P882-M PEKENG YOSI NASABAT SA CDO

fake yosi

CAGAYAN de Oro City – Nakumpiska ng pinagsanib na mga operatiba ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at National Bureau of Investigation (NBI) ang P882 milyong halaga ng mga pekeng sigarilyo nitong Enero 21 sa lungsod na ito.

Gayunman, hindi nahuli ng mga tauhan ng BIR at NBI ang mga may-ari ng mga sigarilyong nakalagay sa 5,000 kahon.

Ang nasabing operasyon ay patunay na nananatiling talamak ang ilegal na pagnenegosyo ng sigarilyo at kapalpakan ng BIR at NBI na mahuli ang mga negosyanteng gumagawa nito.

Ang operasyon ay batay sa “mission order” ni BIR Regional Director Nuzar Balatero.

Ayon kay Jonathan Darimbang, opisyal ng BIR legal department, 3,000 kahon ng sigarilyo ang nakumpiska sa Barangay Bayabas at 1,707 kahon naman sa Barangay Cugman.

Ang mga pangalan ng sigarilyong nakumpiska ay YS Filter, RED, Jackpot, Bravo, Marvels, Astro at Two Moon, saad ni Darimbang.

Aniya, ang nasabat na mga sigarilyo ay nakitaan ng mga pekeng BIR stamps at ang iba ay walang stamp.

Nangangahulugang sinadya ang paglabag sa Republic Act No. 8424 o National Internal Revenue Code of 1997. (NELSON S. BADILLA)

Read More

MULTA SA MAGBEBENTA NG YOSI, ALAK SA MINORS

yosi

SAKALING maisabatas ang panukala ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, pagmumultahin ng P500,000 at makukulong ng hanggang 12 taon ang sinomang mapatutunayan na nagbebenta ng sigarilyo, alak at vape products sa menor de edad.

Sa pahayag, sinabi ni Recto na nakapaloob ito sa Senate Bill No. 1208 na kikilalanin bilang Protection of Minors from Sin Products Act, upang protektahan pa ang mga bata sa hazards ng alcohol at produktong tabako kabilang ang vapor products.

Ayon kay Recto, kahit may umiiral na batas tulad ng Tobacco Regulation Act of 2003 at pagbubuwis na namamahala sa paggamit, pagdadala at pagbebenta ng mga produktong ito, hindi ito nagiging epektibo sa pagkonsumo ng alak at sigarilyo.

Sa ilalim ng panukala, sinomang tao o establisimyento na lalabag sa batas na ito ay pagmumultahin ng P100,000 pero hindi hihigit sa P500,000 at makukulong ng hindi bababa sa anim na taon at hindi hihigit sa 12 taon.

Kung lumabag ang establisimyento, makukulong ang manager, kinatawan, director, ahente o empleyado nito.

Bukod dito, babawiin ang lisensiya o permit sa mga susunod na paglabag para sa mga negosyo o business establishment.  Estong Reyes

Read More

YOSI, ALAK, VAPE MAY DAGDAG BUWIS NA  

(NI ESTONG REYES)

INAPRUBAHAN ng   Bicameral Conference Committee ang panukalang dagdagan muli ng panibagong buwis ang sigarilyo, alak at e-cigarette o vape upang makakalap ng sapat ng pondo ang pamahalaan para sa Universal Health Care (UHC).

Sa magkahiwalay na panayam, sinabi ni Senador Pia Cayetano, chairman ng Senate committee on ways and means; at Rep. Joey Salceda, chairman ng House committee on ways and means na nagkasundo ang dalawang kapulungan na dagdagan muli ang buwis sa naturang produkto matapos ang mahabang diskusyon na ginanap sa Senado.

Anila, nagkasundo ang bicam  na patawan ng  karagdagang buwis ang distilled alcohol o hard drinks tulad ng brandy, whisky, vodka at iba pa ng P42 kada litro simula sa susunod na taon 2020, P47 sa 2021, P52 sa 2022, P59 sa 2023 at P66 sa 2024.

Papatawan naman ng karagdagang buwis ang fermented alcohol tulad ng beer ng P35 kada litro simula 2020, P37 sa 2021, P39 sa 2022, P41 sa 2023, at  P43  sa 2024.

Nakatakda rin na patawan ng karagdagang buwis ang sigarilyo ng P25 kada kaha sa loob ng limang taon.

Ang e-cigarettes o vape na nahahati sa dalawang klase na ang freebase ay papatawan ng buwis na P45 per 10 milliliter at ang nicsalt ay papatawan ng P37 per 10 milliliter.

Ayon kina   Cayetano at  Salceda,  makakakolekta ang gobyerno ng P24.9 bilyon sa 2020 upang pondohan ang Universal Health Care, Philhealth, Health Facilities Enhancement Program ( HFEP) at para sa outpatient program.

Ayon kay Cayetano, isinama nila ang outpatient program upang maaga pa lamang ay maagapan na ang sakit ng mga pasyente kung may sapat na pondo para sa mga outpatient sa mga hospital.

Napagkasunduan din ng dalawang kapulungan ng kongreso na 21 years old pataas ang dapat na bentahan ng e-cigarettes at kailangan na naninigarilyo.

Ipinagbabawal din na bentahan ng vape ang hindi naninigarilyo.

Aminado naman si Senadora Cayetano na bilang health advocates hindi siya kuntento sa napagkasunduan na karagdagang buwis sa alak, sigarilyo at e-cigarettes para mas mabigyan ng sapat na pondo ang kalusugan.

Matapos na ratipikihan agad ito na isusumite sa palasyo ng Malakanyang para lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

 

Read More

PER STICK NA BENTAHAN NG YOSI, IPABA-BAN NG DOH

yosi12

(NI DAHLIA S. ANIN)

UPANG hindi na mahikayat pa ang mga Pilipino na magsigarilyo, hinihimok ng Department of Health na i-ban ang pagbebenta nito per stick.

Ang nasabing hakbang ng ahensya ay bilang pagtugon sa rekomendasyon ng United Nations Interagency Task Force on Prevention of Non-Communicable Disease.

Ayon kay DoH Spokesperson Eric Domingo, “Sa mga ibang bansa, ginawa na yan. Talagang bawal bumili ng tingi-tingi, kundi dapat isang pakete kasi nga mas mahal ito at mas mahirap pa bilhin ng mga bata.”

Tinitingnan na rin ng ahensya ang pagtataas ng age requirement sa mga bumibili na nito mula 18 itataas ito sa 21, dahil din umano sa pagtaas ng bilang ng mga kabataan na nagsisigarilyo.

Kahit pa meron na tayong mga anti-smoking measures tulad ng Anti-Tobacco Regulation Act, na nagbabawal sa pagbebenta ng sigarilyo sa mga menor de edad, o ang pagbebenta nito sa mga lugar na malapit sa paaralan at ang nationwide smoking ban order, ay may mga nakalulusot pa rin.

Itinaas na rin ang buwis nito noong 2012, ngunit marami pa rin sa matatanda ang naninigarilyo kaya iminungkahi na ng ahensya ang pagban sa pagbebenta nito ng tingi.

Read More

NAGYOYOSI SA BAWAL NA LUGAR PINAKAMARAMI SA MM

ncrpo22

(NI NICK ECHEVARRIA)

HALOS umabot na sa 1,200,000 na mga pasaway ang inaresto ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kaugnay sa mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa sa Kalakhang Maynila.

Sa ipinalabas na datos ni P/MGen. Guillermo Eleazar, Director ng NCRPO, nasa kabuuang 1,191,090 na mga lumabag ang nadakip simula June 13, 2018 hanggang nitong July 5 sa Metro Manila.

Sa mga nadakip na pasaway ang mga lumabag sa smoking ban ang may pinakamalaking bilang na naitala na 277,048 katumbas ng 23.26 percent ng kabuuang bilang.

Sinundan ito ng mga nahuling menor de edad na lumabag sa “curfew hours”  na 74,547, o 6.26 percent sa parehong panahon na ibinalik din sa pangangalaga ng kanilang mga magulang kasabay ang paalala ng tamang pagdisiplina sa kanilang mga anak.

Pumangatlo naman sa bilang na 63,844 o 5.36 percent ang mga naarestong lumabag  na naglalakad ng walang damit pang-itaas sa mga pampublikong lugar habang  54,223 katumbas ng 4.55 percent ang inarestong umiinom sa mga ipinagbabawal na lugar.

Samantalang ang 721,428 na iba pa o 60.57 percent ng kabuuang mga naaresto ay pawang mga lumabag din sa iba’t iba pang mga ordinansa ng mga bayan at lungsod sa Metro Manila.

Sa limang distrito na nasasakupan ng NCRPO, ang Quezon City Police District (QCPPD) ang may pinakamataas na bilang ng mga naarestong pasaway na umabot sa 644,335 o 54.10 percent.

Sumunod ang Eastern Police District (EPD) na nakapagtala ng 259, 602 na katumbas ng 21.80 percent  na huli, pangatlo ang Northern Police District  (NPD) 121,141 o 10.7 percent, pang-apat ang Manila Plice District (MPD) 96,391(8.09%) at pang-lima ang Southern Police District (SPD) sa bilang na 69,621 na katumbas ng 5.85 percent.

Sa kabila ng malaking bilang na naitalang ito sa kabuuang mga nahuling pasaway sa Metro Manila, patuloy ang mahigpit na utos ni Eleazar sa kanyang mga station commanders at kapulisan sa pagpapatupad ng mga umiiral na ordinansa sa Metro Manila bilang suporta sa local government.

 

Read More

P7-M SMUGGLED YOSI NASABAT SA KARAGATAN NG ZAMBO

SMUGGLED YOSI-2

(Ni Joel O. Amongo)

Muli na namang nakasabat ng aabot sa pitong milyong pisong halaga ng smuggled yosi ang pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Enforcement Security Service (BOC-ESS), Philippine Navy (PN) at Philippine National Police (PNP) sa karagatan ng Zamboanga City ka­makailan.

Ayon sa report, noong Hunyo 25, dakong alas-11:00 ng gabi nakatanggap ng confidential information sa pamamagitan ng text message mula sa isang concerned citizen na nagsasabing may “jungkung” o lantsa na may pangalang MB AZEEZ mula sa Pa­nguturan, Sulu na puno ng smuggled sigarilyo na nasa karagatan ng Sta. Cruz Island, Zamboanga City.

Dahil dito, agad nakipag-ugnayan ang BOC-ESS sa Naval Intelligence and Security Group-Western Min­danao (NISG-WM) at Naval Special Operations Unit 06 upang alamin at hulihin ang mga sangkot.

Dakong ala-1:15 noong Hunyo 26, ang mga ele­mento ng Naval Special Operations Unit 06 sa pamumuno ni Ensign Daogas Daodaoen, PN, na nakabase sa Romulo Espaldon Naval Station ay nagpapat­rulya sa nasabing lugar.

Bandang alas-3:15 ng madaling-araw noong Hun­yo 26 nang masabat ng grupo ang MB AZEEZ na may kargang mahigit kumulang 244 cartoons ng smuggled “Bravo Cigarettes.”

Matapos na masabat ang nasabing mga sigaril­yo ay sinamahan ng mga ope­ratiba ang lantsa na dumaong sa ENS Majini Pier, Romulo Espaldon Naval Station, Zamboanga City para sa kaukulang dokumentasyon at pansamantalang pangangalaga.

Dakong alas-10:30 ng umaga noong Hunyo 26, 2019 ang mga elemento ng NAVSOU 06-NISG-WM ay sinamahan ang lantsang MB AZEEZ na may kargang kumpiskadong smuggled cigarettes para sa formal turnover sa District Collector ng Bureau of Customs, Port of Zamboanga.

Bandang alas-3:30 ng hapon ng nasabi ring petsa ay natapos ang isinagawang inventory at maging ang tamang inspeksyon at pagbibilang ng mga nasabing si­garilyo ay lumitaw na aabot ng 244 cartoons/cases base  na may katumbas na halagang aabot ng pitong milyong piso.

Ang pagkakasabat ng milyun-milyong pisong halaga ng smuggled sigarilyo ay bilang resulta na rin sa pagtutulungan ng pinagsanib na grupo ng mga awtoridad mula sa NAVSOU 06-NISG-WM, BOC-ESS at ni Special PLt Ernesto Pracale, Jr., District Commander, Port of Zamboanga.

Read More

PAGPASA SA SIN TAX MAMADALIIN SA SENADO

sin tax law12

(NI NOEL ABUEL)

BABRASUHIN ng Senado ang pagpasa sa panukalang batas na naglalayong dagdagan ang nakokolektang buwis sa alak at sigarilyo bago pa man matapos ang 17th  Congress ngayong buwan.

Ayon kay Senate Minority leader Franklin Drilon, ngayon Lunes isasagawa ang pagdinig sa nasabing panukalang batas para maipasa sa ikalawa at ikatlong pagbasa at tuluyang ipasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Kumpiyansa naman si Drilon na sasang-ayunan ng mga Kongresista ang bersyon ng Senado upang agad na maihabol bago pa matapos ang 17th  Congress at pagbubukas ng 18th Congress.

“Sa Lunes po, ang usapan ay mag-introduce lang kami ng amendments at pagkatapos, dahil ito ay certified urgent, we can pass it on second and third reading, tapos ito ay ipapadala sa Kongreso at titingnan nila sa Martes kung papayag sila sa aming version at kung pumapayag sila, i-adopt na lang nila dahil wala ng panahon para mag-bicam,” ayon pa kay Drilon.

Wala na rin umanong hadlang sa panig ng iba pang senador upang mabitin ang pagpasa sa nasabing panukala.

“Nag-usap na kami sa caucus. Sa akin, ako’y sang-ayon na taasan ang buwis sa sigarilyo at alak dahil ito’y isang measure para sa kalusugan ng ating mga kababayan at nang bumaba ang bilang ng mga naninigarilyo, lalo na sa mga mahihirap dahil malaki ang gastos dulot ng sakit na nakukuha sa paninigarilyo; at para mapondohan ‘yung Universal health care,” aniya pa.

Read More

MAGBEBENTA NG YOSI MALAPIT SA ISKUL HUHULIHIN — MMDA

mmda12

(NI DAVE MEDINA)

MAGHIHIGPIT ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)  sa bentahan ng sigarilyo
ng mga tindahan malapit sa mga eskwelahan.

Ayon kay MMDA chairDanny Lim, sa muling pagsisimula ng mga klase sa Lunes ay magiging abala ang kanyang mga tauhan sa pagpapatupad ng kanilang mandato kabilang ang pagtiyak na nasusunod ang mga batas laban sa paninigarilyo at pagbebenta nito lalo sa mga pampublikong lugar.

Naaayon din, aniya, ang kanilang gagawing pagpapasunod sa batas sa pagtiyak na magiging ligtas ang kalusugan ng mga mamamayan.

Tiyakan ding magsasagawa umano sila ng inspeksyon sa mga tindahan sa distansiyang 100 metro sa paligid ng mga paaralan para tiyaking walang nagbebenta ng sigarilyo, at maging ng mga e-cigarettes.

Para higit namang maging epektibo ang kanilang operasyon ay magsasagawa rin ng information and education campaign sa mga mag-aaral, mga may-ari at tindera ng tindahan,  maging sa mga pampublikong sasakyan hinggil sa batas na gumagabay sa paninigarilyo.

Idaragdag na rin nila sa operasyon kaligtasan ng mga mag-aaral ang pagpipintura  nila ng mga pedestrian lanes sa paligid ng mga paaralan para siyang tawiran, at maging malinaw na nakikita ng mga pedestrian laluna ng mga motorista.

 

Read More

EXCISE TAX SA YOSI URGENT BILL NI DU30

(NI BETH JULIAN)

PINAL nang naratipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang urgent Senate bill na nagpapataw ng mataas na excise tax sa mga produkto ng tabako.

Bagama’t wala pang inilabas na dokumento, kinumpirma naman ito ni Presidential Legislative Liaison Office Undersecretary Ryan Esteves kung saan sinertipikahan na ng Pangulo ang Senate Bill No. 2233, o “An Act Raising the Excise Tax on Tobacco Products and Amending For the Purpose Pertinent Sections of the National Revenue Code.”

Kinumpirma rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nilagdaan na ng Pangulo ang certification of urgency bago magtungo sa Japan ang Pangulo.

Noong December 2018 nang ipasa na ng Kamara ang bersyon ng nasabing bill na sinertipikahan naman ng Pangulo sa ikalawa, ikatlo at pinal na pagbasa sa kaparehong araw.

Base sa SB 2233, nakapaloob dito na simula Enero 1, 2020 ay P45 kada pakete, Enero 1, 2021 ay P50 na kada pakete, Enero 1, 2022 ay P55 na kada pakete at sa Enero 1, 2023 ay P60 na kada pakete ng siragilyo.

Ang karagdagang buwis ay laan para ipondo sa Universal Health Care Program base sa ilalim ng nasabing batas na nilagdaan ng Pangulo noong Pebrero.

Read More