3 BANGKAY SA GINAGAWANG BAHAY

NATAGPUANG walang buhay sanhi ng mga saksak sa katawan ang tatlo katao sa isang ginagawang bahay sa Caloocan City kahapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Arjay Belencio y Sarmiento, 22, estudyante; Glydyl Belonio y Mamon, 23, nursing graduate; at Mona Ismael habibolla, 22, isa ring nursing graduate na natagpuan sa Catmon St., Phase 1, Brgy. 179, Amparo Subd., Caloocan City, dakong 12:30 ng hapon.

Ayon sa pulisya, isang kaanak ng mga biktima ang nag-utos kina Jhonny Aliansas, 30, panadero at John Roy Sarmiento, 20, na puntahan ang nasabing ginagawang bahay dahil paulit-ulit nang tinatawagan sa kanilang cellphone ang mga biktima ngunit hindi sila sumasagot.

Pagdating nila Aliansas at Sarmiento sa naturang bahay ay nakakandado ang gate kaya’t binato nila ang bahay ngunit wala pa ring lumalabas o sumasagot.

Dito ay nagpasya ang dalawa na akyatin na ang bakod at at pagpasok nila ng bahay ay bumulaga sa kanila ang mga bangkay ng tatlong biktima.

Naunang rumesponde sa lugar ang mga tanod na sina Geronimo Cano at Reynaldo Vecino kasama sina Patrolman Jimmy Vargas at Patrolman Gellord Catabang ng Caloocan Police Sub-Station 15.

May hinala ang mga awtoridad na iisa lang ang salarin ngunit dalawa ang ginamit nito sa pagpatay – ang kitchen knife at icepick na ipinansaksak sa mga biktima.

Posible rin umanong kakilala ng mga biktima ang salarin dahil walang palatandaang pinuwersang pasukin ang bahay. (FRANCIS SORIANO)

235

Related posts

Leave a Comment