‘DUWAG SA TSINA ANG ADMINISTRASYONG DUTERTE’

TINGNAN NATIN

SINISIRA talaga ng mga Intsik ang likas na yamang dagat sa West Philippines Sea, hindi na ito sikreto at hindi na maitatago.

Tingan Natin: kitang-kita sa sariwang mga “satellite images” na inilabas ng Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI) ang mapaniraang mga barko ng intsik na humahango ng taklobo sa karagatang sakop ng hurisdiksiyon ng Pilipinas.

Bukod sa walang pakundangang pagnanakaw ng mamahalin at endangered na “giant clams” o Taklobo, permanenteng pinsala ang dulot ng pamamaraan ng mga Intsik na nanghihimasok sa teritoryo ng bansa.

Inaari ng Tsina ang halos kabuuan ng West Philippines Sea, kasama ang Spratlys at Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc na tahasang inagaw ang kontrol sa napangangang Philippine Navy noong 2012.

Tingnan Natin: Sa reklamo ng Pamahalaang Pilipinas, nagdesisyon noong 2016 ang Permanent Court of Arbitration na bumalewala sa malawakang “claim” ng Tsina sa West Philippines Sea.

Pero ang pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, mas piniling magsipsip sa mga Intsik at hindi iginiit ang napanalunang karapatan sa ating karagatan.

Utang nang utang ang binigyang prayoridad ni Duterte pagdating sa pakikipagrelasyon sa Tsina, at buong karuwagan pang nagdeklarang hindi siya makikipag-giyera sa Tsina.

Tingnan Natin: hindi naman tayo nag-iilusyon na magmalaki ang Pilipinas na makiki-giyera sa Tsina pero kahit mas mahina ang ating pwersa, hindi na dapat ipinapangalandakan pa.

Kung tutuusin, mas mahalaga ang paninindigang lalaban kahit dehado kapag ang teritoryo at lalo na kung ang dangal ang niyuyurakan.

Nitong May 3, 2019, nagpalabas ng Writ of Kalikasan ang Supreme Court ng Pilipinas na nag-aatas sa mga opisyal ng bansa na pangalagaan ang “marine environment” sa West Philippines Sea batay sa petisyon ng mga mangingisdang Pinoy na taga-Zambales at Palawan.

Tingnan Natin: wala pa ring kongretong hakbang ang pamahalaang Duterte at sa harap ng malinaw na ebidensiyang inilabas ngayon ng AMTI, walang dahilan para manatiling nakatunganga lang.

Kung utos na ng Korte Suprema na Writ of Kalikasan ang sinusuway at binabalewala, may hakbang ba itong magagawa o gagawin laban sa pamahalaan ni Duterte?

Kung wala, para ano pa ang Writ of Kalikasan? Kung mayroon, ano at kailan? Tingnan Natin.  (Tingnan Natin / Vic V. Vizcocho, Jr.)

Please follow and like us:
Read More

WALA NANG SIKRETO SA PAGBOTO

TINGNAN NATIN

ANG alam natin, secret o nakatago kung sino ang ibinoto ng botante liban na lang kung siya na mismo ang maghahayag nito.

Tingnan Natin: sa katatapos na halalan, o kahit noong mga nakaraan, wala namang naitatago. Nakikita ng mga guro na nagtatrabaho para sa eleksyon, nakikita rin ng mga “watchers,” at ng kung sino pa ang mabilis ang mata na nasa paligid kung sino ang ibinoto.

Kapag isusubo sa makina ang balota na malaki pa sa “long bond paper,” tinatanggal sa “folder” na dapat sana ay pantakip.

Tayo mismo ay sinabihan pa ng guro na alisin daw sa “folder” para mai-“shoot.” Siyempre, kahit hindi naman natin itinatago kung sino ang ibinoto, mali ang sabi ng guro kaya hindi natin sinunod.

Pero sa paglabas ng pinakaresibo, sila rin ang kumuha at nag-abot sa atin kaya, iyon, nakita rin ang ating mga ibinoto.

Tingnan Natin: sagrado ang pagboto at mismong ang balota, aral natin iyan sa eskuwela at maging sa mga magulang.

Pero sa mga panahon ngayon, sige-sige na lang. Sa “automation” kasi na hindi sanay lalo na ang matatanda, sumusunod na lang sa sinasabi ng mga guro, na bagama’t malaki ang respeto natin at pagpapahalaga sa kanilang sakripisyo, hindi naman lahat ay may tamang takbo ng pag-iisip.

Isang disbentahe ng pagkalantad ng mga balota at nakikita ang mga ibinoto ay natatakot ang mga tao na malaman na hindi sila bumoto sa mga kriminal na kandidato.

May mga “watcher” nga na nakatingin, at pati mga guro ay pwede ring “reporter” ng mga kandidatong namili ng boto o nanakot sa bumuboto.

Tingnan Natin: para madama ng mga tao ang kahalagahan ng kanilang boto, at karapatang mamili ng kandidato, dapat isaayos ang sistema ng pagboto upang ito ay manatiling sagrado.

Pwede naman kung gugustuhin lang, tanga lang ang magsasabing walang paraan.

Magkaroon kaya ng pagbabago sa sistema sa susunod na halalan. Sana nga. Tingnan Natin.  (Tingnan Natin/ Vic V. Vizcocho, Jr.)

Please follow and like us:
Read More

MAGHANDA LABAN SA BAHA

TINGNAN NATIN

BINAHA kaagad ang ilang bahagi ng national highway sa Castillejos, Zambales sa kaunting ulan lamang nitong nakaraang Miyerkoles, dahilan para magkabuhul-buhol ang daloy ng trapiko, at maabala kapwa ang mga motorista at pedestrian na dumaraan sa naturang bayan.

Tingnan Natin: ang pagbaha ay maaari namang pag­handaan lalo na kung may mga karanasan na sa nakaraan.

Hindi pare-pareho ang dahilan ng pagbaha sa lahat ng lugar, maaaring sadyang mababa, o kaya’y walang “drainage system” na daluyan ng tubig, o pwede ring dahil barado ng basura at iba pa ang “drainage” dahil sa kapabayaan.

Sa baha sa Castillejos, naglutangan ang basura sa highway malapit sa kurbada pa-Norte papasok ng kaba­yanan kaya ito ang isa sa dahilan.

Reklamo rin ng mamamayan, ang bagal kasi ng mga konstruksiyon sa daan kaya hindi lang traffic ang dulot na parusa, sanhi rin ito ng mga pagbaha, halimbawa na ang sa Castillejos.

Tingnan Natin: ang paglilinis ng mga drainage ay pwedeng pangatawanan ng lokal na pamahalaan, kung hindi ng barangay, ang munisipyo, kung hindi natutulog sa pansitan ang mga opisyal nito.

Ito namang mga kontratista ng mga konstruksiyon ng kalsada, ang Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ang may hurisdiksiyon sa kanila.

Sakop ng DPWH 2nd Eng’g District ang Castillejos, Zambales kaya saklaw ito ni District Engineer Hercules C. Manglicmot.

Pwede po ba Eng’r Manglicmot, tingnan natin ang bilis o bagal ng mga kontratista, lalo na kung pasok pa ba sa takdang panahon na matatapos ang konstruksiyon batay sa kontrata?

Ang kalagayan sa Castillejos, Zambales ay maaaring halimbawa ng nangyayari rin sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sana, huwag nang hintayin ang tag-ulan bago kumilos laban sa pagbaha.

Ang mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan, kahit busy sa pangangampanya sa parating na halalan, ay hindi dapat nagpapabaya sa paghahanda para pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan.

Ang mga taga-DPWH naman, tulad ni District Eng’r Manglicmot, bantayan din ang mga kontratista sa progreso ng trabaho nila.

Wala naman silang dapat ikatakot sa mga kontratista para mamuna, hindi po ba? Tingnan Natin. (Tingnan Natin / Vic V. Vizcocho, Jr.)

Please follow and like us:
Read More

ANOMALYA NG MGA TRUCK TRADERS AT IMPORTERS SA SUBIC FREEPORT

TINGNAN NATIN

NAMAYAGPAG nang matagal ang sari-saring paglabag ng mga traders at importers ng mga segunda-mano o second-hand trucks at equipment sa Subic Bay Freeport.

Tingnan Natin: ang mga paglabag ay hindi lamang direktang may kinalaman sa negosyong in-apply-an sa Freeport bagkus hanggang usapin ng “immigration” ay may kalokohan.

Halos 90 companies ang mga importers at traders ng used trucks/equipment sa Subic.

Bukod sa mga Pinoy, marami rin ang mga Pakistani, Bombay, Koreano at Intsik.

Isa sa mga paglabag ay ang pang-aabuso sa visa. Mayroong pinalalabas na nagtatrabaho sa isang kompanya pero ang totoo, sa iba na o kaya’y kung saan-saan na palabuy-laboy.

Sa regulasyon ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), dapat ang mga importer ay may sapat na espasyo na paglalagyan ng mga in-import na sasakyan.

Tingnan Natin: bakit sa ilang lugar ng Freeport, may mga nakahambalang na mga truck, trailer o heavy equipment?

Ang mga ito ay hindi lamang masama sa paningin kundi panganib pa kapwa sa mga motorista at pedestrian.

Lumalabas na lumalabis kasi sa takdang bilang ng pwedeng i-import ang naturang mga kompanya batay sa inookupahang espasyo ng negosyo.

Tulad ng “immigration issue,” ito ay batayan para i-kansela ng SBMA ang kanilang mga kontrata.

Tingan Natin: mayroon ding truck at heavy equipment importers na ipinagagamit sa iba ang kanilang lisensya at permits, bagay na hindi naaayon sa patakaran at regulasyon ng SBMA.

Sobra na, tama na ang sabi ni SBMA Chair & Administrator (ChAd) Wilma T. Eisma nang pinulong niya ang mga truck traders/importers.

Binigyan niya ng hanggang June 1, 2019 ang mga ito para ituwid ang mga paglabag at umayos sa operasyon.

Mabuti naman at kumilos na si ChAd Eisma. Ang tanong, tutupad ba ang mga truck traders at importers? At kung hindi, ano ang kanyang gagawin? Tingnan Natin! (Tingnan Natin / Vic V. Vizcocho, Jr.)

Please follow and like us:
Read More

ASAL NG MGA INTSIK SA ATING BAYAN (Part 2)

TINGNAN NATIN

KITA na ninyo, binabalahura tayo ng mga Intsik sa sariling bansa. Pero bago tayo magpatuloy, nililinaw natin, hindi po tayo “racist,” gusto lang nating umayos ang mga dayuhan gaya ng pag-ayos natin sa ating mga gawi kapag nangingibang bansa.

Tingnan Natin: mismong si Commissioner Aileen Lizada ng Civil Service Commission ay nakaranas ng hindi maganda sa mga Intsik na nakasabay sa NAIA Terminal 3.

Kuwento niya, nakapila siya at iba pang Pinoy sa “predeparture area” ng airport nang mga apat o limang Intsik ang sumuong sa ilalim ng “barrier,” pinagtatawanan pa ang mga Pinoy na nilampasan para makauna sa “x-ray machines.”

Noong nakaraang Linggo ay una na nating isinulat ang puna kaugnay sa hindi tamang pag-aasal ng mga Intsik sa Subic Bay Freeport.

Bukod sa walang pakundangang pag-iingay, pagdura kahit saan (pati sementadong sahig o hagdan sa mga coffee shops) at paninigarilyo, pati pagtapon ng upos ng sigarilyo kahit din saan.

Tingnan Natin: umabot na sa kaalaman ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman & Administrator Wilma T. Eisma ang inaasal at ginagawa ng karamihan sa mga Intsik na nagtatrabaho sa Online Gaming operations sa Freeport.

Agad naman siyang nag-utos nang pagtatakda ng pakikipag-meeting sa mga may kinalaman sa presensya ng mga Intsik sa Freeport para mapag-usapan at magawan ng hakbang kung paano maiiwasan ang hindi tama at hindi magandang asal ng mga dayuhan.

Inuulit natin. Tayong mga Pinoy ay sumusunod sa mga kaugalian, gawi at patakaran ng ibang bansang ating pinupuntahan.

Hindi masama na ang mga dayuhang bumibisita, o nagtatrabaho sa ating bansa ay turuan at pasunurin din kung ano ang tama at mali para sa atin.

Maganda na mabilis kumilos sa bagay na ito si ChAd Eisma. Kung ano ang resulta, iyan ang gusto na­ting malaman sa mga susunod na araw.

Tingnan Natin!

Please follow and like us:
Read More

ASAL NG MGA INTSIK SA ATING BAYAN

TINGNAN NATIN

HINDI tayo “racist” o nang-aalipusta ng ano mang lahi dahil naniniwala tayo na ano mang lahi ay nararapat bigyan ng kaparehong pagpapahalaga at respeto bilang tao.

Tingnan Natin: may mga kaugalian ang bawat lahi na maaaring katanggap-tanggap sa kanila, pero hindi sa iba.

Dito papasok ang konsiderasyon ng nararapat at hindi nararapat, partikular sa aksiyon at asal sa ibang bayan.

Marami sa ating mga Pinoy ang balahura sa pagmamaneho, simpleng batas trapiko ay nilalabag, walang pakialam sa kapwa sa lansangan.

Pero pagdating sa ibang bansa tulad ng Amerika, aba’y kaya naman palang sumunod sa mga patakaran ng pagmamaneho sa lansangan.

Sa “Middle East,” ang mga Pinoy ay ingat na ingat sa paglabag sa mga batas at patakaran ng mga bansang pinagtatrabahuhan o pinapasyalan. Kaya rin naman pala.

Tingnan Natin: sa Subic Bay Freeport naglipana ang mga Intsik sa kasalukuyan dahil sa pamamayagpag ng Online Gambling operations sa mga hotel at iba pang pasilidad.

Ang mga Intsik na ito, tila lahat, ay hindi marunong mag-Tagalog o mag-Ingles man lang.

Kung ang mga Pinoy ay nakakasunod sa mga patakaran at batas ng bansang pinagtatrabahuhan o pinapas¬yalan sa ibayong dagat, ang karamihan sa mga Intsik sa Online Gambling operations sa Subic ay walang pakialam.

Tingnan Natin: hindi natural na walang pakundangang mag-usap ng napakaingay sa ano mang lugar, mapasa-publiko o pribado, kasama na ang sa mga hotel, resto, coffee shop, grocery, mall at iba pa.

Ang masaklap, malimit, may padura-dura pa, kahit saan, sa gitna, gilid o kahit saan sa kumpulan.

Kung iyan man ang kanilang kaugalian, hindi natin pinang-hihimasukan, liban na lang kung dito ginagawa sa ating bayan.

Tayo ngang mga Pinoy sumusunod sa mga patakaran ng ating bansang pinupuntahan, dapat sila ring mga dayuhan sa ating bayan.

Kailangan siguro na bigyan ng kaukulang kaalaman o seminar sa dapat inaasal, ginagawa at hindi ginagawa sa Pilipinas bago umalis sa kani-kanilang bayan ang mga dayuhan.

Sana mabigyang pansin ang sitwasyong ito upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan na sa palagay natin ay pwede naman. Tingnan Natin. (Tingnan Natin / Vic V. Vizcocho, Jr.)

Please follow and like us:
Read More

MAHIGIT P60-M UTANG SA SBMA

TINGNAN NATIN

KAHIT manipis ang laman, hindi malinaw ang source, at hindi beripikado, pinasabog ng Malacañang sa pamamagitan ng Manila Times ang “Matrix” na anila’y bahagi ng “Oust-Duterte Plot.”

Tingnan Natin: ang Manila Times ay pag-aari ni Dante Ang na umano’y PR Man ng Malacañang kaya “suspect” ang laman.

Huwag na natin kantiin ang ibang aspeto ng “Matrix” ni Pangulong Duterte at spokesman Salvador Panelo, isa lang muna ang gusto nating iklaro.

Pinasasara ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang Manila Times College, eskuwelahang negosyo ni Ang sa Subic Freeport, na umookupa ng dating George Dewey High School ng mga Amerikano, at dating ospital, na may kabuuang 2.5 ektarya.

Pinahihinto ang operasyon ng Manila Times College dahil ang utang ni Ang ay umabot na umano sa mahigit P60-M as of July 2018 at tinatanggihan umano niyang bayaran.

Tingnan Natin: bukod sa P60-M utang na mas lumalaki pa hanggang hindi binabayaran, nilabag din umano ni Ang ang kondisyon ng kontrata na idi-develop ang mga pasilidad at lugar ng negosyong in-apply-an.

Sobra-sobra ang umano’y kapabayaan ni Ang sa mga gusali at mismong lugar ng eskuwelahan kaya halos maiyak si SBMA Chair & Administrator Wilma T. Eisma nang humarap sa mga mamamahayag at ipakita ang mga larawan ng kalapastanganan.

Pero ang Dante Ang hindi basta natitinag. Lumapit pa sa korte para humingi ng “preliminary injunction” upang pigilan ang pagpapasara sa Manila Times College niya.

Tingnan Natin:  ibinasura ng korte ang aplikasyon ni Ang para sa “preliminary injunction” at August 3, 2018, nag-“take-over” ang SBMA sa mga pasilidad.

“Take-over” na may “quote-unquote” dahil hindi pa naman aktuwal na binawi ng SBMA at pagbibigyan daw makatapos ng “school year” para sa kapakanan ng mga mag-aaral.

Katakut-takot na “pressure” mula sa maraming tao, kasama ang sa Malacañang na sinasalo si Ang pero si ChAd Eisma, nanindigan.

Tingnan Natin: tumahimik na ang isyu sa umano’y mahigit P60-M utang ni Ang sa SBMA, at ngayong tapos na ang pasukan, tuluyan na nga bang binawi ng SBMA ang Manila Times College?

Ngayong lutang na lutang ang asim ni Ang sa Malacañang, mananatili kayang matibay ang paninindigan ni SBMA ChAd Eisma? Tingnan Natin. (Tingnan Natin / Vic V. Vizcocho, Jr.)

Please follow and like us:
Read More

HINDI KASALANAN NG MGA AMERIKANO

TINGNAN NATIN

NAGLIPANA ngayon ang mga Amerikano sa Subic Bay Freeport (maling sabi ng marami SBMA) dala ng Balikatan, ang magkasanib na military exercises ng Sandahang Lakas ng Pilipinas at Estados Unidos.

Dito kasi sa Subic ang daungan ng mga barkong pandigma ng Amerika na may mga fighter jets at iba pang gamit militar para sa pagsasanay.

Maraming implikasyon ang Balikatan, mula seguridad, kapwa local at international, pang-ekonomiya, hanggang moralidad.

Tingnan natin: nahahasa ang kaalaman at kakayahan ng ating mga sundalo at nalalantad pa sa mga gamit ng mga Amerikano kahit na karamihan ay wala naman tayo.

Ang hindi napapansin ng mga taga-Maynila at iba pang panig ng bansa ay sumisigla ang kalakalan sa Su-bic Freeport, Olongapo at karatig-lugar dahil sa presensiya ng mga Amerikano.

Sa pagdaong muli sa Subic ng USS Wasp, isang multi-purpose warship ng US Navy, para kunin ang mga gamit at libu-libong US marines na sumali sa Balikatan, parang piyesta ang pantalan ng Alava sa mga naghilerang sari-saring tolda ng mga paninda, mayroong mga souvenir at mayroon ring mga pagkain.

Ang big-time, ang mga humahakot ng mga basura at dumi, solid at liquid, mula sa mga barko, na si-nusundan ng mga supplier ng stock ng pagkain, mula asukal, gulay at iba pa.

At kumikita rin ang mga hotel, restaurant, barberya, massage parlors, nightclubs at pati ang mga “Ne-na” na mula pa sa iba’t ibang lugar sakay ng mga van at bababa sa isang lugar saka rarampa sa mga lan-sangan.

Dito pumapasok ang ikatlong implikasyon na mo¬ralidad. Isinisisi sa mga Amerikano ang anila’y immoral na pagbebenta ng panandaliang aliw.

Tingnan natin: una, hindi polisiya ng US Navy na pumatol sa “prosti” ang kanilang mga sundalo. Pan-galawa, pinatunayan na ng kasaysayan ng isara ang Naval Base ng mga Amerikano dito sa Subic noong 1992, hindi nawala ang bentahan ng panandaliang aliw.

Nawala ang mga Amerikano, pumalit ang mga Ko¬reano, Intsik, Hapon at siyempre, mga Pinoy mismo.

Walang ipinag-iba sa Metro-Manila at iba pang panig ng bansa.

Kasalanan ng mga Amerikano? Tingnan Natin kung ano ang totoo.(Tingnan Natin /Vic V. Vizcocho, Jr.)

Please follow and like us:
Read More