PATI PAG-ASA ISLAND PUNTIRYA NG CHINA

0

DAPAT lang magkaisa ang sambayanang Filipino na idepensa ang ating teritoryo sa West ­Philippine Sea (WPS) laban sa modern day conqueror na China dahil ang susunod na lahi ang makikinabang dito.

Maliban dun sa mga Pinoy na makapili o traydor sa bayan, palagay ko nagkakaisa ang Lahing Kayumanggi na ipagtanggol ang ating teritoryo na gustong sakupin ng buong-buo ng China.

Mantakin nyo, hindi pa sila kontento sa 7 isla na kanilang sinakop mula 1995, pinupuntirya rin nila ang Julian Felipe Reef at maging ang Pag-asa Island na isa nang munisipalidad at bahagi ng probinsya ng Palawan.

Sa regular press briefing ni Ministry Spokesman Wang Wenbin sa Beijing, bahagi raw ng soberenya ng China ang Julian Felipe Reef at maging ang Pag-asa Island na tinatawag nilang Zhongye Island.

Pruweba ito na gusto nilang kunin sa Pilipinas ang Pag-asa Island kahit isa na itong munisipalidad na kung saan ay may mga puwersa na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naka-deploy doon.

Sa pamamagitan ng Presidential Decree 1596 na inilabas ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong Hunyo 11, 1978, naistablisa ang Municipality of Kalayaan sa Pag-asa Island.

Mayroon ng mahigit 300 ang populasyon sa Pag-asa Island na pinamumunuan na ng isang Mayor pero nang maging Presidente ng China si Xi Jinping ay gustong kunin ang islang ito sa mga Filipino.

Matinding managinip si Xi Jinping. Natulog lang at nanaginip nasa kanila na ang lahat ng isla sa South China Sea at ­pagkagising eh inutusan ang kanilang mga Navy, Coast Guard at Militia na kunin sa mga Filipino ang mga isla sa WPS.

Kung talagang may historical evidence ang China na sa kanila ang lahat ng mga isla sa South China Sea, bakit hindi nila ito ipinaglaban noon nang maging komunista ang kanilang bansa sa ilalim ng kanilang dating lider na si Mao Zedong taong 1949?

At kung talagang pag-aari nila ang lahat ng isla, bakit wala man lang isa sa mga Dynasty ng China ang umangkin sa mga islang ito lalo na ang mga nasa loob ng teritoryo ng Pilipinas?

Ngayon biglang sasabihin ng China sa mga bansang ­nakapaligid sa South China Sea na igalang ang soberenya nila sa nasabing rehiyon. Teka, kayo nga ang hindi gumagalang sa ­soberenya ng ibang bansa lalo na ang Pilipinas eh.

Anong karapatan ninyong manawagan na igalang ang soberenya niyo eh kayo ang hindi gumagalang sa soberenya ng ibang bansa lalo na ang Pilipinas? Anong gusto nyo manahimik kami at huwag nang lumaban?

Kayo ang nagnanakaw ng kabuhayan ng mga Filipino sa WPS, kayo ang nagnanakaw ng pagkain ng mga Filipino at sumisira sa kanilang kapaligiran tapos ­panonoorin na lang namin kayo?

Akala ko mayaman ang China, bakit kailangang mang-agaw ng yaman ng teritoryo ng ibang bansa at gagamit pa kayo ng ­puwersa para agawin ang pagkain ng mga Filipino sa WPS?

Yung mga traydor ng bayan, kaya nilang gawin yan pero ­kaming mas nakakaraming nagpapahalaga sa bansa, sa kinabukasan ng susunod na lahing kayumanggi, hindi kami mananahimik.

Nagawang ipagtanggol ng mga naunang lahi ang bansa laban sa mga mananakop at bumusabos sa ating bayan kahit salat sila sa kagamitan , magagawa rin ng mga kasalukuyang ­henerasyon ang gayon maliban dun sa mga iilang traydor sa bayan.

Read More

KAHIT BAWAL ONLINE SABONG TULOY

0

SA kabila ng pagiging ilegal ng online sabong ay nananatili pa rin ito sa kanilang operasyon.

Ang lakas pa ng loob nang mga nasa likod nito dahil nagagawa pa nilang makapagpost sa social media ng schedule ng kanilang tupada.

Bakit nga ba ilegal ang online sabong na kung tawagin din ng iba ay electronic o e-sabong?

Ayon kay Philippine ­Charity Sweepstakes Office o PCSO ­General Manager Royina Garma, wala itong permiso o clearance mula sa gobyerno. Bukod dito, kakumpetisyon na ito ngayon ng mga legal na sugal na kanilang ­iniendorso gaya halimbawa ng lotto.

Aminado si GM Garma na sobra nang apektado ang sales ng lotto. Hindi lang dahil sa pandemya kundi dahil na rin sa pagdami ng online sabong sa bansa. Naniniwala sila na yung iba sa halip na bumili ng tiket o tumaya sa lotto ay sa online sabong na nae-engganyo.

Dahil sa COVID-19 ang mga legal na sabong ay naapektuhan dahil isang uri nga naman ito ng social gathering. Kaya pansamantala, ipinagbawal muna ang pagdaraos nito.

Kaya ayun, nagkasya ang mga sabungero sa online sabong kahit pa bawal o ilegal dahil walang permit mula sa gobyerno.

M­agaling talaga ang mga Pinoy, lulusot at lusot talaga sa kahit anong paraan.

Kung sa virtual meeting ng mga pampubliko at pribadong opisina ay pinag-uusapan ay ang kanilang daily operations, sa online sabong naman ay ang operasyon ng pasugalan at ang kanilang pagkakakitaan.

Inamin ng opisyal ng PCSO na kulang-kulang 60 porsyento na bagsak ang kanilang revenue collections. Kung noong 2019 ay kumita sila ng may 44 bilyong piso, pagsapit ng 2020 ay bumagsak ito sa mahigit na 18 bilyong piso lamang.

Inaasahan nila na baka bumaba pa ito ng tuluyan ngayong 2021.

Ang paniwala ni GM Garma, ang nasa likod ng online sabong ay sila ring mga may-ari ng mga sabungan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kung ganun, sobrang laki ng kinikita ng mga promotor ng online sabong dahil wala naman silang binabayaran na gastusin pati na ng permit o clearance para sa pamahalaan. Tila nagiging pabor pa yata sa kanila ang ­kasalukuyang pan­demya at kumikita sila ng limpak limpak na pera.

Pero ang tanong ay ano naman ang ginagawang hakbang laban dito ng pamahalaan?

Kahapon isang facebook post ang naPUNA natin na nag-aanyaya ng online sabong. Iyan ang patunay na bagama’t ipinagbabawal ang online sabong ay hindi pa rin nagpapatinag ang mga nasa likod nito.

Ika nga sa mga mahilig sa sugal tuloy ang ligaya kahit na naka-lockdown.

Lahat kasi ng uri ng sugal sa buong bansa nang magsimulang ipatupad ang lockdown dahil sa COVID-19 noong nakaraang taon ay ipinagbawal ito hanggang ngayon.

Sabi tuloy ng iba, aktuwal na tupada nga may nakakalusot, lalo pa ang online sabong na nasa bahay lang ang sumasali rito gamit ang kanilang mga gadget..

Sa panahon ngayon na limitado ang paglabas ng mga tao tapos marami pa rin ang nakakalusot na ilegal na gawain ay kapabayaan na ng mga awtoridad yan.

Sa ganang akin hanggat hindi binibigyan ng permiso o clearance ng gobyerno ang inyong mga ginagawa ay mananatiling ilegal yan.

Sa iilang bulsa lang kasi mapupunta ang kikitain nito at walang pakinabang ang taumbayan dito.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

Read More

TOTOHANIN NG BFAR ANG PAGKILOS LABAN SA CHINA

0

NAPAKAINIT na isyu sa kasalukuyan ang pagpasok, pag-iikot at pagtambay ng mga barko ng China sa West ­Philippine Sea (WPS).

At tila hindi naman literal na tahimik ang pamahalaan ng Pilipinas hinggil sa ginagawa ng China.

Nagsalita na si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. laban sa mga barko ng China na walang takot na pumasok sa WPS.

Maliban diyan, Ilang beses nang naghain ng diplomatic protest si Locsin sa China laban sa pananatili ng mga barko nito sa Julian Felipe Reef.

Noong Marso pa nagsimulang tumambay ang mahigit 300 barko ng China sa Julian Felipe .

Ang Julian Felipe Reef ay kasama sa WPS, batay na rin sa mapa ng Pilipinas.

At ang WPS ay parte ng Pilipinas alinsunod sa mapa ng Pilipinas.

Pinagtibay ng Hague International Court ang deklarasyon ng United Nations for the Convention of the Laws of the Sea (UNCLOS) na ang WPS ay bahagi ng Pilipinas.

Pinuna na rin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagkilos ng China laban sa WPS.

Binatikos na rin nang todo ng NAGKAISA Labor Coalition ang pananatili ng mga barko ng China.

Binanatan ng NAGKAISA ang panghihimasok ng China sa WPS dahil hindi nagustuhan ng mga lider – manggagawa ang ginagawa ng naturang dayuhan sa mga mangingisdang Filipino.

Pokaragat na ‘yan!

Ang pinakabago sa mga kumakalaban sa China ay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ayon sa pinuno ng BFAR na si Undersecretary Eduardo Gongona: “[BFAR] condemn[s] all the possible illegal fishing there (WPS). And if there are fishermen who will be affected because of the said incident [of incursion ­being done by Chinese nationals], we assure [that] the government will continue to address the said incident [being done by Chinese nationals]”.

Kaso, mukhang kikilos lang ang BFAR kung makatatanggap ang ahensiyang ito ng “opisyal na reklamo” mula sa mga ­mangingisdang direktang apektado ng ginagawa ng mga barko ng China sa WPS.

Pokaragat na ‘yan!

Ang BFAR ay pinangangasiwaan ng Department of Agriculture (DA).

Mayroon akong sources na idiniin sa akin na alam ng mga opisyal ng BFAR na malayang nakapapasok ang mga naglalakihang barko ng China sa maraming bahagi ng WPS.

Nakikita nila ang mga malalaking commercial vessels ng Chinese nationals na malayang nakalalayag sa karagatan ng Pilipinas.

Ang matindi raw ay hindi sinisita ng mga opisyal at kawani ng BFAR ang mga nagpapatakbo ng mga barko.

At lalong hindi pinagbabawalan ng BFAR ang Chinese ­nationals.

Pokaragat na ‘yan!

Sa madaling salita, hindi kumikilos ang BFAR laban sa mga dayuhan, banggit ng aking sources.

Ang madalas at tanging hinahabol ng BFAR, katuwang ang mga tauhan ng Philippine Navy (PN) at ng operatiba ng

Maritime Group ng Philippine National Police (PNP), ay ang mga maliliit na mangingisda.

Pokaragat na ‘yan!

Kapwa natin Filipino ang kanilang kinakalaban!

Upang matigil ang panghuhuli ng mga tauhan ng BFAR, PN at PNP – Maritime Group, nagbibigay sila ng pera bilang padulas sa mga korap na opisyal at tauhan ng nasabing mga sangay ng pamahalaan.

Pokaragat na ‘yan!

Bukod sa pera, nanghihingi rin sila ng mga isda sa bawat paglaot ng mga mangingisda.

Humihingi rin kapag magdiriwang ng kaarawan ang mga opisyal.

Pokaragat na ‘yan!

Ikinabubuwisit nang husto ng mga mangingisda ang ­sobra-sobrang pangingikil ng ilang ‘super korap’ na mga opisyal ng BFAR, Maritime Group ng PNP at maging ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ipinaliwanag ni Gongona sa media na ang WPS ay “important fishing ground for Filipino fishermen. It should be enriched and protected against any act, which will destroy this natural resource”.

Batay sa rekord ng BFAR, libu-libong metriko – toneladang isda ang nahuhuli ng mga ­mangingisdang Filipino mula sa malawak na bahagi ng WPS.

Noong 2020, umabot sa 324,312 metriko – toneladang isda ang galing sa WPS.

Ito ay 7.26 porsiyento ng kabuuang nakukuha ng mga ­mangingisda sa lahat ng karagatang pag-aari ng Pilipinas.

Inamin ni Gongona na suportado ng BFAR ang posisyon ng DFA at ng National Task Force on WPS (NTF – WPS) laban sa pag-ikot at pagtambay ng mga barko ng China saan mang bahagi ng WPS.

Ipinunto ni Gongona sa media na handang kumilos ang BFAR laban sa mga barko ng China.

Kung totoo ang pahayag ni Gongona, kayang – kaya niyang pamunuan ang BFAR kung gugustuhin niya.

Maaaring humingi ng suporta sa PN, sa PNP – Maritime Group at PCG, tulad ng ginagawa ng mga opisyal ng BFAR – Region 1 na lumalapit sa PN upang hulihin ang mga maliliit na mangingisdang naglalayag at nangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Read More

Alamat ni Manny Pacquiao (Ika-27 Bahagi) Paano nangyari ang Pacquiao-Mayweather?

0

NOONG panahong wala nang pag-asang pagsabungin ang Pilipinong may hawak ng korona ng WBO welterweight na si Manny Pacquiao at walang talong si Floyd Mayweather Jr., biglang umeksena ang isang Pilipinong part-time actor cum waiter na nagpresintang kaya niyang mamagitan upang ­matuloy ang sagupaan ng dalawa.

Noong ika-7 ng Enero 2010 ay nagpahayag si Bob Arum, CEO ng Top Rank Promotions at pangunahing promoter ni Pacquiao, na kanselado ang lahat ng negosasyon para sa pinakahihintay ng mundo ng boksing na sagupaan ng dalawang pinakamagaling na mandirigma sa ibabaw ng ring.

Apat na taon ang nakaraan, noong Mayo 2014, limang media outlet – USA Today, Los Angeles Times, The Hollywood Reporter, The Wall Street Journal, at New York Post – ang nag-ulat ng pagsisimulang muli ng usapan para maisakatuparan ang ­naunsyaming Pacquiao-Mayweather fight.

At sa gitna ng lahat ng ito ay si Gabriel Salvador, part time actor at waiter sa isang tanyag na restaurant sa Hollywood, na naging matalik na kaibigan ni CBS Network President Leslie Moonves.

Lumitaw na si Moonves ay isang regular na suki ng Craig’s Restaurant sa West Hollywood kung saan si Salvador ay ­naglilingkod bilang waiter. Malapit lang ito sa Wild Card Gym na ­pag-aari ni Hall of Fame trainer Freddie Roach na pinaglilingkuran naman ng anak ni Salvador na si Elijah.

Sinasabing si Salvador at Moonves ay pinag-ugnay ng kanilang pagmamahal sa boksing. Ang CBS ay mother company ng Showtime Network na may ­malaking investment sa sports, partikular kay Mayweather na may multi-dollar contract sa kumpanya.

Paniwala ni Salvador, kung madadala niya si Moonves para makausap si Roach, malaki ang tsansang matuloy ang sagupaan nina Pacquiao at Mayweather. Naniniwala rin siya sa kanyang koneksyon kay Roach at Moonves, at marubdob na pagmamahal nilang lahat sa boksing.

At nangyari nga ang dapat mangyari. Nagkita sina Moonves at Roach noong Mayo 28, 2014 at kapwa sila sumang-ayon na dapat nang maisakatuparan ang laban alang-alang sa fans.

Binigyan ni Roach si Moonves ng go-ahead signal para simulan na ang mga dapat gawin.

Tinulungan din ni Roach si Moonves na kausapin si Arum at kalimutan ang mga nakaraang alitan.

Sa parte naman ni Moonves, dinala niya ang mga kinatawan ng dalawang nag-aaway na kampo sa kanyang tahanan, sa tulong pa rin ni Salvador.

Hindi rin naging madali ang usapan pero sa madaling sabi, nagkaisa ang dalawang kampo na ang kanilang mga manok ay magsabong sa itinakdang araw, Mayo 2, 2015.

Para sa magkabilang kampo, kung hindi namagitan si Salvador baka hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ang lahat kung matutuloy o hindi ang Pac-May?

Si Arum mismo ay naniniwalang utang na loob nina Pacquiao at Mayweather kay Salvador ang natuloy nilang laban.

Para naman kay Salvador, dapat siyang bayaran ng “finder’s fee” sa mga oras at pagsisikap na kanyang ginugol para maging posible ang Pac-May.

Ang malungkot, sa pagtatanong ng reporter/columnist na ito, sa ilang taong nakalipas matapos ang laban, hindi nabayaran ni ‘singkong duling’ si Salvador ng CBS o ng grupo nina Manny at Floyd.

Ang laban ay kumita ng mahigit $600 milyon, mahigit $400 million ay napunta sa mga TV networks. Hindi pa kasama dito ang kinita ng dalawang boksingero. (Abangan ang karugtong)

Read More

TRIAL ORDER NG SPUTNIK V NAUDLOT NA NAMAN

0

KINUMPIRMA ng Malakanyang na hindi matutuloy ang pagdating sa bansa ng 15,000 trial order ng Sputnik V dahil sa logistical challenges.

Ito ang ikalawang pagkakataon na naantala ang pagdating sa bansa ng 15,000 doses ng Sputnik V mula sa Russia Gamaleya Research Institute.

“We confirm that logistical challenges resulted in the delay of the arrival of 15000 trial order of Sputnik V,” ani Sec. Roque.

“Challenges resulting from there being no direct flights from Russia and that vaccine requires -20 temp,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Kaugnay nito, kaagad na gumawa ng hakbang at tinugunan ni Vaccine Czar Carlito Galvez ang mga hamon na ito at hangad pa rin na matanggap ang initial order ng Russian vaccine ngayong Mayo.

Matatandaang, Abril 28 inasahan ang pagdating sa bansa ng Sputnik V matapos itong maantala noong Abril 25. (CHRISTIAN DALE)

Read More

METRO MAYORS PABOR SA FLEXIBLE MECQ

0

PABOR ang mga alkalde ng Metro Manila na isailalim sa ‘flexible MECQ’ ang kalakhang Maynila sa susunod na linggo.

Sa kabila nito, desisyon pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte kung anong qurantine status ang ipatutupad sa pagtatapos ng MECQ sa National Capital Region (NCR) Plus bubble ngayong Biyernes, April 30, 2021.

Sa panayam ng RMN kay Presidential Spokesperson Harry Roque, binigyang-diin nito na rekomendasyon pa lamang ang ibinigay sa pangulo at ihahayag niya ang desisyon dito sa kanyang “talk to the nation on COVID-19” Miyerkoles ng gabi (kahapon).

Ayon kay Roque, bagama’t nagrekomenda na ng “flexible MECQ” ang Metro Manila mayors at may rekomendasyon din ang Inter-Agency Task Force, kailangan pa rin balansehin ng pangulo ang kalagayan ng ekonomiya ng bansa at health care system.

Sa ilalim ng “flexible MECQ” ng Metro Manila Council, ang curfew ay magiging 10:00pm hanggang 4:00am para makapag-operate ang iba pang essential businesses. (CHRISTIAN DALE)

Read More

INDIA TRAVEL BAN SAPOL PATI PINOY

0

INAPRUBAHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na i-ban ang lahat ng pasahero kasama ang mga Filipino na galing sa bansang India.

Ang travel ban, ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque ay magiging epektibo ng ala-1:00 ng umaga ng Abril 29, 2021 hanggang Mayo 14, 2021.

Ang mga pasahero aniya na nasa byahe na galing sa India o iyong mga nanggaling sa India ‘within 14 days’ bago dumating ang Abril 29, 2021 ay hindi sakop ng travel ban.

Subalit, kinakailangan nilang sumailalim sa mas pinahigpit na quarantine at testing protocols. Ito aniya ay iyong absolute facility-based fourteen-day quarantine period sa kabila ng negatibong resulta sa Reverse Transcription – Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test.

Ang mga paghihigpit naman aniya sa mga biyahero na galing sa ibang bansa na mayroong variant na galing sa India ay maaaring ipatupad ng Office of the President ‘upon the joint recommendation’ ng Department of Health (DoH) at Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa kabilang dako, inatasan ang Department of Transportation na tiyakin na hindi magsasakay ang mga airlines ng mga pasahero na sakop ng travel ban. (CHRISTIAN DALE)

Read More

SINTOMAS NG COVID-19 TUMATAGAL NG 6 BUWAN

0

SINIMULAN na ang pag-aaral ng mga developed country ukol sa natuklasan ng mga eksperto na kondisyon ng mga COVID-19 patient na nakararanas pa rin ng sintomas ng virus ng hanggang anim buwan na tinatawag na long COVID o long haulers.

Sinabi ni Inter-Agency Task Force (IATF) sub-technical working group member on data analytics Dr. John Wong na nakita ng mga Foreign health expert na 20 hanggang 30 porsiyento ng mga pasyente ang mayroon pa ring COVID-19 symptoms makalipas ang anim na buwang gamutan.

Aniya, hindi pa batid ng karamihan ang kondisyon na ito at wala pang nadidiskubreng epektibong gamot laban dito.

Kabilang aniya ang bagay na ito sa mga dapat matutukan ng pamahalaan lalo pa’t umabot na sa isang milyon ang COVID cases sa bansa.

Wala namang ideya si Wong kung may mga ginagawa nang pag-aaral ang Pilipinas ukol sa bagay na ito dahil hindi naman umano siya kasama sa anomang clinical study ukol dito. (CHRISTIAN DALE)

Read More

MINIMUM WAGE HINIRITAN NG PLUS P100

0

NAGHAIN ng panukalang batas ang mga militanteng mambabatas sa Kamara para dagdagan ng P100 ang minimum wage sa buong bansa, ilang araw bago ang Labor Day o Araw ng Paggawa.

Sa ilalim ng House Bill (HB) 9262 o P100 Daily Wage Subsidy Act” na inakda ng mga miyembro ng Makabayan Bloc, ikinatuwiran ng mga ito na ang kasalukuyang P537 minimum wage sa National Capital Region (NCR) ay nabawasan ng P100 ang halaga dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“The P537 minimum wage in the metro is now practically worth only P434 or loss of about P100 in real-value, make it the lowest real wage over eight-in-a-half years or 103 months,” ayon sa panukala ng nasabing grupo.

Masyadong mababa na anila ito sa P1,057,00 na dapat kitain ng isang manggagawa para magkaroon ng disenteng pamumuhay kaya dapat bigyan ang mga ito ng subsidy.

Isinisi ng grupo ang pagbaba ng halaga ng kita o sahod ng mga karaniwang manggagawa sa inflation rate noong Pebrero 2021 kung saan umabot ito sa 5.5 percent.

Lalong nababaon umano sa kahirapan ang mga tao dahil patuloy ang pandemya sa COVID-19 at hindi rin napipigilan ng pamahalaan ang pagtaas ng presyo ng pagkain.

Hindi rin umano sapat ang tulong pinansyal ng gobyerno tulad ng P1,000 na huling ibinigay sa mga apektado ng ikalawang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila Plus bubble.

Aminado ang mga nabanggit na mambabatas na maraming nawalan ng trabaho at nagsarang negosyo dahil sa pandemya subalit hindi anila dapat pabayaan ang mga manggagawa.

“Without aid and meaningful wage increase, our labor force faces a bleak future ahead of them,” ayon pa sa nasabing panukala. (BERNARD TAGUINOD)

Read More