ANTI-POLITICAL DYNASTY AT ICAIC BILL, PRAYORIDAD NA NG KAMARA

UPANG mapalakas ang kampanya laban sa katiwalian at maibalik ang tiwala ng publiko sa pamahalaan, nakatakdang ipasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga panukalang Anti-Political Dynasty Bill at Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICIAC).

Inanunsyo ito ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa kanyang talumpati kahapon, sa pagbabalik-trabaho ng Kongreso matapos ang halos isang buwang recess, kalakip ng kanyang pakikiramay sa mga biktima ng bagyong Tino at Uwan.

“May isang hamon na patuloy na humahadlang sa pag-unlad—ang korapsyon. Ito ang kalawang ng gobyerno na unti-unting kumakain sa tiwala ng mamamayan. Ito ang tunay na salarin sa bawat proyektong hindi natatapos, sa bawat serbisyong napako, at sa mga pangakong ‘di natupad,” ani Dy.

Tiniyak ng lider ng Kamara na agad nilang pagtitibayin ang pagtatatag ng ICIAC, na papalit sa kasalukuyang Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang bigyan ito ng mas malawak na mandato at kapangyarihan sa pag-iimbestiga ng mga kaso ng katiwalian sa mga proyektong imprastruktura ng pamahalaan.

Kahapon, sinimulan na ng House Committee on Government Reorganization ang pagdinig sa dalawang panukalang batas na layong buuin ang ICIAC, kasunod ng pahayag na limitado ang kapangyarihan ng kasalukuyang ICI.

“Hindi sapat ang galit; kailangan natin ng solusyon. Ang ICI Bill ay makakatulong upang mapanagot ang mga indibidwal na sangkot sa katiwalian sa mga flood control projects,” ayon kay Dy.
Dagdag pa niya, magiging prayoridad ng Kamara ang agarang pagpasa ng nasabing panukala bago ang adjournment sa Disyembre.

“Malinaw ang ating mensahe: there will be zero delays in the passage of this measure because our people have zero tolerance for corruption,” diin ni Dy.

Bukod dito, tiniyak din ni Dy na tatalakayin ng Kamara ang Anti-Political Dynasty Bill, bilang pagtupad sa mandato ng Saligang Batas upang mapalawak ang demokratikong partisipasyon ng mga mamamayan sa pamahalaan.

“Panahon na upang harapin ang isa pang usapin na matagal nang nakasaad sa ating Konstitusyon: ang pagpapatupad ng batas laban sa political dynasty. Ang layunin nito ay hindi upang hadlangan ang sinuman, kundi upang palawakin ang pagkakataon para sa mas maraming Pilipino na makapaglingkod at makibahagi sa pamahalaan,” aniya.

Bagama’t kabilang si Dy sa mga kilalang political family sa Isabela—at isa sa tinatayang 70 porsyento ng mga mambabatas na may pinanggalingang political dynasty—iginiit niyang handa siyang itulak ang mga repormang ito bilang patunay ng kanilang “seryosong” laban para sa pagbabago.

“Patunayan po natin, hindi lamang sa salita kundi sa gawa, na bukas at handa tayong makinig sa ating mga kababayan, dahil dito nagmumula ang tunay na direksyon ng ating pamahalaan,” panawagan ni Dy.

“Seryoso tayo sa pagpapatupad ng mga bagong reporma, dahil alam nating dito nakasalalay ang tiwala ng ating taumbayan. Ang seryosong pagbabago ang tanging daan tungo sa mas maayos, mas makatarungan, at mas maunlad na Pilipinas,” pagtatapos ng Speaker.

(BERNARD TAGUINOD)

61

Related posts

Leave a Comment