107 bagong kaso sa PNP 55 PULIS PATAY SA COVID-19

NANANATILING hindi ligtas ang hanay ng mga pulis sa epekto ng pandemya sa coronavirus disease 2019 nang tumaas pa sa 55 ang bilang ng mga kagawad ng Philippine National Police na nasawi sanhi ng nasabing sakit.

Ayon kay PNP-Administrative Support on COVID-19 Task Force commander, Lt. Gen. Guillermo Eleazar, base sa hawak nilang datos noong nakalipas na linggo, isang 39-anyos na babaeng non-uniformed personnel na nakatalaga sa PNP-Directorate for Personnel Records and Management (DPRM), ang namatay noong Linggo.

Una rito, araw ng Sabado nang masawi naman ang isang 46-anyos na lalaking police non-commissioned officer na nakatalaga sa PNP National Capital Regional Police Office.

Patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease sa hanay ng PNP at base sa record ng PNP Health Service hanggang alas-6:00 ng gabi noong Linggo (April 25), umabot na sa19,639 ang confirmed COVID-19 cases sa loob ng kanilang organisasyon.

Nabatid na 107 pulis ang naitalang kabilang sa mga bagong COVID-19 cases na napaulat noong Linggo kabilang ang apat na ‘reinfection’ o muling nasalinan ng coronavirus.

Sa nasabing bilang, 1,930 ang aktibo pang kaso habang nasa 240 naman ang bilang ng mga pulis na nadagdag sa mga gumaling sa nakahahawang sakit.

Dahil dito, 17,654 na ang total recoveries sa hanay ng PNP sa naturang sakit.

Samantala, nasa 10,842 na ang bilang ng mga pulis na nakatanggap ng unang jab ng COVID-19 vaccine habang nasa 2,357 naman ang nakatanggap na ng kanilang ikalawang dose ng bakuna. (JESSE KABEL)

80

Related posts

Leave a Comment