SCTEX MAY TOLL FEE HIKE

subic21

(NI KEVIN COLLANTES)

SIMULA sa susunod na linggo ay magpapatupad na ang Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx) ng panibagong toll fee increase.

Ayon sa North Luzon Expressway Corp. (NLEX), na siyang operator ng SCTEx, ito’y matapos na aprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang hiling nitong karagdagang P0.51 per kilometer na toll hike.

Anang NLEX, ang bagong toll hike ay sisimulan nilang kolektahin simula 12:01 ng madaling araw ng Hunyo 14, Biyernes.

Nabatid na sa ilalim ng bagong toll rates, ang mga class 1 vehicles o mga ordinaryong kotse na bibiyahe mula Mabalacat City (Mabiga Interchange) sa Pampanga hanggang Tarlac ay kinakailangang magdagdag ng P20, o mula sa dating P104 lamang na toll fee, ay magiging P124 na.

Ang mga Class 2 vehicles naman, na kinabibilangan ng mga bus at mga small commercial trucks, na bibiyahe sa kaparehong ruta ay madaragdagan naman ng P40 o mula P208 ay magiging P248 na.

Ang mga trailer trucks naman, na kabilang sa Class 3 vehicles ay magbabayad ng karagdagang P60, o magbabayad na ng P372 mula sa dating P312.

Samantala, kung ang ruta naman ay mula Mabalacat at Tipo at Subic, ang mga Class 1 vehicles ay kinakailangang magdagdag ng P32; P66 naman ang dagdag kung Class 2 vehicles at P98 kung Class 3 vehicles sa babayarang toll fee.

Ayon sa NLEX, ang naturang petition for toll rate adjustments ay inihain ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) noong 2011 pa.

 

343

Related posts

Leave a Comment