SAMPU pa ang nadagdag sa bilang ng mga namatay sa COVID-19 sa Caloocan City noong Sabado, Setyembre 19.
Batay sa pinakahuling ulat ng Caloocan Health Department, umakyat na sa 225 ang namatay dahil sa pandemya mula sa 215 noong Setyembre 17.
Bukod dito, pumalo na sa 7,687 ang tinamaan ng nasabing nakamamatay na sakit mula sa 7,367, dalawang araw ang nakararaan, at mula naman sa 6,412 ay 6,734 na ang gumaling.
Samantala, dalawa naman ang binawian ng buhay mula sa Barangay Hulong Duhat at Longos sa Malabon City kaya’t 180 na ang pandemic fatalities sa lungsod.
Bukod dito, nabatid sa City Health Department ng lungsod na 17 ang nadagdag na confirmed cases noong Sabado.
Sa kabuuan ay 4,780 na ang confirmed cases ng COVID-19 sa Malabon, 417 dito ang active cases.
Isa naman ang nabawas sa bilang ng mga kumpirmadong kaso sa mga pasyenteng naka-confine sa Malabon ngunit hindi residente dahil inilipat ito mula sa ibang lungsod.
Nadagdagan naman ng 40 ang bilang ng mga pasyenteng gumaling at sa kabuuan ay 4,183 ang recovered patients sa Malabon. (ALAIN AJERO)
142
