DONAIRE ATRAS NA KAY CASIMERO

0

Ni VT ROMANO

TULOY o hindi?

Para kay four-division world champion at reigning WBC bantamweight crown holder Nonito “The Filipino Flash” Donaire, kanselado na ang unification fight niya kay WBO champion John Riel “Quadro Alas” Casimero sa ­Agosto 21.

Kahapon (Miyerkoles) tuluyang nagdesisyon si Donaire na kanselahin ang sagupaan kasunod ng patuloy na ‘online’ balitaktakan niya at ng asawang si Rachel laban sa kampo ni Casimero.

Nag-post ang 38-anyos na si Donaire ng mahabang statement sa kanyang twitter at FB account kung saan idinetalye niya ang isyu hinggil sa Voluntary Anti-Doping Association (VADA) ­testing paperwork ni Casimero, na kung hindi pa raw sila (Donaire) nagbantang kakanselahin ang laban ay hindi pa isusumite ng kampo ni Casimero (30-4, 21KOs) ang dokumento nito sa VADA.

Bukod sa VADA, ang ‘disrespectful’ comments umano ng Casimero camp laban sa kanyang asawang si Rachel (na siya rin niyang manager at trainer) ay hindi katanggap-tanggap.

“I could not tolerate the disrespectful acts, such as bullying, abuse, and the misogynistic attitude,” aniya.

“That being said, as we’ve stated before, we cancelled this fight when they delayed ­turning in the VADA paperwork for 5 days. Dagdag niya: “We have proof that the opposing side was neither honest nor forthcoming in ­providing the proper information to begin VADA drug testing.

“After we cancelled the fight, then and only then did the paperwork suddenly appear. I do what I say. And as much as I want to knock him out, I’m going to take the high road and instead of highlighting his misbehavior, I’m not going to give his example the stage or the payday that comes with it.”

Habang isinusulat ito, wala pang reaksyon ang promoter ng Donaire-Casimero fight.

Read More

EMPLOYMENT RECOVERY STRATEGY, TUTUKAN

0

IKINAGALAK ni Senador Joel Villanueva ang pagpapatupad ng National Employment Recovery Strategy (NERS) na layuning magkaroon ng dagdag na trabaho sa bansa.

Gayunman, iginiit ni Villanueva na kailangan itong tutukan upang matiyak ang tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng programa.

“Maganda po ang layunin ng NERS, na nakikita natin bilang isang panimulang aksyon tungo sa paglikha ng trabaho at kabuhayan para sa ating mga manggagawa. Nagpapasalamat po tayo at kabilang ang ating mga mungkahi sa pagbabalangkas ng NERS,” saad ni Villanueva.

Sa bahagi naman ng Senado, sinabi ng senador na nakahanda ang kanyang komite na gamitin ang kapangyarihan nito sa ilalim ng Konstitusyon na siguruhin na anuman ang ipinangako sa planong ito ay maibibigay o matutupad.

“Sisiguruhin po natin na maabot ang mga target ng NERS, at handa po ang Senado para magbigay ng tulong kung kinakailangan. Trabaho at kabuhayan po ng ating mga kababayan ang nakasalalay dito,” sabi ni Villanueva.

Sinabi ng senador na malawak ang nakapaloob sa apat na pahinang Executive Order No. 140 tungkol sa paglikha ng trabaho, ngunit ang detalye sa pagpapatupad ay babalangkasin ng isang NERS task force na binubuo ng 19 na katao, kasama ang kalihim ng DOLE.

“Inaasahan po natin na ang jobs program ay mayroong malinaw at specific na targets, na siyang hihimayin ng ating NERS task force,” ani Villanueva.

Hinimok din niya ang NERS task force na lumikha ng “national trabaho map” kung saan magbubukas ng trabaho at kanino mag-aapply.

“Kailangan din po natin ng scoreboard tulad nung sa bakuna program natin para malaman natin kung natatamaan natin ang ating mga target sa ating job generation,” sabi ni Villanueva.

Unang trabaho din ng NERS task force ang siguruhin na ang pagbabakuna ng economic frontliners o yung mga kasama sa A4 priority group, ay tuloy-tuloy ang pagtanggap ng bakuna.

Hanggang nitong Hunyo 27, sa 10,065,414 bakunang naibigay, mahigit 12,340 lamang ang sa A4 hanggang sa pangalawang dose.

Hiniling din ni Villanueva sa NERS task force na sana ay trabahong regular ang mahanap nila at hindi pansamantala o “endo” na panandalian lamang.

Sa Labor Force Survey nitong Abril, sumipa na sa 8.73% ang unemployment rate, habang ang underemployment rate naman ay umabot na sa 17.22%. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More

MATAAS NA BUWIS SA PRIBADONG PAARALAN, PINABABAWI

0

IGINIIT ng Senate Committee on Ways and Means sa Department of Finance at Bureau of Internal Revenue na pag-aralang suspendihin ang revenue regulation na nagpapataw ng mas mataas na buwis sa private education institutions.

Sa pagdinig ng komite sa pangunguna ni Senador Pia Cayetano kaugnay sa inihaing Senate Bill 2272, iginiit ni Senate Minority Franklin Drilon na habang hindi pa naipapasa ang panukala, mas makabubuting bawiin na muna ang RR 5-2021 na nagpapataw ng 25 percent na corporate income tax sa private schools.

Binigyang-diin ni Drilon na dahil pabor naman ang DOF at BIR sa Senate Bill 2272, mas makabubuting bawiin na nila ang regulasyon upang maiwasan ang iba pang suliranin sa patuloy na implementasyon nito.

Iginiit naman ni Senador Risa Hontiveros na dahil magsisimula na ang panibagong school year kaya’t urgent ang panawagang suspendihin ang revenue regulation.

Hindi naman agad makapagdesisyon ang DOF at BIR sa hiling ng senador kaya’t nagdesisyon si Cayetano na bigyan ng dagdag na panahon ng mga ahensya para tumugon sa hiling.

Sinabi ng pangunahing author ng panukala na si Senador Sonny Angara na simple lamang ang layunin ng Senate Bill 2272 at ito ay ang bigyang linaw ang section 27 sa National Internal Revenue Code.

Iginiit ni Angara na ang 25 percent na corporate income tax ay magsisilbing ‘final nail in the coffin’ ng mga maliliit na pribadong paaralan.

Ipinaalala naman ni Senador Joel Villanueva sa kanyang manifestation sa pagdinig na 53 percent ng 6.18 milyong Pinoy na nakapagtapos sa kolehiyo ay produkto ng mga pribadong unibersidad at kolehiyo.

Nangangahulugan ito na kung ipagpapatuloy ang pagpapataw ng mataas na buwis sa mga pribadong paaralan ay maraming estudyante ang maaapektuhan. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More

KAWAWANG OFW, AYAW PAUWIIN NG AMO

0

ISANG sumbong ang ­aking natanggap mula sa OFW na nasa Riyadh, Saudi Arabia.

Siya ay si Aileen Planco na nakarating sa nasabing bansa noong Mayo 7.2019, sa pamamagitan ng High Mark Manpower Agency at ang ahensya naman sa Saudi Arabia ay ang Al Enjaz Al Sarea Recruitment Agency.

Sa simula pa lamang ng kanyang pagdating sa kanyang among Arabo ay sobra siyang nanibago sa pagtatrato nito na taliwas sa sinabi ng ahensya na mabuti ang kanyang magiging kalagayan at trabaho.

Ayon kay Aileen, masyadong madamot ang kanyang amo na maging ang kanyang pagkain sa araw-araw ay ipinagdaramot.

Dahil dito, naapektuhan ang kanyang araw-araw na gawaing bahay dahil malimit na siya ay nanghihina dahil kulang ang kinakain niya.

Maging ang kanyang mga gamit sa pang-araw-araw tulad ng sabon, shampoo at toothpaste na ipinangako ng ahensya na sagutin ng employer ay hindi rin natupad dahil siya mismo ang kailangang bumili nito.

Dalawang taon niyang tiniis ang ganitong kalagayan dahil ang nasa isip niya ay matapos lamang ang dalawang taon ay makauuwi na siya at matatapos na ang kalbaryong kanyang dinaranas.

Lagi na lamang niyang iniisip ang kanyang pamilya upang magkaroon siya ng lakas ng loob sa hangaring makauuwi siya nang buhay matapos ang dalawang taong kontrata.

Ngunit, ang kanyang dalawang taon na paghihintay para matapos ang kanyang kontrata at makauwi sa Pilipinas ay hindi nagkaroon ng katuparan dahil ayaw pumayag ng kanyang employer na makabalik siya sa Pilipinas.

Labis-labis ang pagsusumamo ni Aileen na siya ay matulungan ng ating gobyerno lalo na ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) at Overseas ­Workers Welfare Administration (OWWA) upang siya ay masaklolohan upang makaalis sa kanyang amo.

Habang tumatagal kasi ay lalo umanong nagiging mahirap ang kanyang pinag-daraanan sa kamay ng kanyang amo.

Labis ding nag-aalala si Aileen dahil sinira umano ng kanyang among lalaki ang kandado ng kanyang kuwartong tinutulugan at nangangamba siya na baka sa gabi ay pasukin siya nito at gahasain.

Sa kabilang banda, dinoble naman ng amo ang ­padlock ng kanilang main door upang hindi siya makalabas sa tahanan tuwing umaalis ang kanyang mga employer.

Sinubukan na ni Aileen na magsumbong sa kanyang ahensyang High Mark Manpower Agency, ngunit ang tinugon lamang sa kaniya ay sarado na ang kanilang ahensya at wala na silang magagawa.

Dahil dito, ang AKOOFW ay nanawagan sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA) na papanagutin ang High Mark Manpower Agency at i-hold ang surety bond nito upang masigurong may mahahabol pa si Aileen sakaling ito ay mag-file ng kaso laban sa ahensya.

Samantala, ang sumbong ni Aileen ay agad ­nating ipinadala sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Overseas Operations para sa agarang aksyon din nito.

Read More

IMBESTIGAHAN: BARILAN SA MPD PARA SA KATOTOHANAN

0

KAHIT sinong umupo bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) ay may lumilihis talaga sa kanilang chain of command.

Tulad na lamang halimbawa nitong Biyernes kung saan isang pulis na lasing ang namaril sa Manila Police District (MPD) sa UN Avenue, Maynila.

Sa info na nakuha ng PUNA, dakong 12:45 ng madaling-araw ng nasabing araw ay dumating na lasing si P/EMS Reynante Dipasupil sa MPD headquarters at nagtuloy ito sa opisina ng District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) at kinuha niya ang kanyang service firearm na mahaba at maikli.

Ilang sandali pa ay namaril ito at kasama ang opisina ni MPD Director, Brig. Gen. Leo Francisco, sa kanyang pinuntahan at pinagbabaril.

Kalaunan, nakabarilan ni Dipasupil si P/EMS Romeo Cantal na nagresulta sa pagkamatay nilang dalawa sa nasabing pangyayari.

May lumalabas na isyu na ito raw si Dipasupil ay galit daw kay Gen. Francisco dahil sinuspinde siya nito.

May nagsasabing itong si Dipasupil ay kolektor daw ng iligal na sugal sa Maynila para sa MPD?

May lumutang na isyu na mayroon umanong sama ng loob itong si Dipasupil kay Gen. Francisco.

Marahil mayroong usapin na hindi pinagkasunduan ang heneral at si Dipasupil, kaya humantong ito sa pamamaril sa opisina ng MPD director.

Totoo man, o hindi, ang mga isyung sinasabing pinagmulan ng pamamaril ni Dipasupil sa himpilan ng MPD, dapat magkaroon ng malalimang imbestigasyon ang awtoridad sa isyung ito.

Mas makabubuti po kung ang National Bureau of Investigation (NBI) ang magsagawa ng imbestigasyon para hindi ­maging bias at magkaroon ng kredibilidad ang resulta ng imbestigasyon.

Pangit na pulis din ang mag-iimbestiga sa kapwa nila pulis.

Hindi magiging kapani-paniwala ang resulta ng imbestigasyon.

Para patas ang imbestigasyon, ipasa sa NBI dahil kailangang makalkal at malaman ang katotohanan ukol sa isyung si Dipasupil daw ay kolektor ng mga ilegal na pasugalan sa Maynila para sa MPD.

Maraming pagkakataon na madalas pinag-aawayan ng mga awtoridad hanggang sa humahantong sa patayan ay ang pera.

Kawawa naman ang ­inosenteng pulis na nadamay sa inyong away tulad ni Cantal na dahil lamang sa pagtupad sa kanyang tungkulin ay namatay siya.

May kapabayaan din ang duty officer sa MPD headquarters noong oras nang mangyari ang krimen.

Bakit pa nila pinapasok ang pulis na lasing at nakakuha pa ng baril sa opisina kung saan siya nakatalaga?

Alam n’yo nang lasing itong si Dipasupil, bakit pinapasok n’yo pa siya sa MPD headquarters?

Kung hindi nakakuha ng baril si Dipasupil sa kanilang opisina ay wala sana siyang nagamit na baril para iputok sa kanyang mga kapwa pulis .

Kung hindi gagawa ng paraan ang pamunuan ng PNP para matigil ang ganitong mga krimen na kagagawan ng pulis ay paulit-ulit itong mangyayari.

Pinakamahalaga ang values ng isang tao, lalo sa mga awtoridad na may dalang armas dahil maaari nila itong gamitin sa kapwa nila awtoridad, o kaya sa ordinaryong sibilyan na dapat nilang pinagsisilbihan.

Ang problema sa tuwing nagkakaroon ng ganitong pangyayari na kinasasangkutan ng pulis ay laging sinasabing isolated lang.

Hindi na biro ang sunud-sunod na pangyayari dahil marami na ang napeperwisyo hindi pa man nareresolba ang mga naunang isyu, mayroon na namang isyu ukol sa pulis.

Sino kaya ang magpapatino sa inyo?

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email: joel2amongo@yahoo.com at cel# 0977-751-18-40.

Read More

PILIPINAS KULELAT SA KAMPANYA VS COVID-19

0

PANGALAWA ang Pilipinas sa 53 bansa na pinakamababa pagdating sa katatagan sa pagharap sa COVID-19 pandemic.

Ito ang resulta ng pag-aaral na inilabas ng Bloomberg na sumukat sa katatagan ng 53 bansa sa pagharap sa pandemya dulot ng COVID 19 kung saan nasa ika – 52 puwesto ang Pilipinas.

Base sa COVID Resilience Ranking ng Bloomberg, nakakuha ang Pilipinas ng iskor na 45.3 kasunod ang pinakakulelat na Argentina na nakakuha naman ng 37 punto.

Nanguna sa listahan ang US na may 76 high resiliency score, sinundan ng 73.7 ng New Zealand, magkatulad na 72.9 ang nakuha ng Switzerland at Israel at pang-lima ang France sa iskor na 72.8.

Kasama sa bumuo sa Top 10 ang Spain (72), Australia (70.1), China (69.9), United Kingdom (68.7) at South Korea (68.6).

Kahanay naman ng Pilipinas sa ‘Bottom 10 ang ilang katabing bansa gaya ng Malaysia (46.6), Indonesia (48.2), Taiwan (52.1) gayundin ang India (47,7) Colombia (48.6), Pakistan (50.7) Bangladesh) at Peru (51.4).

Nabatid na ibinase ang resulta ng pag-aaral sa percentage ng mamamayan ng isang bansa na nabakunahan, uri ng lockdown, flight capacity, vaccinated travel routes, one month cases per 100,000 population, one month case fatality rate, total deaths per 1 million people at positivity rate.

“India, the Philippines and some Latin America countries rank lowest amid a perfect storm of variant-driven outbreaks, slow vaccination, and global isolation,” pahayag pa ng Bloomberg.

Hindi naman pabor ang National Task Force Against COVID-19 sa pahayag na mahina o mabagal ang Pilipinas sa kanilang paglaban sa corona virus dahil sa makupad na vaccination campaign.

Ayon kay Sec. Carlito G. Galvez, NTF Against COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar sa gitna ng kakulangan ng bakuna ay nagawa nilang mag-administer ng 10,065,414 vaccine doses sa buong bansa nitong nakalipas na linggo at tataas pa ito dahil nagsimula na naman silang mag-rollout ng bakuna nitong Lunes.

Samantala, tiniyak din ng Malakanyang sa publiko na prayoridad ng pamahalaan na protektahan ang kalusugan ng mamamayan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Tugon ito ng Malakanyang sa nasabing ulat ng Bloomberg.

“Ulitin lang po natin, ang ating choice ngayon ay hindi between health and the economy. It is about total health,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

“Ang ating mga polisiya ngayon ay talagang ini-ensure na hindi lang mapapababa ang numero ng COVID kung hindi maiiwasan din po ang pagkagutom sa hanay ng ating kababayan,” dagdag na pahayag nito.

Aniya pa, sa kalaunan naman ay makababawi ang ekonomiya mula sa pagkakalugmok dahil sa restriksyon sa mobility at operations na ipinatupad upang mapigilan ang pagkalat ng virus. (JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)

Read More

CCP’S NEW 13 ARTISTS, PINANGALANAN NA

0

Ang kauna-unahang Thirteen Artists Awards (TAA) online press conference na isinagawa Hunyo 30 ay nagbigay-daan upang pormal na ianunsyo ang mga nagwagi sa Cultural Center of the Philippines’ 13 Artists Awardees for 2021.  Ang mga awardee ay sina Allan Balisi, Nice Buenaventura, Gino Bueza, Mars Bugaoan, Rocky Cajigan, Geloy Concepcion, Patrick Cruz, Ian Carlo Jaucian, KoloWn, Czar Kristoff, Lou Lim, Ryan Villamael at Catherine Sarah Young.

Ang selection committee sa taong ito ay kinabibilangan ng mga artist na sina Imelda Cajipe Endaya (13 Artists 1990), Nona Garcia (13 Artists 2003), Nap Jamir II (13 Artists 1974), and Gerry Tan (13 Artists 1988), kasama si Rica Estrada ng CCP Visual Arts and Museum Division. Ang mga juror ay indibiduwal na dumaan sa eighty-eight artist portfolios, na may final online deliberations sa isang grupo.

Ang 13 Artists Awardees ay tatanggap ng isang production grant upang makapag-produce ng bagong likha para sa isang group exhibition sa CCP.  Ang exhibition sa taong ito ay curated ni Shireen Seno (13 Artists 2018) at ang trophy na tatanggapin ng mga artist ay dinisenyo ni Mac Valdezco (13 Artists 2006).  Ang TAA awarding ceremony at exhibition ay iaanunsyo kalaunan.

Sa 18th year of conferment, ang CCP 13 Artists Award ay ang oldest government award para sa visual artists. Ipinagdiriwang nito ang 50 taong pagkakatatag noong 2020 at nagpakilala na sa 198 artists bilang awardees. Isa ito ngayong kilalang National Artist at may apat nang Gawad CCP awardees.

Para sa iba pang impormasyon, tumawag sa CCP Visual Art and Museum Division, Production and Exhibition Department, at mag email sa vamd@culturalcenter.gov.ph o sa kanilang social media pages www.facebook.com/ccpvamdwww.instagram.com/ccpvamdwww.twitter.com/ccpvamd.

Read More

Hamon ni Pang. Duterte kinasahan HINDI AKO KORAP AT SINUNGALING! – PACMAN

0

(DANG SAMSON-GARCIA)

KUMASA si Senador Manny Pacquiao sa hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pangalanan at tukuyin ang mga ahensya at opisyal ng administrasyon na sangkot sa katiwalian.

“Tinatanggap ko ang hamon ng Pangulong Rodrigo Duterte. Salamat po at binigyan nyo kami ng pagkakataon na tumulong sa inyo at bigyan kayo ng mga impormasyon para sa kampanya kontra korapsyon,” saad ni Pacquiao.

Kasabay nito, ipinaalala ni Pacquiao na mismong ang pangulo ang nagpahayag noong October 27, 2020 na lalong lumalakas ang korapsyon sa gobyerno.

“In his own words sinabi niya na ‘I will concentrate the last remaining years of my term fighting corruption kasi hanggang ngayon hindi humihina lumalakas pa lalo.’ Mr. President I feel the same way,” diin ni Pacquiao.

Kasabay nito, kinontra ng senador ang pagtawag sa kanya ni Duterte na sinungaling.

“Mawalang galang po mahal na Pangulo, ngunit hindi ako sinungaling. May mga naging pagkakamali ako sa buhay na aking itinuwid at itinama ngunit dalawang bagay ang kaya kong panghawakan. Hindi ako tiwali at hindi ako sinungaling,” diin ng senador.

Bilang panimula sa pagtukoy sa mga corrupt na ahensya at opisyal, unang hinamon ni Pacquiao si Health Secretary Francisco Duque III.

“Magsimula tayo sa DOH. Silipin at busisiin natin lahat ng mga binili mula sa rapid test kits, PPE, masks at iba pa. Handa ka ba Sec. Francisco Duque na ipakita ang kabuuan ng iyong ginagastos? Saan napunta ang pera na inutang natin para sa pandemya?” giit ni Pacquiao.

“Nakakalungkot na sa isyu ng korapsyon kami magtatalo, dahil ang kailangan ng bansa ay mga lider na magtutulungan laban dito,” pagtatapos pa ng senador.

Samantala, agad ding tumugon si DOH Secretary Francisco Duque III.

Tiniyak niya na bukas siya sa anomang imbestigasyon at handa umano siyang ipakita kung saan napunta ang mga perang inutang para ipambili ng bakuna.

Iginiit din nito na nagagamit sa tama ang lahat ng pondo ng gobyerno.

‘Timing’ ni Pacquiao kinuwestyon

Kaugnay nito, kinuwestyon ng Malakanyang ang “timing” ng alegasyon ni Senador Manny Pacquiao na mayroong korapsyon sa Department of Health (DOH) sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Sa akin po, absent po siguro si Senator Pacquiao nung nagprisinta yung mga Cabinet secretaries, or kung hindi siya absent he may have been preoccupied with something else,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

At kung ang pinaghuhugutan naman ni Pacquiao ay isyu ng Personal Protective Equipment (PPE), sinabi ni Sec. Roque na naipaliwanag namang mabuti ni Health Secretary Francisco Duque ang bagay na ito.

Sa kabilang dako, naniniwala si Sec. Roque na pulitika talaga ang ugat ng alitan na namamagitan ngayon kina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Pacquiao. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

Read More

PERFORMANCE NG NGCP SINUSURI NA NG SENADO

0

SINUSURI ng Senate Energy Committee ang performance ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) pati na ang pagsunod sa mga obligasyon nito batay sa nakasaad sa konstitusyon, sa EPIRA, prangkisa, at kontratang nilagdaan nito sa gobyerno, ayon kay Senador Win Gatchalian.

“Maraming bagay na dapat nilang i-comply at tuloy-tuloy yung aming review. Kung sumunod sila sa mga alituntunin at obligasyon nila, hindi na dapat galawin ang kanilang prangkisa. Binibigyan natin sila ng oras para ma-correct sila at kung hindi nila iko-correct o hindi sila magko-comply, doon na tayo pwedeng magsagawa ng mas marahas na hakbang kabilang na ang pagbawi sa kanilang prangkisa,” ani Gatchalian.

Anoman ang magiging rekomendasyon ng Energy Committee, na pinamumunuan ni Gatchalian, ay isusumite sa Senate Public Services Committee na siyang sumasakop sa usapin ng pagtatanggal ng prangkisa, paliwanag ng senador.

Sinabi ni Gatchalian na ang pagsisiyasat sa performance ng NGCP ay sinimulan na ng kanyang komite bago pa ang pinakahuling rotational brownouts na nangyari sa iba’t ibang bahagi ng Luzon na nagtulak para magsagawa ng imbestigasyon sa Senado.

Matatandaan na sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa mga nakaraang pagdinig na kailangang magpasa ng batas para amyendahan ang prangkisa ng NGCP kasunod ng hindi nito pagtalima sa Department of Energy (DOE) circular na nag-uutos ng pagkuha ng 100 percent firm contracts para sa reserbang suplay na, ayon kay Cusi, ay isa sa mga dahilan kung bakit nagka-brownout sa iba’t ibang bahagi ng Luzon noong katapusan ng Mayo hanggang unang bahagi ng Hunyo.

Napabalitang pinulong ni Pangulong Duterte ang mga opisyal ng NGCP at energy department noong nakaraang Biyernes, Hunyo 25, sa Malacanang upang maiwasan ang muling pagbabadya ng brownouts sa Luzon. Isa sa mga sinasabing natalakay rin sa naturang pagpupulong ay ang hindi pagsunod ng NGCP sa mga kasunduang nilagdaan nito sa ilalim ng kontrata nila sa gobyerno.

Ang pag-iimbestiga sa prangkisa ng NGCP ay dati nang iminungkahi sa isang pagdinig ng komite ni Gatchalian noong Marso 2020 pati na rin ang pagkwestiyon sa mga dayuhan na may mataas na posisyon sa kumpanya na labag sa mga umiiral nating batas sa bansa.

“Ang franchise privilege ay binibigay natin dahil merong katumbas na responsibilidad yan. At tinitignan din natin kung yung responsibilidad na yun ay ginagampanan nila. Kung hindi nila ipinapatupad ang kanilang mandato, magkakaroon talaga tayo ng problema. Kaya patuloy ang pagsusuri namin sa performance ng NGCP. Titignan natin kung kakailanganing bawiin o amyendahan ang kanilang prangkisa.

Importanteng may due process, importante ‘yung review para makita natin kung ano ang tamang aksyon pagdating sa prangkisa ng NGCP,” giit ni Gatchalian. (ESTONG REYES)

Read More