TINATAYANG 10,000 gramo ng umano’y shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ikinasang anti-narcotics operation kamakalawa ng hapon sa Parañaque City.
Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PDEA Director General Moro Vergilio Lazo, bukod sa ilegal na droga ay may limang drug personalities din ang nadakip ng kanyang mga tauhan sa inilatag na buy-bust operation sa pangunguna ng PDEA RO-NCR Northern District Office.
Nagsilbing support Unit naman ang PDEA RO-NCR Southern District Office, NICA, PDEG Special Operation Unit-NCR, NCRPO Regional Drug Enforcement Unit, at Parañaque City Police Station.
Nabatid na matapos ang ilang linggong surveillance operation ay ikinasa ang buy-bust sting ng mga ahente ng PDEA sa Unit 308, England Building, Kassel Residence, E. Rodriguez St., Moonwalk, Parañaque City.
Dinakip sa nasabing anti-drug operation sina Joeymy Gumbay y Baga, 29, tricycle driver; Jonjon Almario y Mujar, 18, delivery boy;
Ysmael Abas y Butokan, 28; Jonnard Moldez y Diaz, binata, 28, cook; at Sittie Mariam Gumbay y Balimbingan, 28, online seller.
Nakuhang ebidensiya matapos ang matagumpay na buy-bust operation, ang 1000 grams ng suspected shabu; isang black megabox na naglalaman ng 9000 grams ng suspected methamphetamine hydrochloride, bundles ng boodle money; isang pirasong genuine one thousand peso bill with serial number DW840505; apat na cellular phones; at assorted documents containing drug transactions.
Pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Art. II, Section 5 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang limang suspek na nadakip sa operasyon.
(JESSE KABEL RUIZ)
