IMBESTIGASYON KAY OBIENA TULOY – PATAFA

0

TULOY ang imbestigasyon ng PATAFA sa kaso ni Olympian pole vaulter EJ Obiena.

Si Obiena ay inaakusahang nagpalsipika ng liquidation sa nagastos sa training kaugnay sa nakaraang XXXII ­Olympics sa Tokyo, bukod sa umano’y hindi ­pag­-babayad ng buwanang sweldo ng kanyang Ukrainian coach na si Vitaly Petrov.

Katunayan, lumikha ang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) ng isang Independent Administrative Committee na ang tanging layon ay imbestigahan ang kaso ng 26-anyos na si Obiena, ka­una-unahang Pilipinong pole vaulter na nakapasok sa Olimpiyada.

Pagkatapos ng imbestigasyon, ang bagong binuong grupo na tatawaging “Committee” ay magbibigay ng rekomendasyon sa PATAFA Board hinggil sa kaso ni Obiena.

“These matters emerged when PATAFA received the Apostilled Affidavit of Mr. Sergey Bubka and the written statements of Mr. Vitaly Petrov stating that he “DID NOT receive any monthly coach’s fees for the years 2018, 2019, 2020, and 2021, ” ayon sa opisyal na pahayag ng PATAFA na inilabas noong Lunes ng gabi.

Ngunit mariin itong itinanggi nina Obiena at Petrov sa isang Zoom press conference noong Linggo. Hiniling din ng una na mag-sorry ang PATAFA dahil sa aniya’y paninira nito sa kanyang reputasyon.

Pinasinungalingan din ni coach Petrov ang bintang ng PATAFA at sinabing binabayaran siya ni Obiena ng 5,000 Euro na kanyang buwanang serbisyo.

Ayon pa kay Petrov, sinulatan pa niya ang PATAFA. “With this letter I would like to thank you once again for your help and to confirm that EJ Obiena compensated me my salary which was agreed with him before in full beginning 2018 until now.”

Dagdag pa niya: “I have no complaints against him. Ernest is an outstanding athlete of your country and my purpose is still to make him an elite world-known athlete.”

Si Petrov ay kilalang arkitekto ng Russian pole vaulting career ni Olympic gold medalist at anim na beses na pandaigdig na kampeong si Sergey Bubka. (EDDIE ALINEA)

Read More

Dahil sa Obiena-PATAFA fiasco PSC BUDGET BINAWI NG SENADO

0

Ni ANN ENCARNACION

PERA na, naging bato pa!

Ito ang nangyari sa budget ng Philippine Sports Commission (PSC) makaraang i-recall o bawiin ito ng Senado matapos pumutok ang sigalot sa pagitan nina Olympian pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena at Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).

Nagkakaisang ­in­apru­bahan ng Senado ang pag-recall sa P1.574 bil­yong budget ng PSC para sa 2022, nitong Lunes ng gabi.

Nagpahayag ng pagkadismaya ang mga senador sa pangunguna ni Sen. Pia Cayetano kaugnay sa kontrobersya na yumanig sa Philippine national sports.

“The PSC took a hands-off approach. Sabi lang nila work it out. How can you do that to your national athlete? Pakialaman mo naman! Bigyan mo naman ng halaga ang ating national athlete na inakusahan na lang ng ganun ganun na wala pang basis cause no less than the coach said that he was paid,” sabi ng senadora.

“Ang sa akin lang po, this is a young man who has a beautiful career ahead of him. Anyone who has ever tried to participate in sports can just imagine the emotional and mental anguish that this young boy is going through because of these accusations of PATAFA, where the coach himself is saying na binayaran siya.”

Ipinaliwanag ni Cayetano, base sa Republic Act No. 6847 o “The Philippine Sports Commission Act,” may mandato ang PSC na makialam sa problema ng national sports association (NSA) gaya ng PATAFA “in connection with their sports promotion among others.”

“Sinasabi natin corrupt ang ating athlete? I think that something has to be done about this. There has to be some breaks applied because they’re out of control,” giit ni Sen. Richard Gordon.

“The first thing that came into my mind was anger and why they were allowing this to happen to such a talented gentleman,” sambit naman ni Sen. Migz Zubiri.

“We’re talking about our national pride, our national treasure. We’re not just talking about the Philippines, we’re talking about the Asian region. Walang nakarating sa Olympics na katulad ni EJ Obiena. I just hope and pray that our friends from PSC would do something about this because, again, it’s not every day in the history of this country nagkaroon tayo ng katulad ni EJ Obiena,” dagdag ni Sen. Joel Villanueva, vice chair ng ­Senate Committee on Finance.

Ayon sa mga senador, gusto nilang marinig ang panig ni PSC chairman Butch Ramirez, pati na si Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino upang magbigay linaw sa nagaganap kina Obiena at sa pamunuan ng PATAFA lalo’t sa susunod na taon ay isasagawa ang Southeast Asian Games sa Vietnam at Asian Games sa China.

Read More

LEBRON SUSPENDIDO NG 1 LARO

0

BALITANG NBA Ni VT ROMANO

HINDI pinalampas ng NBA ang naganap na insidente sa laro ng Los Angeles Lakers at Pistons, Linggo ng gabi sa Detroit.

Sinuspinde ng isang laro without pay si LeBron James at two-game without pay naman kay Isaiah Stewart ng Pistons.

Inihayag ng NBA ang suspensyon, Lunes (Martes sa Manila) at ipatutupad agad sa laro ng Lakers kontra New York Knicks sa Martes ng gabi (Miyerkoles sa Manila). Habang si Stewart ay hindi makalalaro sa home-game ng Pistons kontra Miami at Milwaukee.

Mababawasan din ang sahod ni James ng $284,000 (P14 million), habang $45,000 naman kay Stewart.

Unang pagkakataon ni James na masuspinde sa kanyang 19-year career.

Sa Linggo (Nobyembre 28), muling magkakaharap ang Lakers at Pistons sa Los Angeles.

Ayon sa opisyal na pahayag ng NBA, ang parusa kay James ay: “For recklessly hitting Stewart in the face and initiation an on-court altercation.”

Habang para kay Stewart: “For escalating an on-court altercation by repeatedly and aggressively pursuing James in an unsportsmanlike manner.”

Nangyari ang insidente sa third quarter, habang nasa free throw line si Jeremi Grant, ­kapwa agresibong nakabantay sa rebound play sina James at Stewart at tila magkabuhol ang kanilang mga braso, nang bumigwas si James at tamaan ng kanyang siko ang mukha ni ­Stewart.

Duguan ang bahagi ng mata ng Pistons player. Dito na nag-init ang ulo ni Stewart at paulit-ulit niyang sinugod si James. Mabuti na lamang at naawat ng malalamig na ulong nakapaligid sa kanila.

Ilang beses ding tinangka ni Stewart na makawala sa mga umaawat sa kanya at manghabol ng sinuman sa Lakers players.
Parehong sinipa sa laro sina James at Stewart.

DESISYON NG NBA
BINATIKOS NG FANS

IBA’T IBANG reaksyon naman ang ipinaabot ng fans sa pamamagitan ng Twitter.

May ilang hindi pabor sa parusa ni LeBron James, na para sa kanila’y kulang. Mayroong nagtanggol kay Stewart, dahil hindi naman anila ang player ang nagpasimuno ng gulo.

Maging ang league commissioner ay hindi rin nakaligtas sa pagtuligsa.

Narito ang ilan:

@3JT: “I am a Lakers fan. Isaiah lost his mind and was ­acting crazy and all of that. Did he deserve 2 games? Yes.

LeBron did what he did and we’ve all seen the video. Did he deserve one game? NO. HE DESERVED AT LEAST 2 OR 3.”

@dickmount69: “LeBron James is a good human being.”

@bleacherjones: “Of course LeBron gets less.”

@manny3118: “David Stern would never allow LeBron to be suspended before a Knicks game.”Blannie

@Blannie7: “We are all ­waiting for round two. Will ­Stewart inflict some serious pain on ­LeBron? I don’t think this is over by a cold cock, er, I mean a long shot.”

NETS INAKAY
NI KD vs CAVS

NAGBALIK si Kevin Durant sa lineup ng Brooklyn, umiskor ng 27 points, habang nagdagdag si James Harden ng 14 points at season-high 14 assists, nang masilo ng Nets ang Cavaliers, 117-112, Lunes ng gabi (Martes sa Manila) sa Cleveland.

May double-double rin si LaMarcus Aldridge, 21 points at 11 rebounds (off the bench) para sa Nets, wagi sa ikaanim ng pitong laro.

Balik-aksyon si Durant matapos umabsent ng isang laro bunga ng sprained right shoulder. At mula sa three-point deficit, 105-102, isang masikip at mahirap na baseline jumper at layup ang kinamada ng All-Star forward upang ibigay sa Nets ang kalamangan.

Humirit si Cleveland’s Ricky Rubio ng 3-pointer para idikit sa isa ang Cavs, ngunit umiskor si Aldridge sa putback nang mabigo ang Cavs sa box out. Dito nakuha ni Durant ang rebounds mula sa mintis ng Cavs, ipinasa ang bola sa walang bantay na si James Johnson para sa layup tungo sa 113-108 lead.

Naghulog si Durant ng apat na free throws sa huling 13.8 ­seconds para selyuhan ang panalo ng Nets.

Umiskor si Darius Garland ng 24, may 20 points at 15 rebounds si Jared Allen at si Lauri Markkanen, 22 points sa kanyang unang laro mula noong Nobyembre 1 para sa short-handed Cavs. Pang-apat na sunod na talo na ng Cavs.

Si Durant (24,367) ay isang puntos na lang ang kailangan para tumabla kay Allen Iverson (24,368) para sa ika-25 puwesto sa career scoring list.

Nagsalaksak si Cam Thomas ng 3-pointer at isang three-point play para pag-initin ang 13-2 run ng Nets sa huling 2:32 ng third, kung saan ang Brooklyn ay naghabol mula umpisa, bago kinuha ang 84-82 lead sa huling 12 minutes.

Isusunod na biktima ng Nets sa Miyerkoles ang Celtics sa kanilang pagbisita sa Boston. Habang haharapin ng Cavaliers ang red-hot Phoenix Suns.

ROCKETS MINTIS
SA CELTICS

UMISKOR si Jayson Tatum ng 30 points, may 19 points si Jaylen Brown sa kanyang pagbabalik makaraan ang walong laro sanhi ng injury, at inakay ang Celtics sa 108-90 win kontra Houston Rockets.

Ito ang 15th straight loss ng Rockets.

May dagdag si Dennis Schroder na 18 points sa Boston, wagi ng ikatlong sunod at ika-8 sa 11 laro. Naglista si Al Horford ng 11 points at 11 rebounds.

Ito rin ang ikaapat na sunod ni Tatum sa pag-iksor ng 30 or more points.

May 17 points naman si Armoni Brooks sa Houston (1-16). Walang starter ang umiskor ng double-digit.

Ang tanging panalo ng ­Rockets ay naitala laban sa Oklahoma City Thunder sa kanilang ikalawang laro.

Nakabalik na rin si starting center Robert Williams sa Boston, matapos ang tatlong pagliban bunga ng sore left knee. Nag-ambag siya ng 15 rebounds at two points.

Nagpasiklab ang Celtics (10-8), 17-0 run sa kalagitnaan ng third quarter, at hindi pinaiskor ang Rockets sa loob ng anim na minuto.
Pinaingay ni Brown ang fans sa kanyang 10-straight points.

Nagawa niyang umiskor nang lumusot sa lane kasunod ng dalawang free throws at bumato ng magkasunod na 3s, 24 seconds ang pagitan,

tungo sa 72-50, 6:43 pa sa third.
Umangat ang Boston, 86-63 matapos ang tatlong quarters, kung saan si Tatum ay umiskor ng 22 sa opening half.

Makakalaban ng Celtics ang Brooklyn Nets sa Miyerkoles para tapusin ang four-game ­homestand. Habang makakaharap ng rockets ang Chicago.

Samantala, nagtala ang Atlanta Hawks ng 113-103 win kontra Oklahoma City Thunder. Wagi naman ang Charlotte Hornets sa Washington Wizards, 109-103.

Tinalo ng Minnesota Timberwolves ang New Orleans Pelicans, 110-96.

Read More

SABI NI REP. EDDIE VILLANUEVA, SMUGGLING AT TAX EVASION PROBLEMA, ‘DI E-SABONG!

0

SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG

KILALANG kumokontra si House Deputy Speaker at ­CIBAC Rep. Eddie Villanueva sa e-sabong o online sabong.

Sabi ni Villanueva, mas malaki raw ang negatibong epekto ng online gambling sa lipunan kaysa inaasahang kikitain dito ng ­gobyerno.

Kung gustong kumita ng pamahalaan, mas maigi raw aniya kung tingnang maigi ang loopholes sa revenue-generation functions nito.

Tingnan daw dapat ang smuggling at tax evasion ng mga kompanya.

Sa ganitong paraan, mas makakakita raw ito ng government resources.

Hindi raw makabubuti ang e-sabong.

Excuse lang daw ito ng mga kapitalista sa mga pansarili nilang interes.

Ang nagdurusa aniya ay ang mga mahihirap at napupunta sa wala ang kinikita nila.

Kung aaprubahan daw ng Kongreso ang prangkisa ng mga kompanya ng e-sabong, hindi raw malayo na kumuha na rin ng prangkisa ang iba pang uri ng online gambling sa nalalapit na panahon.

Nakatutuwa naman itong si Villanueva.

Natatawa na lang talaga ako.

Matagal na pala niyang nakikita ang smuggling at tax evasion bilang isa sa mga pinakamalaking problema ng bansa.

Aba’y bakit hindi niya isinulong noon pa na durugin ang smugglers? Bakit hindi siya gumawa ng batas na may kinalaman dito dahil mambabatas naman siya?

Ang totoo, ang sabong ay matagal nang libangan ng mga tao at wala namang nagra-rally para tutulan ito.

Hindi kasi alam ni Cong. Villa­nueva na isa rin ang sugal o sabong sa mga sumusuporta sa black market.

Ang sabong sa mga probinsya ay hindi lamang libangan kundi source of income rin ito ng mga mahihirap nating kababayan.

‘Yung mga simpleng walang pinag-aralang mahihirap ay kumikita rito sa pamamagitan ng job opportunities na handog ng sabong.

Ang mga nagsusulong naman ng e-sabong gaya ng Pitmaster Foundation, Inc. ay matagal nang tumutulong sa mga mahihirap na bayan sa bansa.

Malamang hindi nakikita ni Villanueva ang mga ganitong benepisyo dahil hindi niya rin siguro ginagawa ito o ‘yung pagtulong.

Matagal nang tumutulong ang Pitmaster sa mga munisipalidad na walang ambulansya.

May handog din itong libreng dialysis sa mga mahihirap na pasyente na walang kakayahang tustusan ito.

Kaya nawa’y makita ni Villanueva ang mga ganitong aspeto at maging ang magandang dulot ng e-sabong sa marami nating mga kababayan.

Read More

PINATULOG NG OMBUDSMAN

0

SAKSI NGAYON INSIDER Ni FERNAN ANGELES

TALIWAS sa akala ng marami, hindi lamang sa Malakanyang may antukin. Maging sa Office of the Ombudsman, ­naging kalakaran ang pagtulog – hindi ng mga kawani kundi ng kasong isinampa sa kanilang tanggapan.

Agosto 1998 pa nang ihain ang isang detalyadong asunto kaugnay ng maanomalyang pagbebenta ng Philippine Esta­tes Authority (Philippine ­Reclamation Authority na ngayon) sa 41.6-ektaryang reclaimed area ng Manila Bay sa Manila Bay Development Corporation (MBDC) sa halagang P104 kada metro kwadrado.

Giit noon ng PEA, ang MBDC ang nakapag-alok ng “best offer” para sa prime property na ngayon ay mayroong market value na nagkakahalaga ng P300,000 per square meter.

Sa kabuuan, binayaran lamang ng P427 milyon ng MBDC ang gobyerno para sa 41.6-ektaryang reclaimed area sa lugar kung saan ngayon nakatayo ang naglalakihang gusaling karamihan ay pag-aari ng mga negosyanteng Intsik. Malayong-malayo sa P41-bilyong market value noong panahon na iyon.

Ang siste, hindi man lang tumabla ang gobyernong gumastos ng P9.8 bilyon para sa pagtatabon, pagpapatibay ng pundasyon at pagpapatag ng silangang baybayin ng Manila Bay.

Ang malinaw, matagal nang nasa pag-iingat ng Ombudsman ang sako-sakong ebidensya at testimonya ng mga saksi, bagay na hindi man lamang pinahalagahan ng Ombudsman na hanggang ngayon ay nirerebisa pa rin daw ang inihaing kaso.

Susmaryosep! ­Nangamatay na ang mga tiwaling sangkot, pati na rin ang ilan sa mga ­naghain ng reklamo. Marahil hinihintay ng nasabing tanggapan ang pagpanaw ng lahat ng mga sangkot sa asunto sa hangaring pagbigyan ang kapritso ng mga negosyanteng naka-jackpot sa tulong ng mga tiwali sa PEA.

Dalawampu’t tatlong taon! Napakahimbing ng ginawang pagpapatulog ng Ombudsman sa asuntong plunder laban sa mga tiwali sa pamahalaan. Mas mahimbing pa kaysa pasyenteng na-comatose!

Kung tutuusin, pwedeng-pwedeng ibasura ng administrasyon ang kontratang sukdulang bahid ng anomalya. Talo ang gobyerno.

Napakalaking pera para sa naghihirap na Pilipino kung mababawi, makakansela, o ‘di naman kaya’y madadagdagan ang baryang ibinayad ng MBDC para sa isang klasipikadong prime property sa tabi mismo ng Manila Bay.

Sa pinakahuling datos na aking nakalap, swerte na ngayon ang isang negosyante kung makabili siya ng lupa sa halagang P300,000 per square meter sa nasabing lugar.

Nasusulat din sa Saligang Batas – Article XII, Sec. 3 ng Konstitusyon – mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng alienable lands at public domain sa mga pribadong ­kumpanya. Gayunpaman, pwede lamang itong paupahan.

Pero hindi gagawin ‘yan ng administrasyong Duterte.

Magtatampo kasi ang mga negosyanteng dumadayo pa sa Pilipinas mula sa bansang Tsina para magsamantala.

(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

Read More

PAG-APRUBA SA PONDO NG LALAWIGAN NG QUEZON, PINALAGAN

0

IPINAGTATAKA ng iba pang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Quezon ang ginawang paspasang pag-apruba ng apat lamang na mga dumalong miyembro ng (SP) sa ­pangunguna ni Bokal Donaldo “Jet” Suarez, anak ni Quezon Governor Danilo Suarez, ang nakabinbing 2021 revised provincial annual budget na P4,157,830,020, sa isang special session.

Una rito, binuo ng konseho kasama si Vice- Governor ­Samuel Nantes, ang kapulungan bilang committee-as-a-whole sa ­kuwestyunableng special session.

Bukod kay Bokal Suarez, dumalo rin ang tatlo niyang ­kaalyado sa Minority Bloc na sina Bokal Alona Obispo, Yna Liwanag at Rhodora Tan.

Kaagad ding idinaos ang marathon committee hearing at special session, makaraang mapatawan naman ng 60- day suspension noong Nov. 11, ng Department of the Interior and Local Government (DILG) base sa kautusan ng Office of the President, ang walong Bokal na bumubuo ng Majority Bloc, dahil sa mga reklamong abuse of authority, oppression at grave misconduct.

Samantalang ang ika-13 Bokal na si Reynan Arrogancia na kabilang din sa majority bloc na ‘di nakasama sa napatawan ng suspensyon, ay hindi nakiisa sa nasabing committee hearing at special session.

Sa kabila aniya nito’y ipinasa pa rin ng apat na SP ang provincial annual investment plan para sa 2022 na nagkakahalaga ng P5,331,658,038 na siyang pagbabasehan sa proposed annual budget para sa susunod na taon.

Ayon sa tumatayong leader ng Majority bloc na si Bokal Sonny Ubana, wala sa kanila ang pagkukulang kung bakit hindi naipasa ang panukalang 2021 annual budget. Sinunod lamang umano nila ang mga proseso at alituntunin na itinakda ng batas hinggil sa pagtitiyak na magagastos nang tama ang salapi ng lalawigan.

Malinaw aniya na batay sa kanilang ginawang pag-aaral, mayroong mga probisyon sa Annual Proposed Budget na hindi tumutugma sa orihinal na Annual Investment Plan na nauna nang naaprubahan ng konseho.

Paliwanag ni Bokal Ubana, na may nakita umano sila na halos P200M-P300M na disconnected o hindi tugma sa orihinal na plano na dapat pagkagastusan ng pondo.

Pangalawa, hindi detalyado ang malaking bahagi ng proposed budget lump sum. Nakasaad sa Budgetary Regulation na dapat detalyado ang lahat ng gastusin, anong proyekto, at saang bayan o barangay ito gagamitin.

Pangatlo, hindi umano tugma ang nakapaloob na mungkahing budget doon sa mensahe ng gobernador (Executive Message). Nakasaad sa mensahe na “This budget seeks to provide response and recovery for COVID”. Subalit nang bulatlatin ang nilalaman nito ay nakita nila na halos lahat ng provincial hospital ay nabawasan pa ng halos 40% ang MOOE (maintenance and other operating expenses), samantalang ang halos lahat ng hospital sa probinsiya at may karga naman na halos P40M pondo para sa dagdag na casual, job order, sa ilalim ng Governor’s Office.

Sapat na umano itong mga kadahilanan para hindi nila ipasa ang naturang budget proposal.

Dagdag pa ni Bokal Ubana, mayroon aniyang sapat na panahon ang Office of the Governor upang repasuhin at baguhin o gawan ng revision ang na-disapproved na budget proposal at mabigyan ito ng pagkakataon na maaprubahan subalit hindi ito ginawa ni gobernador Suarez at sa halip ay inakusahan pa ang konseho ng pamumulitika.

Iginiit ni Bokal Sonny Ubana na ang paghahain ng kaso laban sa kanilang walo para sa kanilang suspensyon ay malinaw na paraan ng gobernador upang pilayin sila at hindi tuluyang magampanan ang kanilang tungkulin na bantayan at siguraduhing nagagastos nang tama ang pondo sa lalawigan ng Quezon.

Read More

UTANG NA LOOB KAY QUIBOLOY

0

HIGIT na kilala si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtanaw ng utang na loob. Katunayan, maka­ilang ulit na niyang sina­lag ang mga batikos at patutsada sa mga taong aniya’y may mabuting nagawa hindi lamang sa kanya kundi maging sa ating bansa.

Sa pagsambulat ng ­balita kaugnay ng kasong sex trafficking na isinampa ng United States Federal Prosecutors Office laban kay Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy na kilalang malapit sa Pangulo, may agam-agam ang publiko.

Isasakripisyo ba ng Pangulo ang kanyang spiritual adviser na may-ari ng private jet na kanyang ginagamit sa tuwing siya’y maglilibot sa iba’t ibang panig ng bansa noong siya’y kandidato taong 2016 at matapos maluklok na Pangulo sa Palasyo?

Pwedeng oo, lalo pa’t siya’y muling kumakandidato bilang senador para sa eleksyon sa Mayo ng susunod na taon. Bakit nga naman hindi, mistulang dagok sa kanyang kandidatura ang kunsintihin o protektahan ang isang taong maaaring maging dahilan ng pagkatalo.

Ganito rin ang nakitang estilo ng Pangulo sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa iba pang ka­alyado. Maging ang mga Tsinong negosyante sa likod ng Pharmally na umano’y nagsampa at nagkamal ng malaking pera kaugnay ng kontrobersyal na kontrata nito sa kanyang gobyerno, bibitawan na rin.

Pwede rin naman hindi, lalo pa’t malaki ang bilang ng mga kapanalig ni Quiboloy na minsan nang nakapagbigay ng ­malaking boto kay Duterte, bago pa man ito kumandidatong Pangulo.

Ang tinuran ni Justice Secretary Menardo Guevarra, mas lamang ang posibilidad na si Quiboloy ay mananatiling protektado ng Pangulo.

Ayon kay Guevarra, “pag-aaralan” muna nila kung saklaw ng RP-US Extradition Treaty ang sitwasyong kinasasadlakan ng kababayan at kaibigan ni Rodrigo.

Sa madaling salita – dadaan sa butas ng karayom ang US Federal Prosecutors Office bago pa nila makuha ang taong nagpapakilalang bagong Hesukristo.

Pwede naman siguro, pagkatapos na nga lang ng halalan!

Read More

Integridad ng mga examiner pinatitiyak sa LTO DRIVING EXAM PINAGKAKAPERAHAN

0

NANAWAGAN si Sen. Grace Poe sa Land Transportation Office (LTO) na itaguyod ang integridad ng mga examiner at kredibilidad ng pagsusulit na kailangan at ipatigil ang dayaan sa pagkuha ng lisensiya at matiyak na pawang kwalipikadong motorista lamang ang nasa lansangan.

“Mahalaga ang kredibilidad ng pagsusulit at integridad ng examiner upang matiyak na may sapat na kakayahan at kaalaman ang ating mga driver,” diin ni Poe, sponsor ng bagong batas na nagpapalawig sa validity ng mga driver’s license.

Sa ginanap na deliberasyon ng Senado sa 2022 budget ng Department of Transportation (DOTr) at mga ahensiya nito, sinabi ni Poe na kailangang maipasa ang theoretical examination para sa pagkuha ng lisensiya nang hindi nandaraya o nangongopya ng sagot.

“Ang problema sa LTO noon ay nakapaskil sa mga pader ang mga sagot sa exam at kung ganito ang nangyayari, nababalewala ang pagsusulit,” ayon kay Poe.

Kasabay nito, iginiit ng senador na hindi dapat makompromiso ang practical driving exam sa anomang pamamaraan at dapat ipatupad alinsunod sa pamantayang kailangan sa pagbibigay ng lisensiya upang mapaigting ang kaligtasan sa mga kalsada.

“Sa practical driving exam, dapat walang bayaran. Tingnan talaga kung marunong iyong driver. Kasi kahit pa may 15-hour course, pagdating doon ay nagdadayaan din lang at hindi pa din natin alam kung maalam na nga ang driver,” paliwanag ni Poe.

Sa kanyang interpelasyon, sinabi rin ni Sen. Ralph Recto, “Ang aking problema dito ay masyadong notoryus sa DOTr ang paghahanapbuhay.

Iyon nga, iyong mga test, pwede kang magbayad para sagutin… So ito baka hanapbuhay na naman. Iyan ang reklamo ng maraming mga kababayan natin… Isinabatas nating gawin itong simple upang maibsan ang red tape para sa ordinaryong mamamayan, hindi para dagdagan.”

Kasunod nito, inatasan din ni Poe ang LTO na magsumite ng kopya ng implementing rules and regulations (IRR) na saklaw ng oversight ng lehislatibo.

“Humihingi tayo ng kopya ng IRR at kailangang rebyuhin natin ito upang matiyak na napagsisilbihan ang ordinaryong mamamayan at hindi nabigyan lamang ng panibagong bigat ng pamahalaan,” giit niya.

Samantala, ipinagdiwang ng bansa ang “National Day of Remembrance for Road Crash Victims, Survivors and their Families” noong Linggo alinsunod sa itinakda ng Republic Act 11468 na iniakda at inisponsor ni Poe. (ESTONG REYES)

Read More

Isusulong sa Senado WAIVER SA BANK SECRECY LAW SA GOV’T OFFICIALS

0

MULING ihahain ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero, kapag nahalal siya sa Senado, ang dati niyang panukala na nag-uutos sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno na pirmahan ang waiver na nagpapahintulot sa Ombudsman na matingnan ang lahat ng kanilang bank deposits at investment bonds sa Pilipinas man o sa ibang bansa.

Unang inihain ni Escudero ang panukala nang mahalal siya sa Senado noong 2007 at muli niya itong ipinasa noong 2013 sa layong pairalin ang transparency at accountability at upang malabanan ang mga nakawan at katiwalian sa buong burukrasya.

“Hindi po tayo matitinag na ihain ang panukala nang paulit-ulit at ipagtanggol ito sa plenaryo kung tayo ay pagbibigyang muli ng taumbayan na maglingkod sa Senado,” ani Escudero.

“Umaasa tayo na hindi man ngayon, darating din ang pagkakataon at panahon na magiging katanggap-tanggap na ang panukala at magkaroon din ng malawakang panawagan ang mamamayan,” pagbibigay-diin ng beteranong mambabatas.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 16 na kanyang inihain noong senador siya, ninanais ni Escudero na gawing mandatory para sa lahat ng opisyal ng gobyerno ang pagpapasa ng waiver kung saan pinapayagan nila ang Ombudsman na tingnan ang kanilang bank deposits at investments bilang pagsawata na rin sa mga nakawan at katiwalian.

“Palagi po nating sinasabi, ‘public office is a public trust.’ Sa huli’t huli, ang bawat opisyal ng gobyerno ay may pananagutan sa mga mamamayan,” ani Escudero na nilalaman din ng explanatory note sa kanyang panukala.

Kapag naging batas, maaalis na ang mga restriksyon sa ilalim ng RA No. 1405 o ang “Bank Secrecy Act of 1955” kung saan bawal ibunyag o busisiin ang mga deposito sa mga banko. (ESTONG REYES)

Read More