Romualdez, Co backer ng DepEd contractor? LAPTOP SUPPLIER ‘UNTOUCHABLE’

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MISTULANG ‘untouchable’ ang supplier ng “pricey” at “outdated” laptops na halagang P2.4 billion at binili para sa Department of Education (DepEd).

Ito ay dahil sa kabila ng rekomendasyon ng Commission on Audit (COA) sa Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) noong isang taon na i-blacklist ang supplier ay hindi rin ito inaksyunan.

Sa 2022 annual audit report ng COA sa PS-DBM, ipinunto nito na base sa isinagawang balidasyon ng kanilang audit team, hindi ginawa ng PS-DBM hanggang Disyembre 31 noong nakaraang taon ang kanilang rekomendasyon na gumawa ito ng resolusyon hinggil sa “termination of contracts or blacklisting of suppliers”.

“The blacklisting and termination review committee has not yet conducted blacklisting proceedings over the subject contracts, thus, a resolution on the termination of contracts or blacklisting of suppliers has not been issued,” pahayag ng COA.

Ito ay taliwas sa pahayag ng PS-DBM management na ang resolusyon para sa terminasyon ng kontrata at pag-blacklist sa supplier ay isinumite na sa head of procuring entity, na si Vice President and Education Secretary Sara Duterte, para sa final approval.

Nauna rito, sinabi ng ahensiya na ang supplier –joint venture ng Sunwest Construction and Development Corp., LDLA Marketing and Trading Inc. and VST ECS Philippines Inc. – ay pinaboran ng PS-DBM kaysa tatlo pang bidders sa kabila ng pagkabigo na masunod ang ‘specifications’ para sa naturang proyekto, partikular ang required clock speed and processor cache para sa laptop units.

Ayon sa isang impormante ng SAKSI Ngayon, konektado kina House Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol party-list Rep. Elizalde Co ang laptop supplier.

Posibleng ito umano ang dahilan kaya nabinbin ang pag-aksyon ng PS-DBM laban sa mga supplier.

Dapat panagutin

Kaugnay nito, hindi lang umano dapat i-blacklist kundi habulin at panagutin ang mga supplier ng biniling laptop para sa DepEd.

Ito ang iginiit ni ACT party-list Rep. France Castro kay DBM Secretary Amenah Pangandaman upang hindi na muling sumalisi sa bidding sa mga government project ang mga supplier.

“Dapat panagutin din ang supplier at sa minimum ay ma-blacklist ito sa pagpasok sa government contracts,” pahayag ng kinatawan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Noong 2021, naglaan ang gobyerno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng P2.4 billion na pondo sa ilalim ng Bayanihan To Recover As One Act para pambili ng laptop para sa public school teachers na gagamitin ng mga ito sa kanilang online classes noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Sa imbestigasyon ng Senado, 39,000 unit ng laptop ang binili ng DepEd sa pamamagitan ng PS-DBM subalit natuklasan overpriced ito ng P979 milyon dahil lumalabas na binili ito sa halagang P58,300 gayung P23,263.50 lamang ang tunay na halaga nito sa merkado o overpriced ng P35,046.50 bawat unit.

Lumabas din sa imbestigasyon ng Senado na bukod sa sobrang mahal ay outdated na ang mga biniling laptop at hindi maaaring gamitin sa online teaching na ikinagalit hindi lamang ng mga guro kundi ng sambayanang Pilipino.

Dahil sa nasabing imbestigasyon, na-pressure ang DBM na maglabas ng resolusyon para iblacklist ang Sunwest Construction and Development Corporation, LDLA Marketing and Trading Inc., at VST ECS Philippines Inc.

Ang mga nabanggit na kumpanya ay nag-joint venture at idineklarang nanalo sa overpriced at outdated na laptop.

Nagbabala si Castro na kapag hindi hindi na-blacklist ang mga nabanggit na kumpanya ay maaaring sumali pa ang mga ito sa mga susunod na government projects bidding kaya kinalampag nito ang tanggapan ni Pangandaman para mabigyan ng hustisya ang public school teachers at taxpayers. (May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)

177

Related posts

Leave a Comment