Isko kumasa, nagpasaring DUTERTE, PALPAK AT PURO NGAWA

0

(NELSON S. BADILLA)

PINATUNAYAN ni Manila Mayor Isko Moreno na handang-handa na siyang makipagbanggaan kahit sa pinaka makapangyarihan at pinakamataas na opisyal sa Pilipinas.

Ginawa ito ni Moreno nang igiit at manindigan ang alkalde na tuloy ang pagtuturok ng bakuna kahit umuulan, o bumabagyo man, sapagkat mahalaga sa alkalde ang kaligtasan ng mga residente ng Maynila laban sa patuloy na pag-atake ng coronavirus disease – 2019 (COVID – 19).

Hindi man binanggit ni Moreno ang pangalan ng kanyang kinakalaban, malinaw na malinaw na si Pangulong Rodrigo Roa Duterte, o PRRD, ang kanyang inupakan.

“We have a clear objective. In Manila, we continue to vaccinate come hell [or] high water. An objective, or goal, must be achieved no what,” bigwas ni Moreno sa pambansang pamahalaan.
Ang pahayag ay lumabas sa Facebook account ng alkalde ng Kabisera ng Maynila na isinapubliko nitong Hulyo 27, isang araw matapos ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Duterte.
Prayoridad ni Moreno ang pagbabakuna ng mga residente ng Maynila dahil patuloy na umaatake ang COVID-19.

Ang pasaring ni Moreno ay mukhang reaksyon sa kritisismo ni Duterte sa mga opisyal ng pamahalaang lokal na patuloy na pinababakunahan ang mga residente kahit walang tigil ang ulan dulot ng bagyo at habagat.

Sabi ni Duterte sa SONA, hindi raw siya hanga sa mga opisyal na nagpapabakuna habang matindi ang pagbaha.

Hindi binanggit ni Duterte ang pangalan ni Moreno, ngunit siya ang tinumbok sa bigwas ng pangulo dahil habang bumibira ang huli ay ipinakita ang litrato ng mga taong nakalinya sa San Andres

Sports Complex sa Maynila habang mayroong baha.

Idiniin ni Moreno na ang nasabing pahayag ay naglalayong iligaw ang mamamayan sa kanyang “incompetence”.

“Mas marami silang sinasabing ibang bagay to create smokescreen. Ang ibig pong sabihin ng smokescreen ay … para malito ‘yung mga tumitingin para lumabo ang mga mata ninyo. Kaya, gagawa sila ng mga salita para ‘yun ang mga mapansin, mawala ang direksyon sa kapalpakan ng iilang tao,” dugtong ni Moreno.

Si Moreno ay napapabalitang tatakbong pangulo ng bansa sa susunod na eleksyon.

Hindi pa man opisyal na nagdedeklara si Moreno, tila nagsimula nang ipalaganap ang kanyang pangalan, sa pamamagitan ng T-shirt na mayroong tatak na IMP (Isko Moreno Philippines).
Unang termino pa lang ni Moreno sa pagiging alkalde ng Maynila kaya maaaring tumakbo uli siyang alkalde sa susunod na eleksyon.

Read More

GILAS GUMANTI SA SAUDI

0

Ni ANN ENCARNACION

GALING sa nakadidismayang debut game sa 2021 King Abdullah Cup nang matalo kontra Egypt, bumangon ang Gilas Pilipinas at ibinuhos ang ngitngit sa Saudi Arabia, 77-62, Martes ng gabi sa Prince Hamzah Sport Hall sa Amman, Jordan.

Bunga nito, napasama sa win column ang Gilas (1-1) sa King Abdullah Cup.

Sa pangunguna ni Justine Baltazar, na off the bench ay umiskor ng 16 points kabilang ang apat na three pointer, apat na assists at tatlong rebounds, nakabawi ang nationals sa 60-73 loss kontra Egypt noong Lunes.

Maliban kay Baltazar, nag-­ambag ng tig-10 puntos sina Isaac Go at Ange Kouame na may anim na rebounds at dalawang blocks din, sa pagwawagi ng Gilas.

Nagdagdag si Dave Ildefonso ng 8 puntos at apat na assists, 7 mula kay Dwight Ramos at tig-6 puntos sina Thirdy Ravena at Jordan Heading.

Read More

46% NG MGA PINOY, HINDI BOBOTO KUNG MAGPAPATULOY ANG COVID-19 PANDEMIC SA ELEKSYON

0

INIHAYAG ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na nasa 46 porsiyento ng mga Pinoy ang hindi boboto sa Mayo 2022 elections kung magpapatuloy ang COVID 19 pandemic.

Sinabi ni Zubiri na batay ito sa kanyang pinakomisyon na survey sa Pulse Asia kaugnay sa kahandaan ng taumbayan sa vaccination program at sa national elections.

“Hindi po natin sila masisisi kung ganun ang kanilang pangamba at posisyon. Mas mahalaga naman po talaga ang buhay kaysa sa pagboto,” saad ni Zubiri.

“Nakakatakot lang dahil posible pong ang mahahalal na mga lider ng bansa, magmula sa presidente hanggang sa konsehal, ay hindi man lamang nagmula sa boto ng mayorya ng mga botanteng Filipino,” diin ng senador.

Dahil dito, nanawagan si Zubiri sa Commission on Elections na pag-aralan na rin ang pagsasagawa ng mas mahabang eleksyon kasabay ng pagpapatupad ng health protocols sa election precincts.

“The COMELEC should address the administrative problems and ensure that proper health protocols in the election sites are in place through issuance of resolutions such as practicing health protocols in the election sites, or by the passage of a law extending the period of election beyond one day to avoid overcrowding the polling precincts,” diin nito.

Kasabay nito, iginiit din ng senador na kailangang palawakin pa ang naabot ng bakuna laban sa virus. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More

SIGE SAKAY PA

0

NAGTALUNAN sa tuwa ang sambayanang Filipino dahil bago sumapit ang isang daang taon, nagkaroon tayo ng kauna-unahang Gold sa ­Tokyo Olympic, sa pamamagitan ni Hidilyn Diaz ng Zamboanga.

Unang sumabak ang mga atletang Filipino sa Olympic noong 1924 at 10 ­medalyang bronze at silver ang nakamit ng mga magigiting na ­manlalaro, pero wala pang gold medal hanggang manalo nga ng gintong medalya si Hidilyn.

Nabaling sa gintong medalya ni Hidilyn ang atensyon ng mga tao sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil saka pumutok ang balita na nanalo ang Pilipinas ng Gold Medal.

Umingay sa social media at maging ang mga nabanas lang sa SONA ni Duterte ay napalitan ng tuwa at galak ang kanilang pagkabanas, kung baga, mula sa lungkot, napalitan ng saya ang pakiramdam ng ­sambayanang Filipino.

Hindi ko lang nagustuhan, ang daming sumakay agad na mga pulitiko sa tagumpay ni Hidilyn.

Kahit ‘yung mga tahimik na pulitiko at hindi nagsasalita sa mga mahahalagang isyung panlipunan ay biglang nakapagsalita.

May mga pulitikong agad na naglabas ng larawan nilang dalawa ni Hidilyn noong manalo ng silver medal sa Rio Olympic noong 2016 na para bang ­sinasabi sa atin na close sila sa atleta.

Okey lang sana na batiin si Hidilyn dahil sa ­karangalan ibinigay niya sa lahing kayumanggi, pero ‘yung palalabasin na para bang sila ang nag-alaga sa atleta ay hindi lang pagsakay ‘yun sa tagumpay, kundi ­sobrang kasipsipan na ‘yun.

Isa sa inabangan ng mga tao ang sasabihin ni Presidential Legal Counsel ­Salvador ­Panelo, lalo na’t may plano itong tumakbo sa senatorial race sa 2022 election.

Tanong nga ng mga mamamahayag: Ano kaya ang masasabi ni Panelo na minsang idinawit si Hidilyn sa grupong gusto raw ibagsak si Pangulong Duterte kasama ang ilang celebrity.

Sumakay nga si ­Panelo at sinabi niya “Her feat makes us Filipinos proud. Her ­getting the gold is a ­testament to the Filipino races talent and indefatigable ­spirit”, kaya may nag-react ng “anong spelling ng plastic?”.

Pero, dalangin ko, huwag pasukin ni Hidilyn ang ­pulitika dahil masisira lang siya ­dahil sa mundong ito, wala kang tunay na kaibigan at ­gagamitin lang ang kasikatan mo ngayon at kapag wala na silang pakinabang sa iyo ay iiwanan ka na sa ere.

Huwag din siyang magpagamit sa mga pulitiko dahil tiyak na maraming kukuha sa kanya para iendorso ang kanilang kandidatura, lalo na ngayong panahon na ng kampanya.

Read More

DOH, OCTA ‘DI MAGKASUNDO SA SURGE NG DELTA VARIANT

0

SINABI ng OCTA Research Group kamakailan na mayroon nang surge ng Delta variant sa bansa.

Salungat naman ang sinabi ng Department of Health (DOH) dahil idiniin nitong hindi pa raw masasabing mayroong surge ng Delta variant sa Pilipinas.

Ito ang pahayag ni DOH Spokesperson Maria Rosario Vergeire dahil mayroon umanong sariling basehan ang kagawaran para masabing may surge (pagdagsa) ng Delta ­variant sa bansa.

Pero, ayon sa DOH nitong nakaraang linggo, mayroong naitalang 55 pinakabagong kaso ng Delta variant sa Pilipinas.

Sa kabuuan, nakapagtala ng 119 kaso ng Delta variant.

Sa bilang na ito, 103 ang nakarekober, 12 ang nagpapagaling, 4 ang namatay at 1 pa na kasama sa namatay ay mula sa 55 na pinakabagong kaso.

Kung pagbabasehan ito, mas kapani-paniwala ang sinabi ng OCTA Research na may surge na nga ng Delta variant sa bansa.

Kung sinabi ng DOH na may sarili silang basehan para matawag na may surge na ng Delta variant, anong po ba ang basehan n’yo?

Hindi pa ba sapat ang bilang na ‘yan na umabot sa mahigit isangdaan ang kaso ng Delta variant?

Kaya, maraming dismayado sa inyo dahil napapansin kasi na masyado kayong mabagal sa inyong hakbang at desisyon sa ­usapin ng COVID-19.

Tulad niyan, sinabi n’yo na bukod sa Delta variant, may mga bagong kaso na rin ng Alpha variant (94), Beta variant (179) at Theta variant (9).

Ito ay kapareho ng na-detect na pinakabagong whole-genome sequencing report ng University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC) at ng University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH).

Kahit anong tago ng DOH, lalabas at lalabas ang katotohanan kasi nariyan ang OCTA Research na nagbibigay din ng pahayag kaugnay sa Delta variant.

Nangyayari tuloy na mas maraming naniniwala sa sinasabi ng OCTA Research kaysa sa DOH.

Mas kapani-paniwala kasi ang kanilang pahayag kaysa sa DOH.

Bakit n’yo pa kasi itinatago ang tunay na sitwasyon ng Delta variant?

Paanong makapag-iingat ang ordinaryong mamamayan kung hindi nila alam na malala na pala ang Delta ­variant sa Pilipinas?

Ang Delta variant ay nagmula sa India na kumitil sa maraming buhay sa nasabing bansa.

Sinundan ito ng Indonesia na kung saan ay malapit lang sa Pilipinas.

Kaya, kung hindi tayo magiging tapat sa isat-isa ay posibleng magaya tayo sa dalawang bansang ito.

oOo

PARA sa suhestiyon at reaksyon mag-email: joel2amongo@yahoo.com o magtext sa cel#0919-259-59-07.

Read More

NAPAKABABA NG TIWALA NG PUBLIKO KAY PACQUIAO

0

MISTULANG nakatikim ng mag-asawang sampal si Senador Emmanuel Pacquiao dahil 35 porsiyento ang nakuha niyang “disapproval rating” mula sa mga Filipino.

Resulta ‘yan ng sarbey na inilunsad ng PUBLiCUS Asia Inc. mula Hulyo 13 hanggang 19.

Ayon sa nasabing kumpanya, ang markang 35% mula 12% ay iskor ng publiko sa mga birada ni Pacquiao laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Pokaragat na ‘yan!

Kung paniniwalaan ang PUBLiCIS, nadagdagan ng 23 porsiyento ang 12 porsiyentong nabuwisit na dati kay Pacquiao dahil inupakan ng senador si Duterte.

Ang approval rating ni Pacquiao ay 37% na lang ngayong ikalawang kwarter ng 2021 kumpara sa 66% noong unang kwarter, patuloy ng nasabing kumpanya.

Pumalo na lang sa 25% ang trust rating ni Pacquiao na dating 53%.

Pokaragat na ‘yan!

Dapat bang paniwalaan ang sarbey ng PUBLiCIS Asia Inc.?

Balikan natin ang sarbey ng Pulse Asia kung saan nakakuha si Pacquiao ng ikaapat na puwesto sa sarbey nito noong Hunyo.

Kahit sa mga naunang sarbey ng nasabing kumpanya, hindi nakapuwesto si Pacquiao kahit sa pangalawa, o pangatlo man lang.

Nangangahulugang ayaw ng mayorya ng mga Filipino na maging pangulo siya.

Lubos silang naniniwala na hindi karapat-dapat na pumalit si Pacquiao kay Pangulong Duterte.

Palagay ko, hindI sila hanga at lalong hindi sila naniniwalang kayang lutasin ni Pacquiao ang napakaraming suliraning iiwanan ni Duterte sa Hunyo 30,2022.

Talamak na katiwalian, korapsyon at pandarambong, iligal na droga, trilyun-trilyong utang, napakataas na presyo ng mga bilihin, mahigit 12 milyong manggagawang walang trabaho, napakababang buwanang sahod ng mga manggagawa, napakababang suweldo ng mga guro, angas ng China sa West Philippine Sea (WPS), implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at napakaraming iba.

Tablado rin si Pacquiao kahit sa pagpipiliang mga kandidato sa pangalawang pangulo.

Pokaragat na ‘yan!

Naniniwala na ba kayo sa sarbey ng PUBLiCIS?

Pasok na pasok si Pacquiao sa mga maaaring manatiling senador.

Pokaragat na ‘yan!

Hindi ko talaga maintindihan ang panlasa ng mga Filipino.

Si Pacquiao na walang kagilas-gilas na ginawa bilang senador at wala ring kahanga-hangang nagawa noong kongresista pa siya ay gustung-gusto pa rin ng mayorya ng mga Filipino na maging mambabatas ang naturang politiko.

Pokaragat na ‘yan!

Wala akong masamang tinapay kay Pacquiao dahil wala naman siyang ginawang masama sa akin.

Kahit, wala siyang nagawang mabuti sa napakaraming mga Filipino habang miyembro siya ng Kongreso sa matagal na panahon, talagang dalawang bagay ko lang hinangaan si Pacquiao: Una, ang tagumpay niya sa pagiging propesyunal na boksingero; Pangalawa, ang determinasyon niyang makaahon mula sa napakahirap na buhay.

Sigurado akong ang magtagumpay sa buhay at makaalpas mula sa napakatinding kahirapan ang gusto nating makamit sa ating buhay.

oOo

CP: 09985650271 / Viber #: 09457016911

Read More

PERMANENT EVACUATION SITES MULING IGINIIT NI GATCHALIAN

0

INIHAYAG ni Senador Win Gatchalian na napapanahon na upang isaalang-alang ng gobyerno ang pagkakaroon ng permanenteng evacuation centers sa mga lugar na madalas masalanta ng kalamidad.

Ipinanawagan muli ni Gatchalian ang kanyang panukala at iginiit ang paglalaan ng kaukulang pondo sa taunang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para masiguro ang pagpapatayo ng nasabing pasilidad na akma sa mga pangangailangan ng mga nasasalanta.

“Sa dami at dalas na manalasa ng kalamidad sa bansa natin, dapat natuto na tayo sa mga trahedyang nagdaan at may nakalatag nang mga hakbang para sa mga nangangailangan ng agarang paglikas mula sa kani-kanilang lugar,” ani Gatchalian, may akda ng Senate Bill No. 747 o ang panukalang Evacuation Center Act.

Ani Gatchalian, dapat tiyakin na nasa maayos at ligtas na lugar ang pagtatayuan ng mga pinapanukalang permanenteng evacuation center at may mga basic amenities katulad ng mga lugar para sa tulugan, kainan, palikuran, lutuan, labahan, clinic at isolation area para sa mga taong may mga nakahahawang sakit at lugar para sa mga alagang hayop.
(ESTONG REYES)

Read More

DELIVERY RIDERS SAKOP NG LABOR LAW

0

PINAGTIBAY na ang Labor Code of the Philippines sa mga food delivery rider kung mapatutunayan na may umiiral na ’employer-employee relationship’ sa digital platform company na kanilang pinapasukan.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello lll, ang advisory ay bilang gabay sa pagtukoy sa ugnayan ng riders at ng digital platform company at kung mapatutunayan na direktang empleyado ng isang digital platform ang isang rider, may karapatan sila sa mga benepisyo na nasa ilalim ng Labor law.

Ngunit para sa mga ‘independent contractors’ o mas kilala sa tawag na ‘freelancers’, sasakupin sila ng kanilang pinirmahang kontrata o kasunduan kabilang na ang uri ng pasuweldo at benepisyo.

Mapatutunayan na may ’employer-employee relationship’ sa pamamagitan ng pag-analisa kung paano tinanggap ang isang empleyado, pagbabayad ng suweldo, ‘power of dismissal’ at kapangyarihan sa pagkontrol sa gawi ng empleyado.

Kung mapatutunayan na empleyado ang isang delivery rider, may karapatan sila na mabigyan ng minimum na suweldo, holiday pay, premium pay, night shift differential, leaves, 13th month pay, separation pay, at retirement pay. May karapatan din sila na mabigyan ng SSS accounts, PhilHealth at Pag-IBIG at iba pang benepisyo.

Kamakailan, isang grupo ng delivery riders ang nagprotesta laban sa hindi umano makatarungang trato sa kanila ng pinapasukang delivery company. (RENE CRISOSTOMO)

Read More

Magkapatid na Vargas inireklamo ‘TUPAD’ SCAM SA QC BUKING

0

INIREKLAMO ng isang watchdog ang magkapatid na politiko sa Quezon City dahil umano sa paggamit sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) para sa kanilang interes.

Base sa reklamo na inihain ng Bantay Kaban—Citizens Forum Against Corruption and Poverty sa Presidential Complaint Center kamakailan, tinukoy ang magkapatid na Quezon City Rep. Alfred Vargas at Quezon City Councilor Patrick Michael ‘PM’ Vargas na umano’y nasa likod ng scam sa TUPAD program ng gobyerno.

Ang TUPAD ay ‘cash for work’ program ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nagbibigay ng ayuda sa mga manggagawa na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya dulot ng COVID-19.

Ayon kay Bantay Kaban convenor Ryan Serrano Morales, ginagamit umano ng magkapatid na Vargas ang TUPAD para sa 2022 elections dahil tatakbo ang nakababatang Vargas na si PM bilang congressman ng 5th district.

Lumalabas sa reklamo na inaalok ng mga Vargas ang TUPAD sa mga tao kapalit ng kanilang serbisyo bilang ‘precint commanders’, ‘warriors’, at ‘solid friends’.

Isiniwalat din ng watchdog na binibiyak pa ang bawat TUPAD payout sa tatlong tao upang mas maraming bayaran na tagasuporta ang makuha ng mga Vargas.

Idinagdag pa ng Bantay Kaban na ang ginawa ng magkapatid ay labag sa Republic Act 3019 o Anti-graft and Corrupt Practices Act at Batas Pambansa 881 o ang Omnibus Election Code.

“We are hoping that through you, this corrupt practice will be put to an end,” sabi ni Morales sa kanyang reklamo sa Malakanyang.

Bukod sa Presidential Action Center, inihain din ng Bantay Kaban ang reklamo nito sa DOLE, Presidential Anti-Corruption Task Force, Department of Interior Local Government at sa tanggapan ni House Speaker Lord Velasco.

Nakarating sa Bantay Kaban ang nasabing katiwalian dahil na rin sa sumbong ng isang benepisyaryo ng TUPAD na ipinamumudmod ng mga Vargas na sinibak sa listahan matapos malaman umano ng magkapatid na dinalaw siya ng ibang mga opisyal ng siyudad.

Nauna nang pinangalanan ni Pangulong Duterte si Rep. Alfred Vargas sa listahan ng mga ‘korap’ na kongresista dahil sa pangongomisyon sa mga kontraktor ng mga proyekto sa Quezon City.

Read More