MAFIA SERIES

0

SA panahon ng lockdown, maraming tao ang inaaliw na lang ang sarili sa movie series sa media platform (may bayad nga lang at kailangan mo ng internet) dahil kung hindi ay lalo silang mababaliw at magde-depress.

Ang daming mafia series na inilalabas at pinag-uusapan sa mga chat group ng mga taong nakapanood at nagbibigay sila ng kani-kanilang opinyon sa napanood nilang serye sa telebisyon.

Usong-uso ang mga series tulad ng rise and fall ng mga drug kingpin sa Mexico at Columbia, intel operations laban sa mga terorista at pagnanakaw ng pera sa bangko at sindikato sa loob ng ­gobyerno na pawang gawa sa ibang bansa.

Pero sa Pilipinas, merong sinusubaybayang series ang mga Filipino… real life series at hindi kathang-isip na karaniwan nating napapanood sa mga telebisyon… ang serye ng imbestigasyon sa pagbili ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (DBM).

Ang tawag ng ilan ay “Davao mafia” pero ayaw kong tawaging ganyan dahil kawawa naman ang mga ordinaryong taga-Davao na wala naman talagang kinalaman sa napakalaking ­anomalyang ito na iniimbestigahan ng Senado.

Sa mga initial result ng imbestigasyon ng mga senador sa mala-mafia na galawan sa PS-DBM na pinamumunuan dati ni Lloyd Christopher Lao na isang certified Davao Boy, pawang mga kababayan ni Pangulong Duterte ang ­players.

Maging ang negosyanteng si Michael Yang na dati na ring isinasangkot sa ilegal na droga, ay Davao Boy dahil 20 taon na raw nagnenegosyo sa Davao, ayon mismo sa Pangulo, at maraming koneksyon sa China.

Naestablisa sa Senate hearing na talagang binigyan ng matinding pabor ng PS-DBM ang Pharmally Pharmaceutical Company ni Yang na ang mga partner sa negosyo ay mga wanted daw sa Taiwan dahil sa kasong may kinalaman sa pera at negosyo.

Parang walang ipinagkaiba sa mga eksena sa mga mafia series sa telebisyon na meron talagang ginagamit na kumpanya para doon idaan ang mga perang kinita sa ­ilegal na paraan!

Sabi ng ilang senador, mukhang sinadya ang lahat para makopo ng Pharmally ang pinakamalaking kontrata sa medical supplies, mula sa appointment ni Lao sa PS-DBM lalo na’t natuklasan na tinangka n’yang maging confidential employee ng nasabing tanggapan para mangasiwa sa pagbili ng mga kailangan ng Department of Health (DOH) na nagkakahalaga ng P42 billion.

Tulad ng isang pelikula, kapana-panabik kung paano magwawakas ang seryeng ito. Saan makararating ang imbestigasyong ito, sino ang mga masasangkot pa at sino ang pinaka-utak.

Karaniwan sa huli ng palabas nabubuo ang picture kung papaano gumalaw ang isang mafia at ‘yan ang pinaka-aabangan ng mga tao sa serye ng imbestigasyon ng Senado sa anomalyang ito na tiyak na sisira sa mukha ng Duterte administration.

Tulad ng sabi ko, ang hilig ng mga tao na manood ng “mafia movie at series” kaya sinusubaybayan ang serye ng imbestigasyong ito ng Senado lalo na’t walang magawa ang mga tao dahil pinipigilan sila ng gobyerno na magtrabaho dahil panay ang pagpapatupad nila ng lockdown.

Walang pinagkaka-abalahan ang mga tao sa kanilang bahay kundi manood lalo na ‘yung mga hindi “work from home employees” kaya wala silang pinapalagpas na imbestigasyon ng Senado.

Bago naging pangulo si Digong, may mga gobyerno na nauna sa kanya na kapag may malaking isyu na hindi nila kayang kontrolin, ang ginagawa nila ay kinakausap nila ang mall operators para magpatupad ng 3 days sales para ilihis ang atensyon ng mga tao.

Ngayon ‘di na nila ­puwedeng gawin ‘yan dahil sila mismo ang magpapasara sa operasyon ng mga ­negosyo para daw makontrol ang paglaganap ng COVID-19, dahil sa ipinatutupad na ­lockdown na parang hindi naman epektibo dahil patuloy pa rin ang pagdami ng mga taong tinatamaan ng virus na ito na nagsimula sa China.

Read More

MGA NEGOSYO SAPUL SA PABAGO-BAGONG QUARANTINE PROTOCOL

0

UMAARAY na ang mga negosyante sa pabago-bagong quarantine protocol na ipinatutupad ng gobyerno.

Ayon sa mga negosyante, masyado na silang lugi at karamihan sa kanila ay nagsipagsara na ng kanilang mga negosyo.

Umasa sila nitong pagpasok ng Setyembre 8 ay ibababa na sa ­General Community Quarantine (GCQ) mula sa dating Modified Enhanced Community Quar­antine (MECQ) ang Metro Manila.

Sa halip na maging GCQ na ang Metro Manila ay nanatili itong MECQ hanggang Setyembre 15. Dahilan daw ang 158,000 kataong aktibo sa COVID-19 sa Metro Manila dulot ng Delta variant.

Pangunahing apektado ng MECQ ay ang mga restaurant dahil hindi pa rin pinapayagan ang dine-in sa halip ay take-out lamang. Apektado rin nito ang mga negosyo na tulad ng fun houses, salon and spa, parlor at maraming iba pa.

Binatikos din ng mga negosyante ang pabago-bagong patakaran ng gobyerno partikular ang Inter-Agency Task Force (IATF).

Maging ang grupo ni Joey Concepcion, Presidential Adviser for Entrepreneur ay may rekomendasyon na magkaroon ng tinatawag na “Bakuna Bubble”.

Sa kanilang isinagawang virtual meeting kamakailan na sinamahan ng mga kinatawan at mga opisyal ng malalaking establisyemento sa Metro Manila ay nagkaisa silang magkaroon ng “Bakuna Bubble”.

Sa ilalim ng “Bakuna Bubble,” lahat ng mga tao na bakunado na ay hindi lilimitahan ang paglabas dahil sila ang magiging kustomer ng mga establisyementong nakabukas.

Basta susunod lamang sila sa minimum health ­standards tulad ng pagsusuot ng face shield, face mask at pagsunod sa physical distancing.

Sabi pa ng grupo, kung aaprubahan sana ng IATF ang kanilang rekomendasyon sa “Bakuna Bubble” ay makatutulong ito sa unti-unting pagbangon ng ekonomiya ng bansa.

Sa pinakahuling nakuhang info ng PUNA, wala pang tugon ang IATF sa kahilingan ng mga negos­yante.

Batay sa nakuhang impormasyon ng PUNA, mahigit na sa 50% ang nabakunahan na sa mga residente ng NCR. Sa madaling salita, may herd immunity na ang 50% ng populasyon sa NCR.

Malaking bagay sana ito sa populasyon sa Metro Manila na tatangkilik sa mga establisyementong bukas.

Base sa pag-aaral ng mga eksperto, bagama’t maaaring mahawaan pa rin ng COVID-19 ang mga bakunado na, subalit hindi na ito hahantong sa malala na maaaring ikamatay nila, hindi katulad nang walang bakuna na hukay ang naghihintay sa kanila.

Kaya dismayado ang mga negosyante sa deklarasyon ng gobyerno na hindi na tuloy ang pagpapatupad ng GCQ sa NCR. Sa halip ay mananatili ito sa MECQ hanggang Setyembre 15.

Magbabago lamang ito depende sa rekomendasyon ng bumubuo ng IATF.

Marami rin sa mga negosyante ang nakausap ng PUNA na nagsabing sana pakinggan daw sila ng IATF.

Sila raw kasi ang nakararamdam ng hirap mula sa ibaba, lalo na’t walang makain ang kanilang mga empleyado dahil sa epekto ng pabago-bagong patakaran sa ­quarantine. Kaya pakiusap nila sa IATF ay ikunsidera ang kanilang rekomendasyon.

Napakahirap ng ­sitwasyon ngayon dahil hindi natin nakikita ang ating kalabang virus. Laging nakatapak sa hukay ang kabila nating paa, ano mang oras ay maaari tayong madale ng COVID-19.

Kaya suhestiyon ng PUNA sa IATF ay huwag padalos-dalos sa mga desisyon. Lagi nilang bigyan ng halaga ang buhay ng bawat Pinoy.

Ang pera ay madaling kitain, ‘pag ang buhay ang nawala sa atin ay wala na ring silbi ang lahat ng ating mga naipundar.

Matatapos din ang krisis na ito sa tulong ng ating Poong May Kapal, ‘wag natin kalimutan na magdasal sa kanya.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com.

Read More

TRABAHO, HINDI AYUDA

0

HINDI solusyon ang ayuda sa problemang dala ng pandemya. Pero ‘yan ang giit ng ­gobyerno sa nakalipas na 18 buwang lugmok ang bayan sa gutom, sakit, pagkabalisa, kawalan ng trabaho, bagsak na negosyo, lumobong utang ng gobyerno at iba pa.

Batay sa mga pag-aaral ng mga ekonomista, ang pagpapatupad ng lockdown ng gobyerno ang siyang sanhi ng kawalan ng trabaho – mas mahigpit, mas gipit.

Sa datos ng gobyerno, nakapagtala ng 6.9% low employment rate para sa buwan ng Hulyo. Hindi naman ito nakagugulat lalo pa’t galing ito sa 17.6% na naitala noong buwan ng Abril ng nakalipas na taon. Ito ang panahong pinakamahigpit ang ipinatutupad na lockdown sa buong bansa.

Katwiran ng gobyerno, mas maiging mag-ingat.

Pagsapit ng buwan ng Hulyo 2020, bahagyang bumaba sa 11.8% ang unemployment rate bunsod na rin ng pagluluwag sa ipinatutupad na community quarantine. Ito ang panahong pinayagan ang limitadong operasyon ng dalawang pinakaimportanteng aspeto ng ekonomiya ang negosyo at transportasyon.

Sa paglipas ng buwan, unti-unting umusad ang kabuhayan. Maraming negosyo ang ­nakasilip ng pag-asang makababangon sa pagkaluging ­inabot sa mga panahong ‘di sila makapag-­operate. Kasabay ng unti-unting pagsigla ng negosyo at ang muling pagkakaroon ng trabaho.

Gayunpaman, muling nalagay sa alanganin ang kabuhayan ng mga pamilyang Pilipino bunsod ng pagbabalik ng mas mahigpit na community quarantine nitong buwan ng Agosto. Tugon ng gobyerno, ayuda sa mga apektado.

Susmaryosep naman mahal naming Pangulo! Maski ang mga Ilokanong kilalang matipid sa paggastos alam na ‘di sapat ang ipinagmamalaking P4,000 kada pamilya para sa dalawang buwang nakatengga ang inaasahang trabaho.

Ang masaklap, tila pitik-bulag ang polisiya ng administrasyon bunsod ng biglang bawi ng idineklarang pagluluwag pagsapit ng buwan ng Setyembre. Dangan naman kasi, akala ng mga negosyante, makapag-ooperate na sila ulit matapos ang mahigit dalawang buwang sarado ang kanilang negosyo.

Maging ang mga empleyado nila, dismayado sa pag-aakalang muli na silang makapagtatrabaho.

Maski wala nang ayuda. Basta’t may trabahong pagkukunan ng salaping tugon sa pangangailangan nila.

Read More

PAGLULUWAG SA MGA FULLY VACCINATED PINAGDEDEBATEHAN

0

PINAGDEDEBATEHAN pa ng pamahalaan ang panukalang paluwagin ang COVID-19 restrictions para sa fully vaccinated individuals.

“Isa pa nga po yang pinagdedebatehan…pero nagkakaisa ang IATF kailangan maibsan ang paghihirap ng lahat,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.

Nauna rito, hiniling ng Metro Manila Council (MMC) sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na ikonsidera ang pagpapaluwag sa restriksyon para sa mga fully vaccinated laban sa COVID-19 sa National Capital Region (NCR).

Sa Resolution No. 21-19, serye ng 2021 na ipinalabas noong Huwebes, ang MMC na kinabibilangan ng 17 alkalde sa NCR at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay nagpahayag na ang nasabing suhestiyon ay magiging paksa sa “inter-agency and inter-disciplinary study” para matukoy ang kaukulang polisiya.

“The MMC urges the IATF-EID to consider the easing of the COVID-19 guidelines for fully vaccinated individuals in the NCR,” ang nakasaad sa resolusyon.

Sinabi ni MMDA chair Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na ang pagpapaluwag sa restriksyon para sa mga fully vaccinated ay makatutulong na makapanghikayat ng mas marami pang magpabakuna at palakasin ang ekonomiya partikular na ang mga industriya at serbisyo na labis na naapektuhan ng pandemya.

“With the NCR being considered right now to be the epicenter of this pandemic and the region with the most number of vaccinated individuals, we are confident that we can find the right balance between safeguarding the public’s health and reviving the economy,” ayon kay Abalos.

Sa ngayon, pumalo na sa 56% ng eligible population sa NCR o may kabuuang 5,492,344 indibidwal ang fully vaccinated laban sa Covid-19, habang 81.21% naman o 8,262,558 ang nakatanggap ng kanilang first jab.

“By next month, we are expecting that we will reach 77.57 percent or 7,601,685 of the total eligible population in the metro to be fully vaccinated. The more people who complete their inoculation, the sooner we can achieve population protection,” ani Abalos.

Ang Kalakhang Maynila ay mananatili sa ilalim ng modified enhanced community quarantine hanggang Setyembre 15. (CHRISTIAN DALE)

Read More

MICHAEL YANG, PHARMALLY PREXY PINAAARESTO NG SENADO

0

IPINAAARESTO ng Senado sina dating presidential economic adviser Michael Yang at Pharmally Pharmaceutical Corporation president Linconn Ong.

Dahil sa pagsisinungaling at hindi tamang pagsagot sa mga tanong ay napilitan ang mga senador na magpalabas ng arrest warrant laban sa dalawa.

Sa ikalimang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, hindi naitago ni Senador Panfilo Lacson ang galit dahil sa pagtuturuan at pagsisinungaling nina Yang at Ong sa mga tanong ng mga senador kaugnay ng usapin sa delivery ng medical COVID-19 supplies.

“May I move or issue the motion Mr. Chairman, it’s not only Mr. Ong who is being evasive. I think Mr. Yang likewise is being evasive because we cannot get an answer …and clearly they are being evasive,” sabi ni Lacson.

“So I would really move, either not to lift the warrant of arrest issued by the Senate president or issue a subsequent warrant of arrest for being evasive,” dagdag nito.

Ang warrant of arrest ay agad namang sinegundahan ni Senador Risa Hontiveros at nina Senate Majority Leader Franklin Drilon at Senador Richard Gordon, chairman ng komite.

“There being no objection, the chair hereby ordered that Mr. Linconn Ong and Mr. Yang placed under arrest,” sabi ni Gordon.

Una nang naglabas ng warrant of arrest ang nasabing komite laban kay Yang at iba pang opisyales ng Pharmally Pharmaceutical Corp. dahil sa pagbalewala sa dalawang subpoenas na inilabas ng komite. Kahapon ay lumutang na ang mga ito.

Sa pagdinig, itinanggi ni Yang may kinalaman ito sa operasyon ng Pharmally Pharmaceutical Corporation, ngunit sinabi naman ni Ong na nagsilbi ang una na middleman para makakuha ng business partner upang mapasok ang kontrata sa Procurement Service ng Department of Budget and Management. (NOEL ABUEL)

Read More

RESTRIKSYON SA MGA BAKUNADO PINALULUWAGAN NG MGA ALKALDE

0

HINILING ng Metro Manila Council (MMC) sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na luwagan ang mga restriksyon para sa mga bakunado o ‘fully-vaccinated’ na indibidwal para mabuhay nang muli ang aktibidad sa ekonomiya sa rehiyon.

Ayon kay MMC at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, ang pagpapaluwag sa pagkilos ng mga bakunado ay maaari rin maging panghikayat sa iba pang populasyon na tuluyan nang magpabakuna.

“Habang ikinukonsidera na epicenter ng pandemya ang NCR at siya ring may pinakamaraming bilang ng bakunado, malaki ang kumpiyansa namin na mahahanap ang tamang balanse sa pagtiyak sa kalusugan ng publiko at pagbuhay sa ekonomiya,” ayon kay Abalos.

Umaabot na sa 5,492,344 indibidwal o 56% ng kuwalipikadong populasyon ang nakakumpleto ng bakuna habang nasa 8,262,344 ang nakatanggap ng unang dose ng bakuna.

“Administering first dose of the vaccine is crucial, but approximately a month from now, since most of the COVID-19 shots have a three to four-week interval from the first shot, those who got their first jabs will eventually complete their vaccination,” dagdag pa ni Abalos.

Sa Oktubre 8, inaasahan na aakyat na sa 77,57% o 7,601,685 ang bakunado sa kalakhang Maynila habang sa susunod na tatlong buwan ay inaasahan na tataas pa ito sa 87% ng kuwalipikadong populasyon dahil sa mababakunahan na ng ikalawang dose ang naka-iskedyul para sa AstraZeneca vaccine. (RENE CRISOSTOMO)

Read More

PRODUCTIVITY LOSSES NG PINAS ABOT SA TRILYON

0

MAAARING maging daan para malugi ang gobyerno ng trilyong piso sa productivity sa hinaharap dahil sa pinahabang pagsasara ng klase sa gitna ng COVID-19 crisis.

“We have an estimate that productivity loss over the next 40 years is going to be around ₱11 trillion pesos for the one year where we had no face-to-face schooling,” ang babala ni National Economic and Development Authority (NEDA) Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua.

Binigyang diin ni Chua na ang kakulangan sa face-to-face classes ay magsisilbing hadlang sa abilidad ng mga estudyante na matuto na permanenteng makaaapekto sa kanilang buhay.

Nilinaw naman ni Chua kung bakit iba ang projection o pagtataya ng ahensiya mula sa naging pagtataya ng Asian Development Bank na ₱1.9-trillion na pagkalugi na resulta ng “yearlong shutdown” ng mga eskuwelahan.

“There are some assumption differences. For instance, they did not adjust for inflation over the 40 years. And also, they were using a data source. But we have clarified that, and I think they have agreed that the amount would be much bigger than their initial estimate,” ani Chua.

Patuloy namang itinutulak ng NEDA ang pilot face-to-face classes. (CHRISTIAN DALE)

Read More

ECQ o GCQ na lang paiiralin NO MORE MECQ SA METRO MANILA

0

(CHRISTIAN DALE)

HINDI na ilalagay sa moderate enhanced community quarantine o MECQ ang Kalakhang Maynila dahil magkakaroon na lamang ito ng 2 quarantine levels sa policy shift na inaasahan ng pamahalaan na makapipigil sa pagkalat ng COVID-19 habang gumagalaw naman ang business activity.

Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 pansamantala ang guidelines sa pilot implementation ng “alert level system” sa capital region.

“Sang-ayon po dito sa policy shift na gagawin natin, 2 na lang po ang ating quarantine classification. Ito po ang ECQ na ipapataw po ng IATF o di naman kaya ang GCQ,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Ang ECQ o enhanced community quarantine ay ang “strictest” sa 4 lockdown levels sa nagdaang set-up, habang ang GCQ o general community quarantine ang “second loosest.”

Ang GCQ restrictions ang bagong scheme na depende sa magiging alert level sa lungsod o munisipalidad.

Aniya ang highest alert level ay 4, kung saan ipinagbabawal ang mass gatherings, indoor dining, at personal care services.

“Pero pinaplantsa pa po talaga ‘yong detalye kung anong puwede sa alert level 4,” ayon kay Sec. Roque.

Idinagdag pa ni Sec. Roque na ang granular lockdowns ay mas magiging mahigpit kumpara sa dating bersyon dahil tanging ang health at allied medical professionals, iyong may mga emergencies, at outbound o returning OFWs lamang ang papayagan na makalabas ng kanilang bahay.

“Pati po mga taong gobyerno o ‘yong mga nagtatrabaho ‘pag kayo po ay nasa ilalim ng localized lockdown, hindi kayo pupuwede lumabas,” ani Sec. Roque.

Asahan naman ang mas detalyadong alituntunin ayon kay Sec. Roque.

Matatandaang, binawi ng pamahalaan ang naging deklarasyon nito na ibalik na sa GCQ ang Kalakhang Maynila noong Setyembre 8 at sa halip ay pinalawig ang pagpapatupad ng stricter modified ECQ hanggang Sept. 15.

Read More

KULONG KONTRA PUNA SA SALN SINOPLA SA KAMARA

0

ISANG malinaw na paglabag sa Saligang Batas ang panukala ni Ombudsman Samuel Martires kaugnay ng mga pagnanais nitong ipakulong ang mga magbibigay komentaryo tungkol sa Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) ng mga opisyal at kawani ng gobyerno.

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, lubos na nakakabahala ang aniyang iminungkahi ni Martires lalo pa aniya’t nakapaloob ito sa Republic Act 6713, ang mismong batas na nag-aatas sa lahat ng mga taong gobyerno na magsumite ng taunan nilang SALN.

“Bakit gagawing krimen ang pagiging mapagmatyag sa yaman ng mga nakaupong opisyal pero hindi iniimbestigahan ang mga opisyal na sangkot sa maling paggamit ng pondo ng bayan sa panahon ng pandemya? Bakit publiko ang babantayan at hindi ang mga sumesweldo mula sa kaban ng bayan? ,” ani Brosas.

Sagot naman ni Martires, mayroong probisyon sa nasabing batas na ang SALN ay para lamang sa government posting and publication.

“I don’t know if they understand English also. But the provision of RA 6713 is very clear. Napakaliwanag – only for publication. Walang komentaryo,” ani Martires sa pagdinig sa Kamara.

Maging ang media ay hindi umano maaaring magbigay ng kanilang komentaryo sa SALN ng isang government officials dahil ito ang nakasaad sa nasabing batas – bagay na kinontra ni Brosas kasabay ng pagpiprisinta ng mga probisyon ng Saligang Batas kung saan ginagarantiyahan ang kalayaan sa pagpapahayag.

Pag-amin ni Martires, maging siya umano ay nabiktima ng SALN issue matapos palabasin na kumita umano ito ng P5M sa isang buwan. Gayunpaman, bido itong tukuyin ang mga detalye ng kanyang pahayag.

Para sa mambabatas, public documents ang SALN at hindi aniya dapat ipakulong ang mga mga taong nagkokomento lalo na kung ito ay yaman ng isang public official na sangkot sa katiwalian.

Karapatan aniya ng mga taong alamin kung saan galing ang yaman ng public official lalo na kung hindi tugma sa kanyang kita ang paglaki ng kanyang kayamanan habang nasa puwesto.

“The Ombudsman should stop pandering to the narrow interests of top officials to preserve their reputation. It should act in line with its Constitutional mandate to uphold transparency and efficient use of public funds,” patutsada pa ni Brosas. (BERNARD TAGUINOD)

Read More