INDUSTRIYALISASYON NASAAN NA?

0

ISA sa pangako ng ­gobyernong Duterte ay ang magtayo ng ­sariling industriya sa Pilipinas dahil marami naman tayong mga raw materials na makukuha mula sa ating mga likas na yaman o natural resources.

Walang bansa kasi ang yumaman na hindi isang industrial country o walang sariling industriya at umaasa lang sa mga supply mula sa ibang bansa, kasama na ang Pilipinas dyan.

Wala tayong maipagmamalaking produkto at kung meron man kayong mabiling mga bagay sa ibang bansa na “made in the Philippines” ay karaniwang mga produkto na dito lang ginawa pero ang may-ari ay mga multinational company na nakabase sa Pilipinas at ang mga materyales ay ­galing sa ibang bansa.

Mayaman ang Pilipinas sa metal, raw materials sa magnet at kung ano-ano pang precious metal na nahuhukay ng mga mining companies sa kabundukan sa ating bansa.

Pero ang mga raw materials na yan ay ini-export sa mga industrial countries at pagbalik sa ating bansa ay isa ng bagay na kapag binili natin ay mahal, tulad ng bakal.

Kaya noong magsimula sa panunungkulan ang kasalukuyang administrasyon ay nangako sila na kailangan magkaroon tayo ng mga industriya upang ang mga raw materials ay hindi na kailangang iexport sa ibang bansa.

Isa ako sa natuwa noon dahil kung meron mang dapat unang makinabang sa mga yaman ng ating bansa ay mga Filipino dapat at hindi ang mga industrial countries na siyang nakikinabang sa ating mga likas na yaman.

Natuwa ako dahil kapag naging industrial country na tayo, marami ng trabaho ang mapapasukan ng mga ­Filipino at hindi na kailangang mangibang bansa para mabuhay at ­magkaroon ng disenteng pamumuhay ang kanilang pamilya.

Pero mukhang malabo na matupad ang pangakong ito ng administrasyon dahil kahit isang poste ng pagawaan ay hindi pa naitatayo at patapos na ang kanilang pamumuno sa ating gobyerno.

Magbibigay na naman ng mga bagong ­mining ­contract ang gobyerno matapos ang 9 na taong moratorium na nangangahulugan na madadagdagan ang mga mining operations sa bansa dahil sa pag-iral ng Executive Order (EO) 130 na inilabas ng mahal na pangulo.

Ibig sabihin mas maraming bundok ang huhukayin para kunin ang mga metal na nakatago sa ilalim ng lupa. Ibig sabihin mas maraming raw materials ang makukuha pero hindi yan ­direktang pakikinabangan ng lahing kayumanggi.

Ang makikinabang lang dyan sigurado ay ang mga mining companies at mga ­industrial countries dahil mas marami silang ­materials na magagamit sa kanilang mga produkto.

Nakakatakot na magaya tayo sa mga bansa sa ­Africa na naghihirap pa rin kahit mayaman sila sa likas na yaman. Inubos ng mga bansang nanakop sa kanila ang kanilang likas na yaman pero kahit isang ­industriya mula sa kanilang raw ­materials ay walang naitayo.

Sana ang susunod na administrasyon ay ­seryosohin ang pagtatayo ng sariling industriya gamit ang mga raw materials para umangat naman ang ­ating bansa sa pagiging third world country.

Isa din sa dapat tutukan ng susunod na gobyerno ay magkaroon ng sariling industriya ng gamot upang kapag nagkaroon muli ng pandemya tulad nitong COVID-19 ay hindi tayo nagmamakaawa sa ibang bansa na bigyan tayo ng bakuna.

Noong 1939 tayo ang nagbibigay ng libreng gamot sa China. Baliktad na ang situwasyon, tayo ngayon ang namamalimos ng bakuna sa China. Anong nangyari?

Read More

LABAN O BAWI NI USEC DIÑO

0

SOBRA nang nakatatawag ng pansin ang mga pulitiko na may planong tumakbo sa eleksyon sa 2022.

Panay na kasi ang pagsakay nila sa mga isyu partikular na rito sa mga nagsulputang community pantries.

Isa sa mga sumakay itong si Undersecretary Martin Diño ng DILG.

Umaani siya ngayon ng mga batikos dahil gusto niya na kumuha muna ng permit o clearance mula sa lokal na pamahalaan ang mga nagsasagawa ng community pantries.

Katawa-tawa ang hirit ni Usec kaya pinuputakte tuloy siya ngayon ng mga PUNA lalo na ng ating mga netizens.

Makikisawsaw na nga lang sa isyu ay palpak pa ang tinuran ni Diño kaya agad-agad bumalik sa kaniya ang galit at kantiyaw ng publiko.

Tanong lang Mr. Usec, negosyo po ba ang community pantries para pakuhain mo ng permit? Tinamaan ka ng magaling! Ipinakita mo na naman ang kakapusan mo ng katalinuhan.

For your info po Sir, isang uri ng bayanihan ang community pantries. Kung hindi pa rin po ninyo maintindihan, ito po ay ­pagtutulungan ng mga magkakapit-bahay para kahit paano ay may pantawid silang makakain sa buong araw.

Sa susunod po Usec Diño pag-aralan muna ninyo ang sasabihin para hindi rin kayo napapahiya dahil pagkatapos na bahain ka ng kantiyaw at batikos ay bigla mong babawiin ang sinabi mo at igigiit na ‘misquoted’ ka lang sa iyong naging pahayag.

Aba naman! Kami pang mga mamamahayag na nakarinig sa sinabi mo ang aakusahan mong hindi nakaintindi sa sinabi mo. Bawasan mo siguro ang pagiging epal para hindi ka mabatikos.

Speaking of the word epal, yun ang bansag sa iyo ngayon Usec Diño. Isa kang EPALITIKO o epal na pulitiko.

Totoo ba ang bali-balita na tatakbo kang Senador sa 2022?

Alam mo kung nabubuhay lang ang magaling na Senadora na si Madam Miriam Defensor-Santiago, makakatikim ka agad-agad ng PUNA sa kaniya.

Eh kahit nga siguro yung nasa elementary naiintindihan ang ibig sabihin ng community pantry tapos ikaw hindi. Naturingan ka pa man ding Undersecretary!

Paano mo ngayon mapapaniwala ang taumbayan na may kakayahan ka na maging Senador? Paano mo kaya ipagtatanggol ang aming kapakanan gayung simpleng bayanihan ay hindi mo naiintindihan?

Isang isyu pa lang ito pero nawala na ang tiwala sa iyo ng taumbayan. Paano kaya kung mas malalaki pang mga usapin sa lipunan? Laban o Bawi na lang din ba ang gagawin mo Usec Diño?

Nananawagan tayo sa iba pang EPALITIKO gaya ni Diño na tantanan na ang community pantries.

Nagugutom po ang taumbayan kaya sa maliit nilang makakayanan ay gumawa sila ng paraan kung paano sila makatutulong sa kapuwa.

Doon naman sa naghahanap ng kapalit sa ginagawang pagtulong lalo na ang pagbibigay ng pagkain at pagkatapos ay babatikusin ang kapalpakan ng pamahalaan, tumigil na kayo sa ganiyan dahil nakakadagdag lang kayo sa bigat at hirap na pare-pareho nating pinagdadaanan.

Tandaan ninyo, ang pagtulong ay walang hinahanap na kapalit. Ibinibigay ito ng bukas sa loob. Iwasan din na lagyan ng kulay pulitika dahil kapag ganiyan lang din ang layunin, hindi na masasabing pagtulong yan kundi pagsasamantala.

Huwag na sana kayong mapagpanggap na may malasakit sa kapuwa Filipino. Walang puwang ang ­pamumulitika ngayong may pandemya kaya umayos kayo!

Huwag din kayong ­maging plastik dahil alam ng taumbayan kung niloloko nyo sila o hindi. Magpakatotoo kayo kung gusto nyong manalo sa eleksyon sa 2022.

Ngayon pa lang alam na ng taumbayan kung sinong politiko na EPALITIKO. Bahala na ang taumbayan na humatol sa 2022.

Sinikap nating tawagan si Usec. Diño para magbigay ng kanyang panig subalit hindi natin siya makontak. Pero nananatiling bukas ang pahinang ito sa anumang gusto ninyong ­linawin sa mga PUNA sa inyo.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

Read More

SEXUAL HARASSMENT SA FEU HS, KINONDENA

0

KINONDENA ni Senador Win Gatchalian ang mga sinasabing sexual harassment na kinasasangkutan ng ilang guro sa Far Eastern University (FEU) high school.

Ito ay matapos ilahad ng ilang mag-aaral sa Twitter ang kanilang naging mga karanasan bilang biktima ng pang-aabusong sekswal sa kamay ng kanilang mga guro.

Ilan sa mga insidenteng ito ay nangyari bago pa sumiklab ang pandemya.

Bagama’t hinimok ni Gatchalian ang pamunuan ng FEU high school na panagutin ang mga nang-abuso sa mga mag-aaral, nanawagan din ang mambabatas sa mga paaralan na tiyakin ang maigting na pagpapatupad ng kanilang child protection programs.

Ayon sa Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, walang puwang sa mga paaralan para sa anomang uri ng pang-aabuso.

Tinukoy ni Gatchalian ang DepEd Order No. 40, s. 2012 na nagbibigay mandato sa mga pribado at pampublikong paaralan sa elementarya at high school na bumuo ng mga Child Protection Committee (CPC).

Ang komiteng ito ay nagbibigay mekanismo sa mga paaralan upang tugunan ang mga insidente ng pang-aabuso.

Kabilang sa mga tungkulin ng CPC ang paglikha ng mga child protection policies, ang pagtukoy sa mga mag-aaral na maaaring dumaranas ng pang-aabuso, at ang pag-ulat sa mga kaso ng child abuse.

Mandato rin ng CPC na makipag-ugnayan sa Philippine National Police-Women and Children Protection Desk (PNP-WCPD), Local Social Welfare and Development Office (LSWDO), mga iba pang ahensya ng pamahalaan at mga non-government organizations.

Matatandaan na noong nakaraang Enero, inanunsyo ng Department of Education (DepEd) ang paglikha ng Child Protection Unit na may counterpart sa mga regional at division offices upang suportahan ang mga CPCs sa mga paaralan.

“Walang lugar sa ating mga paaralan ang ano mang uri ng pang-aabuso sa mga kabataan. Hindi natin dapat hinahayaang patuloy na nakakapambiktima ang mga nasa likod ng ganitong mga insidente laban sa mga mag-aaral na dapat sana ay pinananatili nilang ligtas,” diin ni Gatchalian.

Noong nakaraang taon, may mga mag-aaral at alumni ng Miriam College High School ang nagbahagi rin ng kanilang karanasan sa Twitter ukol sa pang-aabuso ng ilang guro sa naturang eskwelahan. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More

PAGBABAKUNA SA SENIORS, GAWING BAHAY-BAHAY O SA DRIVE-THRU CENTERS

0

INIREKOMENDA ni Senador Joel Villanueva sa gobyerno na dagdagan pa nito ang proteksyon sa lahat ng senior citizens sa bansa sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay ng bakuna kontra COVID-19 o sa pamamagitan ng pagtatalaga ng “drive-thru centers.”

Sinabi ni Villanueva na ang mga seniors ang pinakamataas sa listahan ng “at-risk” na bahagi ng populasyon sa pandemyang kinakaharap, at ang mungkahing house-to-house at drive thru centers ang pinakaligtas na paraan para sila ay mabakunahan kontra COVID-19.

“Marami po sa ating seniors ang may sakit o may kahirapan sa paggalaw. Malaking kaginhawaan po sa kanila kung may drive-thru ng bakuna kung saan mananatili lamang sila sa kanilang mga sasakyan at malayo sa exposure sa virus na ito,” saad ni Villanueva.

“Pero ang best option pa rin ay siyempre ay ang puntahan po sila sa kanilang mga bahay. Kung hindi sila makapunta sa bakuna, dalhin sana po natin ang bakuna sa kanila,” dagdag pa ng mambabatas.

Ang suhestyon ni Villanueva ay nataon sa pagdiriwang ng World Immunization Week na magsisimula ngayong Abril 24, at isang magandang hakbang upang kilalanin ang realidad na marami sa ating senior citizens ang hindi na masyadong makalabas ng bahay.

“Marami po sa ating mga seniors, home alone talaga, at kadalasan pumupunta pa sa vaccination sites nang mag-isa at walang kasama. Kung ang kasama naman sa bahay ay ‘no-work, no-pay’ na manggagawa, wala po silang makakasama sa bakunahan,” paliwanag ni Villanueva.

“Dagdag pa po sa alalahanin ng mga senior citizens ang kahinaan nila sa paggamit ng teknolohiya. Para sa ilan, hindi alam ang paggamit ng internet. Wala na nga pong Facebook, online booking pa kaya?” sabi pa ng senador.

Ayon sa mambabatas, hindi rin kailangang may sariling sasakyan ang mga senior pagdating sa drive-thru centers.

“Kapag drive-thru, pwede tricycle o kaya pedicab. Mas mabuti naman po iyon kumpara sa ilang oras kang nakasakay sa monobloc,” diin ni Villanueva.

Ayon sa opisyal na datos, isa sa bawat labing-isang Pilipino ay senior citizen, at tinataya ang bilang nila ay nasa 9.9 milyon ngayong 2021.

Sa bilang na ito, 9.1 porsyento o mahigit 830,000 ang ikinokonsidera na “poor” sa isang sarbey ng Philippine Statistical Authority noong 2018.

“Hindi lang po hirap ang ating mga seniors sa pagkilos. Hirap din po sila sa salapi at sa kalinga,” ani Villanueva.

Para matulungan ang pinakamahirap na sektor na ito ng populasyon, nagbibigay ang pamahalaan ng P6,000 na taunang ayuda sa 3.789 milyong nakalistang senior citizens ngayong taon, na hinahati sa apat na bigayan ng Department of Social Welfare and Development.
Naniniwala si Villanueva na kapag mas maraming senior citizen ang ma-expose sa COVID-19, mas lalong sisikip ang mga ospital sa bansa. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More

Briones pinagre-resign sa DepEd ANOMALYA NASILIP P4.2-B MODULES

0

(BERNARD TAGUINOD)

PINAGBIBITIW ng isang lider ng mababang kapulungan ng Kongreso si Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng Self-Learning Modules (SLMs).

Bukod kay Briones, nais ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na mag-resign din ang mga key official ng kalihim dahil wala itong nakikitang pagbabago sa ahensya.

“They have neither reformed nor learned their lessons,” ani Marcoleta dahil mula nang isiwalat nito sa kanyang privilege speech noong Marso 15, 2021 na walang learning modules para sa 3rd quarter ng school year ay walang ginawa ang ahensya para tugunan ito.

Idinahilan pa umano ng DepEd ang enhanced community quarantine (ECQ) na ipinatupad ng gobyerno sa National Capital Region (NCR) at inatasan lang ang mga Regional and Division Office na i-reproduce ang mga lumang SLMs at babayaran na lamang ng central office ang kanilang gastos.

“This is outrageous as it is frustrating and I cannot believe this is happening. If DepEd adjusted the opening of the 3rd quarter from February 15 to March 22 this year to plan for a good start, why is it using the ECQ as an excuse for this mess?,” dagdag pa ng mambabatas.

Lalong ikinagalit ng mambabatas na ngayon lamang nag-imbita ng bidders ang DepEd para mag-supply ng SLMs para sa mga Grade 4 hanggang 10 na kinabibilangan ng 10 subjects.

Nabatid na ang SLMs na ito na nagkakahalaga ng P4.2 billion ay gagamitin umano sa 4th quarter ngayong school year na magsisimula sa Mayo 17 hanggang Hulyo 10, 2021.

“This is wanton waste of people’s money because there is absolutely no way that these modules can be used for the next quarter that will start on May 17 and ends on July 10, 2021,” ayon pa kay Marcoleta.

Sinabi ni Marcoleta na sa first at second quarter ng school year, umabot sa P10 billion ang pondo para sa SLMs subalit dahil sa kabagalan ng ahensya ay nagkaroon ng matinding problema kaya sariling pera ng mga guro ang kanilang ginamit para makaimprenta ng mga kopya na ibibigay sa kanilang mga estudyante.

Hindi aniya nagkulang ang mga ito na ipaalala kay Briones ang problema sa SLMs subalit laging sinasagot umano nito ng “I will refer this to the Execom” subalit walang nareresolba.

“They will have to first answer the basic question as to why they are procuring P4.2 billion worth of modules very, very late in the day knowing only too well that they will not be able to deliver these to the schools in time for the 4th quarter,” dagdag pa ng mambabatas.

Read More

‘FISHING AGREEMENT’ SA CHINA ITINANGGI

0

PINABULAANAN ng Malakanyang ang espekulasyon na mayroong “verbal fishing agreement” sina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Chinese President Xi Jin Ping.

Wala ring katotohanan ang di umano’y paghikayat sa mga Chinese vessel na manatili sa West Philippine Sea sa kabila ng diplomatic protests at matatapang na salita na pinakawalan ng mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas.

“This is without basis and is quite simply, conjecture,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Ang kasunduan sa pangingisda sa ilalim ng domestic laws ay maaari lamang gawin sa pamamagitan ng treaty o tratado.

“Per Article 2 (1) (a) of the Vienna Convention on the Law on Treaties, a treaty is an international agreement concluded between States in written form. Clearly, a treaty must be in writing. No such treaty or agreement exists between the Philippines and China,” ang paliwanag ni Sec. Roque.

Binigyang diin ni Sec. Roque na hindi kailanman pinapayagan ni Pangulong Duterte ang tinatawag na “unlawful commercial fishing” ng anomang estado sa karagatan ng Pilipinas.

“However, the President also recognizes that subsistence (non-commercial) fishing may be allowed as a recognition of the traditional fishing rights pointed out by the Arbitral Tribunal itself in its Award on Jurisdiction (para. 407) in the case between the Philippines and China,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Kaya umapela ang Malakanyang sa publiko na tigilan na ang paggawa ng malicious speculations at false claims para lamang gatungan ang sitwasyon. (CHRISTIAN DALE)

Read More

VACCINATION PROGRAM MARARAMDAMAN SA OCT.-NOV.

0

TINIYAK ni Vaccine czar at Chief Implementer Secretary Carlito Galvez na mararamdaman ang lubhang pagbaba ng naitatalang kaso ng COVID-19 kapag nabakunahan na ang mayorya ng mga nasa highly urbanized cities gaya ng Metro Manila.

Sinabi ito ni Galvez sa gitna ng inaasahan pang pagdating ng mga bakuna sa bansa at ginagawang vaccination program.

“Ang nakikita natin kapag once nabakunahan natin majority ng mga affected na tinatawag nating highly urbanized cities like Metro Manila, kapag nakuha natin iyan nakikita natin na siguro by October or November nakikita natin iyong epekto niya talaga, na talagang bababa iyong kaso niya,” anito.

“Pero sa ngayon ang ginagawa po natin, ginagamit pa rin natin talaga iyong minimum health standard at saka iyong tinatawag natin na talagang implementation ng tinatawag nating… iyong quarantine ano natin, controls,” dagdag na pahayag ni Galvez.

Para naman kay Presidential spokesperson Harry Roque, uunahin talaga ang mga lugar na may matataas na kaso ng COVID gaya ng NCR plus.

Binigyang halimbawa nito ang naging karanasan sa Israel at United Kingdom na bumagsak ang kaso ng virus nang mabakunahan ang karamihan ng kanilang mamamayan. (CHRISTIAN DALE)

Read More

Pinoy pwede nang maging choosy 7 BRANDS NG COVID VAX MAGAGAMIT SA AGOSTO

0

MAAARI nang makapamili ang mamamayan kung anong brand ng bakuna laban sa COVID-19 ang nais nilang iturok sa kanila pagdating ng buwan ng Agosto hanggang Disyembre.

Siniguro ni vaccine czar at Chief Implementer Secretary Carlito Galvez na may pitong vaccine brands na ang nasa bansa sa mga nasabing buwan.

Sa kasalukuyan ay tanging Sinovac at AstraZeneca pa lamang ang nasa bansa at inaasahan naman ang pagdating ng Gamaleya ng Russia.
Bukod dito, tatanggap din aniya ang Pilipinas ng Moderna, Novavax, at Johnson & Johnson gayundin ng Pfizer.

“Halos lahat po darating po ang mga bakuna. Sa ngayon po, ang bakuna po nating natatanggap, Sinovac, AstraZeneca, at susunod po ang Gamaleya. Susunod po na tatanggapin po natin, Moderna, Novavax, at itong Johnson & Johnson, and hopefully itong Pfizer po.

So, pito po iyan, pitong brand po na portfolio po natin. Darating po iyan,” ani Galvez.

Sa ngayon ay nakapagbakuna na ang pamahalaan ng 1 million, 397 thousand, 628 na mga Pilipino kung saan isang milyon dito ang health care workers. (CHRISTIAN DALE)

Read More

DOH, DOST kinalampag sa Ivermectin CLINICAL TRIALS BILISAN – DEFENSOR

0

HINILING ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa Department of Health (DOH) at Department of Science and Technology (DOST) na bilisan ang clinical trial sa Ivermectin at huwag nang paabutin ng ilang buwan upang mailigtas ang buhay ng mga tao sa COVID-19.

“Lives are at stake here. We could save many lives with the use of this popular P35-per-tablet experimental drug. The results of the trials ordered by President Duterte should be available soon,” ani Defensor.

Ayon sa mambabatas, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nag-utos na isailalim sa clinical trial ang Ivermectin dahil maraming mahihirap na tinamaan ng COVID-19 ang gustong gumamit ng nasabing gamot subalit ang ibinibigay sa mga ito ay Remdesivir at Tocilizumab na sobra ang mahal.

Bukod dito, experimental therapeutics lamang umano ang Remdevisir at Tocilizumab subalit ito ang mas pinaboran ng DOH at FDA habang sinisiraan naman ang Ivermectin.

“The poor can afford a P35 drug. In the case of its two other rivals, they cost thousands, if one can find them in the market,” ayon pa sa mambabatas.

Karaniwang inaabot ng 6 na buwan para matapos ang isang pag-aaral sa gamot subalit ayon kay Defensor, hindi na kailangang abutin ng ganito katagal dahil marami nang pruweba sa ibang bansa na epektibo ang gamot na ito laban sa COVID-19.

Gayunman, inamin ni Defensor na hindi pa pinapayagan ng WHO ang paggamit sa Ivermectin.

“But the WHO is also against the use of Remdesivir, and yet the DOH and the Food and Drug Administration (FDA) are promoting it. In fact, the DOH is spending millions in taxpayers’ money to procure Remdesivir and distribute it to government hospitals,” paliwanag nito.

Dahil dito, hindi maintindihan ng mambabatas kung bakit pinagagamit ng DOH ang napakamahal na gamot na experimental drug pa lamang samantalang ayaw nilang ipagamit ang Ivermectin na bukod sa mura ay may sapat na supply sa merkado.

“Can the DOH and FDA allow the use of Ivermectin? Yes, they can, if they want to. In fact, the FDA is allowing it on a patient-to-patient basis. Why not permit its use on a wider scale so it would be available to more patients, especially the poor,” ani Defensor.

Sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability, sinabi ni Defensor na hindi kaya ng mahihirap ang presyo ng Remdesivir dahil sa isang ospital aniya sa Marikina ay nagkakahalaga ito ng P1,762.50 habang sa isang pagamutan sa Quezon City ay ibinibenta ito ng P48,241.

Sa Sta. Rosa, Laguna aniya, isang pasyente ang siningil ng P9,940 habang sa isang health facility naman sa Angono, Rizal ay ibinebenta ito sa halagang P27,300; P19,000 sa Pagadian City, P11,000 sa Gen. Trias, Cavite, gayung ang original price nito ay P1,950 hanggang P6,200 lamang.

“Some people are obviously raking in a lot of money from the sale of this drug, and the DOH and FDA are abetting it. Did the drug save lives?

I hoped so, but we don’t know,” ani Defensor. (BERNARD TAGUINOD)

Read More