INIHAYAG kahapon ni Philippine National Police chief P/General Camilo Pancratius Cascolan na sinampahan na ng kasong administratibo ang siyam na pulis na inuugnay sa pagkamatay ng apat na Intelligence operatives ng Philippine Army sa Jolo, Sulu.
Bukod sa isinampang administrative charges laban sa siyam na pulis na itinuturong responsable sa pagpatay sa apat na sundalo ay ipinagharap din ng kasong administratibo ng PNP-Internal Affairs Service ang tatlong matataas na opisyal ng Sulu PNP dahil din sa nasabing insidente na nangyari noong Hunyo, 2020.
Una rito, sa ginanap na regular Monday Flag raising ceremony kahapon sa Camp Crame, Quezon City ay may tatlong tagubilin si Gen. Cascolan sa kanyang mga tauhan.
Sa kanyang talumpati, nagbigay ito ng guidance sa hanay ng pambansang pulisya na maging responsable, ikalawa ay maging respetado at ikatlo ang maging disiplinado.
Maliban sa tungkuling ginagampanan ng PNP sa pandemya ng COVID-19, tiniyak ni Cascolan na tututukan din nila ang insurgency, illegal drugs at terorismo.
Ayon sa PNP chief, sa mga susunod na araw, magpapatawag siya ng command meetings at maglalabas ng mga kautusan.
Kasabay ng flag raising ceremony kahapon ay may mga miyembro ng command group ng bagong PNP chief ang nanumpa sa pwesto kabilang si P/Ltgen Guillermo Eleazar na siya ngayon number 2 man sa PNP hierarchy bukod sa pagiging pinuno ng JTF COVID Shield. (JESSE KABEL)
139
