Mga atleta-sundalong bayani ng Pilipinas (Huling Bahagi)

0

MALIBAN sa siyam na Olympian, 43 pa (52 lahat) na atleta-sundalo ang binigyang pugay noong ika-17 ng Hulyo 1951 ng Philippine Amateur Athletic Federation (PAAF) dahil sa kanilang kabayanihan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Labinsiyam sa kanila ay dinala ang ating bandilang may sagradong kulay na pula, puti at bughaw sa maraming pang-internasyonal na kompetisyon tulad ng mga kababayang Olympian na sina swimmer Teofilo Yldefonso af Miguel White na kapwa nag-uwi ng medalyang tanso mula sa Olimpiyada.

Dalawang medalyang tanso ang naibulsa ni Yldefonso ng Piddig, Ilocos Norte noong 1928 sa Amsterdam at 1932 sa Los Angeles, at isa kay White sa Berlin noong 1936.

Karamihan sa mga pinapurihan ay mga atletang miyembro ng Philippine Scouts, USAFFE o underground guerilla units.

Marami rin ang kumatawan sa track and field, 10 sa swimming, siyam sa baseball, lima sa basketball, tatlo sa boksing, dalawa sa football, ­dalawa sa tennis at tig-isa sa wrestling at shooting.

Isa sa dalawang pinarangalan sa football ay si Virgilio Lobregat, naging Outstanding Athletes of Half-A-Century kasama si Jacinto “Jumping Jack” Ciria Cruz na miyembro ng pambansang koponan ng basketball na tumapos na panlima sa Berlin.

Sina Yldefonso at White ay dalawa sa 10 Olympic medalists na tumanggap ng “Lifetime Achievement Award,” bawat isa mula sa Sports Communicators Organization of the Philippines (SCOOP) sa paggunita sa ika-80 taong partisipasyon ng Pilipinas sa Olimpiyada.

Ang iba pang Olympian sa listahan – Amador Obordo ng Berlin quintet, Lt. Nemesio de Guzman (athletics), Lt. Otoniel Gonzaga (shooting), Lt. ­Simplicio de Castro (boxing) at Lt. Enrique Jurado at Abduraman Ali (swimming).

Si De Guzman ng Philippine Army ay miyembro ng pambansang delegasyon sa IXth Olympiad sa Amsterdam, samantalang si Gonzaga at De Castro sa Berlin. Si Ali ay lumangoy sa XIth Olympiad sa Los Angeles.

Maliban kina White at De Guzman, ang iba pang Pinoy runners, throwers at jumpers na nasawi rin sa digmaan ay sina Miguel Sugeco, Sgt. Doming Espanol, Lt. Jose Antonio, Mayor Emilio Bucoy, Wenceslao Bansale, Eliseo Razo, Civico Granado, Maximino Pasaporte, Albino Bangayan, Delfin Danguilan, Lt. Constantino Alambra, Moises Lucas, Felizardo Casia, Francisco Danao, Bartolome Barabad, Alejo Alvarez at Simon Santos.

Kabilang din sa listahan sina swimmer Rosendo Aguinaldo, Policarpio Tolentino, Donato ­Cabading, Miguel Bartolaso, Ulka Mangona, Jakara Angkang, Bernardino Tugbo at Mauricio Guidote.

Ang mga manlalaro ng baseball na kumatawan sa bansa sa maraming internasyonal na kompetisyon kabilang ang Far Eastern Games ay sina Sgt. Aquilino Jacob, Cpl. Pablo Chu, Sgt. Gervacio Estorba, Atilano Rivera, Casimiro Francisco, Ramon Oncinian, Toribio Oncinian, Regino Bertulfo at Cipriano Platon.

Si Atiklano na kung tawagin ay “Django” ay isa sa mga kauna-unahang naglaro sa Japanese pro-league. Napatay siya ng mga dati niyang pinaglingkurang mananakop sa isang matinding labanan.

Ang iba pang non-Olympic athletes na nalugmok suot ang kanilang unipormeng pandigma ay sina Carlos Canillas, Albert Murrow at Robert Keesy ng basketball; Francisco Zarcal at Martin Roxas sa boxing; Jose Miranda ng football; at Concepcion Santos-Cepeda at Juan Ladaw Jr. ng tennis.

Si Gng. Cepeda ay mahabang panahong kampeon ng Pilipinas sa singles at doubles ng tennis. Siya at si Simon Santos ng track and field ang kauna-unahang Santos sister-brother na nagbuwis ng buhay noong panahon ng giyera habang naglalaro ng kani-kanilang sport.

Ang PAAF president noon na si Jorge Vargas ang nanguna sa seremonyang ginanap noong General Assembly ng noon ay naghaharing ­pederasyon sa palakasan sa Pilipinas.

Read More

SUPER LAKAS NI MR. CLEAN

0

ANG imahe ng isang ­dating bida sa kalinisan sa ating mga kasuotan na si Mr. Clean ay maihahalintulad sa isang mataas na opisyal ng Bureau of Immigration na matipunong lalake at kumikinang ang ulo na tila pinahiran ng floor wax.

Ngunit ito kaya’y sa panlabas na anyo lamang?

Matatandaan na noong June 4, 2013 ay nagsagawa ang DOJ at NBI ng isang fact finding investigation matapos ang isang kaduda-dudang pagpapadeport kay Park Sungjun na isang Korean national.

Sa insidenteng iyon ay kinasuhan noon si alyas Mr. Clean ng paglabag sa Anti Graft Law at sinampahan din ng kasong administratibo dahil sa tinatawag na Gross Neglect of Duty.

Agad itong inilagay sa ­floating status at pansamantalang inilipat sa Commissioners office bilang technical assistant.

Si Park Sungjun ay inilagay noon sa BI blacklist batay sa order ng Board of Commissioners noong 2012 dahil sa pagiging undocumented at undesirable nito. Nabatid na hiniling pa ng South Korean Embassy dito sa Pilipinas sa BI – Fugitive Search Unit na hulihin at hagilapin itong si Sungjun dahil ito pala ay WANTED sa kanilang bansa dahil sa iba’t ibang mga kasong kaniyang kinasangkutan.

Dahil umano sa ­unauthorized/ unrecorded departure ni Sungjun sa Pilipinas ay pinaniniwalaang sinadya itong pinatakas kapalit ng malaking halaga.

Matapos ang pagkakatapon ni Mr. Clean ay isang artikulo naman ang lumabas sa internet na ikinanta na umano nito ang sindikato sa loob ng BI legal department kasabwat ang ilang matataas na opisyal ng DOJ kung papaano ang kitaan sa mga papeles na pumapabor sa mga dayuhang nakakulong at may kinakaharap na mga kaso sa bansa.

Nangamba din umano noon sa kanyang buhay si Mr. Clean matapos niyang isiwalat ang diumano’y money making activities ng kanyang mga kasamahan sa BI. Isa na sa kaniyang inihalimbawa noon ang kaso ng Indian national na si Thangam Madhana Gopal na nagbayad umano ng 2.2 milyong piso upang baliktarin ang desisyon na summary deportation laban sa dayuhan.

Matapos ang isang taong mahigit na pagkakatapon kay Mr. Clean ay nakabalik naman ito sa kanyang puwesto dahil na rin kaya sa malakas ang kanyang padrino?

Abangan ang kasunod ng pagtutok natin sa mga kinasangkutang kaso ni Mr. Clean.

Samantala, ano itong natanggap nating impormasyon na malaki umano kung ­maningil itong si Macho Chiquito sa mga Travel at liaison officers sa mga passports ng mga dayuhang overstayed na sa bansa? Abangan!!!

Para po sa inyong mga Sumbong at Reaksyon ay maari ninyo akong itext sa 09158888410.

Read More

PANGARAP NA NEGOSYO SINISIMULAN NANG TUPARIN NG MGA GRUPO NG OFW

0

NAKAKATUWA na marinig mula mismo sa mga taong nakatanggap ng puhunan sa negosyo mula sa programang OWWA Tulong Puso na kanila nang ­sinisimulan na tuparin ang kanilang mga pangarap.

Nitong nakaraang Miyerkules sa aming programa sa radyo na UP UP Pilipinas sa DWDD kasama si BGen Gerry Zamudio, Coco Naik, Bhong David at Emil Carreon, ay naging bisita namin ang mga pinuno ng iba’t-ibang ­samahan ng OFW mula sa Visayas.

Aming inalam sa kanila ang kanilang mga naging karanasan sa pagproseso ng kanilang ­aplikasyon para sa OWWA Tulong Puso.

Bilang “principal sponsor” ng OWWA Board Resolution para sa programang Tulong Puso, kaligayahan na para sa akin na malaman na mayroong mga OFW at pamilya ng OFW na totoong nakikinabang sa programang personal kong isinulong sa OWWA Board.

Ang OWWA Tulong Puso ay isang “cash grant” para ­makapagsimula ng negosyo mula ₱150,000 pesos hanggang ₱1-milyong piso ang isang OFW o ang kanilang pamilya depende sa kung anong negosyo ang itatayo at kung ilan din ang bilang nga mga kasapi sa isang asosasyon ng OFW.

Si Ginang Lilibeth Olinares ng Samar ay may miyembrong 63 na pamilya ng OFW. Proyekto nila ang pagpapagawa ng “side-car” sa may 25 na miyembro ng pedicab association na may puhunan na ₱500-thousand pesos.

Nagparehistro ang grupo sa Department of Labor and Employment (DOLE) at nasa aktibong listahan ng OWWA ang kanilang miyembro kaya tumanggap sila kaagad ng paunang puhunan para may “downpayment” ang mga pinagawang pedicab at hinintay na nila ang kabuuan na pondo sa kanilang project proposal. Nakakatulong na sila para sa kabuhayan ng mga miyembro at may serbisyo pa sa komunidad.

Si Ginang Flordeliz Gutierrez ng Ormoc City ay nangasiwa ng Ormoc City OFW Association na may 20 miyembro at ang negosyo nilang binalak ay “wholesale ­beverage products.” Nakatanggap na sila ng ₱100-thousand pesos mula sa proyekto. May mga benepisyo ang mga miyembro tulad ng PHILHEALTH at ang iba na walang trabaho ngayon ay namasukan sa negosyo ng grupo para makatanggap ng suweldo.

Si Ginang Paulita Siangco ng Maasin City, Southern Leyte ay may 29 na miyembro na rehistrado sa OWWA tulad ng “seabased at landbased” na mga seaman. Ang kanilang itinayo ay bigasan na may puhunan na ₱500-thousand pesos. Sa ngayon ay binigyan sila ng paunang puhunan ng OWWA na 100 libong piso at nag-ambag sila para sa “equity.” Nitong a-8 nang Abril ay nagbukas na sila ng bigasan matapos na ito ay maiparehistro sa DOLE. Ayon sa kanila, malaking tulong sa pamilya at komunidad ang bigasan lalo na ngayong pandemya.

Si Ginang Anita S. Corto ng Poblacion, Almeria, Biliran ay tagapangasiwa naman ng Almeria Seafarer’s Multi-Purpose Cooperative (ASEMCO). Sa kooperatiba nila ay may 6,200 na miyembro at ang 735 ay OFW. Ang kanilang proposal ay “Agri-Business Cooperative, grocery, expansion of free-range chicken, coop venture, meatshop at multi-purpose cooperative.” Natanggap na nila ang paunang puhunan na ₱400-thousand pesos at hinihintay pa ang kabuuan pang puhunan. Ang mga miyembro ay may “dividend at patronage refund” bawat taon. Nakakatulong ang ­kooperatiba sa mga miyembro at komunidad bukod pa sa merong pautang para sa mga OFW.

Ang aking tanging panawagan lamang sa lahat ng makakatanggap ng puhunan sa Tulong Puso program ay palaguin at seseryosohin nila ang “cash grant” at iba pang proyektong pangkabuhayan ng OWWA dahil ito ay makakatulong sa kanilang komunidad at pamilya lalo na ngayong panahon ng pandemya ng COVID-19.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

Read More

HUWAG MATAKOT MAGPABAKUNA

0

NANANATILING matindi ang ating pinagdadaanang krisis kontra COVID-19.

Sa kasalukuyan ay higit sa 920,000 na ang kabuuang bilang ng positibong kaso nito sa bansa. Ayon sa datos ng Department of Health (DOH) noong ika-17 ng Abril, sa kabuuang bilang na ito ay nasa 203,710 o 22% ang naitalang aktibong kaso. Sa ­kauna-unahang pagkakataon mula noong pumasok ang pandemyang ­COVID-19 sa bansa, umabot sa higit 200,000 ang kabuuang bilang ng aktibong kasong naitala.

Tumaas din ang bilang ng mga namamatay kada araw dahil sa COVID-19. Mula ika-9 hanggang ika-16 ng Abril, higit sa 100 ang bilang ng mga naitalang namatay dahil sa COVID-19 kada araw kaya’t hindi nakakapagtaka na ang kabuuang bilang nito ay kasalukuyang nasa halos 16,000 na.

Kaugnay ng tumitinding laban ng bansa kontra COVID-19, umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mamamayan na ayaw magpabakuna. “May mga iba diyan na ayaw talaga ­magbakuna, eh ‘di okay na lang ‘yan sa akin. Ang problema kung makahawa ka,” pahayag ni ­Pangulong Duterte. Aniya, hindi ito ang tamang panahon para pairalin ang kayabangan dahil ang ­kalaban natin ay hindi natin nakikita.

Bagamat malaking tulong ang pagsusuot ng face mask at face shield at ang pagsunod sa social distancing sa mga pang-publikong lugar, hindi hamak na mas mahusay pa rin ang proteksyon na kayang ibigay ng bakuna kontra COVID-19. Ito ang dahilan kung bakit ang lahat ay hinihikayat na magpabakuna.

Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, nasa 5.5 milyong dosis ng bakuna ang inaasahang papasok sa bansa ngayong buwan ng Abril. Bukod sa mga dosis ng bakuna mula sa Sinovac, inaasahan din ang pagdating ng unang dosis mula sa Gamaleya at COVAX. Bunsod nito, nananatiling buo ang tiwala ni Galvez na makakamit ng pamahalaan ang layunin nitong mabakunahan ang 70% ng populasyon ng bansa sa pagtatapos ng taong 2021.

Kamakailan din ay ­dumating na ang ikalawang batch ng dosis ng bakuna na binili ng Pilipinas mula sa Sinovac ng China na may bilang na 500,000. Gaya ng mga naunang dosis ng bakuna na dumating sa bansa, ang dosis na ito ay pansamantalang ­ilalagak sa warehouse ng Metropac ­Movers, Inc. (MMI). Ang MMI ay ang kompanya ng MVP Group na pinamumunuan ng negosyante at ­pilantropong si Manny V. ­Pangilinan, na siyang nangangasiwa sa logistics, at ang kasalukuyang nangangalaga ng mga dosis ng bakunang pumapasok sa bansa.

Apat na batch ng dosis ng bakuna na ang dumating mula sa Sinovac ng China. Ang unang dalawang batch na may kabuuang bilang na isang milyong dosis ay mga donasyon ng China sa laban ng bansa kontra COVID-19. Ang dalawang huling dumating na may kabuuang bilang na 1.5 milyong dosis, kabilang ang 500,000 na dumating noong ika-11 ng Abril ay ang unang dalawang batch ng dosis na binili ng Pilipinas sa Sinovac.

Ayon sa ulat ni International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) Chair and President ­Enrique Razon, Jr., ang tumatayong lider ng grupo ng pribadong sektor na bahagi ng tripartite agreement, sa Hun­yo inaasahang darating ang 20 ­milyong dosis ng bakuna mula sa Moderna. 13 milyong dosis ang mapupunta sa pamahalaan at 7 milyong dosis ang mapupunta sa mga miyembro ng pribadong sektor para sa mga empleyado nito.

Napakagandang balita nito at nawa’y hindi maantala ang pagdating ng mga nasabing dosis ng bakuna sa bansa. Huwag tayong matakot magpabakuna. Magtiwala tayo sa mga eksperto na nagbibigay ng pahintulot at ng rekomendasyon ukol sa paggamit ng iba’t ibang tatak ng bakuna kontra COVID-19. Nariyan na ang ­solusyon sa pandemya at ang proteksyon na ating kinakailangan laban sa nasabing virus. Isipin na lamang natin na ang ating pagpapabakuna ay makatutulong din upang maprotektahan ang mga tao sa ating paligid at makatutulong din ito sa muling pagbangon ng ating ekonomiya.

Magpabakuna tayo para sa ating mga mahal sa buhay, at para sa kapakanan ng bansa at ng susunod na ­henerasyon.

Read More

NO DISCONNECTION POLICY NG MERALCO PINURI NG LKI

0

PINURI ng consumer group na Laban Konsyumer, Inc. (LKI) ang pagkakaroon ng Meralco ng no disconnection policy sa gitna ng pananalasa ng pandemya sa COVID-19.

Sinabi ni LKI President Atty. Vic Dimagiba, “our group would like to commend the Manila Electric Co. (Meralco) as they said on Monday that it is continuing the suspension of all disconnection activities in its franchise area until April 30, 2021 following the Government’s announcement placing the National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna and Rizal under a modified enhanced community quarantine (MECQ) until the end of the month. We hope that other utilities follow this example as well.”

Binigyang diin ng LKI “Especially since MECQ has been established and many workers still have no means to pay their bills, to protect consumer welfare, DUs like Meralco, in this case, show true compassion for the everyday citizen as they will continue to put on hold all disconnection activities until April 30.”

“We hope the other utilities and electric cooperatives (EC) can follow this example as this extension will help lessen the burden of the customers and provide enough relief and time for them to settle their bills. It is welcome news that Meralco will continue to be very considerate during this period and they also vowed to assist its customers in need of help with their concerns. Others should imitate,” banggit pa ni Dimagiba.

Ipinahayag ng grupo na sila’y naninindigan na mahalaga na ang mga DU at kooperatiba gaya ng Meralco at ibang EC, ay magpatuloy sa mahahalaga nitong operasyon gaya ng pagbabasa ng metro bilang pagsunod sa kautusan ng Energy Regulatory Commission (ERC), at magpapatuloy sa paghahatid ng serbisyo anomang oras sa mga customer nito.

Sinabi ni Dimagiba, “Our group believes that it is important and very crucial for consumer welfare that Meralco and other DUs’ business operations, including meter reading and bill delivery activities, will continue throughout the MECQ. This will ensure that actual consumption for the month will be billed accordingly.”

Subalit, hinihikayat naman ng LKI ang mga konsyumer na may kakayahan at sapat na pera na magbayad ng kanilang mga bill ayon sa orihinal nitong due date upang makatulong sa pangangasiwa ng daloy ng pera sa energy supply chain at masiguro ang tuluy-tuloy na supply ng kuryente. Batid ng grupo na makatutulong ito sa pag-iwas sa biglaang pagtaas ng bayarin at sa pagkaipon nito kinalaunan.

Tinapos ni Dimagiba ang kanyang pahayag sa pagsasabi na, “Actually, right now, what is crucial is that utilities continue working like clockwork because they are the backbone of our country and our economy. Thus, it is good to hear that Meralco crews will also continue to be on standby 24/7 to respond to any emergencies and reports.”

Read More

MAHAL NA ELEKTRISIDAD SA MINDANAO ISINISI SA ‘COAL’

0

MARIING tinutulan ng grupong coalition of consumers and clean energy advocates nationwide, ang mabilis na pagpapalawak ng ‘coal fleet’ sa Mindanao, dahil bukod sa napakamahal ay hindi ito solusyon sa pangangailangan ng kuryente sa rehiyon, at pagmumulan pa ito ng maraming problema ng mga residente sa lalawigan.

Sa virtual briefing ni Finance Secretary Carlos Dominguez, sinabi nito na ginalugad ng pamahalaan ang coal-fired power plants sa Mindanao at kinalaunan ay ipinasara upang pagbutihin ang kapasidad ng generation ng Agus Pulangi Hydro power plants.

“We welcome this discourse on moving towards a future where Mindanao rids itself of coal, as people have already suffered much from its proliferation,” ayon kay clean energy and consumers rights group Power for People Coalition (P4P) Convenor Gerry Arances.

Nabatid na may total 1.837 GW kapasidad ng karbon ang kasalukuyang naka-install sa rehiyon kung saan apat sa limang coal power plants ang pumasok lang sa operasyon sa komersyo mula 2015 hanggang sa kasalukuyan.

“P4P and the broad network of power stakeholders in Mindanao are in fact preparing to file complaints on the power supply agreements that these coal-fired power plants and electric cooperatives and distribution companies in the area entered into. They cannot expect us to stand back as electricity bills continue to take away much of the financial resources consumers barely get by on as the COVID crisis lingers,” saad pa ni Arances.

Binigyang diin pa ng grupo na kanilang ipagpapatuloy na itulak ang pagpapalawak sa renewable energy technologies sa Mindanao.

Ayon naman kay Rara Ada, coordinator ng Philippine Movement for Climate Justice Mindanao (PMCJ Mindanao), kung patuloy na palalawakin ang pagtatayo ng mga planta ng coal, magiging problema ng mga katutubo at ordinaryong Pilipino ang pagkasira ng kanilang kapaligiran at magiging pasanin pa sa kanila ang mataas na bayarin sa electricity bills. (TJ DELOS REYES)

Read More

Nadiin sa bigat ng ebidensya CAM, 6 PA KINASUHAN NG MURDER

0

MATIBAY ang ebidensiya laban kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Member Sandra Cam at sa anak niya hinggil sa pagpaslang sa bise alkalde ng bayan ng Batuan, Masbate noong 2019, ayon sa Department of Justice (DOJ).

Batay sa nakalap na mga ebidensiya laban kay Cam at anak na si Marco Martin Cam, kasong “murder” ang isasampa ng DOJ sa kanila kaugnay sa pagpatay kay Vice Mayor Charlie Yuson III.

Isasama rin sa kaso sina Batuan acting Mayor Nelson Cambaya, Junel Gomez, Bradford Solis, Juanito de Luna at Rigor dela Cruz.

Si Yuson ay pinagbabaril hanggang mapatay ng ilang kalalakihang armado ng matataas na kalibre ng baril sa Sampaloc, Manila noong Oktubre, 2019.

Agad na inakusan ng pamilya Yuson si Cam na siyang utak sa pagpatay sa kanilang mahal sa buhay.
Tahasang itinanggi ito ni Cam.

Naging opisyal ng PCSO si Cam dahil aktibo siyang tumulong at nangampanya para manalo sa pagkapangulo ang noo’y alkalde ng Davao City na si Rodrigo Duterte.

Unang nakatikim ng media exposure si Cam noong idiniin niya ang pamilya ng pangulo ng bansa noong 2005 na si Gloria Macapagal-Arroyo sa jueteng.

Ayon sa mga DOJ prosecutor, kakasuhan din si Cam at iba pa ng frustrated murder dahil muntik nang mamatay ang kasama ni Yuson na si Alberto Alforte IV.

Binanggit sa resolusyon ng DOJ na inihanda ni State Prosecutor Eugene Yusi at Assistant State Prosecutor Josie Christina Dugay: “When considered in its entirety, the statements and evidence presented by the complainants are sufficient to establish probable cause for the conspiracy among all the respondents”. (NELSON S. BADILLA)

Read More

Relief drive sa NCR Plus LINGAP COVID-19 IKAKASA NG INC

0

PLANONG paigtingin ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang kanilang COVID-19 pandemic assistance sa pamamagitan ng paglalaan ng halos P10 milyong halaga ng relief goods sa mga lungsod at lalawigang kasama sa NCR Plus bubble, pahayag ng isang opisyal ng INC nitong Abril 18, 2021.

Ang humanitarian drive ng INC, sa ilalim ng Lingap sa Mamamayan program, ay mamamahagi ng “goody bags” sa mga lugar na pinaka apektado ng corona virus simula Abril 18, 2021 hanggang Abril 30, 2021.

“Sa pangunguna ng aming Tagapamahalang Pangkalahatan, Kapatid na Eduardo V. Manalo at ng buong INC ay patuloy na kumikilos ayon sa diwa ng Bayanihan na pinangungunahan ng ating gobyerno. Kami bilang isang organisasyon ay gagawin ang aming bahagi sa pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan na nangangailangan – yaong mga nawalan ng trabaho, mga nangangailangan ng pagkain at pangunahing mga suplay, mga nangangailangan ng pag-aaruga dahil sa kasalukuyang kinakaharap na health emergency,” pahayag ni Bro. Glicerio P. Santos IV ng Finance Department ng INC.

Ipinaliwanag ni Santos IV na makikipagtulungan sila at makikipag-ugnayan sa mga local government unit ng beneficiary areas para sa isang maayos na pamamahagi ng goody bags.

Ang initial phase ng Lingap initiative, na may inilaang budget na Php 9.8M, ay kinabibilangan ng mga sumusunod na LGU at lalawigan sa NCR Plus bubble: Quezon City (Php 1.6M worth of goody bags), Manila (Php 500T), Caloocan (Php 500T), Las Piñas (Php 300T), Makati (Php 300T), Malabon (Php 300T), Mandaluyong (Php 300T), Marikina (Php 300T), Muntinlupa (Php 300T), Navotas (Php 300T), Parañaque (Php 300T), Pasay (Php 300T), Pasig (Php 300T), Pateros (Php 300T), San Juan (Php 300T), Taguig (Php 300T), Valenzuela (Php 300T), Rizal (Php 1M), Laguna (Php 500T), Cavite (Php 500T) at Bulacan (Php 1M).

“Tayo ay hinihimok ng ating Tagapamahalang Pangkalahatan na magmalasakit sa ating kapwa. Siya ang aming gabay at inspirasyon sa buong pagsisikap na pagtulong sa mga nangangailangan. Ito ay pambungad na yugto pa lamang ng aming Covid Lingap. Marami pang kaagad na pinaplano pagkatapos nito. Pina-finalize na natin ang nilalaman ng mga goody bags ngunit siguradong isasama natin ang mga food and hygiene items at posibleng mga basic medical supplies,” pagbibigay diin ni Santos IV.

Nabanggit ng opisyal ng INC na ang kasalukuyang Lingap ay pagpapatuloy ng series of humanitarian initiatives na pinangasiwaan ni dating General Auditor Bro. Glicerio B. Santos, Jr. sa loob ng maraming taon.

Ang matagumpay na Lingap at Aid to Humanity campaigns ay ginanap sa buong Pilipinas, sa iba’t ibang bahagi ng Asia, Africa, Australia-New Zealand, mga kontinente ng America at sa Europa.

Ang Iglesia Ni Cristo ay nagpahayag na itutuon nito ang kanilang resources sa panahong ito sa mga lokal na pangangailangan, habang patuloy na nilalabanan ng bansa ang COVID-19 virus.

“Makaaasa po kayo na ang Iglesia Ni Cristo ay patuloy na makikipagtulungan sa ating mga national at local governments, upang magbigay ng direkta at kongkretong ayuda. Patuloy rin ang ating mga pananalangin na ang buong bansa ay makalampas nang payapa sa pandemyang ito,” ayon sa finance official.

Read More

MARIJUANA BILL IS DEAD – SOLON

0

ITO ang deklarasyon ni Deputy Speaker Lito Atienza matapos maging dahilan ang marijuana sa mga mass shooting at malalagim na aksidente sa ilang lugar sa United States (US) matapos gawing legal ang nasabing damo.

“As far as we’re concerned, the bill proposing to grant Filipinos right of access to medical marijuana is dead. We will not allow a pandemic of psychotic disorders to grip our country – not during our watch in Congress,” ani Atienza.

Isa si Atienza sa ilang mambabatas na kontra sa nasabing panukala na nakapasa noong nakaraang Kongreso subalit dahil hindi inaksyunan ng Senado ay muli itong inihain sa pamamagitan ni Isabela Rep. Tonypet Albano.

Ayon kay Atienza, hinding-hindi umano papayag ang mga ito na makalusot ang nasabing panukala kahit pa ang sinasabing layunin ay gagamitin lang ang marijuana bilang medikal.

“We don’t want to create another problem. We are already being overwhelmed by a shabu epidemic that is destroying the lives of many Filipino families and fostering corruption everywhere,” ayon sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

Read More