1 pang BuCor official nagtatago MURDER ISINAMPA VS. BANTAG, IBA PANG SABIT SA LAPID SLAY

NAISAMPA na kahapon ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang reklamong murder laban sa mga isinasangkot sa pagpatay sa veteran broadcaster na si Percy Lapid kabilang ang suspendidong si Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag.

Sa press conference sa Department of Justice (DoJ), sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, “A case has been filed with the prosecutors and from then we will proceed with the case proper and hopefully this issue will be laid to rest the way it should be.”

Sinabi naman ni Atty. Eugene Javier ng NBI na dalawang murder charges ang inihain para sa pagkamatay ni Lapid at umano’y middleman na si Jun Villamor na isang person deprived of liberty (PDL) sa loob ng New Bilibid Prison.

Bukod kay Bantag, kasama sa mga sinampahan ng reklamo sina Senior Superintendent Ricardo Zulueta, BuCor official, at mga PDL na sina Denver Batungbakal Mayores, Alvin Cornista Labra, Aldrin Micosa Galicia at Alfie Peñaredonda.

May inihain ding reklamo kay Bantag at Zulueta bilang principals by inducement at mga PDL na sina Labra, Micosa, Mario Germones Alvarez at Joseph Medel Georfo bilang principals by indispensable cooperation.

Nasampahan din ang mga PDL na sina Christian Ramac, Ricky Lamigo Salgado, Ronnie Pabustan Dela Cruz, and Joel Alog Reyes ng reklamong principals by direct participation.
Inihayag din sa nasabing press conference na posibleng nagtatago na si Zulueta.

Ani NBI Dir. Medardo de Lemos, gumagawa na ng paraan ang kanilang ahensiya para matunton si Zulueta habang mino-monitor din nila si Bantag lalo na’t wala pa naman inilalabas na arrest warrant laban sa kanya.

Resolbahin Din

Samantala, Bagama’t ikinagalak ng minorya sa Kamara ang mabilis na pagresolba at pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa pagpatay kay Lapid o Percival Mabasa, hindi angkop na hayaan na lang magpagala-gala ang iba pang suspek sa pamamaslang ng mas maraming peryodista.

Apela ni House deputy minority leader France Castro sa DO), tutukan hanggang sa matunton at makasuhan ang mga nagpapatay sa iba pang mga mamamahayag.
Aminado si Castro na nagpamalas ng katangi-tanging pagpupursigi ang DOJ, NBI at Philippine National Police (PNP) sa kaso ni Lapid — na humantong sa paghahain ng kasong murder kay Bantag at iba pa.

“The Department of Justice , National Bureau of Investigation and the Philippine National Police should also be more proactive in investigating other cases of media harassment and killings because up till now, the victims and their kin have yet to attain justice.” Kapabayaan kundi man kawalang pakialam ang nakikitang dahilan ni Castro sa mga media slay cases na aniya’t tuluyan nang nabaon sa limot sa paglipas ng panahon.

Dahil dito, hinamon ng militanteng solon ang mga nabanggit na ahensya na balikan ang kaso ng mamamahayag na pinatay hindi lamang ngayong administrasyon kundi sa mga nakaraan.
Mula 2016 aniya, halos umabot na sa 2000 mamamahayag ang pinaslang.

Ambagan
Para Kay Lapid

Naghain naman ng resolusyon si Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., sa boluntaryong kontribusyon ng mga miyembro ng mababang kapulungan ng Kongreso para sa mga naulila ni Mabasa.
Sa House Resolution 508 na inakda ni Barzaga, umapela ito sa kanyang mga kapwa mambabatas na magbigay ng kontribusyon para sa pinansyal na tulong sa pamilya ng pinatay na broadcaster noong October 3.

“This representation, taking into consideration the plight of the family members of slain journalists like Mabasa, believes that we must also provide financial assistance to the heirs of the deceased commentator,” ayon sa resolusyon ni Barzaga na naglagak ng paunang P100,000.

Una nang nag-ambagan ang mga mambabatas noong kasagsagan ng paghahanap sa gunman ni Mabasa kung saan nakalikom ang Kongreso ng P5,000,000 na ginamit bilang bounty money.

Katarungan sa Pamilya Mabasa

Umaasa naman ang Malakanyang na mabibigyan ng katarungan ang pamilya Mabasa kasunod ng paghahain ng murder complaint laban sa mga iniuugnay sa pagpatay sa broadcaster.
Sinabi ng Office of the Press Secretary  na “very much aware” si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.  sa development ng kaso.

“He (Marcos) is very much aware of the situation. Hopefully, it will pave the way para talagang justice will be served to the family of Mabasa,” ayon kay Officer-in-Charge Undersecretary Cheloy Garafil.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Marcos na hindi siya kumbinsido na natural causes ang sanhi ng pagkamatay ni Crisanto Villamor, ang bilanggo sa New Bilibid Prison na sinasabing middleman sa pagpatay kay Lapid. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

22

Related posts

Leave a Comment