ARESTADO ang 31 indibidwal makaraang salakayin ng pinagsanib na pwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at National Bureau of Investigation (NBI), ang isang investment at love scam hub sa magkahiwalay na operasyon sa Bohol.
Ayon sa PAOCC, bitbit ng mga awtoridad ang Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data na inilabas ng isang Regional Trial Court sa Lapu-Lapu City, Cebu nang isinagawa ang operasyon.
Magkahiwalay na sinalakay noong Nobyembre 10 at 11 ang nasabing mga hub sa mga lugar ng Panglao at Dauis. Katuwang ng dalawang law enforcement agency sa operasyon, ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ang naarestong mga indibidwal ay hinihinalang sangkot sa investment, cryptocurrency, at romance scam operation.
Lumitaw sa paunang imbestigasyon, nadiskubre na organisado ang naturang grupo na gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan para makapangbiktima gamit ang cryptocurrency at iba pang financial channels.
Nasamsam ng mga awtoridad ng daan-daang computer, mobile phone, SIM card, Starlink communication equipment, mga financial record, at mga nakahandang messaging script na umano’y ginagamit upang makapanloko
Lumitaw rin sa paunang digital forensic examination ng mga awtoridad ang mga financial dashboard, transaction record, at ledger na nagkakahalaga ng humigit kumulang sa 10 milyong dolyar
Ayon kay PAOCC Executive Director, USec. Benjamin Acorda Jr., posibleng may kaugnayan ang nalansag na scam hub sa dati nang sinalakay sa Cambodia base sa mga nakuhang dokumento sa ilan sa mga naaresto.
(TOTO NABAJA)
203 