WALANG DRIVER

0

HINDI ko masisisi ang mga taong naghahanap kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil nasa gitna tayo ng matinding krisis sanhi ng pagtindi ng COVID-19 at usapin sa soberenya ng Pilipinas.

Maihahalintulad ang ­gobyerno sa isang pampasaherong bus, ang Pangulo ang driver. Nasa kamay ng driver ang kaligtasan ng mga pasahero.

Siya ang maghahatid sa atin sa ating destinasyon.

Pero kung walang nagmamaneho ng bus, hindi tatakbo ang bus. Hindi makakarating sa kanyang destinasyon ang mga pasahero kaya hinahanap ang Pangulo dahil siya ang tsuper ng gobyerno.

Kung barumbado at walang alam sa pagmamaneho ang driver, manganganib ang mga pasahero dahil disgrasya ang aabutin nila at hindi sila makakarating ng ligtas sa kanilang destinasyon.

Parang gobyerno, kailangan nasa manibela ang Pangulo pero dalawang linggo nang hindi nakikita ng publiko ang Mahal na Pangulo kaya hinahanap siya ng mga pasahero/taumbayan.

Bukod kasi sa lumalala ang sitwasyon ng Pilipinas sa COVID-19 at wala ng ospital na mapuntahan ang mga may sakit dahil punuan na, ay may malaking problema din ang bansa sa West Philippine Sea.

Kailangang manguna ang Mahal na Pangulo sa pagtatanggol sa teritoryo ng ating bansa. Hindi puwedeng ipaubaya lang sa kanyang mga tao ang problema dahil siya ang lider ng bansa.

Lahat ng kilos ng mga ­opisyales ng gobyerno ay kailangan nang basbas ng ­Pangulo. Hindi sila kikilos kung walang utos dahil kapag meron silang ginawang aksiyon na hindi nagustuhan ng kanilang boss ay yari sila.

Parang sa loob ng bahay, hindi puwedeng gumawa ng aksiyon ang mga anak na hindi alam ng kanilang tatay o nanay at kailangang sumunod sa mga magulang ang mga bata.

Kahit ano pang sabihin ng mga anak, ang Tatay o Nanay ang batas. Kailangan pa rin nilang ­ipaaalam sa mga magulang ang kanilang gagawin lalo na kung wala pa sila sa tamang edad.

Hindi na rin ubra ang ginagawa ni Sen. Bong Go na kapag naghahanap ang publiko kung nasaan ang Pangulo ay maglalabas ito ng picture para patunayan na hindi nawawala ang Pangulo.

Marami na kasing picture ang inilabas ni Bong Go na sablay at photoshop kaya wala ng maniniwala sa kanilang mga selfie sa Pangulo kapag hinahanap ng mga pasahero ang driver ng bansa.

Hindi kuntento ang mga tao sa pictures ni Bong Go. Ang kailangan ng mga tao ay physical ­appearance ng Pangulo. ­Maraming paraan na ngayon para makita ang Pangulo na nagtatrabaho.

May zoom na ngayon kung saan nakikita ng live ang Pangulo. Meron ding video ang viber kaya bakit picture lang ang ilalabas kapag hinahanap ng mga anak ang kanilang Tatay?

Malaking bagay sa mga anak na makikita ang kanilang magulang sa panahon ng krisis. Sa totoo lang, malambot ang puso ng mga tao dahil noong mapabalita na na-stroke ang Pangulo, yung mga kritiko ng administrasyon nag-aalala din sa Mahal ng Pangulo.

Kaya kapag naghahanap sa Pangulo, huwag niyong ituring na kalaban o kritiko. Concerned lang ang mga tao at nais nilang malaman na nasa mabuting kalagayan ang kanilang driver.

Read More

PROBLEMA SA DISTRIBUSYON NG AYUDA

0

LAGI na lang may problema sa distribusyon ng ayuda na ipinamimigay ng pamahalaan.

Nagrereklamo ang ­taumbayan lalo na ang mga kwalipikadong mabigyan. Hindi raw nasusunod ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang dapat makuha ay apat na libong piso kada pamilya.

Kung ang miyembro ng pamilya ay dalawa hanggang tatlo lang ay makatatanggap lamang sila ng tig-iisang libong piso.

Ibig sabihin hindi kabuuang 4k ang kanilang matatanggap na ayuda at sa halip ay dalawang libo hanggang tatlong libong piso lamang, depende sa bilang ng miyembro ng pamilya.

Pero maraming mga ­nag­re­­reklamo na kahit daw lagpas sa apat ang miyembro ng kanilang pamilya, may nakatanggap pa rin ng ayuda na isa hanggang dalawang libong piso lamang.

Tulad ng ilang residente mula sa Bagong Barrio, Caloocan City. May nagrereklamo sa barangay na hindi tama ang halaga ng kanilang natatanggap na ayuda.

Marami raw ang nakatanggap ng tig-isang libong piso bawat pamilya kaya nagtataka sila kung bakit ganung halaga lang ang kanilang mga natanggap.

Marami rin ang nagrereklamo na pinipili lang daw ang nabibigyan. Kung sino lang daw ang malakas sa gumagawa ng listahan ay ‘yun lang ang may financial assistance mula sa pamahalaan.

Kadalasan daw ay kung sino rin ang malakas kina kapitan at kagawad ay sila lang ang nakikinabang.

Ibig sabihin nagagamit ang ayudang ito sa pamumulitika ng mga barangay official.

Isa namang barangay captain mula sa San Pedro City, Laguna ang nananawagan sa pamamagitan ng Facebook kung paano ­ipamimigay ng pantay ang ayudang 4k sa kanilang mga ka-barangay.

Meron daw kasing dumating sa kanila na listahan na galing sa kanilang pamahalaang lungsod ng mga dapat na mabigyan.

At base sa natanggap na listahan, 441 na pamilya lang daw ang mabibigyan gayung lagpas sa dalawang libong pamilya ang mayroon sa barangay nila.

Kaya naman problemado si Kap kung paano niya ipamamahagi ang ayuda. Kulang na kulang ang pera at karamihan pa raw sa 441 na pamilya ay sila ring ­nakatanggap ng 1st at 2nd tranche ng Social Amelioration Program fund.

Wala naman daw siyang ibinigay na mga pangalan sa kanilang City Hall kaya ang laki ng kaniyang pagtataka dahil basta na lamang daw dumating sa kaniyang opisina ang listahan ng 441 pamilya na tanging mabibigyan ng ayuda.

Sana daw ibinase na lang sa populasyon ng isang lugar ang pamamahagi ng cash assistance para lahat mabigyan kahit magkano.

Unfair daw sabi ni Kap na hindi mabibigyan ang iba dahil lahat naman ay apektado ng ipinatupad na lockdown o ECQ.

Napakaganda ng suhestiyon ng barangay captain ng San Pedro City, Laguna, hindi ba ito naisip ng national government?

Kung ganito sana ang kanilang ginawa, eh di walang nagrereklamo ngayon at hindi pa nagagamit ang pera na ito sa pamumulitika.

Walang duda na matatalino ang mga opisyal ng gobyerno na nakapwesto ngayon pero bakit hindi nila naisip ang praktikal na paraan ng pamamahagi ng ayuda?

Kaya ngayon pinuputakte sila ng reklamo. Ay naku, lagi na lang ganyan!

Simple lang ang kanilang gagawin maging praktikal lang, iwasan muna ang pamumulitika at pag-iisip ng pagkakakitaan.

Nagbabala si Pangulong Duterte kamakailan na wag pakialaman ang ayuda dahil may paglalagyan ang mangungurap sa perang ito.

Maging makatao tayo, lalo na ngayong panahon ng pandemya, kailangan natin magtulungan.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

Read More

PACQUIAO MAHINANG PINUNO

0

BAGSAK si Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao bilang pinuno ng bansa.

Iyan ang pananaw ni retiradong Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio kay Pacquiao.

Natatandaan kong idiniin pa ni Carpio na “absinero” si Pacquiao noong kongresista ito hanggang maging senador.

Kung uunawaing mabuti, wasak si Pacquiao sa komentaryo ng dating mahistrado ng Korte Suprema.

Matatapos pa lang ang unang termino ni Pacquiao sa Senado.

Ngunit, tatakbo na si Pacquiao sa pagkapangulo ng bansa sa halalang Mayo 2022.

May beteranong ‘political operator’ ang nagsabi sa akin na ‘kasado’ at ‘nakaporma’ na ang “makinarya” ni Pacquiao para sa kanyang kandidatura sa 2022.

Sa aking pagsusuri, lumilitaw na hindi solido ang kampo ni ­Pacquiao.

Mismong Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP – Laban) kung saan si Pacquiao na ang pangulo nito ay masasabi kong maraming ayaw sa kanya na maging pangulo ng Pilipinas.

Kaya, hindi dapat maging kampante at maliitin ni Pacquiao ang pag-atake ng kanyang mga kapartido.

Kailangang mayroon siyang makinarya na milyun-milyong botante ang nakalatag sa ­maraming panig ng bansa.

Alam ng lahat na masyadong abalang tao si Pacquiao dahil bukod sa trabaho niya sa Senado, inaasikaso pa niya ang kanyang karera bilang boksingero, ang kanyang mga negosyo, ang kanyang pagiging relehiyosong anak ng Diyos at marami pang iba.

Kaya, hindi nakapagtatakang marami siyang ‘bataan’ na nagsasalita at nagdedesisyon para sa kanya.

Mayroon daw tatlong makapangyarihang nilalang sa grupo ni Pacquiao na kayang-kayang magdesisyon para sa kaniya.

Huwag na natin banggitin ang kanilang mga pangalan pero ang isa ay kilala sa showbiz industry, ang isa naman ay dating militar habang ang isa ay hindi matibag-tibag na consultant niya sa negosyo at pulitika.

Mayroon daw isang grupo na kinabibilangan ng mga propesyonal na tao at mahuhusay sa kani-kanilang propesyon ang nag-alok ng proyekto sa kampo ni Pacquiao na mahigit 20 milyong katao ang makikinabang.

Aprubado raw ang nasabing proyekto kay Pacquiao at handang-handa nang ikasa ang proyekto, ngunit nakapagtatakang walang ipinarating si Pacquiao hinggil sa pinal niyang pasya sa proyekto.

Iyon pala, ‘hinarang’ at ­’ibinasura’ ng isa pang taong malakas kay Pacquiao ang proyekto.

Mayroon bang basbas ni ­Pacquiao ang ginawa ng isa sa mga bataan niya laban sa makabuluhan at makataong proyekto?

Dapat alam ni Pacquiao ang nasabing proyekto, lalo pa’t mahigit 20 milyon ang makikinabang dito.

Hindi puwedeng mga tauhan lamang ng senador ang nag-apruba, o nagredyek, ng proyekto dahil nangangahulugang mahinang pinuno si Pacquiao.

Tandaan ni Pacquiao na maraming suliranin ang ating bansa sa kasalukuyan.

Kung gusto niyang maging pangulo, kailangan at obligadong siya mismo ang magpapasya sa lahat ng proyektong ipararating sa kanyang tanggapan at mga ahensiya ng pamahalaan na ang pangulo ng bansa ang mismong namumuno tulad ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Hindi puwedeng mga bataan ni Pacquiao ang magdedesisyon.

Kung ang proyekto ay mahigit ilang daang mahihirap na pamilya ang benepisyaryo ay kailangang si Pacquiao ang magdedesisyon, lalo na kung mahigit 20 milyon ang makikinabang.

Maling mga bataan niya ang magpasya, kahit ang mga ito pa ang mga napakatatalinong nilalang sa Pilipinas.

Ang malaking problema ni Pacquiao ay ang gulo at away sa kanyang kampo.

Pinangingibabawan ito ng mga taong tingin sa sarili ay sila ang mga ‘boss’ sa kampo ni Pacquiao.

Ang masama ay kung boss silang lahat.

Hindi lang masama, kundi napakasama ng epekto ng ganitong nagaganap sa kampo ni ­Pacquiao, sapagkat nababalewala at nasasayang ang mga proyektong ikabubuti at ikaaayos ng mahigit 20 milyong katao.

Isang grupo pa lamang ang nabanggit ko na posibleng kumalaban sa pagtakbo ni Pacquiao sa pagkapangulo ng bansa sa 2022.

Mayroon pang ibang grupo na makikiisa sa kanila upang matalo si Pacquiao sa laban.

Kung totoo ang prodyeksiyon kay Pacquiao na siya ang pag-asa sa nasadlak sa napakalalang kahirapan at bagsak na bagsak na ekonomiya dahil literal na nagmula siya sa napakasahol na kategorya ng kahirapan.

Ngunit, kung mahinang pinuno si Pacquiao ay walang kahihinatnan ang kanyang ambisyon sa 2022.

Abril pa lang ngayon.

Mahaba pa ang panahon bago sumapit ang Oktubre para sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC).

Kaya, mahaba pa ang panahon upang patunayan ni Pacquiao mismo na mali ang pagsasalarawan ni Carpio at iba pa sa kanya.

At ang gagawin ni Pacquiao na pagpapatunay na hindi siya mahinang pinuno ay mismong siya ang kikilos at hindi ang mga nagsisiga-sigaan, o sinuman, na magyayabang sa sarili na siya ang ­magdedesisyon para kay ­Pacquiao.

Read More

Ordinaryong Pinoy namamatay sa tent ROQUE, VIPs MAY ‘RESERVED’ HOSPITAL ROOM?

0

(BERNARD TAGUINOD)

‘MAHIYA naman kayo!”

Ito ang mensahe ng isang mambabatas sa mga opisyal ng gobyerno tulad ni Presidential Spokesman Harry Roque dahil habang namamatay umano ang mga COVID-19 patient sa tent dahil walang puwesto sa mga ospital ay tila may nakareserba naman para sa mga nasa gobyerno.

“Sa gitna ng pagkukumahog ng mga karaniwang mamamayang nagkakasakit para makapasok sa mga hospital ngayon, tila binabraso na naman ng mga VIP ng rehimeng Duterte na maprayoritisa sila sa pagpapagamot,” ani Kabataan party-list Rep. Sarah Elago.

Partikular sa kinuwestiyon ni Elago kung paanong nakakuha agad ng kuwarto sa ospital si Roque matapos tamaan ng COVID-19 sa ikalawang pagkakataon at nangangailangan ng hospitalisasyon.

Nabatid na na-confine si Roque sa Philippine General Hospital na pinaghihinalaan ni Elago dahil 100% na umano sa ICU ng ospital ay nagamit na at 90% sa COVID-19 bed ay may laman ng pasyente at marami pang nakapila aniya sa labas.

Ayon sa mambabatas, nag-iiyakan ang mga pasyente na hindi makakuha ng kuwarto sa mga pagamutan at ilan sa mga ito ay namamatay sa tent tulad ng singer na si Claire de Fuente.

“Napakarami na rin ang namatay na sa COVID-19 o sa ibang mga sakit dahil hindi sila nakapasok o maasikaso ng mga ospital, samantalang ang mga kagaya ni Roque ay pinipilit ang mga sarili nila na mauna,” ani Elago.

Sa kasalukuyan, 43 sa 152 ospital sa Metro Manila ay nasa critical status kung saan 70-80% na ng mga hospital bed ang nagamit at 43 ospital ang nasa critical status, 15 ang naabot na ang 100% bed occupancy.

Dahil dito, hindi aniya maiwasang tanungin kung parte ba ng pandemic response ng gobyerno na unahin ang mga kaalyado dahil maging sa testing at bakuna ay nauna ang mga nasa poder.

“Ang dapat na isaalang-alang ng mga “VIP” na ito ay ang kapakanan ng mamamayan at hindi ang pagsalba sa kanilang mga sarili,” ayon pa sa kay Elago.

Read More

UDYOK NI DRILON KAY DIGONG ILEGAL

0

INUDYUKAN ng isa sa mga lider ng Liberal Party (LP) si Pangulong Rodrigo Duterte na tahasang labagin ang batas tungkol sa badyet ng pamahalaan para madagdagan pa ang ayuda ng mahihirap na Pilipino sa National Capital Region (NCR) at apat na lalawigang nakararanas ng maraming kaso ng coronavirus diseases (COVID-19).

Tinumbok ng LP vice-chairman na si Senador Franklin Drilon na ilipat ni Duterte ang P9.5 bilyong intelligence fund nito at ang P19.1 bilyong pondo laban sa rebelyon ng komunistang pangkat sa bansa bilang ayudang pinansiyal sa mga apektado ng COVID-19 sa NCR, Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan, o NCR Plus.

Inihayag ni Drilon ang kanyang pananaw makaraang maglabas ang Departnent of Budget and Management (DBM) ng P22.9 bilyon bilang ayuda sa 22.9 milyong residente ng NCR Plus.

Umabot sa 4,000 ang maksimum na naibigay sa bawat pamilya, sa pamamagitan ng mga pamahalaang lokal.

Kabilang sa mga nabiyayaan ang mga taong hindi na nagtatrabaho bago pa man manalasa ang COVID-19 sa Pilipinas.

Ang binanggit ni Drilon na P9.5 bilyon intelligence fund at P19.1 bilyon para sa pagpapaunlad ng mga barangay na ‘nakalaya’ sa kontrol at paghahari ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) ay tinalakay nang husto mula sa mga komite ng Kamara de Representantes at Senado bago aprubahan ang bilyun-bilyong pondo ng Kongreso bilang bahagi ng badyet ng pambansang pamahalaan para sa 2021.

Nangangahulugang hindi puwedeng galawin ang nasabing pondo at ilipat kung saan yunit, o programa, ng pamahalaan dahil lamang sa dikta ng isang senador.

Ang kahilingan ni Drilon kay Duterte ay naghihikayat sa pangulo na sadyang labagin nito ang batas sa badyet at batas laban sa katiwalan at korapsyon at marami pang batas. (NELSON S. BADILLA)

Read More

PAGHAHATI SA RIZAL SA 3 DISTRITO, BATAS NA

0

TININTAHAN na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang isang batas na maghahati sa second legislative district ng Rizal province sa tatlong bagong distrito.

Layon nito na mas matugunan ang mga pangangailangan ng mga residente at mapadali ang long-term recovery mula sa COVID-19 crisis.

Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11533 na naghihiwalay sa second district at gawin itong tatlo, “to take effect in the 2022 national and local elections.”

Ang second legislative district ay bubuuin ng: Cardona, Baras, Tanay, Morong, Jala-jala, Pililia, at Teresa. Ang third district naman ay ang bayan ng San Mateo at 4th district ang lungsod ng Rodriguez, dating Montalban.

Ang nasabing batas ay pinirmahan noong Marso 25, na nagbibigay direktiba sa Commission on Elections na magpalabas ng kinakailangang implementing rules and regulations sa loob ng 30 araw ng effectivity ng batas. (CHRISTIAN DALE)

Read More

COVID-19 BEDS DARAGDAGAN

0

DAHIL sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa PhilHealth na magbayad sa mga ospital na mayroong unpaid COVID-19 claims, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na marami sa mga private, national government at LGU-hospitals ang nag-commit na dadagdagan ang COVID-19 beds lalo na sa NCR Plus.

Ito aniya ang isa sa mga naging kritikal na basehan ng Inter-Agency Task Force (IATF) para magrekomenda na magluwag nang kaunti at gawing MECQ ang klasipikasyon sa NCR Plus.

“Eto naman po ang sumatotal na nadagdag na healthcare capacity habang tayo ay nasa ECQ: Covid ICU beds, 164; Covid regular beds for moderate and severe, 2,227; and Covid isolation beds, 765 (mild and asymptomatic). Ang sumatotal po ay 3,156 beds in NCR Plus,” ayon kay Sec. Roque.

Nagpakita naman ng table si Sec. Roque kug saan makikita ang utilization rate kasama na ang mga bagong kama.

Samantala, inulit ni Sec. Roque na ang inaprubahan ng pangulo na rekomendasyon ng IATF ay isailalim sa MECQ ang NCR Plus na magtatagal hanggang katapusan ng Abril. (CHRISTIAN DALE)

Read More

Kasunod ng secret meeting sa Palasyo PNP, FDA SANIB-PUWERSA VS IVERMECTIN

0

(NELSON S. BADILLA)

KIKILOS na ang dalawang ahensiya ng pamahalaan laban sa Ivermectin makaraang maganap umano ang isang importanteng “secret meeting” sa Palasyo ng Malakanyang tungkol sa nasabing gamot.

Nabatid ng SAKSI Ngayon na nagkaroon ng pulong sa Palasyo kung saan tinalakay ang agresibong pagharang sa gamot na Ivermectin.

Biglang sumikat ang Ivermectin dahil mayroong mga doktor na seryosong iligtas ang mamamayang Pilipino laban sa napakabagsik na epekto ng coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Hindi ipinaalam sa SAKSI Ngayon kung sinu-sino ang nagsipagdalo sa nasabing secret meeting.

Ngunit, nabanggit ng sources na ‘importanteng’ mga opsiyal ang nagsipagdalo upang kumilos ang Food and Drug Administration (FDA) laban sa Ivermectin.

Mula sa nasabing pulong, hiniling ng FDA sa Philippine National Police (PNP) na tugisin at ikulong ang mga magbebenta ng Ivermectin sa publiko.

Ang sanib-puwersang pagkilos ng PNP at FDA ay laban sa mga doktor at botikang magrereseta ng Ivermectin at mga botikang magbebenta ng naturang gamot.

Hindi pa legal ang Ivermectin na ibenta sa mga botika at ireseta ng lahat ng doktor sa bansa hanggang ngayon, ayon sa FDA.

Isang ospital pa lang ang pinayagan ng FDA na gumamit ng Ivermectin sa kanilang pasyenteng tinamaan ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) dahil ang nasabing ospital pa lamang ang inaprubahan ang permit para sa “compassionate use” ng Ivermectin, banggit ni FDA Director General Eric Domingo.

Gayunman, hindi tinukoy kung anong ospital ang pinayagang magbigay ng Ivermectin sa kanilang mga pasyente.

Ngunit, upang hindi lumaganap ang paggamit ng nasabing gamot, ipatutupad ng PNP ang kahilingan ng FDA, lalo pa’t ang naturang kautusan ay mistulang resulta ng pulong sa Malakanyang.

Sa partikular, ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang aaksyon laban sa Ivermectin.

Kinumpirma ng CIDG director na si Major General Ignatius Ferro na humiling ang FDA sa PNP na kumilos upang kagyat nang putulin ang paglaganap ng ilegal na pagbebenta ng Ivermectin.

Sa isang panayam sa radyo, binanggit na Ferro na ang kanilang gagawing operasyon ay batay sa isinasaad ng RA 9711 o “Food and Drug Administration Act of 2009”.

Tiniyak ni Ferro ang pagtugis sa sinomang doktor at negosyante na lalabag sa nasabing batas na nagdidikta sa kanila ng mga alituntunin at proseso bago ibenta ang Ivermectin, o anomang gamot na sinasabing magpapagaling sa taong tinamaan ng COVID-19.

Kaugnay nito, hinimok ng CIDG ang publiko na humingi muna ng “professional advice” sa mga doktor kung wasto bang gumamit ng Ivermectin, o hindi.

Nananawagan din si Ferro sa publiko na agad ipagbigay-alam sa mga otoridad kung may mabalitaan silang ilegal na nagbebenta ng nasabing gamot.

Hindi na maaawat ang PNP at FDA sa pagkilos nito laban sa Ivermectin kahit labis na naniniwala ang Department of Science and Technology-Philippine Council on Health Research and Development (DoST-PCHRD) na hindi na kailangang isalang ang Ivermectin sa clinical trial sa Pilipinas dahil nakatapos na ito ng 20 clinical trials sa United States (US).

Read More

RELIGIOUS GATHERINGS IBINALIK NA RIN

0

PUWEDE nang makapagsagawa ng religious gatherings ang iba’t ibang relihiyon ngayong niluwagan na ang quarantine protocol.

Subalit, pagbibigay-diin ni CABSEC Karlo Alexei Nograles, limitado sa sampung porsiyento lamang ang kapasidad ng mga aktibidad na may kinalaman sa relihiyon.

Papayagan din, ayon kay Nograles ang pagdaragdag ng pampublikong transportasyon lalo’t may mga industriyang pinahintulutan nang makapagbukas ng 50 percent.

Sa kabilang dako, bawal pa rin ang ang dine-in sa MECQ subalit pwede na naman aniya ang outdoor dine-in na limited ang capacity.

Nananatiling bawal sa MECQ ang barberya, spa, sabong, casino, beauty salon at iba pa gaya ng indoor attractions.

Bawal pa ring lumabas ang below 18 at 65 pataas sa ilalim ng mas pinaluwag na quarantine status. (CHRISTIAN DALE)

Read More