400 bahay natupok LOLO NATUSTA SA SUNOG SA DAVAO

NORTH COTABATO – Namatay ang isang 76-anyos na lolo nang ma-trap sa nasusunog na bahay habang umabot sa 400 kabahayan ang natupok sa nasabing insidente sa Dumalag 1, Barangay Matina Aplaya, Davao City, noong Sabado ng hapon.

Kinilala ang biktimang si Reynaldo Salinas, residente ng nasabing lugar.

Ayon sa ulat mula kay Senior Fire Officer 3 Ramil Gillado, tagapagsalita ng BFP Region 11, tinatayang umabot sa P2.6 milyon ang danyos ng sunog na nagsimula sa bahay ni Aida Maceda bandang alas-5:00 ng hapon.

Mahigit sa 400 kabahayan ang naabo kabilang ang isang paaralan at inilagay sa pinakamataas na alarma ang sitwasyon sa lugar.

Pinaniniwalaang naiwanang pinaglutuan ang dahilan ng malawak na sunog.

Pasado alas-6:00 ng gabi nang tuluyang maapula ang sunog at idineklarang under control ng Bureau of Fire Protection (BFP) Talomo Fire Station.

Sa kasalukuyan, sa Matina Aplaya gym at Punta Dumalag gym pansamantalang nanunuluyan ang mga apektado ng sunog habang agad namahagi ng paunang tulong ang mga tauhan ng Davao City Social Welfare and Development Office (CSWDO) sa mga residenteng nawalan ng bahay. (BONG PAULO)

197

Related posts

Leave a Comment