RUSSIA AT CHINA MAGKAMUKHA

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

KAHIT saang anggulong tingnan, magkamukhang magkamukha ang China pagdating sa pambu-bully ng maliliit at mahihinang bansa dahil marahil sa kanilang military power.

Parehong malaki ang ­teritoryo ng dalawang bansa na ito at isa sa mga tinitingala pagdating sa military might kung tawagin, dahil sa moderno nilang mga kagamitang pandigma.

Ang Russia, binu-bully ang mga bansa sa paligid nila at gusto ni Vladimir Putin na manaliting mahina ang mga ito kaya tutol sila na maging kasapi ng North Atlantic Treaty Organization (NATO).

Kapag kasi miyembro ng NATO ang mga bansa sa paligid ng Russia, hindi na nila malulusob ito dahil tiyak na sasaklolo ang NATO kaya bago maging miyembro ng organisasyon ang Ukraine ay nilusob na nila ito.

Bawal ding batikusin ng mga Russian si Putin dahil ang sinumang kokontra sa kanya ay ikakarsel niya.

Parehong-pareho ito sa ginagawa ng China na hindi kontento sa kanilang napakalaking ­teritoryo at gusto pang sakupin ang ­teritoryo ng ibang bansa tulad ng Pilipinas, Japan at higit sa lahat ang Taiwan.

Tulad ng Russia, ipinapanakot ng China ang kanilang military power kaya ang mga bansang kanilang binu-bully tulad natin ay hindi makapalag dahil alam nila na wala tayong laban kapag nagkagiyera.

Dahil diyan, nagagawa nila ang lahat ng gusto nila sa ating territorial waters sa West Philippine Sea (WPS). Nakapagtayo na sila ng military facilities at itinataboy nila ang mga Pinoy sa ating sariling teritoryo. Wala tayong magawa kundi magprotesta.

Nagbabanta ring lusubin ng China ang Taiwan. Napakaliit na bansa pero interesadong interesado si Xi Jinping na makuha ang islang ito. Alam ko, may malaki silang plano, mas matindi kapag nakontrol na nila ang bansang ito.

Kalahi ng China ang mga Taiwanese pero handa nilang durugin ang bansang ito at mga kadugo nila para sa isang mas malaking plano lalo na’t ang Taiwan ay nakabungad sa Pacific Ocean.

Sabagay, kayang ­isakripisyo ni Xi Jinping ang buhay ng kanyang mga kababayan na hindi yuyuko sa kanya tulad ng ginagawa nila sa kanilang kababayang Muslim sa Eastern China na ­Xinjiang.

Ang lupit ng China sa mga Uyghur.

Pero hindi dapat itodo ng China ang kanilang yabang dahil kahit si Putin na may pinakamodernong military hardware ay napapahiya sa Ukraine dahil sa kabila ng kanilang military might, hindi nila ­masakop nang buo ang bansang ito.

Lumalaban ang Ukrainian nang patayan bagay na maaaring gawin din ng ibang mga bansa na binu-bully ni Xi Jinping para ipagtanggol ang kanilang bayan, lahi, kultura at demokrasya.

Ang mensahe ng giyera sa Ukraine ay malinaw: Hindi ­batayan ang military power para maagaw ang isang bansa.

191

Related posts

Leave a Comment