TUMANGGAP ng tig-dalawampung libong pisong livelihood assistance ang sampung dating mga rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan noong nakaraang taon, bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na matulungan sila na makapagsimula ng bagong buhay.
Bawat ex-rebels ay nakatanggap ng P20,000 sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasabay ng isinagawang payout ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) para sa mahigit 1,200 beneficiaries mula naman kay Senator Imee Marcos na ginanap sa Provincial Capitol Gymnasium sa Lungsod ng Malolos noong Abril 24, 2023.
Pinangunahan nina Governor Daniel Fernando, Vice Governor Alex Castro ang pamamahagi ng cash aid, kasama ang mga opisyales na sina Lt. Col. Ronnel Dela Cruz, Commanding Officer ng 70 Infantry Battalion, 7th Infantry Division, at 1st Lt. Patricia Louise Ochate, Acting Civil Military Officer ng Philippine Army (PA), at Lamberto Villanueva, Focal DSWD Field Office 3.
Ayon kay Rowena Tiongson, hepe ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa Bulacan, ang nasabing financial assistance ay dagdag suporta para sa sampung dating mga rebelde habang sila ay namumuhay sa lipunan kasama ang kanilang mga pamilya. (ELOISA SILVERIO)
