yan!!! Sabi nga ni Miguel Castro o Mike Enriquez ng  DZBB!!! (PRO HAC VICE / Bert Mozo)

Read More

PAO SASANDAL NA LANG KAY PANGULONG DUTERTE

PRO HAC VICE

DAHIL sa pagtapyas ng Senado sa kanilang pondo ay sasandig na lamang ang Public Attorneys Office (PAO) sa kapangyarihan ng Pagulong Rodrigo Roa-­­Duterte na i-veto ang 2020 budget para ‘di na makaltasan ang proposed budget ng PAO sa 2020.

Ayon kay PAO chief Persida Rueda-Acosta, naghain na sila ng 7 pahinang liham kay  Pa­ngulong Duterte na i-­veto ang special provision sa General Appropriations Bill na nag­lilimita sa paggamit ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng PAO at ope­rating expenses ng Forensic Laboratory nito.

Binigyan-diin sa liham ni Acosta ang kahalagahan ng kanilang Forensic Laboratory para matulungan ang milyun-milyong mahihirap nating kababayan na mapagkakaitan umano ng tulong sakaling maisakatuparan ang pagkaltas sa kanilang pondo.

Sobrang ikinadismaya ni Acosta ang P19.5 milyong pondo na tinapyas ng Senado na  nakalaan sa kanilang Forensic Laboratory na mayroong walong tauhan at ang maaaring pagkabalam sa kanilang mga isinasagawang eksaminasyon sa mga bangkay ng mga biktima ng kontrobersyal na Dengue Vaccine na Dengvaxia.

Paliwanag pa ni Acosta na mismong ang Department of Budget and Management umano ang naglaan ng pondo para sa Forensic Laboratory makaraang maipaliwanag ni Acosta ang kahalagahan nito sa kanilang mga hinahawakang mga kaso.

Dagdag pa ni Acosta na ang paglimita sa paggamit ng PAO ng kanilang MOOE ay makahahadlang sa operasyon ng kagawaran at labag din umano sa isinasaad ng Saligang Batas.

Sinilip pa niya ang pagkakaroon ng Commission on Human Rights na may ibinigay na pondo para sa forensic services nito. Bakit ang kanilang Forensic laboratory umano ay iniipit?

Sa pagtapyas sa kanilang pondo ng Senado sa pangunguna nina Sen. Franklin Drilon at Sen. Juan Edgardo Angara ay hindi tuloy ma­alis sa isipan ng PAO ang posibilidad na nagkaroon ng papel ang isang dating Health Secretary na ngayo’y isa nang Congressman. (Pro Hac Vice / BERT MOZO)

Read More

SUPREME COURT NAGBUKAS NG SUMBUNGAN PARA SA SAMBAYANANG FILIPINO

PRO HAC VICE

‘YAN mismo ang nais na ipaabot ng Chief Justice (CJ) Diosdado Peralta ng Korte Suprema (KS) sa sambayanang Filipino.

Nais ni CJ Peralta na mismong ang publiko ang magpaabot sa kanya ng mga pag-abusong nalalaman nila laban sa mga miyembro ng Judiciary.

Nakabibilib naman ang naturang programa ng punong mahistrado.

Ang nakatutuwa pa nito, tiniyak ni Chief Justice Peralta na kapag mayroong pormal na reklamo na isinampa sa Judiciary Public Assistance Section o (JPAS) ay kailangang ito’y matugunan sa loob ng 15 araw.

Ang JPAS ay mayroong tatlong unit.

Ang Help Desk Unit ay makikita sa ground floor ng Supreme Court (SC) Centennial Building sa Padre Faura St. Ermita, Maynila, habang ang Hotline at Email Messaging Units ay sa mismong tanggapan ni CJ Peralta.

Kaya sa ating mga kababayan, pagkakataon na ninyo na magsumbong kung may nalalaman kayong mga pag-abuso sa mga miyembro ng Hudikatura.

Ito ang hotline ng JPAS, 0285266185, 0285529644 at 0285529646. Habang mayroon ding email address, gaya ng chiefjusticehelpdesk@sc.judiciary.gov.ph.

Nitong Lunes lamang, sa pangunguna ni CJ Peralta, ay pormal nang inilunsad ng KS ang JPAS na nasa ilalim mismo ng pamamahala ng Office of the Chief Justice, na layong ilapit sa publiko ang Hudikatura.

Samantala, pinayagan na po ng SC ang Live Media Coverage sa promulgation o pagbaba ng hatol ng Quezon City Regional Trial Court laban sa mga akusado ng Maguindanao massacre case na gagawin sa December 19, ganap na alas-9:00 ng umaga.

oOo

KASAKIMAN NG WATER CONCESSIONAIRES TATAGPASIN NG OSG

Hindi papayagan ng office of the Solicitor General (SG) na manaig ang kasakiman ng water concessionaires nang hindi lumalaban.

Inihayag kamakailan ni SG Jose Calida na ang naging desisyon ng Arbitration Court sa Singapore na pagbabayarin ang gobyerno ng Pilipinas ng bilyun-bilyong pisong danyos sa Manila Water at Maynilad dahil sa sinasabing procedural lapse. Ang anumang probisyon sa isang kontrata na taliwas sa mga batas at polisiya ng gobyerno ay hindi maaaring magkabisa.

Nagbanta pa ang OSG na ipapakita nila sa kanilang mga susunod na hakbang na ang arbitral award sa Manila Water ay hindi dahil sa sinasabing procedural lapse kundi dahil sa pagtanggi ng kompanya na magpasailalim sa lehitimong regulasyon ng gobyerno. At gagawin ng OSG ang lahat ng legal na remedyo para protektahan at depensahan ang interes ng gobyerno at publiko.

Hayan, sobrang kasakiman kasi ang ipinaiiral ninyo, kaya hayan, nakakuha kayo ng katapat. (Pro Hac Vice / BERT MOZO)

Read More

WOW GALING!

PRO HAC VICE

Mapapa-wow ka talaga sa naging presentasyon ng opening-ceremony o pagbubukas ng South East Asian Games (SEAG) na ipinamalas ng bansa bilang siyang host sa naturang event.

Wala kang maririnig mula sa bibig mula sa karamihan ng ating mga kababayan kundi kasiyahan at paghanga sa nakita nilang presentasyon sa pagbubukas ng SEAG.

Ang hindi nga lang maganda ay ang komento mula sa mga umano’y nagmamalasakit kuno sa pondo ng bayan na ginamit sa SEAG.

Isa pa sa mga ‘di kagandahang nagkomento ay ang Pambansang Kamao ng Davao na si Mayor Sara Duterte-Carpio.

Bakit daw ‘yung awitin ng Hotdog na Manila ang ginamit na background na awitin sa pagbubukas ng SEAG gayung hindi raw ito nagre-presenta ng kabuuan ng Filipino, kasi paano raw ang mga taga Visayas at Mindanao?

Naku, mayor, kilala po ang Pilipinas sa ibang bansa bilang Maynila, hindi po Luzon, Visayas at Mindanao.

Bakit, pag sinabi ba’ng Maynila binabalewala na ang mga taga Visayas at Mindanao? Ako po, Mayor Sara, ay batang Mindanao… “You know what I’m saying,” sabi nga ni Ted Failon ng DZMM.

Kung hindi ninyo alam, Mayor Sara, maraming naninirahan sa Maynila mula sa Visayas at Mindanao. So papaano ‘yon hindi sila kasama sa nagre-representa ng Maynila?

Sana bago pa man ang pagbubukas ng SEAG nag-ambag na kayo ng inyong suhestiyon na dapat ang back ground music ay magre-representa sa buong bansa.

Bakit, porke ba’t walang nananalaytay na dugong Tagalog sa katawan mo ay ‘di ka na puwedeng tawaging Manileño kung nakatira ka sa Maynila at bilang isang Filipino?

Samantalang ang mahal na Pangulong Duterte nga eh napapaindak pa sa naturang background music.

Buti na lang hindi apektado ang mga manlalaro ng Pilipinas dito!

oOo

CONGRATULATIONS!

Sa lahat ng mga manlalarong may pusong Pinoy na patuloy na humahakot ng medalya sa ikalawang araw ng SEAG. Puso! (Pro Hac Vice / BERT MOZO)

Read More

GUSTONG MAGPAPANSIN?

PRO HAC VICE

Talaga bang likas na sa mga laos na politiko ang umepal para lamang mapansin?

Itong mga politikong ito, sa halip na mag-isip para mas lalong magi¬ging maganda at maging kapaki–pakinabang ang kalalabasan ng nakatakdang Southeast Asian Games (SEAG) sa bansa heto’t nagsisiepal para lamang mapansin. Malayo pa po ang susunod na election!

Kung talagang may nakita kayong mga overpricing sa preparasyon at pagpapaganda ng presentasyon ng bansa natin para sa nalalapit na SEA Games at nais ninyong malaman, dapat gawin ninyo ‘yan pagkatapos ng okasyon. Hindi ngayon na nagsasaayos pa lamang ng mga pagdadausan ng mga palaro puro na kayo epal!

Hindi lamang mga KSP (kulang sa pansin) ang mga tinamaan ng magaling na mga politikong ito, kundi ang ginagawa ninyo ay demoralisasyon.

‘Di kaya talagang sinadya ninyo ‘yang kunwari nagmamalasakit kayo sa pondo ng bayan pero ang totoo eh demoralisas¬yon ang ginagawa ninyo para mayroon na naman kayong ibabatong sisi sa mga nag-organisa ng SEA Games sa bansa at sa kasalukuyang administrasyon?

Hayan, nabuksan tuloy ni Speaker Alan Cayetano ang inyong mga itinatagong kabulukan, umaa-lingasaw sa sobrang baho!

Kung talagang may katiwalian sa preparasyon ng SEA Games, kasuhan ninyo si Speaker Cayetano dahil siya naman ang chairman ng organizing committee ng okasyon.

Hayan, dahil sa mga pakikiepal ninyo, nagkaroon tuloy ng mga aberya ngayon sa pagsaludar sa mga kinatawang atleta ng iba’t ibang bansa na dumating na sa ’Pinas.

oOo

Congrats sa Public Attorneys Office (PAO)!

Pinarangalan kasi ng Gawad Amerika sa Hollywood, Los Angeles California, USA, ang dalawang pinakamataas na opisyal ng PAO.

Si PAO Chief Acosta pinagkalooban ng lifetime award ng Gawad Amerika Award (GAA) dahil sa kanyang ‘di matawarang dedikasyon sa paglilingkod sa publiko.

Aktibo siyang miyembro ng International Legal Aid Group, the International Corrections and Prisons Association, the International Association Of Bloodstain Pattern Analysts. ‘Yan ay bukod pa sa pagiging professor ng Ateneo de Manila School of Law.

Pasok din sa ginawaran ng GAA ang head ng PAO Forensic Laboratory head na si Dr. Erwin Erfe dahil na rin sa pagtulong sa publiko lalo na sa pagsuri sa mga labi ng mga biktima ng M/V Princess of the Stars.  (Pro Hac Vice / BERT MOZO)

Read More

COURT MARSHALS DAPAT NOON PA

PRO HAC VICE

Sa totoo lang, noon pa sa panahon ng yumaong si Supreme Court Chief Justice Renato Corona, nagpahiwatig na ito na sana makita naman ng mga mambabatas ang kalagayan ng mga hukom at mahistrado na nakatatanggap ng pagbabanta sa kanilang buhay dahil lamang sa pagganap ng mga nakaatang na tungkulin.

Kaya lamang, dahil sa hindi feel ng nakaraang administrasyon si CJ Corona at ginawa ang lahat para siya ay mapatalsik sa puwesto ay wala ring isa man sa mga mambabatas noon ang nagpanukala gaya ng ginawa ni House Deputy Speaker Johnny Pimentel dahil baka kasi mawalan sila ng pondo.

Galit kasi ang Aquino administration kay CJ Corona, kasi nagpalabas ng kautusan ang SC en banc noong Corona Court na i­pamahagi sa mga magsasaka ang lupain ng Hacienda Luisita.

Sa hinaba-haba ng panahon at ilang pangulo ng bansa ang nagdaan ay hindi nangyari ‘yun kundi sa panahon pa ni Noynoy Aquino.

Ikinatuwa naman ng buong hudikatura ang pag-ukol ng pansin ni House Deputy Speaker Pimentel sa sigaw ng judges makaraang isumite nito ang House Bill 5403, na bubuo ng office of the Philippine Marshals Service na pangangasiwaan ng Supreme Court.

Ayon nga kay Court Administrator Jose Midas Marquez, aspirante para maging associate justice ng Korte Suprema, isang napakalaking bagay ang naturang House Bill partikular sa mga hukom kung tuluyan na itong makapasa at maging batas dahil makatutulong ito nang malaki sa pagganap ng judges sa kanilang mga sinumpaang tungkulin.

Ayon pa sa kanya, napapanahon na upang ‘di naman mistulang target practice na lamang ng mga kriminal o sindikato ang judges na gumaganap lamang ng kani-kanilang tungkulin.

Dapat na magkaroon na ng marshals ang mga hukom at mahistrado na siyang magbibigay ng seguridad sa mga ito, kasama na ang mga pasilidad ng hudikatura.

Batay naman sa pinakahuling datos ng Office of the Court Administrator, umaabot na sa 31 mga hukom ang mga napatay ng mga kriminal simula pa noong 1999 hanggang ngayon. Ang pinakahuli nga nito ay si Judge Mario Bañez na in-ambush at napatay sa La Union nitong nakalipas na Nobyembre a-singko lamang. (Pro Hac Vice /  BERT MOZO)

Read More

SALITANG ZERO BACKLOG OF CASES WALA SA BOKABULARYO NG DOJ?

PRO HAC VICE

Hanggang ngayon ay wala pa ring naipalalabas na datos ang Department of Justice (DOJ) kung ilang petition for review (petrev) at motion for review na nakasampa sa DOJ ang kanilang na­resolba.

‘Pag minsan, naisip ko tuloy kung mayroon bang ginagawa ang undersecretaries ni Secretary Menardo Guevarra dahil sa kanila nakaatang ang mga petrev na isinampa ng mga litigant.

Isinawalat ko na po ang problemang ito kung saan inamin mismo ni DOJ Undersecretary Adrian Ferdinand Sugay sa isang press briefing na natatambakan sila ng mga petition for review at motion for reconsideration na umaabot sa 12-14 na libong mga kaso.

Hanggang ngayon ay wala pa ring mga datos mula kina DOJ Usec. Sugay kung mayroon na ba silang naresolba na mga petrev at MR.

Ano ‘yan, maghihintay pa ba kayo na magkaroon uli ng bagong secretary para sa kanila na naman isisi ang kabagalan ng DOJ?

Depensa ni Usec. Sugay na hindi naman lahat ng aabot sa 14 na libong mga kaso ay sa kanilang panunungkulan dahil sa ito raw ay kanila na lamang inabutan mula nang sila’y manungkulan nang masipa o matanggal ang grupo ni dating DOJ Sec. Vitaliano Aguirre at mga usec nito.

Ang masaklap lang niyan ay wala namang datos na inilalabas sina Usec. Sugay kung mayroon nga ba silang naresolbang petrev at MR mula nang sila’y manungkulan.

Sana lang magpakatotoo kayo dahil kawawa naman ‘yung mga litigant na naghihintay sa aksyon ninyo!

‘PINAS AT ANG BIGAS!?

Totoo ba ‘yang balita na ‘yan na naungusan ng Pilipinas sa pag-aangkat ng bigas ang bansang China?

Naku ha! Nakalulungkot namang isipin na magiging dependent na tayo sa ibang bansa para may makain na kanin?

Isipin n’yo na lang na ang populasyon ng bansang Tsina ay bilyon at tayo ay mahigit lang sa isang daang milyon pero mas mataas pa ang inaangkat nating bigas kaysa kanila. Aba’y nakababahala na ‘yan na dapat sigurong bigyang pansin na ng ating pamahalaan.

oOo

Maraming salamat pala sa pamunuan ng Allied Care Experts (ACE) med center sa Malanday, Valenzuela City. At kay president/surgeon Dr. Roberto De Leon, physician Dr. Gari Recodo, mga nurse Elli, Alu, Donie, Jay-Ar, at Normie para sa matagumpay na operasyon ng appendectomy at Meckel’s diverticulum sa anak ng kaibigan kong si Jun Samson na si Ibrahim “Pog” Samson. (Pro Hac Vice ni BERT MOZO)

Read More