QUEZON – Apatnapu’t anim kataong pinaniniwalaang tagasuporta ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nagbalik-loob sa pamahalaan bilang tugon sa panawagan ng pagkakaisa sa gitna ng pandemya.
Bilang patunay ng kanilang pagtalikod sa komunismo, sila mismo ang sumunog sa pulang bandilang kumakatawan sa Communist Party of the Philippines, National Democratic Front at maging sa NPA at iba pang makakaliwang kilusang dati nilang kinanlong.
Lubos naman ang pasasalamat ni 202nd Brigade Commander na si Col. Cerilo Balaoro Jr. ng Philippine Army sa pagbabalik-loob ng mga dating rebelde dahil sa pagtanggap ng programang pangkapayapaan ng pamahalaan.
“Ang lahat ng mga hinaing at suliranin ay ating matuldukan kung tayo ay magtutulungan at sama-samang gagalaw tungo sa mapayapa at maunlad na pamamaraan,” saad ni Balaoro.
“Ang adhikain ng ating kasundaluhan kasama ang kapulisan at lokal na pamahalaa ng Quezon ay ang magkaroon tayo ng pangmatagalan na kapayapaan,” dagdag pa niya.
Kaugnay nito, tuluyan na rin kumalas ang 37 kasapi ng mga grupong may direktang kaugnayan sa terorista NPA sa bayan ng Macalelon sa lalawigan pa rin ng Quezon.
Kabilang sa mga tumiwalag ay mga miyembro ng militanteng grupong Karapatan, Pinagkaisang Lakas ng Magbubukid sa Quezon (PIGLAS-Quezon) at Anakpawis.
Makaraang lumagda rin sa isang kasunduan, sabayang nanumpa ang mga rebelde, kasama ang mga kinatawan mula sa tanggapan ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa Macalelon at ibang ahensya ng gobyerno.
Malugod namang tinanggap ni Lt Col. Danilo Escandor, commander ng 2nd Infantry Division, ang mga nagbalik-loob sa gobyerno kasabay ng pagtitiyak na kanilang tutulungan at bibigyang proteksyon ang mga ito sa kanilang pagbabagong-buhay.
“Hinihingi ko po ang iyong suporta upang hikayatin pa ang ating mga kababayan na nalihis ng landas at magbalik-loob na din sa gobyerno upang makamit ang kapayapaan at kaunlaran na minimithi ng bawat mamamayan,” sambit pa ni Escandor. (CYRILL QUILO)
