1M WASHABLE FACE MASK SA MANILEÑO MALAPIT NANG MAKUMPLETO

MALAPIT nang makumpleto ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang target na pamamahagi ng isang milyong libreng washable face masks sa mga residente na walang kakayahang makabili nito.

Ayon sa alkalde, kasabay nang pagtanggap nila ni Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, ng libo-libong disposable face protection mula sa negosyanteng si Frederick Siy ng Powerhouse Group nitong weekend, ay kaunti na lang na araw ay mahuhusto na ang isang milyon na kanyang ipinagagawang face mask.

Kasabay nito, pinuri ng alkalde sina Public Employment Service Office (PESO) Director Fernan Bermejo dahil sa pagkuha ng mga hard-working na mananahi at master cutters upang mas mabilis nilang maabot ang kanilang target, kumpara sa inaasahan.

Ibinida ng alkalde kay Siy at sa kanyang mga kasamang sina Michael Ong at William Quilala, na ang bilang ng washable face masks na natapos nang tahiin ay nasa 925,389 na ngayon, sa ilalim ng Face Masks Sewing Livelihood Program ni Bermejo.

Nitong Biyernes, itinurn-over ni Siy kina Moreno at Vice Mayor Lacuna ang donasyon na binubuo ng 122,500 na KN95 face masks; 70,000 disposable face masks at 90,000 face shields.

Sa pagbibigay ng donasyon, sinabi ni Siy na naniniwala sila sa pamumuno ng alkalde, dahil sa ipinakikita nitong sinserong malasakit sa mga mahihirap, kaya’t ang Maynila ang napili niyang maging recipient ng kaniyang kontribusyon sa laban kontra sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Pinasalamatan naman ng alkalde si Siy at tiniyak dito at sa kanyang grupo, na malayo ang mararating ng kanilang tulong. (RENE CRISOSTOMO)

126

Related posts

Leave a Comment