MALAKANYANG PINAKALMA ANG MGA KRITIKO SA PAGBASURA SA VFA SANIB-PWERSA SA CHINA MALABO

malacanang

PINABULAANAN ng Malakanyang na magkakaroon ng ‘shifting alliance’ ang bansa kasunod ng pagbasura ng Pilipinas sa Visiting Forces Agreement sa Amerika.

Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, hindi totoo ang pinalalabas ng iilan na lilipat na nang alyansa ang bansa partikular na sa China.

Paliwanag ng kalihim hindi umano ‘shifting alliance’ ang nangyayari bagkus ay tinatanggal ang mga alliance natin sa bagong polisiya ni Pangulong Duterte.

Ipinatutupad lamang umano ng Duterte Administration ang ‘Friends to all, enemies to none’ na foreign policy ngayon ng Pilipinas.

Ito umano ay ibinase lamang sa national interest ng bansa at kapakanan ng mga Filipino.
Kaugnay nito, kumbinsido ang Malakanyang na wala nang makapagpapabago pa sa isip ni Duterte para bawiin ang pag-terminate sa VFA.

Ito ay kahit pa umano baguhin ang nilalaman ng kasunduan at gawing pabor sa Pilipinas.

Ipinunto ni Panelo na kailangan nang baguhin ang ugali na laging umaasa sa ibang bansa bagkus ay dapat nang magtiwala na kaya ng bansa na tumayo sa sariling mga paa.

Dagdag pa ng kalihim, kahit may mayroong mahigit 170 days pa bago tuluyang mapaso ang VFA, para sa Palasyo ay tuluyan na itong nabasura. CHRISTIAN DALE

Read More

PANELO: KAKAYANIN NG PINAS KAHIT WALANG VFA

PUMIYOK si Presidential spokesperson Salvador Panelo na mayroong kawalan sa Pilipinas sa sandaling maibasura na ang Visiting Forces Agreement sa  Estados Unidos.

Ani Sec. Panelo, hindi masasabing walang mawawala sa Pilipinas kapag napawalang bisa na ang 21 taong kasunduan na nagsimula noong 1999.

Gayunpaman, binigyang diin ni Sec. Panelo na gaya lang sa mag-asawa na nagkahiwalay, makakaraos din sa huli ang isa’t isa at marahil aniya ay mas gumanda pa ang buhay.

Tiniyak naman ni Sec. Panelo na hindi na magbabago pa ang pasya ng Pangulong Duterte sa loob ng susunod na 1 daan at 78 araw na siyang itinakda upang ganap nang mabalewala ang nabanggit na kasunudan sa US.

Ang paninidigan ng Pangulo ani Sec. Panelo ay hindi lamang hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2022 kundi habang siya’y nabubuhay. CHRISTIAN  DALE

Read More

VFA SA CHINA, NO WAY

DPA

HINDI eksperto ang inyong DPA as in Deep Penetration Agent sa usapin ng national security pero bilang  Filipino mayroon akong sariling opinyon at mga katanungan na alam kong hindi lahat ay sumasang-ayon hinggil sa  plano ng gobyerno na buwagin ang Philippine – US Visiting Forces Agreement (VFA).

Kapag tuluyan bang nawala ang presensya ng mga Amerikano sa Pilipinas, ang papalit ba ay ang  People’s Liberation Army (PLA) ng China na matalik na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte?

Hindi iyan malayong mangyari dahil sa ‘magandang relasyon’ ni Duterte sa China sapagkat habang b­inabakbakan nito ang Amerika ay panay ang puri naman niya sa China na nangakong pauutangin siya para sa kanyang dream projects.

Hindi ko naman masisisi ang mga pabor sa pagbuwag sa VFA dahil deka-dekada na nating kaalyado ang Amerika at napakarami nang military agreement na napirmahan at umiiral na pero mga pinaglumaang military hardware lang ang ibinigay nila sa ating Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ang hindi ko alam ay kung papaano tatanggapin ng mga Filipino sakaling papalitan ng PLA ang US military sa ating bansa dahil kahit minsan hindi lumabas sa survey na mas nagtitiwala ang Pinoy sa China kumpara sa Amerika.

Hindi ko naman masisisi ang ating mga kababayan na mawalan ng tiwala sa China dahil mula 1995 ay sinakop nila ang ating mga reef sa West Philippine Sea na ti­nayuan nila ng kanilang military bases at naka-deploy na doon ang kanilang mga military hardware. Kaibigan daw natin sila pero ginugulangan at iniisahan tayo.

Sabi nga ni Pangulong Duterte, huwag galitin ang China dahil sa loob ng 7 minuto ay kaya nilang durugin ang Metro Manila. Iyon ay marahil bunga ng mga report na nakaumang sa atin ang kanilang missles sa West Philippine Sea.

Tuluyan na ring kinontrol ng China ang Scarborough shoal at itinataboy na nila ating mga kababayang ma­ngingisda sa loob ng ating teritoryo at base mga report, sinisira na ng Chinese ­fishermen ang mga coral reef doon, sa madaling salita itinataboy  tayo  mula sa sarili nating bayan. Masakit yun!!

Kung talagang ayaw ng gobyerno ay dapat huwag nang gumawa ng mga bagong military agreement sa kahit anong bansa lalo na sa China o kahit sa Russia na isa rin sa kaibigan ni Duterte.

Kung ayaw natin na pinakikialaman ng ibang bansa, nararapat lamang na walang bagong military agreement na mabubuo lalo na sa China dahil tiyak na papalag at papalag ang mga Filipino.

Oo, papautangin tayo ng China para maitayo ang mga proyektong magpapaunlad sa ating bayan pero hindi ba’t  utang pa rin yun. Babayaran natin lalo na ang mga susunod na henerasyon.

Teka, magkano na ba ang naipautang ng China sa Pilipinas? Patapos na ang termino ni Pangulong Duterte pero wala pa tayong impormasyon kung naibigay na ba lahat ng mga ipinangakong pautang?

 

Read More

NGAYONG WALA NANG VFA EDCA IBABASURA RIN NI DIGONG

MALAKI ang posibilidad na bawiin din ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Estados Unidos.

“The way his body language says, mukhang ayaw niya na rin niyan. Kasi considering na sinasabi niya na it’s about time to stand on our own, strengthen our resources, our capabilities of defending our country,” ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo.

Ang pahayag na ito ni Sec. Panelo ay matapos na pormal na ipaalam ng Pilipinas sa gobyerno ng Estados Unidos ang intensyon ni Pangulong Duterte na tapusin na ang Visiting Forces Agreement (VFA), na nagsisilbing gabay ng mga bumibisitang US personnel na makapagdaos ng military exercises sa Pilipinas.

“We can’t be relying forever. We cannot be a parasite to every country na gusto natin tumulong sa atin,” ayon kay Sec. Panelo.

Nilagdaan ang EDCA noong 2014 na naglalayong pahintulutan ang US “to build structures; store as well as preposition weapons, defense supplies and material; and station troops, civilian personnel and defense contractors, transit and station vehicles, vessels, and aircraft for a period of 10 years.”

Ang EDCA ay resulta ng strategic pivot sa Asia ni dating US President Barack Obama na nagbibigay pahintulot sa deployment o pagpapadala ng mayorya ng US warships sa world’s most dynamic economic region.

Para naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, kapag na-terminate ang VFA ay magiging “practically useless” ang EDCA at ang Mutual Defense Treaty ay magiging “hollow agreement.”

Samantala, wala namang balak si Pangulong Duterte na i-renegotiate ang VFA. “Hindi siya open. Hindi nga siya open na tayo ay pumasok sa mga military agreement sa ibang bansa eh,” ayon kay Sec. Panelo. CHRISTIAN DALE

Read More

SOLONS KINATIGAN ANG AKSYON NI DIGONG; PINOY WALANG PAKINABANG SA VFA

SA bihirang pagkakataon, pinuri ng militanteng mambabatas ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyan nang ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) dahil wala umanong naging pakinabang dito ang sambayanang Filipino.

Sa panayam ng Saksi Ngayon kay ACT party-list Rep. France Castro, kinatigan nito ang desisyon ni Duterte na ibasura ang VFA dahil tanging interes ng Amerika ang pinoproteksyunan nito at hindi ang mga Filipino gayung dito nagtatayo ng pasilidad at nagsasanay ang puwersa ng Amerika.

“Wala naman talaga tayong pakinabang sa VFA na iyan kaya tama si Presidente Duterte, dapat nang ibasura yan,” ani Castro dahil hindi umano naipagtanggol ng mga Kano ang Pilipinas nang agawin ng China ang mga Philippine coral reef sa West Philippine Sea.

“Bakit noong kinuha ng China ang West Philipine Sea wala silang kibo? Kung talagang may pakinabang tayo sa kanila at pinoproteksyunan nila ang ating interes, dapat hindi nila hinayaan ang China na agawin ang ating teritoryo,” ayon Castro.

Dahil din aniya sa nasabing kasunduan, harap-haparang binabalahura ng Amerika ang ating batas nang agawin ng Amerika ang kanilang sundalong si Lance Cpl. Daniel Smith na sinentensyahan ng Korte dahil sa pagpatay sa transgender na si Jenifer Laude noong 2005.

“Nagkaroon na ng resolusyon ang kaso ni Smith pero imbes na dito ikulong, kinuha nila nang harap-harapan sa ating mga pulis at dinala sa US Embassy dahil dito sa VFA agreement wala tayong jurisdiction sa kanilang mga sundalo pero kapag sundalo naman natin ang nagkasala sa kanila, may jurisdiction sila sa ating mga sundalo,” ani Casto.

Wala na rin aniyang balita kung napagsilbihan ni Smith ang kanyang sentensya sa Amerika matapos itong patagong iuwi sa Amerika kahit nasentensyahan na ito sa Pilipinas ng 40 taong pagkakakulong.

“Isa pa kung bakit tayo lugi, yung mga sundalo natin, kailangan ng visa kapag pumunta sila sa Amerika pero itong mga US soldier na ito, yung VFA na mismo ang kanilang visa,” dagdag pa ni Castro.

Sa hiwalay na panayam naman kay Bayan Muna chairman at dating Congressman Neri Colmenares sa Kamara nitong Miyerkoles, hindi ito nababahala sa seguridad ng Pilipinas kapag nawala ang VFA.

“Bakit ang ibang bansa na wala naman VFA, hindi sila inaatake ng ibang bansa? Ang national security ay responsibilidad ng bawat bansa at hindi iyan responsibilidad ng Amerika,” ani Colmenares.

Hindi rin umano nakatutulong sa national security ng Pilipinas ang mga military hardware na ibinibigay ng Amerika sa Pilipinas dahil pinaglumaan na nila ito at mukha lang tinatambakan nila ng basura ang Pilipinas.

Hindi rin nababahala ang dating mambabatas sa pangambang gagantihan ng Amerika ang mga Filipino dahil kailangan pa rin ng mga ito ang Pilipinas at posibleng muling buhayin ang nasabing kasunduan kapag nawala na si Duterte.

“Posible yan (bagong VFA pagkatapos ni Duterte). Kasi marami pa ring mga congressman at senador ang pro-Amerika. Di ba noong isinusulong ang VFA na ito, maraming congressmen ang nagsasabi na maganda yan para sa bansa natin. Pero nung magalit si Duterte sa Amerika, tahimik sila pero kapag siguro wala na si Duterte, susuportahan na naman nila yan,” ani Colmenares. BERNARD TAGUINOD

 

Read More

TERMINATION NG VFA IPINARATING NA SA US

PORMAL nang naabisuhan ng Pilipinas ang Estados Unidos kaugnay sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na i-terminate  ang Visiting Forces Agreement (VFA) na nilagdaan noong 1998.

Kinumpirma ni  Presidential spokesperson Salvador Panelo na ipinag-utos ni Pangulong Duterte kay Executive Secretary Salvador Medialdea nitong Lunes, Pebrero 10, na sabihin kay Foreign Affairs Sec. Teddy Boy Locsin na ipadala na ang  notice of termination ng VFA sa gobyerno ng Estados Unidos.

Iniulat kahapon ni Sec. Locsin na “Deputy Chief of Mission of the Embassy of the United States has received the notice of termination.”

Ang terminasyon ng VFA, ani Sec. Panelo ay epektibong mawawalan ng bisa makalipas ang 180 araw matapos matanggap ng US government ang notice of termination.

Sinabi pa ni Sec. Panelo na hindi na kailangan pang hintayin ng gobyerno ng Pilipinas ang magiging tugon dito ng Amerika. CHRISTIAN DALE

Read More

PAGBASURA SA VFA UMARANGKADA NA

VFA

HINDI na hihintayin pa ng gobyerno ng Pilipinas ang magiging tugon ng Estados Unidos sa banta ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kakanselahin nito ang Visiting Forces Agreement (VFA) kung hindi itatama ang visa ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.

Nitong Miyerkoles, Enero 22 ay kinumpirma ni Dela Rosa na kinansela ang kanyang US visa.

Ayon sa Pangulo, bibigyan lamang niya ang Amerika ng isang buwang palugit para itama ang hakbang ng pamahalaan nito na kanselahin ang US visa ng senador.

Subalit, sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na ipinag-utos na ni Pangulong Duterte ang pag-convene ng Presidential Commission on Visiting Forces (PCVF) kung saan si Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teddy Boy Locsin ang chairman habang si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang vice-chairman.

Kabilang din sa Commission ang National Security Adviser, ang executive director ng Presidential Commission on the VFA (VFACom) at kinatawan mula sa Office of the President at mula sa pribadong sektor.

Sinabi ni Sec. Panelo na sinabi sa kanya ni Sec. Locsin na sisimulan na nito ang pagproseso ng pagkansela sa VFA.

Nasabihan at nagka-usap na aniya sina Sec. Locsin at Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez sa bagay na ito.

PARA SA SOBERENYA

Suportado sa mababang kapulungan ng Kongreso ang plano ni Pangulong Duterte na pagkansela sa VFA pero hindi para ipaghiganti ng Pangulo ang pagkansela ng Amerika sa US Visa ni Sen. Ronald “Bato’ dela Rosa kundi para sa soberenya ng bansa.

Ito ang paglilinaw ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na agad nagpahayag ng kanyang pagpabor sa planong ito ni Duterte at iminungkahi nito na isama sa dapat aniyang ibasura ang  Mutual Defense Treaty (MDT) at Enhanced Defence Coorperation Agreement (EDCA).

Ayon kay Zarate, nararapat lamang na ibasura na ang mga nabanggit na kasunduan dahil kuwestiyonable umano ang mga ito at labag sa pambansang soberenya dahil sa direktang pakikialam ng Amerika sa Pilipinas sa lahat ng bagay.

BAHALA ANG US

Dedma naman ang Department of National Defense kung handa ba ang Pilipinas na ibasura ang Visiting Forces Agreement dahil lamang sa kinanselang US visa ni Senador ‘Bato’ dela Rosa.

Una nang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorensana na pag-aaralan muna niya ang magiging epekto ng nasabing banta ng Pangulo.

Tumanggi ring magbigay ng kanyang panig si Lorenzana kaugnay sa banta ni Pangulong Duterte sa US government.

Anang kalihim, “the ball is in the US hand. Let’s see how they react to PRRD’s statement.”

Nauunawaan umano ng kalihim ang pinaghuhugutan ni Pangulong Duterte pero tumanggi itong magkomento kung makatwiran bang isakripisyo ang isang tratado kapalit ng visa ni Dela Rosa. (CHRISTIAN DALE, BERNARD TAGUINOD, JESSE KABEL)

Read More