AYUDA PARA SA MGA FILIPINONG INA

Psychtalk

(Unang bahagi)

Sa pagnanais ng Pilipinas na iangat pa rin ang kalagayan ng mga ina, lalo na ‘yung mga nasa laylayan, iba’t ibang batas na rin ang naipasa at pinaplanong ipasa sa Kongreso.

Sa aking pagmamasid at pagtatanong sa mga kakilalang nanay at ilang komunidad sa probinsya, tila kulang ang kaalaman pa rin ng ilang nanay sa mga ito.

Una sigurong dapat ipabatid sa mga Filipinong nanay ang tungkol sa batas na nagnanais ayudahan ang mga sa kanila’y nag-iisang nagtataguyod ng pamilya.

Para sa kaalaman ng mga itinuturing na single or solo parents, ipinasa noong 2000 pa lang ang Solo Parents Act.

Sa 2015 datos ng PSA, mayroong 3M na solong magulang at 2M dito ay mga babae. Sa isang datos naman noong 2017, umabot na sa 20M ang solo parents at malaking bahagdan nito ay mga babae.

Nakakalungkot malaman na kahit sa mismong mga kakilala ko o malapit sa akin, hindi alam ang tungkol sa “Solo Parents Act,” na maaari palang humingi ng tulong ang nahihirapang mga nag-iisang magulang.

Anu-ano nga ba ang pwedeng asahan sa batas na ito?

Una, binasag ng batas na ito ang masamang palagay tungkol sa mga anak na galing sa single-parent household o kaya ‘yung mga produkto ng tinatawag na “broken homes.” Naitutuwid na rin ang maling pananaw sa mga inang single o hiwalay, na sila ay hindi masasamang babae.

Pwede ring bigyan ng flexible na oras ng trabaho ang mga  empleyadong single or solong ina at inaasahan ang mga employers na positibong tingnan ang bagay na ito kaysa gamitin laban sa mga nasabing empleyado sa paniniwalang bumababa ang performance nila dahil sa sitwasyon.

Mas mahalaga marahil ang pagbibigay-tulong  sa pag-aaral ng mga anak ng naghihirap na solong nanay. Pwedeng humingi ng tulong sa pamahalaan gaya sa CHED o kaya sa TESDA.

Bagama’t kulang pa rin ang mga ito. May praktikal pa ring mga isyu na kinakaharap ang mga solong ina. Gaya ng pagbabalanse ng responsibilidad sa tahanan at trabaho lalo na kung maliliit ang anak at walang katulong mag-alaga.

Maganda rin sana kung natuloy ang batas noon na maaa¬ring magkaroon ng mga daycare sa mga lugar ng trabaho para madala ng mga ina ang kanilang mga sanggol o anak na hindi pa nag-aaral. Ito ay malaking tulong sana sa mga nanay na malayo sa mga kamag-anak, o walang kakayahang magbayad ng kasambahay.

Maganda nga marahil irepaso ang batas na ito kasabay ng pag-aaral kung gaano kaepektibo ang naging implementasyon nito. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

Please follow and like us:
Read More

HAMON SA KALUSUGAN NG MGA INANG FILIPINO

Psychtalk

Isa sa usaping hindi gaanong nabibigyan ng pansin ay ang kalusugan ng mga inang Pilipino, lalo na yung mga nasa mahihirap na komunidad.

Hindi prayoridad ang kalusugan sa mga mahihirap na pamilya dahil nakatuon ang pagkita ng pera para sa pagpupuno ng mga batayang pangangailangan gaya ng pagkain at tirahan.

Sa mga pamilyang maswerteng nakakapagbigay atensiyon sa kalusugan, una siyempre rito ang kapakanan ng mga anak o ama, at balewala na ang sa ina.

Sa nakalipas na ilang taon, nakita ang pagtaas ng maternal mortality sa bansa. Umpisahan sa mga namamatay sa panganganak dahil na rin sa ‘di gaanong napag¬handaang pagbubuntis.

Natural, kulang sa pangangalaga ng doktor, salat sa nutrisyon, kaya nagiging high-risk ang pagbubuntis. Kung hindi rin napangalagaan ang pagbubuntis, malamang magiging delikado rin ang pangaganak.

Kaya madalas, kung mataas ang maternal mortality rate, mataas din ang child mortality rate.

Isang kabalintunaan na sa katotohanan, madalas nga na napapabayaan ang kalusugan ng mga ina. Bagamat kung tutuusin, dapat itong inuuna dahil nakatali sa kalusugan ng nanay ang kalusugan ng pamilya at bayan kung tutuusin.

Dahil kung hindi malusog ang nanay, ano naman ang ipapasuso niya sa anak pagkapanganak? Ang kahihinatnan ay parehong malnourished o kaya ay undernourished ang ina at anak.

Kung maysakit ang nanay, paano niya mapapangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mag-anak? Kung napabayaaan ang kalusugan ng mga anak dahil may problema mismo ang ina, anong klaseng kabataan ang uusbong galing sa mga pamilya?

Paano makakagampan ng epektibo ang ama ng tahanan sa kanyang hanapbuhay kung siya ay hindi rin maayos na nasusuportahan sa mga batayang pangangailangang pangkalusugan?

Sadyang magkakaugnay ang mga isyu sa usapin na maternal health.  Habang hindi naiintindihan ang mahalagang nagagampanan nito sa kalusugan at kapakanan ng buong komunidad o sambayanan, patuloy na ito ay laging nasa huli ng talaan ng mga priority issues ng pamahalaan. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

Please follow and like us:
Read More

ANG MGA BATANG INA

Psychtalk

Batay sa mga pinakahuling datos, 10% sa mga kabataang Filipina na nagkakaedad 15-19 ay nabubuntis o nagiging dalaga o batang ina.

Sabi nga ng UNFPA (United Nations Population Fund), kaisa-isang bansa ang Pilipinas sa Asia-Pacific na nagpakita ng mabilis na pagtaas sa bahagdan o bilang ng teenage pregnancy sa nakaraang huling dekada.

Maraming maaaring iturong salik sa likod ng usaping ito bagama’t madaling ituro ang hindi agad pagkapasa ng Reproductive Health Law o ang ‘di naman epektibong implementasyon nito dahil sa maraming humahadlang dito sa umpisa pa lang.

Madali ring sambitin na nakaugat ang pagdami ng batang ina sa kakulangan ng makabuluhang “sex education” sa bansa at kawalan o kakulangan ng mga komprehensi­bong serbisyo na tumutugon sa sexual o reproductive health.

Kaya lang pinipigil ng mga konserbatibo ang mga kon­kretong serbisyo gaya ng pagmumudmod ng mga contraceptives o pagtataguyod ng sex education sa mga paaralan dahil naniniwala sila na lalo lamang maghihikayat sa mga kabataan na maging sexually active sa maagang panahon.

Parang usapin ng itlog at manok ang isyu ng mga batang ina. Sa kabilang dako, sinasabing dahil kulang sa edukas­yon sa sekswalidad, nabubuntis ang mga kabataan. Sa ibang banda naman, natatakot ang ilan na ito mismo ang magpapalaganap ng teenage pregnancy.

Labanan ng mga kampo ito na nanggagaling sa magkaibang pananaw o perspektibo. Ganunpaman, pwedeng iresolba ang usapin sa pamamagitan ng mga datos galing sa mga pananaliksik. Kaya nga nakumbinsi ang lipunan na ipasa ang Reproductive Health Law. At alam na natin kung sino ang nanalo.

Lumalabas din sa ilang pag-aaral na dahil ‘di nabibigyan ng tamang impormasyon ng mga tamang tao (guro, magulang, sexual health professionals), tuloy sa mga ‘di-tamang source (internet, peers) kumukuha ng mga impormasyon ang mga kabataan tungkol sa usaping sekswal. At dahil kulang o mali ang kaalaman, natutuloy sa ‘di ina­asahang pagbubuntis o pagiging ina ang mga kabataang Fi­lipina.

Anupamang dahilan, may matingkad na ipinapakita ang mga datos na nabanggit. Isang seryosong bagay ang usapin ng mga batang ina. Masalimuot at malalim ang mga im­plikasyon at epekto nito na dapat sistematikong unawain o pag-aralan para matugunan ng tama at ganap. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

Please follow and like us:
Read More

ANG HAMON NG PAGIGING FILIPINONG INA

Psychtalk

Masarap maging ina, karaniwang sasabihin ‘yan ng mga nanay. Pero sa katotohanan, hindi lahat ay magsasabi niyan. Depende sa konteksto o kadalasan, sa estado ng buhay.

Maraming salik ang nagbabanggaan na siyang magtatakda kung magiging madali o mapanghamon ang pagiging ina lalo na sa bansang Pilipinas.

Sa kultural na antas, mabigat ang iniatang sa balikat ng mga ina ng mga tradisyonal na pamantayan. Bilang tinaguriang “ilaw ng tahanan” pinapalagay na ang katatagan ng pamilya ay nasa kakayahan ng mga inang balansehin o kaya’y pagtiisan ang minsan ay nagbabanggaang pwersang humahamon sa pamilya.

Ang pagbagsak ng pamilya ay kadalasan isinisisi sa mga ina. Baka naging pabaya, pariwara, bungange­ra, o naging makasariling ina o babae ka. ‘Yan ang ihuhusga. Kaya kung may mga krisis sa pamilya lalo na sa relasyong mag-asawa, pinapalagay na handa dapat magparaya o magsakripisyo ang mga ina para mapanatili ang katahimikan o istabilidad ng mag-anak.

Kung ordinaryo kang ina na ang buhay ay naitalaga na sa loob na tahanan, at ibig sabihin, walang gaanong economic power, ito ay nangangahulugan ng kahandaang tumalima sa sinumang may kapangyarihang produktibo o kakayahang mag-akyat ng kita sa tahanan. Ito ang madalas na dahilan bakit may mga babaeng nababaon sa u­sapin ng family o domestic violence.

Sa isang bansang nakasadlak pa rin sa kahirapan ang karamihan, kadalasang idinadaing din ng mga ina ng tahanan ang paano tugunan ang mga usapin o pangangailangang pangsikmura ng mga anak o iba pang miyembro ng pamilya.

Natural na sa isang mapagkalingang ina ang naising ibigay ang lahat na sana ng pinaka  sa mga anak: pinakamasarap at pinakamasusustansiyang pagkain, pinakamaayos na mga kasuutan o kagamitan, o pinakamagandang paaralan, o pinakamagagandang oportunidad para umunlad ang pagkatao ng mga anak.

Ang tanong, paano ka tutugunan  ang mga ito kung kasama ka sa maraming bahagdan na nabubuhay sa tinatawag na below poverty line?

Madalas, ang unang hamon ay paano pagkakasyahin ang sahod na nasa minimum lamang. Dito lumalabas ang dagdag na hamon. Paano mo gagamitin ang creativity  o abilidad  para ibigay ang pinakamahusay na resulta bilang tagapamahala sa tahanan na gamit  lamang ang limitadong resources o kakarampot na yaman.

Upang makatugon ang mga Filipinong ina sa mga inaasahan  sa kanila, dito inaasahang papasok ang mga batayang ahensiya o organisasyon (DSWD, DepEd, DOH, etc.) na maaaring umayuda sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga batayang serbisyo at edukasyon para mas mapalakas ang mga Filipinong ina na nasa laylayan ng lipunan. Ito ang ideyal na sitwasyon dahil sa aktuwal na pangyayari, maraming maaaring mapagtalunan diyan. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

Please follow and like us:
Read More

PAANO BA ANG MAGING INA?

Psychtalk

Ano at paano ba ang pagiging ina? Sino ba ang mga ina?

Pwedeng tingnan ang pagiging ina sa dalawang antas: biolohikal at sikolohikal.

Sa level ng biology, ang pagiging ina ay nangangahulugan ng pagdadalantao, o pagbubuntis. May bahay-bata ka na may kakayahang bumuhay ng sanggol sa loob ng siyam na buwan. Sa pananaw na ito, ang mga babaeng may kakayahang manganak lamang ang mga ina. Ang mga lalaki, dahil wala silang matres, ay hindi kailanman magiging mga ina. Ang mga babae namang walang egg cells (baog) o may problema sa kanilang reproductive function ay hindi rin kayang magluwal ng mga sanggol, kaya mahihirapan, kundi hindi man imposibleng maging ina sila. Ito ang mas tradisyonal o esensyal na pananaw sa pagiging ina.

Ganunpaman, may paniniwala na ang pagiging ina ay mas sikolohikal na karanasan o proseso kaysa biolohikal. Kung susundan ang sinabi ng dating Miss Universe na si Sushmita Sen na ang kaganapan ng pagiging babae ay ang kakayahang magpakita ng pagmamahal, malasakit, at kalinga, pwedeng maging ina ang sinumang babae na kayang magbigay ng mga ito.

Oo nga, naman. Mayroong mga napakarunong magluwal ng bata pero kalaunan naman ay nagiging pabaya at walang alam sa pangangalaga ng anak, kundi man tahasang abusado.

Mayroon namang mga babae, o kahit mga lalaki, na hindi nagdalantao at nagluwal ng sanggol pero kakikitaan naman sila ng mapagmahal na pagkalinga, pag-aaruga  kahit sa mga batang hindi naman nila kaanu-ano o kadugo.

Kaya bukod sa pagkakaroon ng sanggol sa pamamagitan ng sariling bahay-bata, lumabas sa iba’t ibang lipunan  ang kaparaanan ng pag-aampon, o adoption. Noong u­nang panahon, ito ay punumpuno ng stigma o negatibong pagtingin mula sa lipunan, pero kalaunan, dahil na rin sa pananaliksik at edukasyon, nabuksan na ang mata at puso ng mga tao tungkol dito at mas positibo na ang pananaw tungkol dito.

Sabi nga, dalawang paraan ng pagkakaroon ng anak: pagluwal sa pamamagitan ng sinapupunan, o pagbibigay-buhay mula sa puso.

Anuman ang kaparaanan para maging ina ang isang tao (natural man, legal na paraan, o extra-legal, o dahil sa makabagong teknolohiya) na maalaga ay naroon ang kakayahang mangalaga sa isang indibidwal upang ganap na umusbong ito sa mundo  na may saysay. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

Please follow and like us:
Read More

PAGIGING INA BILANG SUKATAN NG SAYSAY NG ISANG BABAE

Psychtalk

Naalala ko pa nang ginanap ang Miss Universe Beauty Pageant dito sa Pilipinas noong 1994. Nanalo si Bb. Sushmita Sen ng India hindi lang dahil sa taglay niyang kagandahan kundi sa palagay ko ay dahil sa ipinakita niyang katalinuhan. Ipinamalas niya ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng sagot na may saysay sa mga katanungan at sinabayan na rin ng pagkakaroon ng tiwala sa sarili.

Maaaring inaasahan o pangkaraniwan ang sagot niya sa huling katanungan na siyang nagbigay sa kanya ng korona. Noong tinanong siya sa kung ano sa palagay niya ang “essence of a woman” walang pag-aalinlangan niyang tinuran na, “the origin of a child is a mother, and is a woman, and the woman is the one who shares love. It is the woman who shares and shows the man what love, caring, sharing, is all about, that is the essence of being a woman.”

Ang pagkapanalo ni Sushmita ay tila sukatan din ng pulso ng mundo sa panahon na iyon tungkol sa mas namamayaning kahulugan o katuturan ng pagiging babae ng mga kababaihan. Maaaring sabihing de-kahon, tipikal, play safe ang sagot at ito’y akmang-akma sa mas popular at kumbensiyonal na pananaw tungkol sa ganap na sukatan ng saysay ng isang babae.

Bagama’t sa patuloy na pag-inog ng mundo ay naipakita ng mga babae na marami silang kayang gawin bukod sa pagiging ina ng mga tahanan. Sa iba’t ibang larangan naipamalas na kaya ng mga babaeng makipagsabayan sa mga kalalakihan, kung hindi man kaya niyang humigit.

Magkagayunman, marami pa rin ang naniniwala na ang kaganapan ng pagiging babae ay ang pagiging ina. At sa halip na tignan ito bilang isang tungkulin na nagpapakita ng kahinaan, maaari ring isipin na sa katotohanan ito ay punum-puno ng kapangyarihan. Ayon nga sa isang kasabihan, “the hand that rocks the cradle, rule the world.”

At bilang pagkilala sa halaga ng katungkulan na iyan na iniatang ng lipunan o kalikasan sa babae, inilalaan ang isang araw kada buwan ng Mayo para bigyang pagpupugay ang mga ina sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Para sa mga kapwa ina, isang maagang pagbati ng mapagpalayang Araw ng mga Ina! (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

Please follow and like us:
Read More

BALIK-KALIKASAN

Psychtalk

Alam nating ‘di na maibabalik ang itsura ng mundo sa panahong marami pa tayong inaakyat na mga puno ‘pag bakasyon. Na ang ating meryenda ay pinitas na kaimito, chico, aratiles, duhat, siniguelas, bayabas, at iba pa sa ating bakuran. Na hindi swimming pool kundi mga batis o ilog ang palamigan kapag tag-init.

Ngunit marami pa ring paraan para maipakilala at mailapit ang kalikasan sa mga batang heneras­yon upang mas pahalagahan pa rin nila ito.

Bagama’t maigi sana kung magawa, pero hindi natatapos sa  pag-akyat ng bundok o hiking sa gubat o diving sa mga dagat ang mga paraan ng muling paglalapit ng tao sa kalikasan. Dahil ang mga ito ay hindi masyadong praktikal para sa marami sa atin.

Pwedeng umpisahan sa pagbabasa, panonood ng mga programa, at pakikisali sa mga aktibidad sa komunidad na naglalayong maipaunawa sa mga tao ang kalikasan.

Maaari ring subukang maglakad-lakad sa mga parke sa sariling komunidad at maramdaman ang lamig ng lilim ng puno, ang pakiramdam ng damo sa  paa, ang amoy ng mga halaman sa umaga, o ang itsura ng hamog lalo na kapag nasisilayan ng kagigising na haring-araw.

Maaari namang magtanim mismo sa mga paso ng mga halaman para nakakakita  o nararanasan pa ring mag-a­laga ng totoong halaman ang mga bata. Kapag maliwanag ang buwan, subukang panoorin ito sa gabi at mamangha sa ganda at misteryo nito.

Para mas maunawaan ang kahalagahan ng kalikasan, maaaring ipaliwanag sa mga bata ang ilang datos: halimbawa, na para makagawa ng 14 milyong paper bag, kailangang pumutol ng 14 milyon na puno; 12 puno ang nawawala para sa isang toneladang papel na ginagamit sa office.

Ayon din sa United Nations, 35,714 ektarya ng gubat ang nawawala kada araw. Ganyan kabilis! Paunti nang paunti ang yaman ng kalikasan habang mabilis na tumataas ang paggamit ng tao ng mga produktong galing dito.

Bago mahuli ang lahat, mainam na maipaunawa at masunod nang totohanan ang ibig sabihin ng conservation ng mga natitira pang yaman sa mundo. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

Please follow and like us:
Read More

PAANO NATIN AAMUIN ANG INANG KALIKASAN?

Psychtalk

(Ikalawang Bahagi)

Naturan sa unang bahagi ng artikulong ito ang tungkol sa alienation bilang isang dahilan ng pagkawala na ng koneksyon ng tao at ng Inang Kalikasan. Ang pagkaputol na ito ng ugnayan sa pagitan ng sangkatauhan at ang planetang kumukupkop sa kanya ang isa sa mga nakikitang salik sa pagkawala ng pagpapahalaga sa kalikasan.

Parang sa ugnayan din ng mga tao, mahirap amuin ang isang tao na hindi mo gaanong minamahal. Mahirap ding mahalin ang isang tao na hindi mo naman kilala. Mai­nam na makilala muna ang isang bagay o tao bago talaga ito mabigyang-halaga.

Lalo na sa mga nagkamuwang na sa kalunsuran, mai­nam na makita sa malapitan  o maunawaan ng mas malalim ang kalikasan at iba’t ibang aspeto o porma nito.

Halimbawa, paano mo papahalagahan ang bawat tulo ng tubig sa gripo mo kung hindi mo nauunawaan kung gaano katagal bumuhay ng mga marami-raming puno para makalikha ng rainforest na panggagalingan ng bukal ng tubig? At nauubos na ang rainforests sa Pilipinas.

Na kailangan ng isang tao ng walong puno kada isang taon para makahinga nang maayos sana at hindi na kailanganin ang artificial na airconditioner.

Kung nauunawaan lang na ang nalason ng tubig na ginamit nating paghugas o panligo ay hindi na maibabalik pa bagkus ay sasama na sa tinawag na wastes na siya namang maaaring lumason sa mga nilikha sa katubigan kung hindi maayos ang disposal.

Alam din ba natin na ang tubig na iniinom natin ay sa napakalayong mga dam ang pinanggagalingan sa Cordillera at mga karatig probinsya kung saan sinasalo ang mga tubig-ulan o tubig na galing sa bukal sa mga gubat na sana ay natural lang na dumadaloy sa mga ilog, at ito naman ang ikinatutuyo ng mga ilog sa mas mababang lugar? Mahihiya tayo sigurong mag-aksaya kung alam natin na habang tayo’y nagsasayang, ilang ilog at bukirin sa kapatagan sa Luzon ang hindi gaanong naambunan ng natural na pagdaloy ng tubig sa mga ilog na dati ay nag-uumapaw sa tubig kahit tag-araw at nilalanguyan ng iba’it ibang isda.

Kung alam natin ang mga ito, baka mas marami ang makukumbinsi na kailangan talagang magtanim ulit ng mga puno at iwasan nang magputol ng natitira. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

Please follow and like us:
Read More

PAANO NATIN AAMUIN ANG INANG KALIKASAN?

Psychtalk

(Unang Bahagi)

Ayon sa mga pag-aaral, medyo mahirap pero ‘di pa naman huli para amuin o patahanin natin ang nag-aalburutong Inang Kalikasan.

Kung hindi lang sarili natin ang ating iisipin at pagtutuunan natin ang kapakanan ng mga darating na henerasyon, makikita natin na kailangang may dapat gawin. At may magagawa pa. Mahirap sa umpisa, baka suntok sa hangin din sa tingin ng iba.

Puwede rin namang sakyan na lang ang pananaw ng ilan—wala nang magagawa kundi adaptation na lang. Narinig ko ito mula sa mga naniniwalang irreversible na ang mga damage na nagawa natin sa kalikasan.

Ngunit kailangang may gawin. Kailangan ng may konkretong pagkilos—sa lahat ng antas ng pamumuhay; sa lahat ng dako ng mundo.

Bago pa man ang pag-angkop, pagbabago ng pananaw o mindset ang kinakailangan.

Una, baka panahon nang aminin ng tao na nagkamali siya na isiping siya ay mas makapangyarihan sa kalikasan; na ito’y nilikha para pagharian at pagpasasaan niya.

Kailangang ibalik at hanapin ulit ang ating sagradong ugnayan sa Inang Kalikasan. Kung aariin natin ito bilang isang biyaya, at tayo’y pinagkatiwalaan lang, papahalagahan natin ito. Sa maka-Diyos at maka-kalikasang pananaw, maiging tanggapin na tayo’y tagapangalaga  o steward lang ng lahat ng narito sa lupa.

O kaya, kung maisip natin na may buhay din ito na nakaugnay sa ating sariling buhay at survival, malamang mahirap na hindi ibalik ang paggalang natin sa kalikasan.

Kailangang bumalik sa kalikasan, kilalanin ulit ito, umugnay ulit dito, at putulin na ang alienation ng tao sa kalikasan, lalo na ng mga taong sobra nang nawili sa mga komportableng buhay na dulot ng urbanisasyon at pag-unlad ng teknolohiya.

Dapat magising ang tao sa pantasya na walang katapusan ang lahat ng bagay o buhay na nasa daigdig. At ito’y mangyayari kung naunawaan niya ulit ang daloy ng kalikasan at kaugnayan nito sa kanya bilang tao. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

Please follow and like us:
Read More