IRM, BAGONG SCAM SA PHILHEALTH?

HAHALUKAYIN sa mababang kapulungan ng Kongreso ang Interim Reimbursement Mechanism (IRM) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil sa posibilidad na ito ang
bagong scam sa ahensya.

Ito ang nabatid kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate sa virtual press conference kahapon kaugnay ng kanilang ihahaing resolusyon para imbestigahan ang pagpabor ng PhilHealth sa ilang piling pagamutan sa bansa.

“Usapin ito doon sa pondo ng Interim Reimbursment Mechanism ng PhilHealth na mukhang naabuso na naman nila at malaking pondo na naman ang involved dito,” ani Zarate nang tanungin
ng Saksi Ngayon kung anong bagong anomalya ang natuklasan ng mga ito sa nasabing state insurance firm.

Hindi nagbigay ng detalye si Zarate kung magkano ang pondong sangkot sa IRM na ipinamigay umano ng PhilHealth sa may 600 ospital sa bansa subalit inaasahan na bilyones umano ito.

Sa ilalim ng IRM, nag-cash advance umano ang mga ospital sa PhilHealth subalit hindi na ito ipinali-liquidate ng ahensya sa mga pagamutan kung paaano nila nagastos.

“May mga pinaboran na entities (hospitals) dito sa reimbursement nga na ibinibigay ng PhilHealth sa mga ospital at sa iba pang pagkakautang sa kanila,” ayon pa sa mambabatas.

“So ‘yun ang gusto nating paimbestigahan dahil may nakita na naman tayong anomalya kaya maghahain kami ng resolusyon anytime,” dagdag pa ng progresibong mambabatas.

Sa pagkakataong ito, kailangan aniyang seryosohin ang imbestigasyon sa PhilHealth at kailangang matiyak na may maparurusahan na dahil wala aniyang indikasyon na tumitigil ang katiwalian dito.

Una nang naghain ng resolusyon si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor para imbestigahan ang PhilHealth dahil patong-patong na ang anomalyang nangyayari rito subalit walang
naparurusahan.

Layon ni Defensor na makagawa ng batas para i-overhaul ang PhilHealth at masiguro na lahat ng sangkot sa anomalya ay maparurusahan dahil nagagamit umano ng sindikato ang loopholes ng
batas upang malusutan nila ang katiwaliang kinasasangkutan. (BERNARD TAGUINOD)

119

Related posts

Leave a Comment