ITF World Juniors Rankings ALEX EALA UMAKYAT SA NO. 2

0

MAKARAANG magkampeon sa Singles at Doubles sa JA tournament sa Italy, umakyat si Filipina teen tennis sensation Alex Eala sa number 2 spot sa International Tennis Federation World Juniors Rankings.

Nag-imprub ng 467.5 ang standing ni Eala matapos ang kambal na panalo sa Trofeo Bonfiglio tournament sa Milan Linggo ng gabi.

Kaya mula sa 2318.75 points ay tumalon sa 2786.25 ang 16-anyos na Pinay upang sipain ang ­dating world no. 2 na si Elsa Jacquemot ng France na may 2404.25.

Ito ang ‘best rankings’ na nakamit ng isang Filipino tennis player. Si Eala rin ang top ranked Junior player sa buong Asya.

Dinomina ng Pinay teen sensation si Nikola ­Bartunkova ng Czech Republic, 6-3, 6-3, sa Singles championship round sa JA tourney.

Tinalo rin niya at kapartner na si Madison Sieg ng USA ang pares nina Croatia’s Lucija Ciric Bagaric at Belgium’s Sofia Costoulas, 6-4, 4-6, 13-11, para makopo ang Doubles title.

Sa social media post niya ay nagpasalamat si Eala sa mga kapwa Pinoy at supporters niya na nanood sa kanya sa Milan. “Salamat sa mga kababayan and thanks to all my supporters. Champion in Singles and Doubles (Thanks Madison Sieg), 61st Trofeo Bonfiglio, Milan, Italy.”

Read More

GILAS PILIPINAS LALABAN SA JORDAN

0

Ni ANN ENCARNACION

KABILANG ang Gilas Pilipinas sa mga koponan na lalaban sa King Abdullah Cup sa Jordan mula Hulyo 25 hanggang Agosto 3.

Limang bansa ang kasama sa torneo kabilang ang host Jordan, Pilipinas, Saudi Arabia, Egypt at Tunisia.

Ang King Abdullah Cup ay parte ng paghahanda ng Gilas para sa 2021 FIBA Asia Cup sa Indonesia sa susunod na buwan.

“The Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) wanted the team to get more games so we looked for the best possible option and decided that Jordan will be a great destination,” pahayag ni SBP special assistant to the president Ryan Gregorio.

“Jordan has always been one of the better teams in Asia so going up against them should be beneficial for our young squad. We’re also looking forward to going up against Saudi Arabia, Egypt and Tunisia.”

Balik na sa Calamba, Laguna bubble training ang national team kabilang sina Ange Kouame, Dwight ­Ramos, SJ Belangel, Isaac Go, RJ Abarrientos, Justine Baltazar, William Navarro, Mike Nieto, Carl Tamayo, Jordan Heading at Geo Chiu.

Kasama rin sa 20-man pool sina Kai Sotto, Thirdy Ravena, Dave Ildefonso, Matt Nieto, Allyn Bulanadi, Rey Suerte, Jaydee Tungcab, Kenmark Carino at Tzaddy Rangel.

Read More

PAMILYA, INSPIRASYON NI PACQUIAO

0

Ni EDDIE ALINEA

NASA Los Angeles na ang maybahay at mga anak ni Manny Pacquiao upang samahan ang eight-division world champion sa kanyang laban kay Errol Spence Jr. sa susunod na buwan.

“Lumiwanag na naman ang bahay namin kasi dumating na si Jinkee at mga bata,” sabi ng 42-anyos na fighting senator patungkol sa asawa at mga ­supling na sina Jimwell, ­Michael, Princess, Queenie at Israel na kanyang sinalubong sa Tom Bradley International Airport noong nakaraang linggo.

Kaya biglang nagkabuhay ang mansion ng senador at dating Sarangani Bise Gobernador Jinkee sa Hacock Park. “Masaya na naman ang bahay,” ani Pacquiao sa reporter na ito sa pamamagitan ng telepono. “And because my loved ones are here, I’ll be more inspired in my training for my coming fight. Iba siyempre kapag kasama ang pamilya.”

Araw-araw na ang pag-­akyat ni Pacquiao sa Griffith Hills o Pan Pacific Park, at punching mitts naman sa pamamahala ni seven-time Trainer of the Year awardee Freddie Roach sa Wild Card Gym sa hapon.

“Medyo mabigat na ang ensayo habang palapit nang palapit ang laban,” wika ng Pambansang Kamao kaugnay sa paghaharap nila ni Spence sa Agosto 21 sa T-Mobile Arena.

Masaya naman ang kanyang kabiyak na si Jinkee lalo’t ligtas silang mag-iina na nakarating sa Amerika para makapiling ang kanilang padre de familia. “Almost a week lang kaming magkakahiwalay pero parang napakatagal na.”

“Masaya na ako ngayon na magkakasama na kaming buong pamilya. Salamat sa Panginoon,” sabat naman ni Pacquiao.”Now that we are together again, ­praying together and going to church together, the more I am focused on my ­training for the coming fight.”

“Alam naman ninyo, si Jinkee at mga anak namin ang inspirasyon ko sa lahat ng mga laban ko. Now that all of us are here, lalo na akong mai-inspire sa ensayo. My family’s presence will motivate me further to winning this fight,” sabi pa ni Manny.

Read More

VisMin Cup Mindanao leg BASILAN UMUKIT NG KASAYSAYAN

0

NAGTALA ng kasaysayan sa Chooks-to-Go VisMin Pilipinas Super Cup ang Jumbo Plastic-Basilan nang durugin ang Kapatagan, 118-84, Lunes ng gabi sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.

Nalagpasan ng imakuladang Basilan (3-0) ang ­pinakamalaking puntos na unang naitala ng MisOr na 111 dalawang araw na ang nakalilipas, at ang 34 puntos na bentahe ang ikalawang ­pinakamalaking agwat mula nang ­maitala ng MJAS Zenith Talisay ang 38 puntos na kalamangan kontra Tubigon, 104-66 sa Visayas leg.

Mula sa 13 puntos na abante sa first half, pinalobo pa ito ng Basilan sa 30 puntos, 60-30, sa kanilang 19-2 run sa unang apat na minuto sa third period.

Pinangunahan ni Hesed Gabo ang ratsada ng Peace Riders sa kanyang 14 puntos mula sa 5-of-5 shot sa field at 3-of-3 sa free throw.

Sosyo na ang Basilan sa Clarins (3-0) sa unahan ng team standings.

Naitala naman ng Petra Cement-Roxas ang ikalawang sunod na panalo nang pabagsakin ang Iligan, 84-79.

Galing sa makapigil-­hiningang 71-69 panalo mula sa buzzer-beating layup ni Lester Reyes laban sa JPS Zamboanga City, nakuha ng Roxas ang momentum tungo sa 17 puntos na bentahe sa final period.

Nanguna sa Roxas si team captain James Castro na may 17 puntos, limang rebounds at tatlong assists.

Sa ikatlong laro, nakabawi ang JPS Zamboanga nang gapiin ang MisOr, 85-75.

Humataw si Gerwin Gaco nang umiskor ng 24 puntos, habang nagdagdag si Gabby Espinas ng 14 puntos at 11 rebounds para sa JPS.

Read More

Inilagay sa health and safety protocols LAVINE, INIWAN NG TEAM USA

0

HINDI nakasama si Zach LaVine nang bumiyahe ang US men’s basketball team nitong Lunes patungong Japan para sa ­Tokyo Olympics.

Inilagay si LaVine sa health and safety protocols, ayon sa USA Basketball.

Gayunpaman, umaasa pa rin ang koponan na makakahabol sa Tokyo si LaVine ng Chicago Bulls, may 13 points sa exhibition ng team kontra Spain noong Linggo.

Unang nalagay sa health and safety protocols si Washington Wizards star Bradley Beal. Pinalitan siya ni San Antonio Spurs’ Keldon Johnson.

Si Kevin Love naman ay nag-withdraw dahil sa calf injury at pinalitan ni JaVale McGee.

Walong players lang ang bumiyahe papuntang Tokyo kasama sina NBA superstars Kevin Durant at Damian Lillard.

Sina Phoenix star Devin Booker at Jrue Holiday at Khris Middleton ng Milwaukee ay susunod na lang pagkatapos ng NBA Finals, kung saan tatangkain ng Bucks na tapusin ang serye sa Game 6 ngayong araw (Miyerkoles).

Sasalang ang Team USA sa Olympic round kontra France sa Linggo (Hulyo 25), kasunod nito ang Iran sa 28 at Czech Republic sa 31.

Umaasa si USA Basketball men’s senior team director Jerry Colangelo na makumpleto at mag-gel ang mga player bago ang quarterfinals sa Agosto 3. (VT ROMANO)

Read More

4 players nagpositibo sa COVID kaya… 2 PBA GAMES KANSELADO

0

Ni VT ROMANO

ILANG araw pa lang mula nang mag-umpisa ang PBA Philippine Cup, dalawang laro ang kanselado ngayong araw (Miyerkoles) sanhi ng health and safety protocols.

Sa official statement ng PBA nitong Martes, kanselado ang mga laro sa pagitan ng Terrafirma at Alaska at TNT vs. Magnolia Pambansang Manok matapos na apat na manlalaro ng Tropang Giga ang nagpositibo sa virus.

Ang apat na manlalaro ay naka-isolate na at nakatakda para sa confirmatory COVID-19 tests, ayon sa PBA.

Negatibo naman ang iba pang manlalaro ng TNT, bagama’t naka-isolate na rin.

Negatibo rin ang Terrafirma players, ngunit dahil sila ang nakalaban ng TNT noong Sabado, inilagay na rin ang Dyip sa isolation.

Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, bakunado ang lahat ng TNT players.

Samantala, tuloy pa rin ang laro ngayong araw tampok ang Phoenix Super LPG kontra NorthPort sa alas-tres ng hapon, habang maghaharap ang Alaska at Magnolia sa alas-sais ng hapon.

Read More

Delta variant mabilis kumalat CONTACT TRACING PALALAWAKIN

0

MINAMADALI na ng gobyerno ang pagpoproseso ng mga contact tracer ngayong nagbabanta ang Delta variant.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, maging ang mga lokal na pamahalaan ay nagkaroon na ng hakbang para mapanatili ang additional contact tracers na kinontrata ng Department of Labor.

Ani Sec. Roque, wala silang nakikitang hadlang ukol dito sa harap ng target na mas mapalawak pa ang contact tracing efforts.

“Well, ngayon po pinabibilis na nga natin iyong proseso ng contact tracers. Humingi na nga po ang ating Metro Manila mayors na manatili iyong mga additional contact tracers na kinontrata po ng ating Department of Labor. At tingin ko naman po, with this development ay wala pong hadlang para manatili itong mga contact tracers; at palalawakin pa po natin ito,” ayon kay Sec. Roque.

Aniya pa, nag-i-interconnect na rin ang iba’t ibang LGU ng kanilang programa na may kinalaman sa contact tracing sa harap ng pagnanais ng IATF na StaySafe Philippines ang maging central automated databank para sa mga COVID cases. (CHRISTIAN DALE)

Read More

VACCINE INFORMATION CAMPAIGN PAIGTINGIN

0

HINILING ni Pangulong Duterte sa national at local quarters na pataasin at paigtingin ang kanilang vaccine information at education campaign para mas mapataas pa ang kumpiyansa sa bakuna at marami pang tao ang magpabakuna laban sa COVID-19

Sinabi ng chief executive na dapat lamang malaman ng mamamayang Filipino ang kahalagahan ng bakuna.

Subalit, kung ayaw talaga aniyang maniwala ng ilang tao sa kahalagahan ng bakuna at pagbabakuna ay huwag na lang aniyang lumabas ng bahay para walang mahawa ang mga ito.

Kaya, wala aniyang dahilan para magalit sa mga pulis at sa mga military ang mga taong hanggang ngayon ay ayaw pa ring magpabakuna at wala pa ring tiwala sa bakuna dahil utos niya na hulihin ang mga lalabag sa “health and safety protocols.” (CHRISTIAN DALE)

Read More

Hawaan sa NCR tumaas MAS MAHIGPIT NA PROTOCOLS NAKAUMANG

0

SINABI ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na maaaring muling ipatupad ng Pilipinas ang “stricter restrictions” matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) ang insidente ng local cases ng Delta variant ng COVID-19.

Sa kanyang Talk to the People, Lunes ng gabi ay nagbabala ang pangulo laban sa mass gathering at superspreader events makaraang mapaulat na may 35 Delta variant cases na sa bansa, kung saan 11 ang local cases.

“The reported local cases in the country is a call for serious alarm and concern,” ayon kay Pangulong Duterte.

“We may need to reimpose stricter restrictions to avoid mass gathering and prevent superspreader events,” dagdag na pahayag nito.

Ngayon aniya ay hindi lamang ang Indonesia ang tinamaan ng Delta variant kundi maging ang Korea at Taiwan ay tinamaan ulit.

“Sila ‘yung nag-lockdown kasi pumasok nga itong variant na Delta,” ayon sa pangulo.

Dahil dito, hinikayat ni Pangulong Duterte ang DILG at PNP na magpatupad ng umiiral na protocols “with greater urgency and necessity.”

Ang pagpapataw aniya ng mga restriksyon na ito ay natatanging paraan para malabanan ang banta ng Delta variant.

Ayon sa OCTA Research group, tumaas sa 1.06 ang reproduction number ng hawaan sa NCR. (CHRISTIAN DALE)

Read More