2 HOLDAPER ARESTADO SA LOOB NG 3-MINUTO SA QC

IPINAGMALAKI ni Acting District Director PCOL Randy Glenn Silvio ng Quezon City Police District (QCPD) ang mabilis na pagkakaaresto sa dalawang holdaper sa loob lamang ng tatlong minuto matapos ang insidente sa Novaliches, Quezon City.

Kinilala ang mga suspek na sina “Dhann,” 29 anyos, at “Marlon,” 35 anyos, kapwa residente ng Upper Bicutan, Taguig City. Ayon sa ulat ng Novaliches Police Station 4, bandang 2:04 ng hapon noong Oktubre 12, 2025, nagpanggap na customer ang mga suspek at nagpa-book ng tattoo session sa mga biktima sa pamamagitan ng Facebook Messenger.

Upang makuha ang tiwala ng mga biktima, nagpadala pa sila ng paunang bayad na ₱2,000 sa pamamagitan ng InstaPay. Ngunit pagdating nila sa tattoo shop sa No. 9 Villa Nova Avenue, Villa Nova Subdivision, Brgy. Nagkaisang Nayon, agad nilang inihayag ang hold-up, tinutukan ang mga biktima, at puwersahang kinuha ang mga alahas bago sila itali gamit ang cable ties.

Sa kabutihang-palad, napansin ng asawa ng biktima ang insidente sa pamamagitan ng CCTV footage at agad humingi ng tulong sa mga bystanders. Mabilis nitong iniulat ang pangyayari sa QC Helpline 122, dahilan para makapagresponde agad ang mga pulis ng Novaliches Police Station 4 at madakip ang mga suspek sa loob ng tatlong minuto.

Dinala ang mga suspek sa PS4 Novaliches para sa karampatang imbestigasyon at pagsasampa ng kasong robbery (hold-up) laban sa kanila. Pinuri naman ni PCOL Silvio ang mabilis na aksyon at koordinasyon ng mga pulis at ng komunidad, na nagresulta sa agarang pagkakahuli ng mga kriminal. (paolo santos)

151

Related posts

Leave a Comment