300 bahay natupok 1 PATAY, 2 SUGATAN SA ZAMBOANGA FIRE

ZAMBOANGA CITY – Tinatayang 300 kabahayan na karamihan ay gawa sa light materials, ang natupok habang isa ang patay at dalawa ang sugatan sa insidente ng sunog sa Sitio Asinan, Barangay Kasanyangan sa lungsod na ito, noong Sabado ng gabi.

Ayon sa report ng Zamboanga City Bureau of Fire Protection, bandang alas-8:15 ng gabi nang magsimula ang sunog sa boarding house na pagmamay-ari ng isang Jane Halil habang may nagaganap na handaan.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil sa bukod sa gawa sa light materials ay halos magkakadikit ang mga bahay.

Mabilis na sumaklolo ang mga tauhan ng BFP ng Zamboanga City at ilan pang katabing bayan subalit nahirapang apulain ang apoy.

Nang maapula ang apoy matapos tupukin ang mga kabahayan, agad nagsagawa ng assessment ang BFP at ang Zamboanga City LGU.

Napag-alaman na isa ang nasawi kaugnay sa sunog matapos na makuryente sa kasagsagan ng pananalasa ng apoy.

Kinilala ang biktimang si Bennajar Ismael Anding, 31, residente ng lugar. Dalawa naman ang nasugatan na isinugod sa ospital.

Sa pagtataya ng BFP, aabot sa P3 milyong halaga ng mga ari-arin ang natupok sa insidente.

Pansamantalang inilipat sa covered court ng malapit na paaralan ang mga biktima ng sunog habang ang ilan ay pansamantalang nakituloy sa barangay hall at ang iba ay sa kanilang mga kamag-anak.

Ayon pa sa BFP, posible umanong faulty electrical wiring ang naging sanhi ng sunog bagama’t ‘di pa tapos ang imbestigasyon.

(NILOU DEL CARMEN)

80

Related posts

Leave a Comment