102 COVID-19 RECOVERIES NAITALA SA NAVOTAS

UMABOT sa 102 COVID-19 patients ang naka-recover habang isa ang binawigan ng buhay sa nasabing sakit sa Navotas City, ayon sa ulat ni Mayor Toby Tiangco noong Biyernes.

Samantala, sa nasabi ring araw, 278 ang dumating na resulta ng COVID testing na isinagawa noong Hulyo 31 at sa bilang na ito ay 30 ang bagong kumpirmadong kaso at 247 ang nagnegatibo.

Walang puknat ang paalala ng pamahalaang lungsod sa mga nagnegatibo na huwag maging kampante dahil kahit nagnegatibo ang mga ito ay maaari pa rin silang mahawaan.

“Mahigpit pa rin po nating ipatutupad ang stay home policy. Kaya po nagpapatupad tayo ng curfew at schedule ng paglabas at pagbili ng mga pangangailangan. Hanggang maaari, kung wala
namang kailangang gawin, manatili po sa bahay. Ito ang pinakauna nating proteksyon mula sa COVID-19,” sabi ni Mayor Tiangco.

Dagdag pa ng punong-lungsod, kung hindi maiiwasan ay siguruhing protektado kapag lalabas at sumunod sa safety measures dahil sariling buhay at buhay ng sariling pamilya ang nakataya.

Hangang alas-8:30 ng gabi noong Agosto 7 ay 3,068 na ang nagpositibo sa COVID-19 sa Navotas. Sa bilang na ito ay 1,675 ang active cases, 1,292 ang gumaling at 101 na ang namamatay. (ALAIN AJERO)

85

Related posts

Leave a Comment