1 PATAY, 4 SUGATAN SA 6 WHEELER TRUCK VS CARGO E-TRIKE

CAVITE – Binawian ng buhay ang isang 17-anyos na binatilyo habang sugatan ang apat na iba pang mga biktima nang magsalpukan ang isang 6 wheeler truck at cargo e-trike sa Bacoor City sa lalawigang ito, noong Huwebes ng madaling araw.

Dead on the spot si Marlon Acqueen, helper, habang nasugatan sina Antoinette I. Asim, 23; Jefferson M. Vilog, 23; driver ng cargo e-trike na si Edzel Canatuan, 23, at Thomas Padreque, 38, driver ng Mitsubishi 6 wheeler truck na naka-hospital arrest sa Saint Dominic Hospital.

Ayon sa ulat ni Corporal Kevin Kenneth Casaman ng Bacoor City Police, dakong alas-3:00 noong Huwebes ng madaling araw nang mangyari ang insidente.

Minamaneho ni Padreque ang Mitsubishi 6 wheeler truck at binabagtas ang inner lane ng kalsada patungo sa direksiyon ng Aguinaldo Highway, habang minamaneho naman ni Canatuan ang cargo e-trike at pasahero niya sina Asim, Vilog at Acqueen at binabagtas ang outer lane ng kalsada.

Ngunit pagsapit sa Tirona Highway, Brgy. Dulong Bayan ng naturang lungsod nang magpalit ng linya si Canatuan at pumasok sa inner lane patungo sa direksiyon ng Kawit dahilan upang magsalpukan ang dalawang sasakyan.

Bunsod nito, tumaob ang cargo e-trike na nagresulta sa pagkamatay ni

Acqueen habang sugatan ang apat katao kabilang ang driver ng

Mitsubishi 6 wheeler truck.

Napag-alaman na walang driver’s license ang nagmamaneho ng cargo e-trike na si Canatuan nang mangyari ang insidente. (SIGFRED ADSUARA)

Related posts

Leave a Comment