Michael Jordan at Kobe Bryant: Dalawang alamat sa basketball

0

Ni EDDIE ALINEA

NAHULAAN ba ninyo kung sino ang naatasang magparangal sa pagdadambana kay Kobe ­Bryant sa seremonya sa Naismith Memorial Basketball Hall of Fame?

Sino pa nga ba kundi ang nilalang na sa tingin ng marami ay pinakamagaling na nakapagsuot ng jersey at naglaro ng basketball na si Michael Jordan.

Si Jordan o MJ na ang estilo ng paglalaro ay tinularan, kinusa man o hindi, ni Bryant noong kanyang kapanahunan.

Katunayan, lahat ng mga parangal na nakamit ng maalamat na Chicago Bulls player ay halos naduplika ng superstar ng Los Angeles Lakers.

Gaya ni MJ, si Kobe ay naging MVP din, hindi nga lamang kasindami ng lima ni King Bull, NBA Finals MVP scoring titles, All-NBA First Team, All-Defensive First Team, NBA All-Star Game selection, All-Star Game MVP at Slam Dunk King ay ilan lamang sa natatandaan ng reporter na ito.

Ang seremonya para sa Class of 2020 ay idaraos sa ika-15 ng Mayo sa Mohegan Sun Arena sa Montville, Connecticut.

Dapat sana’y naidaos na ito noong nakaraang taon ngunit ipinagpaliban dala ng COVID-19 pandemic.

Hindi na kaila sa maraming NBA fans na si Kobe ay itinuring na anak ni MJ. Noong memorial services na ginanap makaraang masawi si Bryant sa aksidente sa eroplano, maluha-luhang inilarawan ni Jordan si Bryant bilang isang “little brother.”

“Kobe was my dear friend, he was like a ­little brother,” pagbabahagi ni Jordan. “When Kobe ­Bryant died, a piece of me died. From this day forward, I will live with the memories of knowing that I had a little brother that I tried to help in every way I could.”

Makakasama ni Bryant sa Hall of Fame ang ilan sa mga nagmarkang basketball players kabilang si dating San Antonio Spurs star at 15-time All-Star bukod sa three-time NBA at Finals MVP Tim Duncan, at dating Minnesota Timberwolves at Boston Celtics icon Kevin Garnett.

Kasama rin sina Olympic gold medalist Tamika Catchings, two-time NBA champion coach Rudy Tomjanovich, at Patrick Baumann, dating Swiss secretary general ng International Basketball ­Federation na sumakabilang buhay noong 2018.
Si Jordan ay naidambana sa HOF noong ­Setyembre 11, 2009 kasabay nina Jerry Sloan, John Stockton, C. Vivian Stringer at David Robinson.

Read More

KAILANGAN LANG TALAGA MAY MANGUNA

0

SA lahat ng bagay, kailangan talagang may lider na ­mangunguna sa pag-aksyon at ginagawang inspirasyon naman ng ibang tao at susundan at gagayahin nila ang magandang nasimulan.

Ganyan ko binabasa ang Community Pantry na sinimulan sa Maginhawa St., Quezon City na ginagaya ngayon sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at maging sa mga probinsya.

Kailangan talagang may ­manguna. May lider na dapat magsimula sa isang adhikaing may magandang idudulot sa ­kapwa tao dahil kung walang lider, walang susundan ang mga tao, wala silang inspirasyon.

Kapag maganda ang adhikain ng isang lider, susundan ng mga tao na may mabubuting kalooban kaya saludo ako sa mga nagsimula sa Community party sa Maginhawa St..

Napakalaki ang tulong ng libreng pagkain sa mga taong nangangailangan sa gitna ng krisis na kinakaharap nila ngayon dahil sa pandemya na imbes na humupa ay lalo pang lumala.

Kahit papaano, naitatawid ang isang araw na pagkain ng mga tao na nakukuha ng libre dagdag pa ang iba pang uri ng pagkain sa mga community pantries. Napakalaking bagay yun sa mga taong naghihirap.

Saludo din ako sa mga nagdodonate ng pagkain sa mga community party mula sa probinsya tulad ng mga magsasaka sa Paniqui Tarlac na nagdonate ng kanilang aning kamote at iba pang uri ng pagkain na kanilang inani sa kanilang bukid.
Totoo ang sabi sa Biblia na kung sino pa ang walang wala, yun pa ang magbibigay ng marami.

Actually, marami naman tayong lider, Mayroon tayong ­Pangulo, Pangalawang ­Pangulo, may senador, congressmen, ­governor, vice governor, mga provincial board members, mayor, vice mayor, city at municipal councilors, barangay captain at mga barangay councilmen.

Lahat sila ay ihinalal natin bilang ating lider. Lahat sila ay ibinoto para manguna sa lahat ng bagay na ikabubuti na bawat isa at bansa sa kabuuan pero karamihan sa kanila ay hindi natin ramdam ang pagiging lider.

Marami sa kanila ay nakakalimutan na sila ay dapat maging ­inspirasyon natin. Nagkakaroon sila ng amnesia sa loob ng dalawa’t kalahating taon (lalo na sa mga local leaders) at saka lang babalik ang kanilang alaala kapag malapit na ang eleksyon o sa panahon ng kampanya.

Yung mga nasa Executive at Local Government Units (LGUs), may mga taong pinakikilos ang mga iyan na pinapasuweldo ng mamamayang Filipino pero kahit sila ay hindi natin ramdam ang kanilang pagiging lider.

Ang akin lang, kung kaya ng mga magsasaka at mga ­ordinaryong mamamayan na magkusa sa pagtulong, bakit hindi kaya ng mga ihinalal natin eh sila ang may hawak sa pondo ng bayan?

Sa rami nila, bakit walang nakakaisip sa kanila ng direktang pagtulong sa mga higit na nangangailangan at labis na naapektuhan ng pandemya? Halos lahat sila dyan ay edukado, matataas ang pinag-aralan.

Kapag namigay naman ng ayuda, kakarampot lang ay parang utang na loob pa ng mamamayan na sila ay tinutulungan eh ang perang ibinibigay sa mga tao eh galing din sa mga tao at kung inutang man yan, ang taumbayan din ang magbabayad sa pamamagitan ng kanilang binabayarang buwis sa gobyerno.

Oo nga pala, headless din pala tayo sa usapin sa West ­Philippine Sea (WPS). Buti na lang may concerned kahit papano ang ibang bansa tulad ng Amerika.

Read More

2022 ELECTIONS TULOY PA KAYA?

0

MARAMI ang nagtatanong sa PUNA kung matutuloy raw ba ang Presidential at national elections sa 2022?

Dumagsa ang maraming katanungan sa atin dahil sa malalang sitwasyon ng COVID-19 pandemic sa bansa.

Mismong si Pangulong ­Rodrigo Duterte ang nagsabi kamakailan na marami pa raw ang mamatay dahil sa tindi ng COVID-19.

Kaya lalong nagkaroon ng isipan ang marami na posibleng makansela ang eleksyon na kung saan ay ihahalal natin ang uupong bagong Pangulo at Pangalawang Pangulo ng Pilipinas.

Posibleng maging hadlang sa pagkakaroon ng halalan ay ang kakulangan sa pondo ng ­gobyerno pati na rin ang panganib na ­posibleng lumalala pa ang sitwasyon ng pandemya.

Alam natin na tuwing eleksyon, hindi maiiwasan ang tinatawag na mass gathering na isa sa dahilan ng malawakang hawaan ng COVID-19.

Malaking isyu rin ang kawalan ng pondo ng gobyerno dahil sa laki ng kanilang ginastos sa mahigit isang taon na pananalasa ng COVID-19 pandemic.

Pero kahit ano pa ang kaganapan o isyu na bumabalot sa bansa ay kailangan ituloy ang nalalapit na eleksyon.

Maliban lang kung gagawa ng batas ang ating mga Senador at Kongresista na ipagpaliban ito o dili kaya’y amyendahan ang ­konstitusyon.

Sa ating pagkakaalam ay wala pa tayong natandaan na ipinagpaliban ang Presidential Election hindi katulad ng Barangay at SK Elections na madalas nangyayari.

Maaaring tanong ng mga ordinaryong mamamayan, kung matutuloy ang eleksyon, saan naman kaya kukunin ang pondo na gagamitin sa halalan?

Paano naman kaya maipapatupad ang minimum health standard? Ngayon pa nga lang ay marami na ang hindi sumusunod sa physical distancing, tamang pagsusuot ng face mask at face shield. Paano na lang kaya pagdating ng eleksyon?

May punto po ang sinasabi ng iba sa mga pangyayari ngayon sa ating bansa.

Kung pagbabasehan natin simula nang makapasok na ang mga bagong variant ng COVID-19 sa bansa ay mabilis ang pagsirit ng bilang ng nahahawaan ng virus nito.

Kaya dumami rin ang mga namamatay sa mga nagkakaroon ng COVID-19.

Hindi rin maasahan na lahat ng mga Pinoy ay mababakunahan bago pa man dumating ang campaign period hanggang sa election proper sa Mayo a-9 ng taong 2022 para maging protektado sila sa hawaan ng virus.
O baka sa pamamagitan na rin ng virtual ang pagsasagawa ng kampanyahan at botohan?

Magsisimula ang filing of candidacy ng mga lalahok sa 2022 National and Local Elections sa darating na Oktubre 1 hanggang 8.

Magtatapos ang panunungkulan ni Pangulong Duterte sa June 30, 2022 kaya bago pa man matapos ang kaniyang termino ay dapat na makapaghalal na tayo ng mga ipapalit sa kaniya.

Kung ang tatanungin natin ay ang mga Pro-Duterte, natural mas gusto nilang ipagpaliban ang eleksyon pero kung ang anti-Duterte mas gusto nilang ituloy ang halalan.

Marami rin ang nagsabi na dapat lang ituloy ang eleksyon dahil ngayong panahon ng ­pandemya ay nalaman natin kung sino sa mga inihalal na pulitiko ang naging pabaya at palpak sa kanilang trabaho. Kailangan nang palitan ang mga ito.

Dahil din sa pandemya na ito ay lumabas ang tunay na kulay ng mga pulitiko na hindi maasahan sa oras ng kagipitan.

Ang voters registration para sa 2022 national elections ay pansamantalang sinuspinde sa Greater Manila Area o NCR Plus noong Marso 29 hanggang Abril 2 dahil sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at kasabay ng pagdedeklara ng lock down sa mga nabanggit na lugar.

Naging limitado ang paglabas ng mamamayan para mabawasan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa NCR Plus Bubble na tinatawag.

Para malimitahan ang paglabas ng mga tao ay sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na pwedeng mag-rehistro sa comelec sa pamamagitan ng electronic registration o “e-filing”.

Bago pa man ang suspension ng voter registration services, ay nagpayo ang Comelec sa ­publiko na i-accomplish ang forms at ­makipag-appointment sa poll body’s na iRehistro site.

Pero bago ang halalan sa 2022, mas makabubuting pag-tuunan muna natin ng pansin ang problema natin sa pandemya ng COVID-19.

Ipaubaya po natin ang lahat sa ating Poong Maykapal.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

Read More

GOB. SUAREZ, WALANG AKSYON VS MASAHOL NA COVID-19 SA QUEZON

0

ISA ang Quezon sa mga lalawigang masahol ang suliranin sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ngunit, hindi ito nabalita sa media.

Batay sa datos ng Department of Health (DOH), umabot na sa 9,000 ang kumpirmadong bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Quezon.

Araw-araw tumataas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Pokaragat na ‘yan!

Napakasahol na pala ng ­COVID-19 sa Quezon.

Ngunit, hindi naman naibalita sa media kung nasaan si Gobernador Danilo “Danny” Suarez at kung anu-ano ang mga hakbang nito laban sa COVID-19.

Ang Quezon ay bahagi ng Rehiyong CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Sa rehiyong ‘yan, Rizal Laguna at Cavite lamang ang naging bahagi ng tinaguriang “NCR Plus” (National Capital Region,

Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan) na isinailalim sa “Enhanced Community Quarantine” (ECQ).

Dahil sa napakaraming kaso ng COVID-19, naideklara rin ang ECQ sa Quezon.

Ang higit na nakasama sa Quezon ay ang pagiging “missing in action” ni Suarez, ayon sa mga residente ng lalawigan.

Nalaman ko sa isang kaibigang abogado na mayroong organisasyon ng mga residente ng Quezon na hiniling kay Suarez na huwag itong ‘matulog sa pansitan’.

Pokaragat na ‘yan!

Anong ibig sabihin nito? Pabaya si Gobernador Suarez?!

Nanawagan ang Quezon Rise Movement kay Suarez na kumilos ito laban sa COVID-19.

Bagong tatag ang Quezon Rise Movement na binuo ng mga residenteng labis na nagmamalasakit at nagmamahal sa Quezon.

Ayon sa tagapagsalita ng Quezon Rise Movement na si Ed Santos, bakuna at hindi pulitika ang kailangan ngayon sa Quezon upang mapigilan ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.

Binatikos nang todo ni Santos si Suarez dahil sa pagpapabaya nito laban sa COVID-19.

Aniya, dahil sa kapabayaan ni Suarez, umabot lamang sa 2.9 porsiyento ang vaccination rate ng buong Quezon.

Kapag suriing mabuti, tinalo pa ni Lucena Mayor Roderick “Dondon” Alcala si Gobernador Suarez dahil pinakamataas ang vaccination coverage rate ng Lucena sa buong CALABARZON.

Sabi ni Santos: “Noon pong Enero, inanunsyo mismo ng ­ating gobernador na naglaan ang lalawigan ng isang bilyong pisong pondo para sa bakuna. Ang tanong po Gob, nasaan po ang mga bakunang kailangang-kailangan na po ng ating mga kababayan sa Quezon?”

Ang ikinadidismaya ng ­Quezon Rise, pinagdiskitahan ni Suarez ang Quezon Provincial Board dahil hindi raw nito ipinasa ang kanyang hiniling na badyet na puno raw ng mga proyektong pang-imprastraktura tulad ng paggawa ng mga basketball court.

Idiniin ng Quezon Rise, hindi basketball courts ang kailangan ng mga nagkakasakit na mamamayan ng lalawigan, kundi ­kalingang medikal at bakuna laban sa ­COVID-19.

“Maraming mga grupo ang gumagawa ng paraan, nagbibigay ng libreng medical assistance sa mga mamamayan ng Quezon, maging sa mga liblib na lugar. Ngunit, mukhang pinipigil nitong si Governor. Anong ginagawa ni Governor Suarez kung hindi ang mamulitika sa pamamagitan ng pagsisi sa kanyang mga bokal. Ikaw ang gobernador, malakas ka kamo sa Malakanyang, bakit wala kang magawa sa isyu ng bakuna,” paliwanag ng Quezon Rise Movement.

Nanawagan si Santos kay Suarez na huwag munang pagtuunan ng pansin ang pulitika, lalo na ang kinatatakutan niyang matalo sa halalang 2022, kundi unahin at pagpahalagahan ang mga pangangailangang medikal at kalusugan ng mga residente ng Quezon.

Kung sobrang takot na mawala sa kapangyarihan si ­Suarez, payo ko ay huwag niyang siraan at sisihin ang kanyang mga kalaban sa pulitika, sapagkat hindi ito ang lulutas sa mga suliranin sa Quezon.

Ang nararapat gawin ni Gobernador Suarez ay kumilos siya.

Read More

Tiniyak ng DILG sa preso na covid positive ISOLATION HINDI BARTOLINA

0

TINIYAK ng Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi sa bartolina kundi sa isolation facility inilalagay ang isang preso na nagpo-positibo sa COVID-19.

Sa virtual press briefing ni Presidential spokesperson Harry Roque ay sinabi ni DILG Usec. Bernardo Florece Jr. na maayos namang napapamahalaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang kalagayan ng mga preso na nakapiit sa pasilidad ng BJMP at provincial jails sa ilalim ng superbisyon ng mga provincial governor ngayon at patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19.

“Hindi naman sa bartolina. Mas maganda ito dahil sila-sila lang iyong nandoon sa loob ng isolation facility,” aniya pa rin.

Aniya pa rin, sa jail facilities ay mayroong tinatawag na isolation facility kaya kapag mayroong nag-positive ay kaagad na ilalagay roon. (CHRISTIAN DALE)

Read More

Tambak sa bodega sa gitna ng gutom sa pandemya RELIEF GOODS NG DSWD IPAMAHAGI

0

(BERNARD TAGUINOD)

HINILING ng isang mambabatas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipamigay na ang relief goods na nakatambak sa kanilang mga bodega sa nakaraang tatlong buwan.

Ginawa ni House Committee on Civil Service & Professional Regulation chairman Frederick Siao ang nasabing panawagan dahil marami ang nangangailangan ng tulong at makikita ito sa pagsulpot ng mga community pantry.

Ayon sa mambabatas, mula Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan ay nag-imbak ang DSWD ng relief goods para gamitin sa panahon ng kalamidad sa mga nabanggit na buwan.

“Given the fact that there are no high-impact typhoons, major earthquakes, and similar calamities from January to March 2021, I appeal to the DSWD nationwide to release its stockpile of relief goods budgeted for the first quarter of this year,” ani Siao.

Buwan-buwan ay may pondo ang DSWD para pambili ng relief goods na ipamimigay sa mamamayan, magkaroon man ng kalamidad o hindi, bilang paghahanda sa anomang mangyayari.

Dahil dito, tatlong buwan umanong naipon ang mga relief goods sa mga bodega ng DSWD kaya nararapat lamang na ipamigay na ang mga ito sa mga nangangailangan lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Ipinaliwanag ng mambabatas na imbes na masira ang relief goods ay ipamahagi na sa lalong madaling panahon lalo pa’t pera naman ng taumbayan ang ipinambili sa mga ito.

Maaari naman aniyang bumili ang DSWD ng panibagong stock para ngayong Abril at sa Mayo para masiguro na may nakaimbak na relief goods kapag nagkaroon ng kalamidad.

Read More

Sa pananalasa ng Bagyong Bising 68 LIBO KATAO INILIKAS

0

MAHIGIT 18,467 pamilya o nasa 68,000 katao ang kinailangang ilikas sa Region 5 at 8 bunsod ng pananalasa ng Typhoon Bising.

Sa ulat ng NDRRMC bandang 8:00 ng umaga kahapon, nasa kabuuang 68,490 katao ang pansamantalang inilikas sa ligtas na lugar dahil sa nakaambang banta ng flash flooding sa halos walong lalawigan na sakop ng dalawang nabanggit na rehiyon.

Nasa 22 barangay ang apektado ng pagbaha habang dalawang road section at isang tulay ang hindi madaanan sa bahagi ng Region 8.

Ayon pa sa NDRRMC, apat na probinsya sa Region 7 at 8 ang nakaranas ng power interruption.

Nasa 17 sea trips naman ang nakansela sa Region 7, habang nasa 2,213 pasahero, 896 rolling cargoes at 61 vessels ang stranded sa mga pantalan sa Region 5, 7 at 8.

Lubhang naapektuhan ng mga pagbaha ang Samar Island bunsod ng ulan na dala ng Bagyong Bising.

Sa bayan ng Jipapad sa Eastern Samar, umapaw ang mga ilog at umabot hanggang ikalawang palapag ang tubig. Ilan din sa mga pasilidad ng munisipyo ang binaha.

Sinuspinde naman ng mga lokal na pamahalaan ng Mapanas at Palapag sa Northern Samar ang klase at pasok sa trabaho dahil sa masamang panahon.

Base sa 11 a.m. weather advisory ng PAGASA kahapon, huling namataan si Bising 235 kilometro east-northeast ng Virac, Catanduanes o 360 kilometro east ng Daet, Camarines Norte. May lakas itong 195 kph at bugso na 240 kph.

Dagdag ng PAGASA, nakararanas ng malakas na pag-ulan simula Lunes ang Bicol Region, Northern Samar, Samar, Eastern Samar, Biliran at northern portion ng Leyte at posibleng tumagal ito hanggang weekend.

Nakataas ang tropical cyclone wind signal number 2 sa Catanduanes, eastern portion ng Camarines Sur (Garchitorena, Presentacion, Caramoan, Sagnay, San Jose, Lagonoy), eastern portion ng Albay (Tiwi, Malinao, Tabaco City, Malilipot, Santo Domingo, Bacacay, Rapu-Rapu, Legazpi City, Manito), at eastern at central portions ng Sorsogon (Castilla, Sorsogon City, Prieto Diaz, Gubat, Barcelona, Casiguran, Juban, Magallanes, Bulan, Bulusan, Irosin, Santa Magdalena, Matnog) sa Luzon.

Nasa ilalim din ng signal number 2 ang Northern Samar, Samar, Eastern Samar at Biliran sa Visayas. (JESSE KABEL)

Read More

Nagsulputang community pantries WAKE-UP CALL SA GOBYERNO

0

WAKE-UP call sa gobyernong Duterte ang pagsusulputan ng mga community pantry dahil kulang ang ayuda sa mga naghihikahos dulot ng kanilang kapalpakan sa pagtugon sa pandemya.

Ito ang tinuran ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kaugnay sa mga community pantry na nagsimula sa Maginhawa St., Quezon City at sinundan sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Wake-up call ito sa Duterte administration para i-fast track ang P10,000 ayuda sa bawat pamilya. Hindi sapat ang P1,000,” ani Brosas.

Pinipilahan aniya ng mga tao ang mga community pantry dahil walang sapat na pera ang mga ito na pambili ng kanilang pagkain kahit namigay ng P1,000 ang gobyerno.

“Wala dapat community pantry pero dahil sa kapalpakan ng gobyerno kinailangang kumilos at mag-inisyatiba ang masang naghihikahos,” ayon pa sa militanteng mambabatas.

Sinabi ng mambabatas na trilyon-trilyong piso na ang inutang ng gobyerno mula noong nakaraang taon dahil sa pandemya kaya walang dahilan para pagdamutan ang mga tao.

Kailangang magamit aniya ang perang ito para bigyan ng ayuda ang mga tao na lalong naghihikahos dahil pumalpak ang gobyerno sa pagtugon sa pandemya na imbes humupa ay lalo pang lumala.

“#CommunityPantryPH is an act of #Resistance against government’s neglect and indifference,” ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na pinuri ang mga nasa likod ng community pantry dahil malaking tulong ang naibibigay ng mga ito sa mga naghihirap na mamamayan.

Ayon sa mambabatas, protesta din umano ang pagkilos na ito ng mamamayan sa patuloy na pagbabalewala ng pamahalaan sa kalagayan ng mga tao at panawagang P10,000 ayuda sa bawat pamilya.

 

DESPERADO NA

Samantala, ikinatuwa ng mga senador ang bayanihan ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng bansa sa pagtatayo ng community pantries upang matulungan ang mga nangangailangan.

Ayon kina Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senators Sherwin Gatchalian at Nancy Binay, malinaw na buhay pa rin ang bayanihan spirit sa mga Pinoy.

“Yes, this is the Bayanihan spirit of the Filipino in modern times!” saad ni Sotto.

“Community pantries is an expression of our Bayanihan spirit. We are a caring and sharing people. This will be very helpful in assisting families cope with COVID,” pahayag naman ni Recto.

“The community pantry is a symbol that ordinary Filipinos are ready and willing to help our needy kababayans. Ito ay ang pinakamagandang simbolo ng modern day bayanihan na lahat tayo ay may kakayahang tumulong,” giit naman ni Gatchalian.

“In addition, honesty system of the community pantry also shows discipline among those who are in need. Kumukuha lang ang tao ayon sa kanilang kailangan – walang labis na pagkuha ng pagkain o gamit,” dagdag pa ni Gatchalian.

“Nakakataba ng puso na makitang dumarami ang community pantries, at patunay lang na ang Bayanihan spirit is alive. Bilang mga Pilipino, we always have this unflinching desire to help whenever extraordinary circumstances call us to respond,” saad naman ni Binay.

“It shows that Filipinos are naturally generous, compassionate, and have the heart for service. And when things seem uncertain, and despairing–community pantries are a testament that hope is not lost. Sharing does not need to have any color or politics,” dagdag pa nito.

Samantala, bagama’t naniniwala sina Senators Grace Poe, Imee Marcos at Risa Hontiveros sa bayanihan, maituturing din anila itong senyales ng pagiging desperado.

“This is a sign that not all hope is lost. The good in our fellow countrymen is shown through these community pantries. However it’s a wake up call that government must do more to provide for the people,” pahayag ni Poe.

Iginiit naman ni Marcos na malinaw na kaya may pantries ay dahil hindi nakakukuha ng sapat na tulong mula sa gobyerno.

“Patunay lang na kaya nating Pilipinong tumayo sa sariling mga paa sa gitna ng pandemya, na kahit paano lalabanan natin ang gutom at pandemya para sa ating mga pamilya. Ang nagsulputang community pantries ang nagpapatunay na buhay na buhay ang “Bayanihan”, pero sumasalamin din ito sa kawalan ng sapat na ayuda mula sa gobyerno,” diin ni Marcos. (BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

Read More

Sa mga pinagbayad sa remdesivir REIMBURSEMENT HIRIT NI DEFENSOR

0

KAILANGANG ibalik ang perang ginastos ng mga COVID-19 patient na niresetahan ng remdesivir.

Ito ang pahayag ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor matapos matuklasan na hindi pinayagan ng World Health Organization (WHO) ang remdesivir bilang gamot sa COVID-19.

“Sa lahat po ng pinagbayad ng remdesivir noong kayo ay mag-hospital magmula November 2020, maaari po mag-private message sa akin. Matagal na pong hindi pinayagan ng WHO yan pero ang DOH/FDA natin, patuloy pa rin!” ani Defensor.

“Dapat ma-reimburse kayo dyan! May sakit na binabaon pa sa kahirapan,” dagdag pa ng mambabatas.

Ginawa ni Defensor ang pahayag dahil noong November 20, 2020 ay nag-isyu ng statement ang WHO ng kanilang pagtutol sa paggamit sa remdesivir dahil walang ebidensya na nakagagamot ito ng COVID-19 patients.

Inamin din ng DOH at FDA noong Abril 5, 2021 na inisyuhan nila ng Compasionate Special Permit ang remdesivir base lamang umano sa WHO Solidarity Trial o wala pang kasiguraduhan na nakagagamot ito ng COVID-19.

Gayunpaman, sa kabila nito ay patuloy na ipinagagamit ng DOH ang remdesivir sa mga pasyente kung saan nagkakahalaga ng P28,000 ang bawat vial at dalawang vial ang ibinibigay sa mga pasyente kada araw sa loob ng 3 hanggang 5 araw.

Dahil dito, nababaon sa kahirapan ang mga pasyente dahil pinagbabayad ang mga ito ng P56,000 kada araw o P168,000 hanggang P280,000 sa loob ng 3 hanggang 5 araw.

Ibinaba lang ang halaga ng gamot na ito sa P15,000 nang marami na ang gumagamit ng ivermectin na ang halaga ay P35 bawat tableta at tatlong tableta lang ang kailangan na nagkakahalaga ng P105.

Kung mapatutunayan na hindi nakagagaling sa coronavirus ang remdesivir ay dapat aniyang ibalik ang pera ng mga pasyente kaya nais ni Defensor na makipag-ugnayan sa kanya ang mga pinainom nito nang sila’y maospital.

Base sa mga report, nagkakahalaga lamang umano ng P895 ang bawat vial ng remdesivir sa India kung saan ito ginawa subalit ibinebenta ito ng P28,000 mula noong nakaraang taon.

Hindi pa nalalantad kung sino ang mga taong binigyan ng otoridad ng DOH at FDA na mag-import ng nasabing gamot na isa sa mga nagbaon sa hirap sa mga taong nagkaroon ng COVID-19. (BERNARD TAGUINOD)

Read More