58 KATAO NA-TRAP SA GUMUHONG PADER

UMABOT sa 58 katao ang nasagip nang ma-trap sa kani-kanilang bahay nang gumuho ang isang pader sa Ermita, Manila dulot ng malakas na hangin at ulan dala ng bagyong Ulysses.

Base sa ulat ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila, pasado alas-2:00 ng madaling araw nitong Huwebes nang mag-collapse ang pader sa panulukan ng Sta. Monica St. at MH Del Pilar St., sakop ng Barangay 668, sa Ermita.

Dahil sa malakas na ulan na may kasamang hangin, gumuho ang nasabing pader sa nabanggit na lugar.

Ayon kay Department of Public Service (DPS) director Kenneth Amurao, may mga bahay sa tabi ng naturang pader kaya’t na-trap ang tinatayang 58 indibidwal na naninirahan doon.

Napag-alaman naman mula kay Manila Chief of Staff Cesar Chavez, agad nagsagawa ng rescue operation ang mga awtoridad kaya nasagip ang na-trap na mga residente.

Nahirapan ang rescuers sa pagsagip sa mga residente dahil sa malakas na ulan at hangin, lalo na’t malapit ang pinangyarihan ng insidente sa Roxas Boulevard.

Pinangunahan ng Manila DRRMO ang rescue operation, kasama ang mga tauhan ng Manila Police District at DPS.

Nabatid mula kay P/Col. Narciso Domingo, deputy director for administration ng Manila Police District (MPD), dinala muna ang nasagip na mga residente sa Archdiocesan Shrine of Our Lady of Guidance o Ermita church, para may masilungan sila habang nananalasa ang bagyo. (RENE CRISOSTOMO)

157

Related posts

Leave a Comment