488 bayan, 58 lungsod PASOK SA 2022 ELECTION HOTSPOTS

(JESSE KABEL)

HIGIT na pagtutuunan ng Philippine National Police (PNP) ang hindi bababa sa 488 munisipalidad at 58 siyudad na nasa paunang talaan ng mga lugar sa ilalim ng kategoryang election hotspots para sa nalalapit na halalan sa Mayo ng susunod na taon.

Sa isang pahayag, nilinaw naman ni PNP Acting Director for Intelligence Police Brigadier General Michael John Dubria na sa nasabing bilang mas mahigpit na pagbabantay naman ang kanilang gagawin sa mga lokalidad na klasipikadong “red category.”

“The good thing about this is under the red category, we have only 3% out of the total 1,438 number of towns in the country and we also have 5% of 146 cities in the country. So, ‘yun lang ‘yung figure natin translated into just 39 towns and seven cities na pinaka-typical natin na binabantayan,” saad ni Dubria sa isang press briefing.

Ayon naman sa Commission on Elections (Comelec), ang anumang lugar ay pwedeng mapasama sa talaan ng mga red categories batay sa magiging rekomendasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaang bahagi ng proseso ng halalan. Sa sandaling mapabilang sa red category, posible rin anilang isailalim sa Comelec control ang mga tinukoy na lokalidad.

Kabilang sa mga lokalidad sa ilalim ng red category ang mga bayan at lungsod sa Mindanao. May ilan rin anilang mula sa ibang rehiyon.

Pasok din sa kanila anilang babantayan ang mga kaganapan sa mga lokalidad sa ilalim ng orange category na may rekord ng “election-related violence” o ulat kaugnay ng presensya ng mga armadong grupo tulad ng mga private armies ng mga pulitiko, mga komunistang rebelde o teroristang grupo.

Paglilinaw naman ni PNP chief Police General Dionardo Carlos, pwede pang magbago ang talaan lalo pa’t patuloy naman ang masusing “validation,” kasama ang Joint AFP-PNP Intelligence Committee, Armed Forced of the Philippines at Philippine Coast Guard ng mga naturang mga lugar.

“Yung pagbabantay natin during the election period, on how we collectively make sure that they cannot be an area of concern, doon tayo magbe-base –’yung tulong-tulong na pagbabantay to make sure these areas will not be an area of concern at ‘yung mga green will stay green, ‘yung yellow will make it to green areas,” dagdag pa ng opisyal.

Mas magiging mahigpit din anila ang PNP sa mga inihaing aplikasyon para sa License To Own and Possess Firearms (LTOPF), habang sususpindihin naman umano ang permit to carry (PTC) sa hudyat ng pagsisimula ng pangangampanya.

“The ban on firearms will be from January 9 to June 8 of 2022, so definitely ang suspended ‘yung privilege ‘yung (what is suspended is the privilege of) PTC. However, the PNP will not stop in processing their request to be given that privilege, but the effectivity will be not during the period of election,” sambit pa ni Carlos.

‘Di pwede ipagpaliban

Samantala, sa gitna ng panawagang pagpapaliban sa nalalapit na halalan, nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) na tuloy na tuloy ang pinananabikang sagupaan ng mga nagnanais manungkulan sa gobyerno.

Ayon kay Director James Jimenez na tumatayong Comelec spokesperson, malinaw na paglabag sa Saligang Batas ang postponement ng 2022 presidential elections.

Bukod sa aniya’y “unconstitutional” wala rin aniyang makatwirang dahilan ang panawagan ng isang grupong nagpakilalang Coalition for Life and Democracy (CLFD) na i-usog ang halalan sa Mayo 2025, sa halip na sa darating ng Mayo ng susunod na taon.

Giit ng nasabing grupo, kailangang ipagpaliban ang halalan dahil sa patuloy na banta ng pandemyang dulot ng COVID-19.

Tugon naman ng opisyal, maaari lamang suspendihin ng poll body ang halalan kung mapapatunayang hindi patas ang magiging resulta ng botohan – at sa limitadong panahon lamang, at hindi tatlong taon tulad ng nais ng CFLD.

Paglilinaw ng opisyal, bagamat nasa Comelec en banc ang pagpapasya ng nasabing usapin, wala umano silang nakitang anumang katanggap-tanggap na argumentong magbibigay daan para payagan ang nasabing petisyon. (May dagdag na ulat si RENE CRISOSTOMO)

243

Related posts

Leave a Comment