Prangkisa bubuhayin sa termino ni Velasco ABS-CBN BABALIK SA 2021

KINUMPIRMA mismo ni Deputy Speaker at Buhay Party-list Rep. Lito Atienza na magbubukas muli sa 2021 ang operasyon ng TV giant ABS-CBN bilang resulta ng pagpapalit ng liderato sa House of Representatives.

Ayon kay Atienza, sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Lord Allan Velasco ay maibabalik sa floor ang diskusyon sa pagpapalawig sa prangkisa ng ABS-CBN.

“I am really confident, justice will prevail by next year. They (ABS-CBN) were maltreated, they were eventually assassinated, so they should be given justice. Ako, I am just giving the new Speaker time to settle. Hindi naman natin puwedeng biglain, major battle, kauupo lamang niya. But I am not shying away from the responsibility and for the opportunity to come – that I’m working on – para maibalik natin ‘yung floor discussion. Hindi ‘yung special firing squad ang pumatay sa ABS-CBN, firing squad eh,” paliwanag ni Atienza kung saan ang firing squad ay ang patukoy sa ginawang pagbasura agad sa committee level ng franchise renewal application ng giant network at hindi na ito naisalang sa House Plenary.

Sa botong 70 pabor, 11 na pagtutol at 1 abstain ay matatandaang binasura ng House Committee on Legislative Franchises ang aplikasyon para sa franchise renewal ng ABS-CBN.

Sinabi naman ni House Minority leader at Abang-Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano na pagpasok ng 2021 ay maaari nang maghain ng franchise renewal application ang ABS-CBN alinsunod na rin sa rules ng Kamara.

Sa ngayon ay wala pang pro-ABS-CBN congressman ang naghahayag ng kanilang intensyon na maghain ng panukala para i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN subalit kung pagbabatayan ang

House rules ay maaaring hindi na maghain ng bagong aplikasyon dahil pwedeng gamitin ang dati nang panukala dahil walang pagbabawal sa filing o refiling ng mga bill na hindi naaktuhan ng komite.

Nang tanungin si Atienza kung isa siya sa maghahain ng panukala para sa franchise renewal ng ABS-CBN, positibo ang kanyang naging sagot at sinabing gagawin nya ito pagdating ng panahon.

Matatandaan na may 16 mambabatas sa Kamara ang sponsor ng iba’t ibang resolusyon at panukala para sa franchise renewal noon ng ABS-CBN kabilang sina Reps. Sarah Elago, Sol Aragones, Arlene Brosas, Eufemia Cullamat, Lawrence Fortun, Mark Go, Rufus Rodriguez, Josephine Sato, Micaela Violago, Rosemarie Arenas, France Castro, Ferdinand Gaite, Loren Legarda, Vilma Santos-Recto, Joy Tambunting at Carlos Zarate. Ang dalawang sponsor na sina Paduano at Kabayan Party-list Rep. Ron Salo ay nag-withdraw ng kanilang suporta kalaunan.

Tiwala ang mga mambabatas na sa pagbabago ng liderato sa Kamara ay magkakaroon ng pag-asa na mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.

Ilang insider sa Kamara ang suportado rin ang naging pahayag ni Atienza. Anila, inaasahan nilang uusad na ngayon sa liderato ni Speaker Velasco ang ABS-CBN franchise lalo at dalawa na sa supporters ng ABS-CBN sa Kamara ang naipwesto bilang Deputy Speaker. Bukod kay Atienza ay Deputy Speaker na rin si Cagayan Rep. Rufus Rodriguez.

140

Related posts

Leave a Comment