LUMAYANG KILLERS, DRUG LORDS; SOTTO: NAGKAKASUHULAN!

0

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

NANINIWALA si Senate President Tito Sotto na nagkakasuhulan sa loob ng New Bilibid Prisons para makalaya ang mga high profile na convicts tulad ng sinasabing Chiong sisters killers at ang naunsyaming paglaya ni dating Calauan mayor Antonio  Sanchez.

“Hindi maaaring hindi tama yung iniisip ng kababayan natin. Nagkasuhulan yan, imposibleng hindi,” diin pa ng lider ng Senado.

“Wala namang iba, pa-paano mo ma-i-alis sa isipan ng tao na nagkasuhulan ‘yan. Mga drug lords at involved ng heinous crimes ang convicts na pinapalaya,” sabi ni Sotto.

Kasabay nito, ihahanda na ni Senador Richard Gordon ang subpoena para kay Bureau of Corrections Director Nicanor Faeldon kung hindi ito sisipot sa pagdinig ng Senado hinggil sa isyu ng muntik nang pagapapalaya kay Sanchez

Sinabi  ng chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na hindi sila papayag na hindi humarap sa pagdinig si Faeldon dahil siya ang pinakamahalagang tao sa kanilang imbestigasyon.

Kung hindi aniya ito sisipot, magpapalabas sila ng subpoena na kung hindi nito tutugunan ay muli siyang iko-contempt para makulong hindi lamang sa Senado kundi sa Pasay City Jail.

“Ang sinasabi nila andun daw ang abogado (ni Faeldon). Hindi ako papayag, sya ang head ng Bucor, di pwedeng umiwas sya…Isa-subpoena ko yan. Pati na rin ang records, nagpadala kami request for records hindi pa kami binibigyan hanggang ngayon,” saad ni Gordon.

“Hindi lang sa Senate kundi sa Pasay City Jail,” sagot pa nito nang tanungin kung posibleng makulong muli sa Senado si Faeldon.

Kumbinsido rin si Gordon at Sotto na may katiwalian sa mga paglaya ng mga preso na na-convict sa heinous crimes.

“Meron pa lumalabas na sinasabi pirmado na ni Faeldon, tapos dati dine-deny nangangahulugan may kasinungalingan at kabuktutan na nangyayari,” diin naman ni Gordon.

 

 

 

Read More