1 PATAY, 1 SUGATAN SA TANDEM SA QUEZON

QUEZON – Isa ang patay at isa pa ang sugatan sa pamamaril ng hindi kilalang riding in tandem suspects sa bayan ng Sariaya sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi.

Kinilala ang napatay na si Edgardo De Castro, 40-anyos, habang sugatan si Gerry Escovilla, 39, parehong residente ng Brgy. Lutucan, Malabag, Sariaya.

Ayon sa Sariaya Police, ang mga biktima ay kapwa laborer, na may hinihintay na tao na kakilala umano ni Escovilla at kakausapin sa lugar na pinangyarihan ng insidente.

Nabatid sa imbestigasyon, nakatayo ang dalawa sa shoulder ng kalsada sa tabi ng kanilang service na motorsiklo sa Sitio Sinturisan, Brgy. Manggalang Bantilan nang dumating at biglang huminto sa harap ng mga ito ang isa ring motorsiklo na sinasakyan ng mga suspek.

Nagbunot ng baril ang backrider at pinagbabaril ang dalawa at saka mabilis na tumakas ang mga suspek.

Natadtad ng tama ng bala ang mga biktima na agad na ikinamatay ng isa sa mga ito.

Isinugod naman sa ospital ang ikalawang biktima at nilalapatan pa ng lunas.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam ang motibo sa krimen at kung sino ang mga suspek.

Inaalam din kung sino ang kakausapin sana ng mga ito sa lugar na posibleng may kinalaman sa krimen. (NILOU DEL CARMEN)

16

Related posts

Leave a Comment