HIDWAAN NG AMERIKA AT IRAN, SAAN HAHANTONG?

Sa Ganang Akin
0

ILANG araw pa lang mula nang nagpalit ng taon ngunit tila napakarami nang nangyari hindi lang sa ating bansa kundi pati sa buong mundo. Nariyan ang nangyayaring bushfire sa Australia, ang patuloy na pagbuga ng volcanic ash ng bulkang Taal na nakaapekto na sa ­maraming kalapit na lugar pati  sa Metro Manila, at ang pinangangambahang posibilidad ng pagkakaroon ng World War III bunsod nang pag-ata­keng ginawa ng Amerika sa Iran ilang linggo ang nakakaraan.

Sa kabila ng napakara­ming kaganapan, isa pa rin ang usapan ukol sa pag-atake ng Amerika sa Iran na sinusubaybayan ng karamihan. Nakagugulat na humantong sa ganitong desisyon si US President Donald Trump. Hindi ko lubos mawari kung bakit at paano siya nagbitiw ng gano­ong desisyon – isang desisyon na hindi ginawa ng sinuman sa kanyang mga sinundan.

Ngayon, isa sa pinangangambahan ay ang kung paano haharapin ng Iran ang ginawang pag-atake ng Amerika na siyang pumatay sa malalaking personalidad sa kanilang hukbong militar na sina Ge­neral Qasem Soleimani at Iraqi Top Commander Abu Mahdi al-Muhandis. Bunsod nito ay umusbong ang ideya na posibleng magkaroon ng World War III.

Bagamat hindi pa tiyak kung paano ito makaaapekto sa ating relasyong pang-internasyonal sa dalawang bansang sangkot, ito ay tiyak na may direktang epekto sa ating bansa. Maaari itong makaapekto sa paglago ng ating ekonomiya lalo na kung magkakatotoo ang pangamba ng karamihan na magbubunga ito ng panibagong giyera. Maaa­ring ding pumalo sa mataas na presyo ang mga produktong la­ngis pati ng kerosene na siyang inaangkat natin mula sa ­Gitnang Silangan. Bukod dito, nasa libo rin ang bilang ng mga Overseas Filipino ­Workers (OFW) na nakadestino sa Gitnang Silangan.

Sa kabila ng lahat ng kaguluhan at pangamba ng marami, nakabibilib kung paanong naging mabilis ang reaksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pangyayaring ito. Ipinatawag agad nito ang mga miyembro ng kongreso upang pag-usapan ang nangyayaring hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng Amerika at Iran. Para sa ating pangulo, ang kaligtasan at seguridad ng ating mga kababayan na nagtatrabaho sa Gitnang Silangan ang kanyang pangunahing inaalala.

Inutos agad ni Pangulong Duterte na maglaan ng bud­get para sa pagpapabalik ng mga OFW mula sa Gitnang Silangan. Naglabas din agad ng kautusan ang ating pamahalaan ukol sa sapilitang pagpapabalik ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa Iran at Iraq sa gitna ng tensyonadong sitwasyon sa Gitnang Silangan. Tinatayang 1,600 na Pilipino ang kasalukuyang nasa Iran at 6,000 naman ang naka-destino sa Iraq.

Sa kabila ng ilang negatibong komento ng ibang ­sangay ng ating pamahalaan sa ating pangulo, hindi ­naman maitatanggi na ­mayroon tayong lider na mabilis umaksyon at magdesisyon sa oras ng mga kagipitan. Hindi tuloy nakapagtataka na ­napakataas ng approval ra­ting ni Pangulong Duterte na nasa humigit kumulang 80%.

Hindi aatras si Pangulong Duterte at lalong hindi palalampasin nito ang pagkakataong makatulong sa at maprotektahan ang kanyang mga kababayan. (SA GANANG AKIN / Joe Zaldarriaga)

Read More

PAGLABAN SA NAGBABADYANG KRISIS SA SUPPLY NG TUBIG

Sa Ganang Akin
0

HABANG ang lahat ay nakatutok sa kontrobersiyang dala ng mga Concession Agreement (CA) ng Maynilad Water Services, Inc. at ng Manila Water Co., isang matinding krisis naman ang pinaghahandaan ng dalawang nasabing kumpanya.

Bunsod nang nananati¬ling kritikal na lebel ng Angat Dam ay nanganganib na makaranas ng malubhang kakulangan sa supply ng tubig ang Metro Manila kasama ang ilang mga lugar sa Rizal, Laguna, Cavite, at Bulacan. Tinatayang nasa bilang na 16.5 milyong konsyumer ang maaaring tamaan ng nakaambang na krisis sa supply ng tubig sa bansa.

Sa kasalukuyan, 97% ng kabuuang supply ng tubig sa mga residente ng Mega Manila ay nanggagaling sa Angat Dam, na ayon sa datos ay 60 taon na ang tagal. Tinatayang nasa 4,000 million liters per day o MLD ang kapasidad ng Angat Dam. Ngunit ang dami ng maaaring maisu-supply ng Maynilad at ang Manila Water sa mga konsyumer ay depende lamang sa dami ng supply na manggagaling sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS). Ang MWSS naman ay umaasa lamang din sa dami ng tubig na pinapakawalan ng National Water Resources Board (NWRB).

Ayon sa mga eksperto, ang kakulangan ng supply sa tubig ay epekto ng climate change at ng patuloy na paglaki ng ating populasyon. Mas lumalaki ang demand ngunit ang pinagkukuhanan ng supply ay hindi nada¬ragdagan.

Panahon pa ng pamumuno ng mga Marcos nang magkaroon ng plano na humanap o gumawa ng alternatibong mapagkukuhanan ng supply ng tubig ngunit nakailang palit na ng administrasyon mula noong nabuo ang nasabing plano ay nananatili pa rin itong plano.

Bagama’t nakakakuha rin ng supply ng tubig sa Laguna de Bay at deepwell ang Maynilad at Manila Water, hindi raw sapat ang nakukuha sa mga ito upang mapunan ang kakulangan ng supply na dapat ay nanggagaling sa Angat Dam.

Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Ty, ang naranasang matinding kakulangan sa supply ng tubig noong nakaraang taon partikular na noong panahon ng tag-init ay bahagyang kagagawan din ng gobyerno dahil hindi naisakatuparan ang napakatagal nang nakatenggang plano ukol sa paghahanap ng karagdagang supply ng tubig.

Responsibilidad ng gob¬yerno ang paghahanap at paggawa ng alternatibong supply ng tubig para sa bansa. Sa madaling salita, nagkaroon ng pagkukulang sa u¬saping ito ang mga nakaraang pamunuan kaya nagkakaroon ng kakulangan ng supply sa kasalukuyan.

Tayo’y mapalad na magkaroon ng pangulong agarang umaaksyon sa mga sitwasyong ang maaapektuhan ay ang mga mamamayan. Sa tulong ng Office Development Assistance (ODA) mula sa China, nagdesisyon si Pa¬ngulong Duterte na ipagawa na ang Kaliwa Dam upang magsilbing alternatibong supply ng tubig ng Metro Manila. Ito ay isang desisyon na hindi nagawa ng mga nauna sa kanya.

Kaya lamang, tinatayang aabot pa sa apat hanggang limang taon bago matapos ang Kaliwa Dam. Sa madaling salita, bago tuluyang madama ang maayos at normal na supply ng tubig ay makararanas muna tayo ng kakulangan hanggang sa taong 2025. Tinatayang umabot sa P12.2 milyon ang inilaang budget para sa pagpapagawa ng Kaliwa Dam.

Ayon sa Policy, Planning, and Public Relations Department ng MWSS, pinamamadali raw ni Pangulong Duterte ang pagpapagawa ng nasabing proyekto upang maiwasan ang pagdanas ng panibagong krisis sa kakulangan ng supply ng tubig sa Metro Manila.

Mismong si Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, isa sa mga magagaling na ekonomista ni Pangulong Duterte, ay nagbigay na ng pahayag ukol sa nakaambang kakulangan sa tubig na mararamdaman ngayong taon pagpasok ng panahon ng tag-init. Makakaapekto raw ito sa paglago ng ating ekonomiya.

Sa gitna ng nagbabad¬yang krisis sa supply ng tubig, makakaasa tayong mga konsyumer na ginagawa ng Maynilad ang kanilang makakaya upang mapagaan ang epekto ng nasabing krisis sa supply sa kanilang mga customer.

Sa pamamagitan ng pagpapaganda sa pasilidad ng Pututan 1 Water Treatment Plant (WTP), pagpapagawa ng Pututan 2 WTP sa Muntinlupa, pagtutok sa leakage reduction program nito, muling pagpapagana ng mga deepwell, at pakikipagtulungan sa MWSS upang matapos ang Cavite MTP Dam sa Abril ng taong ito, makakapagbigay ng karagdagang 223 MLD na supply ng tubig ang Maynilad sa mga customer nito bago pa sumapit ang panahon ng tag-init.

Sa madaling salita, handa ang Maynilad na harapin ang anumang krisis sa supply ng tubig na maaaring maranasan sa Metro Manila at sa ilang mga lugar na sineserbisyohan nito. Makakaaasa ang mga customer nito na sila ay protektado. Ito rin ay mainam na halimbawa ng magandang bunga ng pagtutulungan sa pagitan ng pribado at pang-publikong sektor. (SA GANANG AKIN / Joe Zaldarriaga)

Read More

MGA KAHILINGAN PARA SA TAONG 2020

Sa Ganang Akin
0

PANAHON na naman nang paggawa ng mga resolusyon sa pag-asang magiging mas mabuti tayo at ang mga bagay na dala ng bagong taon. Karaniwang ginagawa ang mga pagpaplano sa umpisa ng taon. Nariyan pa ang paggawa ng listahan ng mga re­solusyon ngunit nakalulungkot na karaniwang hindi na ulit tinitingnan ang listahang ito matapos maisulat. Sa madaling salita, ang mga resolusyon ay karaniwan nang hindi nasusunod.

Sa halip na gumawa ng listahan ng mga resolusyon, mukhang mas mainam pa kung gumawa na lamang ng listahan ng mga kahilingan para sa taong 2020. Tamang-tama at nagdiwang din ako ng aking ika-56 na kaarawan noong Sabado, ika-4 ng Enero kaya’t maituturing ko na mapalad ako dahil narito pa rin ako — buhay at malusog. Marahil ay may plano pa ang Diyos para sa akin.

Ang taong 2019 ay naging makasaysayan para sa ating bansa at ngayong pagpasok ng 2020, ang Year of the Rat, ang aking pinakahihiling ay ang pagkakaroon ng matibay at magandang relasyon at pagkakaisa sa pagitan ng pribado at publikong sektor upang mas maisulong pa ang paglago ng ating ekonomiya na  makabubuti sa mga Pilipino.

Ang nangunguna sa aking listahan ay patungkol sa bagay na nakakaapekto sa mga Pilipino sa araw-araw. Sana ay makahanap na ng solusyon ang ating gobyerno sa napakatinding problema natin sa trapiko. Hindi ko maiwasang isipin na sana ay naging mas mahaba na lamang ang bakasyon dahil napakaluwag ng daloy ng trapiko sapagkat karamihan sa mga mananakay ay nasa mga probinsya at abala sa bakasyon.

Ito ay patunay na ang problema sa trapiko ay dahil sa dami ng sasakyang gumagamit ng mga pangunahing lansangan kabilang ang EDSA. Malamang ay hindi lamang ako ang may ganitong kahilingan na sana ay magkaroon ng mga karagdagang daanan na magsisilbing alternatibong ruta ng mga motorista upang mabawasan ang bigat ng trapiko sa mga pangunahing lansangan.

Bukod sa pagdagdag ng mga daanan, makatutulong sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko ang pagkakaroon ng alternatibong transportasyon gaya ng tren. Kung magiging epektibo ang tren bilang transportasyon, maaaring ito na lamang ang gamitin kaysa sa cargo truck  na bumabaybay sa mga pangunahing daanan sa Metro Manila na dumaragdag sa masikip na daloy ng trapiko.

Dapat nang madaliin ng gobyerno ang pagpapagawa ng mga karagdagang daanan, tulay, at iba pang mga kailangan upang matulungang lumuwag ang daloy ng trapiko. Ito ay importante upang masuportahan ang lumalagong ekonomiya ng Pilipinas. Malaki ang kontribusyon ng industriya ng konstruksyon sa progreso ng ating bansa. Tayo ay nasa panahon ng makabagong teknolohiya at modernong imprastraktura na nagbibigay ng kakayahan sa industriya ng konstruksyon na gumawa ng mga mas ligtas na kapaligiran para sa pagtatrabaho, mas magandang kalidad ng komunikasyon at mas mabilis na pagtatapos ng mga proyekto. Ang mga pagbabagong ito ay magiging daan sa pagkakaroon ng mas mabisang mga daan at tulay.

Ako ay naniniwala na mayroon na tayo ng mga kinakailangang bagay upang ma­sugpo ang matinding problema sa trapiko. Kailangan na lamang ng perpektong tiyempo, tamang lebel ng kadalubhasaan at epektibong pangangasiwa upang mabuo ang sistemang susugpo sa problemang ito. Kung badyet ang paguusapan, ang gobyerno ay naglaan ng P972.5 bilyon mula sa kabuuang badyet ng taong 2020 para sa programang pang-imprastraktura nitong ‘Build, Build, Build’ (BBB).

Isa pa sa aking mga pangunahing kahilingan ay ang pagkakaroon ng sapat na supply ng tubig sapagkat hindi ko nais pang balikan ang naranasang kakulangan sa supply ng tubig ng ilang mga residente sa Metro Manila. Bago natapos ang 2019, nagbigay ng kautusan si Pangulong Duterte sa ahensya nitong nangangasiwa sa supply ng tubig na ituloy na ang pagpapagawa ng Kaliwa Dam sa ­Quezon at ng Wawa Dam sa Rizal at huwag nang bigyan ng pansin ang mga kumakalaban at kumokontra sa nasabing proyekto. Tayo ay mapalad na magkaroon ng pangulong mabilis umaksyon sa mga usaping nakakaapekto sa lahat.

Ngunit sana ay huwag maisantabi ang usapin ukol sa supply ng kuryente para sa bansa at maging prayoridad ito ng pamahalaan sa taong ito.

Ayon kay Department of Energy Secretary Alfonso Cusi, upang magpatuloy ang paglago ng ating ekonomiya, kailangang masiguro na mayroon tayong sapat na supply ng kuryente sa bansa hindi lamang ngayon kundi pati sa mga susunod na taon. Ako’y naniniwala na ang mga madalas na pag-aanunsyo ng yellow at red alert noong nakaraang taon bunsod ng numinipis na supply ng kuryente ay indikasyon na kailangan ding pagtuunan ng pansin ang usa­ping ito.

Ayon pa kay Cusi, ang pagtaas ng demand sa kuryente ay isang mabuting indikasyon na lumalago ang ekonomiya ngunit ito rin ay indikasyon ng isang masamang balita – na mas kailangan ang ­karagdagang supply ng kuryente upang matustusan ang programang ­pang-imprastraktura ng ­gobyerno. Kailangan ng karagdagang supply upang masigurong masusuportahan nito ang lumalagong ekonomiya at dumaragdag na mga imprastraktura. Ang pagdaragdag ng kapasidad ay hindi madali kaya’t kabilang sa aking mga kahili­ngan ay ang patuloy na pagpapatupad ng Competitive Selection Process (CSP) kagaya noong nakaraang taon upang mabigyang daan ang pagpapagawa ng mga bagong planta ng kuryente at madagdagan ang kapasidad sa power grid.

Sa kabuuan, positibo ang a­king pakiramdam para sa taong ito at kahit na alam kong matin­ding hamon ang aking mga kahilingan, naniniwala akong posible itong matupad. Ang ating pagiging matiisin at ang kakayahang malampasan ang mga hamong kinakaharap ang magiging susi upang ­mapagtagumpayan natin ang anumang hamon na dala ng 2020. (SA GANANG AKIN / Joe Zaldarriaga)

Read More

POSITIBONG PANANAW PARA SA 2020

Sa Ganang Akin
0

Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na ang pagpapalit ng taon ay nagbibigay sa bawat isa ng pag-asa na ang bagong taon na papasok ay magiging mas maganda para sa bawat isa. Ang paniniwalang ito ay naaangkop din para sa ating bansa.

Bunsod ng naging magandang takbo ng ekonomiya ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2019, napakalaki ng pag-asa na magiging mas maganda at maunlad ito sa taong 2020.

Ayon din kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno, epektibo ang “catch up” plan ng gobyerno dahil sa naging magandang takbo ng ekonomiya natin sa ikatlong bahagi ng 2019. Ang naging magandang takbo ng ekonomiya ng bansa ay maituturing na isa sa pinakamabilis kumpara sa mga malalaking ekonomiya. Sa kabila ng bu-magal na ekonomiya ng buong mundo, naging maganda pa rin ang takbo ng sa Pilipinas.

Sa pagpasok ng 2020, ang buhul-buhol na trapiko ang pinakamabigat na problema ng bansa lalo na sa Metro Manila. Ayon sa datos, tinatayang umaabot sa bilang na 380,000 hanggang 400,000 ang dami ng sasakyang dumadaan sa EDSA kada araw.

Hindi naman tumitigil ang gobyerno sa paghanap ng solusyon sa problemang ito. Sa katunayan, sinabi ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na inaasahang makararanas ng kaginhawaan sa pagbiyahe ang mga moto-rista at mga komyuter ngayong 2020 sa pagtatapos ng Sky Way Stage 3.

Isa ring problema na patuloy ding kahaharapin ng bansa ay ang problema ng numinipis na supply ng kuryente sa bansa lalo na sa panahon ng tag-init kung saan likas ang pagtaas ng demand sa kuryente bunsod ng mataas na temperatura na dala ng tag-init.

Ang Meralco ay handang harapin ang anumang isyu sa supply ng kuryente na maaa-ring kaharapin ng bansa sa taong 2020.  Mayroong mga programang nakalatag ang Meralco na siyang pangontra sa kakulangan ng supply ng kuryente sa bansa.

Una, hinihikayat ng Me-ralco ang mga customer nito na gawing bahagi ng buhay ang pamamaraan ng Energy Saving and Efficiency upang makatulong sa pangangasiwa ng demand sa kuryente lalo na sa panahon ng tag-init.

Ikalawa, ang Interruptible Load Program o ILP na isinasagawa sa pakikipagtulungan ng mga commercial at industrial na customer ng Meralco. Kapag kinakailangan, gumagamit sila ng sariling genset upang mas malaking bahagi ng maaaring magamit na supply ay mapunta sa mga residential na customer.

Ikatlo, ang mga pansamantalang Power Supply Agreement. Ito ay nagsisilbing suporta sa mga kontrata ng supply na aprubado ng Energy Regulatory Commission.

Pagdating sa solusyong pangmatagalan, patuloy ang pakikiisa ng Meralco sa buong industriya ng kuryente. Patuloy itong sasailalim sa Competitive Selection Process upang masigurong makukuha ng mga konsyumer ang sapat at maaasahang supply ng kuryente sa abot-kayang halaga.

Isang masaya at masaganang bagong Taon sa inyong lahat! (Sa Ganang Akin /  Joe Zaldarriaga)

Read More

MODERNONG TEKNOLOHIYA PARA SA IKABUBUTI NG SISTEMANG PANGHUKUMAN

Sa Ganang Akin
0

Sa tingin ko ay nasa isip ng lahat na nangunguna ang Japan sa pag-develop at paggamit ng artificial intelligence (AI) upang punuan ang kanilang kakulangan sa manggagawa at gumamit ng mga robot upang gawin ang mga madadali at paulit-ulit na uri ng trabaho.

Pero alam ninyo ba na pati ang China, kahit na ba sila ang may pinakamalaking populasyon sa mundo, ay pumasok na rin sa eksena at gumagamit na rin ng AI upang ma-automate ang mga serbisyong legal sa ilang mga komunidad nito?

Nalaman ko lang din ito mula sa National President ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na si Atty. Domingo Egon Q. Cayosa, kung saan pinag-usapan nila ng pangulo ng International Association of Business Communicators (IABC) Philippines na si Belle Tiongco, ang nasabing teknolohiya sa isang online talk show ng Daily Tribune.

Sa nasabing online talk show, sinabi ni Atty. Cayosa na nais niyang tulungan ang mga lokal na abogado na mas mahasa at maging bihasa sa larangan ng pag-aabogasya. Ito ay sa pamamagitan ng paggamit ng mga makabagong teknolohiya, partikular na dito ang AI. Ikinuwento niya ang matagumpay na pag-implementa ng China ng paggamit ng automated legal services.

Ang isang mamamayan ng China na may pangangailangang legal ay kailangan lang pumunta sa kanilang government center at sa tulong ng isang makina na para lang isang automated teller machine ay madali at mabilis na makakakuha ng legal na konsultasyon o serbisyo mula rito.  Kailangan lang nilang i-type ang kanilang legal na pangangailangan sa machine kasama ang mga importanteng detalye. Matapos nito ang AI na ang magpo-proseso nito at magpi-presenta ng mga rekomendasyon o magiging resulta ng kaso gamit ang isang legal database.  Ang nasabing AI system ay maaari ring makagawa ng mga kontrata at iba pang mga legal na dokumento.

Ayon kay Atty. Cayosa, pumatok ang paggamit ng AI sa legal sector ng China dahil ito ay nakakapagbigay ng resultang tama sa mabilis at episyenteng paraan kumpara sa nakasanayang manu-manong paraan.  Pinatutunayan nitong automated legal machines ng China na ang mga industriya ng business communications at ang larangang legal ay tuluy-tuloy sa paghahanap ng mga makabagong paraan upang mapahusay at mas maging episyente ang proseso sa hangarin na makamit ang katotohanan at hustisya.

Marahil ay maaaring tingnan at pag-aralan ng ating gobyerno kung paano ang epektibong maimplementa rin sa bansa natin ang sistemang ginawa ng China para ma-automate ang kanilang mga serbisyong legal.  Mahalaga na laging maging maingat at maging propisyente sa mga tradisyonal na paraan sa kahit na anong larangan. Pero hindi maiiwasan at importante rin na tayo ay maka-develop at gumamit ng mga makabago at modernong pamamaraan na mas makakatulong na makapagserbisyo ng mas mabilis at episyente.

Napag-usapan din sa nasabing online talk show ng Daily Tribube na nagkasundo ang IABC at IBP sa iisang hangarin: ang maitaguyod, mapalaganap, at makagamit ng mga makabagong teknolohiya, inobasyon at social media sa larangan ng business communications at sistema ng batas sa ating bansa.

Napagkasunduan din namin doon na ang aming industriya ay dapat pangalagaan ang katotohanan. Ang mga nasa larangan ng media at ang mga abogado ay dapat siguruhin na gumamit ng mga tunay at totoong impormasyon lamang.  Katuwang ito ng aming paglaban sa fake news at pagsisiguro na ang impormasyong makakalap ng publiko ay pawang katotohanan lamang.

Ikinagagalak ng IABC ang pagtutulungang ito kasama ang IBP na maipahayag ang mga ito sa pamamagitan ng digital platform ng Daily Tribune at aming inaanyayahan ang aming mga miyembro na magsalita at madaling makapagbigay ng legal na impormasyon sa ating mga kababayan.

Sumasang-ayon ako sa sinabi ni Atty. Cayosa na hindi sapat na ang legal practice ay ginagawa sa loob ng korte lamang kung hindi ang mga abogado ay dapat masiguro na naiintindihan ng bawat mamamayan ang mga batas at ang mga karapatan nila sa ilalim nito. Katuwang ito sa adbokasiya ng IBP na “be seen and be heard.”

Ipagpapatuloy namin at ng IBP ang kasunduang ito upang maitulak ang kanilang adbokasiya sa paggabay sa mga abogado kung paano mas mapagpapabuti ang kanilang pakikipag-usap o pagpapakalap ng impormasyon para sa ikauunlad at ikabubuti ng buhay ng bawat Filipino. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

Read More

PROTEKSYONG HATID NG CODE VIOLET PROTOCOL

Sa Ganang Akin
0

Aking napagtanto ang peligro at ang matinding paghamon na hinaharap ng ating medical practitioners.

Bilang ama ng isang bagong doktor, alam ko na marami ang nag-iisip na malayo sa peligro ang mga ito sa kanilang trabaho, ang pasiglahin at pagalingin ang tao.  Pero hindi pala ito ang kadalasang nangyayari.

Madaming usap-usapan sa internet tungkol sa mga bayolenteng insidente kung saan nabibiktima ang ating medical practitioners. Talamak ito lalo na sa mga nagtatrabaho sa conflict areas. Ang nakakagulat dito ay ang mga karahasang ito ay nangyayari dahil sa nakakadismayang serbisyong nakuha nila.

Napakahirap tanggapin ng pangyayaring ito. Gaano kalalim ang galit at pagiging dismayado ng mga ito para makagawa sila ng karumal-dumal na pagkilos laban sa mga taong nagsakripisyo at nanumpa para magpagaling o sumagip ng buhay. Talagang kasama na rin siguro ito sa isang trabahong masasabing high-risk, kaya mayroong mga protocol na nakalaan upang mapigilan ang mga pangyaya­ring ito.

Dito papasok ang ginawang Code Violet Protocol ng National Medical Forum kung saan may mga alituntunin para maprotektahan ang ating mga medical practitioners laban sa mga marahas na pasyente.

Ang Code Violet Protocol ay nagbibigay ng proteksyon mula sa pisikal na pananakit ng mga bayolenteng pasyente laban sa isang doktor, o ‘di kaya ang paninira ng mga ari-arian ng isang ospital.

Sumasang-ayon ako sa National Medical Forum sa kanilang paniniwala na hindi lang dapat sa kapulisan o sa gobyerno umasa upang masiguro ang kaligtasan ng mga doktor at mga katrabaho nito. Ang responsibilidad na ito ay dapat pagtuunang pansin mismo ng ospital kung saan sila nagtatrabaho at nagseserbisyo. Sa pamamagitan ng Code Violet, ang kailangang antas ng seguridad ay siguradong makakamit.

Maaring makita online ang nasabing mga alituntunin ng Code Violet para sa mga doktor at ospital.  Para sa kaligtasan ng lahat, kailangan itong maipatupad at sundin sa ­ating mga ospital. (Sa Ganang Akin /  Joe Zaldarriaga)

Read More

YORME ISKO, DAPAT TULARAN

Sa Ganang Akin
0

Noong isang linggo ay naanyayahan akong du­malo sa Pilipinas Conference at ang kanilang paksa para sa araw na iyon ay Environmental Stewardship.

Marami ang dumalo sa nasabing forum na isinagawa ng Stratbase, at marami rin ang mga iba’t ibang paksang napag-usapan, kasama na rin dito ang tungkol sa sustainability.

Isa sa mga dumalo rito ay ang kalihim ng DENR na si Roy Cimatu na siyang nagbukas ng programa at nagdala ng usapan para sa okasyon.

Laking tuwa ko nang makita ko si Manila “Yorme” Isko Moreno na siyang nagsalita sa forum kung saan ipinaalam niya sa amin na mayroon siyang malinaw na direksyon sa kanyang pamumuno. Kasama rito ang kanyang pagiging makatao lalo na sa kanyang pamamahala sa lungsod at pag-obserba sa sustainability at environmental stewardship.

Ang kanyang estilo sa pamumuno na talagang hinahangaan ko ay kanyang nailarawan sa pamamagitan ng linyang ito: “You have to respect contracts even if it emanated from a predecessor.” Kaniyang sinusunod ito kahit na hindi siya sumasang-ayon sa kontratang ito.

Swak na swak si Yorme para sa paksa ng forum na ito dahil sa kanyang mga nagawa sa lungsod sa loob pa lamang ng limang buwan ng panunungkulan. Nais niya ngayong tututukan ang Arroceros Park, ang kahuli-hulihang lugar na magubat sa lungsod, upang ito ay makilala bilang isang “green city.”

Sa mga unang araw ng kanyang panunungkulan ay kaniyang binalaan ang mga tatamad-tamad na mga empleyado ng city hall na hindi niya kukunsintihin ang red tape.

Sana ay tuluyang magtagumpay si Yorme sa pamamalakad sa Maynila. Sana rin ay marami ang sumunod sa kanyang magandang halimbawa. Ating nakikita at nararanasan ngayon ang isang Golden Age ng lokal na namumuno. Atin silang suportahan at sa ating munting pang-araw-araw na gawain ay kumilos para sa environmental stewardship. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

Read More

ENERGY INDUSTRY SA TAIWAN

Sa Ganang Akin
0

ANG Taiwan ay binubuo ng mga masisipag na tao at dahil dito ay isa sila sa may pinakaprogresibong ekonomiya sa rehiyon.  Isa rin silang magandang halimbawa ng bansa na may magandang energy security.

Kamakailan lang ay nakita ko ito mismo nang ako ay nagkaroon ng pagkakataong dumalaw sa Linkou Power Plant sa Taipei, Taiwan.

Noong 2014, ang pangunahing power plant dito ay nag-decommission ng dalawang 300MW coal plants na naitayo pa noong dekada 60.  Dahil dito, kinakailangang gumawa ng paraan ang Taiwan para masiguro na magkakaroon sila ng bago at malalaking power plants na siyang makapagbibigay ng maaasahan at tuluy-tuloy na suplay ng kuryente.  Ngayon, ang mga modernong pasilidad na mga ito ay nag-aambag ng 38% sa power requirements ng Taiwan.

Pinapatunayan lang nito na maganda ang epekto kung papalitan na ang mga lumang planta ng kuryente ng mga bagong planta na gumagamit ng makabagong teknolohiya at environment-friendly.

May installed capacity na 800MW kada unit ang Linkou Power Plant, at ito ay nakapagbibigay ng kabuuang capacity na 2,400MW para sa tatlong planta nito na gumagamit ng Ultra-Supercritical Boiler (One-Through) technology.  Ang teknolohiyang ito ang nagbibigay kakayahan sa Linkou upang makamit ang mataas na antas ng plant efficiency na 44.93% (Gross, Low Heating Value o LHV).  Ang nasabing plant efficiency ay mas mataas ng 7% kumpara sa mga boiler na gumagamit ng teknolohiyang sub-critical lamang.

Namuhunan ang Linkou ng halagang $4.92 bilyon para sa teknolohiyang ito, napaka-sulit nito para masiguro ang energy security nila at nasisiguro rin na hindi ito nakapipinsala sa ating kalikasan. Sa katunayan, dahil sa teknolohiyang ito ay naibaba ng Linkou ang carbon emissions nito ng hanggang 20% kumpara sa mga lumang planta nito. Ang kinukonsumo nitong uling kada kilowatt hour (kWh) ay bumaba rin mula 0.434 kg/kWh at naging 0.366 kg/kWh dahil sa isang aparatong nagbibigay ng advanced environmental protection. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

Read More

PAG-HOST NG SEA GAMES, ISANG MALAKING KARANGALAN

Sa Ganang Akin
0

Kaliwa’t kanan ang batikos na ibinabato rito sa pinagawang kaldero para sa opening ng 30th SEA Games na nagkakahalaga ng P50 milyon.

Maliban pa rito ay ang nakabinbing pagsisiyasat ng Kongreso para sa P1.5 bilyong pondo para sa paghu-host ng paligsahang ito na hindi umano dumaan sa public bidding. Marahil ay marami ang nagtatanong kung ano ba ang mahihita rito?

Nauna nang tinanggihan ng bansang Brunei ang pag-host nitong paligsahang ito dahil sa kakulangan ng pondo. Dahil dito ay malinaw naman na isang matin­ding hamon ang pag-host nito pero sinalo pa rin natin ito mula sa kanila. Ang naitabing budget para sa pag-host ng SEA Games ay nagkakahalaga sa P7.5 bilyon kung saan P6 bilyon ang manggagaling sa kaban ng gobyerno at ang natitira namang P1.5 bilyon ay manggagaling sa iba’t ibang sponsorship agreements na makakalap ng Philip­pine SEA Games Organizing Committee o ang PHISGOC.

Tanong pa ng iba, bakit ba pinili pa ng ating bansa na mag-host ng ganitong paligsahan gayong marami pa itong ibang problemang dapat asikasuhin kaysa rito?

Sa tingin ko ay isang magandang pamumuhunan ito para sa ating bansa upang maitatag at magpakilala bilang isang premier sports destination. Kaugnay nito, dapat tiyakin na mapaghahandaang maigi ang mga lugar kung saan idadaos ang 56 na iba’t ibang palaro, na siyang naitala bilang pinakamarami sa kasaysayan ng paligsahang ito.

Para sa okasyon ay nagpagawa ang administrasyon ng isang malaki at world-class na sports complex sa New Clark City, kung saan matatagpuan ang state-of-the-art na Aquatics Center at Athletics Stadium, pati na ang Athletes’ Village kung saan manunuluyan ang mga atleta at iba’t ibang mga personalidad ng 30th SEA Games.

Dapat ay magtulung-tulong tayo dahil ang panalo nila ay panalo ng buong bansa. Napakagandang pangwakas ito para sa taong 2019 at maganda ring pampabuwenas para sa paparating na taong 2020. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

Read More