448 CURFEW VIOLATORS, NADAKIP SA PASAY

PINAIGTING ng pamahalaang lungsod ng Pasay at pulisya ang pagpapatupad ng health protocols sa gitna ng patuloy na pagsipa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), nagresulta sa pagkahuli sa 448 residenteng lumabag sa curfew hours noong Marso 16.

Ayon kay Pasay City Police chief, P/Col. Cesar Paday-os, “marami pa ang nagpapalusot, kahit alam na nila na may [bagong] curfew na ipinatutupad ay lumalabas pa rin sila ng kani-kanilang bahay kahit walang importanteng dahilan”.

Ang first time offenders ay inililista sa barangay blotter.

Para naman sa second offense, ang mga lumabag ay pagmumultahin ng P1,000, habang ang pangatlo at mga susunod pa ay magmumulta ng P5,000 bawat isa.

Sabi naman ni Mayor Emi Calixto-Rubiano, lahat ng mahuhuli sa paglabag sa ordinansa ukol sa curfew na iisyuhan ng citation tickets mula sa Office of the City Treasurer, ay dapat mabayaran ang multa sa loob ng 24 oras upang mabilis ding mapalaya ang mga lumabag.

Isa ang Pasay sa mga lungsod sa Metro Manila na mayroong maraming kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Maraming barangay sa lungsod ang isinailalim sa kuwarantina upang mapigilan ang hawaan sa COVID-19. (MARINHEL T. BADILLA)

92

Related posts

Leave a Comment