ISA na namang unit ng Yellow Bus Line company, ang pinasabugan ng hinihinalang lawless elements o extortionist group kahapon ng umaga sa Tacurong City, na ikinamatay ng isang pasahero at ikinasugat ng sampu pang mga biktima, base sa inisyal na impormasyong ibinahagi ni Maj. Gen. Roy Galido, commander ng 6th Infantry Divison ng Philippine Army.
Ayon sa paunang impormasyon, dakong alas-6:00 nitong Linggo ng umaga, isang YBL bus mula Kidapawan City via Mlan at Tulunan Road patungong Tacurong City, ang sumabog pagsapit sa bisinidad ng Saint Louis Hospital sa Barangay Isabela, Tacurong City.
Hinihinalang isang improvised explosive device ang itinanim o iniwan sa loob ng bus at saka pinasabog na ikinamatay ng isang pasahero at ikinasugat ng sampu pang mga biktima na pawang tinakbo sa kalapit na Saint Louis Hospital.
Agad na nagpadala ng isang team si MGen. Galido na pinamumunuan ni 1Lt. Caasi ng JTF Talakudong, para i-kordon ang ‘scene of incident’. Mabilis ding nagresponde si Lt. Col. Betita, acting commander ng JTF Talakudong, kasama ang local police at Sultan Kudarat PNP.
Isa sa mga posibleng tututukan ay ang anggulong pangingikil dahil suki na ng mga teroristang grupo at lawless element groups na kikilan ang nasabing bus company, at madalas na pinasasabugan tuwing tatanggi.
“The YBL has been constantly receiving extortion messages ever since and we have been working with them, ‘di lang matiyempuhan kaya siguro nag-counteract ‘yung ano e, but regularly they receive extortion and we’re, may mga leads na kami,” ani MGen. Galido.
Katunayan, isang grupo aniya na sangkot din sa extortion activities at pagpapasabog ang nahuli ng military sa Pikit area sa North Cotabato.
Hinala ng opisyal, posibleng isinakay ng bus company ang suspek sa pagpapasabog habang bumibiyahe, at hindi sa terminal. (JESSE KABEL RUIZ)
