PINAS AYAW PASUKIN NG INVESTORS DAHIL SA NAPAKAMAHAL NA KORYENTE — SOLON

MULING binatikos ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang panibagong power rate hike ngayong Oktubre, at sinabing ayaw pumasok ng mga investor sa bansa dahil sa napakamahal na koryente.

“Talaga namang napakamahal ng koryente dito more than dun sa sinasabi nilang rason na mataas ang labor cost dito. I don’t think that is the real reason, ‘yung reason talaga kaya ayaw pumunta ng mga investors dito ay ang napakamahal na koryente,” pahayag ni Zarate sa isang panayam.

“For as long as hindi talaga maipababa ‘yan, ‘yan talaga ang magpu-pull down sa pag-bounce back ng ating economy. However, you will entice investors to come in ‘yung nga inaasahan mong mga investors at maghahanap sila kung saan mas favorable sa kanilang atmosphere… ‘yan ang sinasabi lagi ng mga investors kaya hindi ganoon ka-competitive ang Pilipinas,” dagdag pa niya.

Umapela rin ang kongresista sa Meralco na maging responsableng korporasyon at isaalang-alang ang kalagayan ng mga consumer sa gitna ng kinakaharap na pandemya.

Aniya, maaari namang i-delay o i-absorb ng Meralco ang tinatawag na ‘pass on charges’ dahil hindi nila ito ikalulugi.

“Itong mga pag-increase ngayon na sinasabi ng Meralco na, for example na pass on charges, puwede i-absorb ito ng Meralco, hindi naman ito magreresulta sa pagkalugi ng Meralco… In fact, almost monopoly na ang kanyang franchise area, even despite pandemic, nabalitaan ba natin na nalugi ang Meralco, siguro medyo nabawasan ang profit pero profitable pa rin siya but compared to ordinary Filipinos, for example, napakalaki ng nawala sa kanila during pandemic, so ang ating panawagan paulit-ulit sa Meralco na puwede nilang i-delay o i-absorb na ‘yan,” pagbibigay-diin ni Zarate.

“Ang counter argument naman natin diyan napakaraming generation companies na pinagkukunan ng Meralco ng kanyang supply at mga sister companies if not 100 percent owned at least partially owned ng Meralco. So, ito rin ‘yung nagpapasa ng napakalalaking generation cost na eventually pinapasan ng ating mga consumer at napalaking challenge din ito sa Department of Energy dahil ang DOE and even the regulatory commission itong ganitong pagtaas ng bayarin sa koryente parang nangyayari na nga ito eh, sinasamantala pa sa pandemya,” dagdag pa niya.

Nauna nang inanunsiyo ng Meralco ang P0.0283 per kilowatt-hour na dagdag-singil sa koryente ngayong buwan dahil sa mas mataas na transmission charge.

Katumbas ito ng taas-singil na P5.66 para sa mga kumokonsumo ng 200 kWh, P8.49 sa mga gumagamit ng 300 kWh, at P14.15 sa mga kumokonsumo ng 500 kWh.

Ito na ang ika-7 sunod na buwan na magpapatupad ang Meralco ng power rate hike.

189

Related posts

Leave a Comment