NAGPAABOT ng tulong si Senator Christopher “Bong” Go sa mga miyembro ng Family Impaired Massage Association (FIMA) sa Brgy. Dadiangas West, General Santos City na ang mga kabuhayan ay naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa isang tawag sa telepono sa may 25 benepisyaryo, inalam ni Go ang kanilang sitwasyon sa gitna ng nararanasang health crisis.
“Sana nasa mabuti kayong kalagayan,” ani Go. “Sa aking mga kapitbahay diyan sa General Santos City, magkapitbahay lang naman tayo dahil taga-Davao lang naman ako.”
Hinikayat din ng senador ang mga taong may medical conditions na kaagad humingi ng tulong mula sa Malasakit Center sa bansa.
“Kung kinakailangan ninyo magpa-ospital, may Malasakit Center diyan…sa GenSan. Kung kinakailangan ninyo dalhin sa Davao o Manila, ako na ang sasalo sa inyo at gagastos sa inyo.”
Nabatid na ang Malasakit Center sa Dr. Jorge P. Royeca Hospital sa Brgy. Lagao, General Santos City ay ang ika-22 na nag-o-operate na ngayon sa bansa.
Ang mga Malasakit Center ay mga one-stop shop na binubuo ng mga kinatawan mula sa Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corp. at Philippine Charity Sweepstakes Office kung saan maaaring magtungo ang mga pasyente at makahingi ng mabilis na tulong medikal.
Samantala, nagpaabot din ang senador, sa pamamagitan ng kanyang mga staff ng iba pang tulong gaya ng food packs sa mga miyembro ng grupo, gayundin ng masks, face shields, vitamins at mga gamot.
Sa pamimigay ng ayuda, tinitiyak ng grupo ng senador na nasusunod ang health at safety protocols upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng COVID-19.
Nauna nang hinikayat ng senador ang pamahalaan na pagkalooban ng tamang masks ang mahihirap at yaong hindi kayang bumili nito, at magpatupad ng mas malakas na mask-wearing policy sa bansa.
“Let us make this a discipline among all Filipinos as we continue our fight to stop the spread of COVID-19. I am urging the government to use its resources to provide masks, especially to the poor. Importante po ang mahihirap na ‘di makabili ng mask, ito ang gawan nila ng paraan,” aniya.
Matatandaang nagkaloob na rin ang DSWD ng financial aid sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program.
Hinikayat pa ng senador ang mga displaced worker na huwag magdalawang-isip na humingi ng tulong kay Pang. Rodrigo Duterte dahil tungkulin anila ng pamahalaan na tulungan sila.
Pagtiyak pa ni Go, sa sandaling available na ang bakuna laban sa COVID-19 sa bansa, ay mapagkakalooban ang lahat ng mamamayan, bagamat magiging prayoridad aniya ang mga kabilang sa most vulnerable sectors. (FERNAN ANGELES)
216
