Pasukan na. Panahon na raw ito ng mahabang hamon sa buhay lalo na ng mga magulang.
Malaking challenge partikular para sa mga nanay kapag ang mga tsikiting nila ay hirap o sadyang ayaw pumasok sa eskuwelahan lalo na kung ito ang first time o first day high para sa kanila.
Para sa atin ang pagpasok sa school ay madali lamang. Pero sa mga bata ay sobrang hirap nito kaya marami sa kanila ang ganoon na lamang ang iyak at nagmamakaawang sa bahay na lamang sila at huwag nang pumasok pa sa kanilang mga paaralan.
May ilan pa nga sa mga batang ito na nagtutulug-tulugan na lamang, sakit-sakitang ang dating nila, o mega ang pag-iyak makaiwas lamang para pumasok. Ito ang mga batang nasa preparatory stage ng pag-aaral.
Pero habang bata sila ay dapat mas naroon ang kasanayan sa pagpagpasok sa paaralan.
Takot ng mga bata
Bilang mga magulang o guardians, dapat alam natin kung bakit ganito ang emosyon ng bata. Alamin natin kung ano ang takot na ito, halimbawa, at kung paano ito reresolbahin.
Kailangang maipaliwanag sa mga bata kung ano ang dahilan din kung bakit kailangan nilang pumasok. Ngunit huwag ding namang ipilit lagi sa bata na puro pag-aaral lamang ang makukuha niya rito na para sa mga bata ay parang utos ito na wala na silang kalayaan bilang mga bata.
Kailangang ipaintindi sa mga bata na may rules sa schools at may makukuhang skills na puwedeng i-apply dito ang kanilang kahusayan sa paglikha o pagiging creative ng inyong mga anak.
Turuan din ang mga bata na huwag laging nakadepende sa inyo bilang mga magulang. Dapat maturuan ang mga bata na mayroon siyang kayang gawin na mababantayan lamang ng mga magulang na hindi kakailanganing umiyak kahit wala ito sa inyong mga tabi. Ngunit kung gagawin ito ay huwag namang gawin nang biglaan at unti-untiin lamang para makita ang magandang improvement sa mga bata na mayroon silang willingness kung hindi man excitement sa pagpasok.
Habang nasa school kayo ng mga bata at dumating na sa puntong kailangan na ninyong umalis ay magpaalam namang nang maayos sa inyong mga anak. Huwag na huwag silang iwan na hindi nila nalalaman dahil lalong ikakatakot ng inyong mga anak ang pagpasok sa eskuwela.
Kung takot ang bata ay pwedeng pabaunan sila ng kahit na maliit na bagay na magpapaalala sa kanila na hindi kayo magkalayo at nariyan pa rin ang pagmamahal ninyo para sa kanila upang hindi sila matakot.
Bully problem
Hindi maiiwasan na maging problemang kinatatakutan din ng mga bata ay baka ma-bully sila o awayin sila ng ibang mga pupil.
Kung mangyari ito ay agad na paliwanagan ang bata na may teacher silang pwedeng lapitan para rito.
Mahalagang maging panatag ang kalooban ng mga bata na hindi sila mabu-bully kung alam ninyo kung sino ang pwede nilang malapit na mga kaibigan.
Importante rin na sabihin sa bata na huwag silang maging bully sa ibang kapwa nila pupils. Hindi naman mahalaga na maging super friendly ang mga bata, may halaga pa rin na kahit hindi marami ang kanilang kaibigan ay sila ay mabuting mag-aaral at hindi nakikipag-away.
Kung may takot pang iba na ipinapakita ng inyong mga anak ay dapat alamin ang bagay na ito mula sa mga teacher niya sa school o kaya sa mga classmate nito.
Bawasan ang fun factor
Habang may oras pa para makapag-adjust ang mga bata, turuan na sila o ipaintindi na hindi puro laro ang gagawin sa paaralan. Dahil ang totoo ay hindi naman talaga puro laro ang activities nila.
Kung laging sasabihin na laro ang makukuha nila sa school ay ito nang ito ang kanilang hahanapin.
Kung may “pagda-drama” ang bata na may sakit ito ay suriing mabuti kung ito ay totoo at kung hindi ay huwag silang pagalitan. Huwag ding masyadong biruin o makipaglokohan kung biro lamang ang sakit na ginagawa ng bata at hindi ito play day para sa inyong dalawa. Kailangang makita ng mga bata na kayo ay seryoso at seryoso ang kanyang munting responsibilidad na makapag-aral sa school.
Kung parang mahirap pa ring himukin ang batang pumasok, sa kanyang pagbibiro ay puwedeng sabayan ito ng pagsasabing, “Ako rin kapag masakit ang ulo ko pero dahil kailangan kaming pumasok sa office ay dapat mawala agad ang sakit ng ulo para magawa naming ang dapat gawin sa office para hindi ito masayang.” Sa ganitong paraan ay posibleng magka-effort ang mga bata na pumasok na sa paaralan.
Reward
May magandang epekto rin ang pagbibigay reward sa mga bata kapag natapos nila ang araw na sila ay pumasok at may cooperation sa mga activities sa school.
Siguraduhing lamang sa ipinangakong reward ay dapat na matupad ito. Kung hindi ito matutupad ay kapapanghinaan ng loob ng mga bata ang pagpasok sa eskuwela. Magbibigay impresyon din ito na hindi kayo magiging kapani-paniwala at puwedeng ito pa ang maging dahilan na lumayo ang loob nila sa inyo bilang mga magulang. Naroon din ang posibilidad na mahihirapan na rin silang magtiwala sa sinomang nasa school – teacher man o ibang pupils.
Hindi rin naman tamang laging magbigay ng reward sa mga bata sa tuwing may nagagawa ito pabor sa kanyang pag-aaral. Ito ay dahil hindi naman laging available ang magiging reward ninyo para sa kanila.
Kailangang maipaliwanag din sa mga bata ang halaga ng reward at kung para saan ito. At dapat nilang maintindihan na mas mahalaga pa rin ang pumasok at mag-aral nang mabuti kaysa sa mga reward na makukuha nila. (ANN ESTERNON)
1370